Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/22 p. 7-9
  • Malapit Na ang Isang Daigdig na Walang Krimen!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na ang Isang Daigdig na Walang Krimen!
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kailangang Edukasyon
  • Kung Paano Darating ang Isang Bagong Sanlibutan
  • Malapit Na ang Bagong Sanlibutan ng Diyos
  • Isang Makatotohanang Solusyon—Posible ba Ito?
    Gumising!—2003
  • Saan Kaya Hahantong ang Daigdig na Ito?
    Gumising!—2007
  • Pagka Dumating na ang Bagong Sanlibutan
    Gumising!—1993
  • Apat na Tanong Tungkol sa Wakas​—Nasagot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/22 p. 7-9

Malapit Na ang Isang Daigdig na Walang Krimen!

KAPAG sinuri natin ang kalagayan ng daigdig sa ngayon, maliwanag na napakahirap maiwasan ang maimpluwensiyahang gumawa ng masama. Ang totoo, tayong lahat ay isinilang na di-sakdal, may hilig na gumawa ng masasamang bagay. (1 Hari 8:46; Job 14:4; Awit 51:5) At mula nang palayasin sa langit si Satanas na Diyablo, lalo siyang nagsisikap na lumikha ng gulo.​—Apocalipsis 12:7-12.

Kakila-kilabot ang ibinunga. Halimbawa, isiniwalat ng isang surbey sa 4,000 bata sa Scotland na dalawang katlo ng mga may edad na nasa pagitan ng 11 at 15 ang nakagawa na ng mga krimen. Ipinakita ng isang surbey sa buong Britanya na halos bawat ikatlong tin-edyer ay walang pagkatigatig ng budhi tungkol sa pang-uumit sa mga tindahan. At mahigit sa kalahati ang umamin na kung sila’y bibigyan ng sobrang sukli, itatago nila iyon.

Ipinakikita ng Italyanong aklat na Lʹoccasione e lʹuomo ladro (Ang Pagkakataon at ang Magnanakaw) kung bakit nagnanakaw ang mga tao. Sinabi ng aklat na ang mga magnanakaw ay may “mahinang kakayahan na pigilan ang sarili” at na sila’y “walang kakayahang ipagpaliban ang kasiyahan.” Sinabi pa ng aklat na karamihan sa mga magnanakaw ay hindi mga propesyonal kundi “mga oportunista [lamang] na handang magsamantala sa situwasyon.”

Kapansin-pansin, binanggit din ng aklat kung bakit maraming tao ang “umiiwas sa paglabag sa batas.” Ito’y naghinuha na ang dahilan ay hindi ang kanilang “takot sa legal na mga parusa kundi dahil sa mayroon silang mga pamantayang moral na humahadlang sa kanila sa paggawa nito.” Saan matututuhan ng mga tao ang gayong wastong mga pamantayang moral?

Ang Kailangang Edukasyon

Buweno, isaalang-alang kung ano ang natututuhan mula sa maraming pinagmumulan ng komunikasyon. Halimbawa, ang mensahe na karaniwang inihahatid ng mga pelikula at telebisyon ay na ang karahasan, pangangalunya, at abusadong paggawi ay katanggap-tanggap. Kung gayon, hindi kataka-taka na ang mga tao ay halos wala nang pagpipigil sa sarili. Sa kabilang dako, ang Bibliya ay may katalinuhang nagtuturo: “Siyang mabagal magalit ay mas maigi kaysa isang taong makapangyarihan, at siyang nagpipigil ng kaniyang diwa ay mas maigi kaysa isang sumasakop sa isang siyudad.”​—Kawikaan 16:32.

Kung isasaalang-alang ang propaganda sa ngayon, hindi dapat ipagtaka na marami ang “walang-kakayahang iantala ang pagbibigay-kasiyahan.” Paulit-ulit, naririnig ng mga tao: “Bumili ngayon at saka na magbayad.” “Maging mabait ka sa iyong sarili.” “Karapat-dapat ka sa pinakamabuti.” “Dapat na ikaw muna.” Ang pagbibigay-kasiyahan sa sarili ay inihaharap na kapuwa normal at wasto. Subalit ang gayong makasariling pangmalas ay salungat sa turo ng Bibliya na “itinutuon ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.”​—Filipos 2:4.

Hindi ka ba sasang-ayon na ang karamihan sa mandaraya ay mga oportunista? Nakalulungkot nga, parami nang paraming tao ang handang samantalahin ang mga kalagayan para sa kanilang sariling pakinabang. Hindi sila nagtatanong kung ang isang gawa ay tama sa moral na paraan. Ang ikinababahala lamang nila ay, ‘Malusutan ko kaya ito?’

Ano ang kinakailangan? Gaya ng nabanggit kanina, kailangan ang mga pamantayang moral. Hahadlangan nito ang mga tao sa paggawa ng krimen, sa di-pagpansin sa kabanalan ng buhay, sa paglapastangan sa pagiging sagrado ng pag-aasawa, sa paglampas sa mga hangganan ng tamang paggawi, at sa pakikialam sa mga karapatan ng iba. Yaong mga hindi natuto ng mga pamantayang ito, gaya ng sinasabi ng Bibliya, ay “nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal.” (Efeso 4:19) Ang kriminal na paggawi ng hindi makadiyos na mga taong ito ang humahadlang sa atin sa pagtatamasa ng isang daigdig na walang krimen.

Kung Paano Darating ang Isang Bagong Sanlibutan

Mangyari pa, sinisikap ng maraming tao na gawin ang kanilang buong makakaya upang maging tapat, mapakitunguhan ang kanilang kapuwa tao nang may paggalang at konsiderasyon, at maiwasan ang mga gawang labag sa batas. Subalit hindi makatuwirang isipin na ang lahat sa daigdig ay gagawa ng ganitong pagsisikap. Marami ang hindi magsisikap, kung paanong ang karamihan na nabuhay noong kaarawan ng matuwid na taong si Noe ay ayaw gumawa ng kung ano ang tama. Sa daigdig na iyon na punô ng karahasan, tanging si Noe at ang kaniyang pamilya ang umiwas sa hindi makadiyos na paggawi, sa gayo’y nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa pamamagitan ng paglipol sa mga hindi makadiyos noong pangglobong Delubyo, pinangyari ng ating Maylalang na umiral ang isang daigdig na pansamantalang walang krimen.

Mahalagang tandaan na ang ulat ng Bibliya tungkol sa Baha at sa pagkalipol ng mga taong hindi makadiyos ay hindi lamang isang kawili-wiling kuwento. Si Jesu-Kristo ay nagpaliwanag: “Kung paanong naganap nang mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng tao.” (Lucas 17:26; 2 Pedro 2:5; 3:5-7) Kung paanong pinuksa ng Diyos ang marahas na daigdig na iyon bago ang Baha, pupuksain din niya ang daigdig na ito na punô ng krimen.

Taglay natin ang sumusunod na katotohanan mula sa isang mapagkakatiwalaang awtoridad, gaya ng ipinahayag ng minamahal na apostol ni Jesus na si Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Ang wakas ng sanlibutang ito ay magbibigay-daan sa isang bagong sanlibutan kung saan, sinasabi ng Bibliya, “[Ang Diyos] ay tatahang kasama [ng sangkatauhan], at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Sa paglalarawan kung paano darating ang bagong sanlibutang iyon, sinasabi rin ng Bibliya: “Kung tungkol sa mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.” (Kawikaan 2:22) Palibhasa’y ang mga matuwid lamang ang matitira sa lupa, matutupad ang hulang ito ng Bibliya: “Ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:11.

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, maging ang mga hayop ay hindi na magiging marahas. Ganito ang hula ng Bibliya: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila. . . . Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.”​—Isaias 11:6-9; 65:17; 2 Pedro 3:13.

Malapit Na ang Bagong Sanlibutan ng Diyos

Ang mabuting balita ay na ang mapayapang mga kalagayang ito ay malapit nang magkatotoo sa buong lupa. Bakit tayo nakatitiyak? Dahil sa inihula ni Jesus na mangyayari sandaling panahon bago ang wakas ng sanlibutan. Kabilang sa mga bagay na ito, inihula niya: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” Isinusog pa niya: “Dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”​—Mateo 24:7, 12.

Inihula rin ng isang apostol ni Jesus: “Sa mga huling araw [ng sanlibutang ito] ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, . . . mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, . . . mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Tunay, tayo’y nabubuhay na sa “mga huling araw” ng sanlibutang ito! Samakatuwid, malapit nang palitan ito ng matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos!

Nakumbinsi ang milyun-milyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya na posible nga ang isang daigdig na walang krimen, at sila’y tumutugon sa paanyaya na paturo sa mga daan ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. (Isaias 2:3) Gusto mo bang sumama sa kanila? Handa ka bang gumawa ng pagsisikap na matamo ang buhay sa isang bagong sanlibutang walang krimen?

Ipinakita ni Jesus kung ano una sa lahat ang kailangan. Siya’y nagpaliwanag: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Kaya nga, ang iyong walang-hanggang kapakanan ay depende sa iyong pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagkilos ayon sa iyong natutuhan.​—Juan 17:3.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Inilalarawan ng Bibliya ang isang bagong sanlibutan na walang krimen at sinasabi sa atin kung paano natin maaaring tamasahin ito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share