Mga Katiwala ng Parola—Isang Naglalahong Propesyon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA
“TALAGANG wala na akong iba pang gustong trabaho,” ang paulit-ulit na sinasabi ng mga katiwala ng parola. Isang lalaki na umalis sa kaniyang tungkulin bilang isang tagapangasiwa ng isang planta ng plastik sa Toronto, Canada, upang maging katiwala ng 106-taong-gulang na parola ang nagsabi na sa pakiwari niya ay “bumata [siya] ng 10 taon” dahil sa trabahong ito.
Ang pangunahing pananagutan ng isang katiwala ng parola ay ang panatilihin ang malinaw na liwanag para sa mga marinero. Kailangan din niyang magpaandar at mangalaga ng mga busina de niyebla at maghatid ng impormasyon sa pamamagitan ng radyo tungkol sa lagay ng panahon sa mga mangingisda at sa dumaraang mga sasakyang pandagat.
Noon, kailangang tiyakin ng mga katiwala ng parola na sapat ang suplay ng langis, nakasindi ang mga ilawan, at malinaw ang salamin sa mga lampara. Pangkaraniwan nang gumugugol ng magdamag ang mga katiwala sa manwal na pagpapaikot ng ilaw na pansenyas upang akayin ang mga barko sa ligtas na dako kapag ang mga ilaw ay hindi agad nakumpuni o kaya’y magdamag na pukpukin ng martilyo ang kampana de niyebla kapag hindi na gumagana ang busina de niyebla!
Naliligtasan ang mga Bagyo
Ikinababahala nang husto ang malalakas na bagyo. Minsan, nakita ng isang katiwala ang inaakala niyang isang “napakalaking puting ulap,” ngunit iyon pala’y isang sumasalpok na alon! Sumampa ang alon sa 50-talampakang dalisdis at nakaabot sa tinutuluyan ng katiwala. Tulad sa isang bagyo ang nagawang pinsala ng along ito.
Minsan naman, magdamag na sumasalpok ang mga alon sa parola ng Pubnico Harbour, Nova Scotia dahil sa isang napakalakas na bagyo. Ang tanging nagawa lamang ng katiwala at ng kaniyang pamilya ay ang maghintay at umasa. Kinaumagahan ay humupa na ang bagyo. Ngunit nang lumabas ang katiwala, laking gulat niya nang makitang wala na ang lupa sa palibot ng parola. Napahiwalay na sila sa kalakhang-lupa!
Pagkalungkot at Pagkabagot
Nang tanungin tungkol sa kalungkutan, natawa ang isang katiwala ng parola at nagsabi: “Sinasabi sa amin ng mga tao, ‘Talaga naman, paano ninyo natitiis ang kalungkutan?’ At bilang tugon, nagtatanong kami, ‘E, paano naman ninyo natitiis ang napakaingay at napakagulong buhay sa lunsod?’ ”
Noong nakalipas, dinadalhan ng maliliit na koleksiyon ng mga aklat ang mas malalayong parola sa Estados Unidos. Kaya naman, pagsapit ng taong 1885, mayroon nang nagagamit na 420 aklatan. Maliwanag, naging mahusay na mambabasa ang mga katiwala ng parola.
Isang Naglalahong Propesyon
Sa nakalipas na mga taon, ang may-taong mga parolang yari sa bato ay hinalinhan ng walang-taong mga tore na yari sa sala-salang bakal na may napakaliliwanag na kumikislap na mga ilaw. Ang mga magdaragat ay hindi na nag-aapuhap sa dilim, anupat humahanap ng malabong ilaw na pansenyas o mahinang apoy. Sa ngayon, ang ubod-liwanag na mga tungsten halogen lamp at ang malalakas at tumatagos-sa-ulap na mga hudyat ang nagbababala sa marinero tungkol sa mga panganib sa dagat.
Ang mga sasakyang may kakayahang tumanggap ng mga hudyat mula sa mga parola ay nakababatid na ngayon ng posisyon ng mga ito gaano man kakapal ang ulap. Dahil sa makabagong teknolohiya ay nakapaglalakbay ang isang maglalayag sa dagat mula sa isang dalampasigan tungo sa ibang dalampasigan, anupat may tiwala na maiiwasan niya ang mapanganib na mga buhanginan, peligrosong mga batuhan, at nakakubling mga bato na malapit sa dalampasigan.
Bilang resulta ng makabagong teknolohiya, mabilis na naglalaho sa tanawin ng daigdig ang mga katiwala ng parola. Palibhasa’y nadaramang nagwakas na ang isang bahagi ng kaniyang buhay, malungkot na ginunita ng isang katiwala ang paglisan sa islang naging kaniyang tahanan sa loob ng 25 taon: “Masaya kami rito. Talagang hindi namin gustong umalis kailanman.”
Gayunpaman, ang umiikot na mga ilaw, karagdagang mga ilaw, mga ilaw para sa mga biglaang pangangailangan, mga tunog na panghudyat, at mga ilaw na radar ay pawang nangangailangan ng pagkukumpuni, at kailangan pa rin ng mga istasyon ang pagmamantini. Ang mga parola ay minamantini ngayon ng mga naglalakbay na teknisyan.
Yaong mga nagpapahalaga sa maraming taon ng paglilingkuran ng mga katiwala ng parola ay may damdaming katulad niyaong sa isang lalaki sa Augusta, Maine, na malungkot na nagsabi: “Talagang hindi na magiging kagaya ng dati ang pagtanaw sa parola at sa pagkaalam na ang ilaw ay pinaandar ng isang computer, anupat nababatid na wala nang tao roon.”
[Kahon sa pahina 11]
Ang Unang Parola
Ang unang parola sa nakaulat na kasaysayan ay natapos noong namamahala si Ptolemy II ng Ehipto. Iyon ay itinayo noong mga 300 B.C.E., at naroon iyon sa Isla ng Pharos, di-kalayuan sa pasukan ng ngayo’y daungan ng Alexandria. Umabot ng 20 taon ang pagtatayo niyaon sa halagang $2.5 milyon.
Ipinakikita ng mga ulat sa kasaysayan na iyon ay mahigit na 90 metro ang taas. Ang silid nito sa itaas ay may mga bintanang nakaharap sa dagat, sa likod ay may mga gatong ng apoy o marahil mga sulo na, ayon kay Josephus, makikita sa layong mahigit sa 50 kilometro.
Ang malaking gusaling bato ay itinuring na isa sa Pitong Kababalaghan ng Daigdig. Ang nagliliyab na apoy nito ay nagsilbing isang babalang liwanag sa loob ng 1,600 taon, upang mawasak lamang, malamang, ng isang lindol.
Sa paglipas ng mga siglo, libu-libong parola na may iba’t ibang sukat at kayarian ang itinayo sa mga daungan sa buong daigdig. Ang matatandang parolang yari sa bato ay nakatayo pa rin ngayon bilang mga museo at mga pang-akit sa turista sa pambansa, pang-estado, panlalawigan, at panlunsod na mga parke at pinagmamasdan ng milyun-milyong tao.
[Larawan sa pahina 10]
Parola ng Cape Spear, Newfoundland, Canada