Kapag Nagsasalita ang Siyensiya—Paano Ka Nakikinig?
ANG mga bago at ang bumabalik na mga dating sakit ay isang hamon sa siyensiya. Ang mga tao na desperadong gumaling ay nakikinig kapag may sinasabi ang siyensiya. Dahil sa takot na mamatay ay gustung-gustong subukin ng marami ang pinakabagong himalang gamot, at kadalasan ay hindi na halos naiisip ang pangmatagalang ibubunga nito.
Maraming pagkakataon na nakatulong ang siyensiya sa mga nagdurusa upang matamasa ang isang buhay na mas kapaki-pakinabang. Kapansin-pansin ang mga paraan ng operasyon na hindi na kailangang magsalin pa ng dugo, na talaga namang mapanganib. Ang siyensiya at teknolohiya ay nagbigay sa sangkatauhan ng kapangyarihan na gumawa ng mga bagay na hindi halos maabot ng isip. Ang bagay na dati’y kathang siyensiya lamang ay nangyayari na sa araw-araw. Gayunman, hindi lahat ng siyensiya ay para sa kapakanan ng iba, anupat nauudyukan dahil sa labis na pangangailangan ng sangkatauhan.
Sino ba Talaga ang Nagsasalita?
Karamihan sa siyensiya ay nauudyukan ng salapi at sinusuportahan ng makapangyarihang mga kinatawan, gaya ng nabanggit na. Kung gayon, bago magpasiya o matuwa sa isang bagong tuklas sa siyensiya, tanungin mo muna ang iyong sarili, ‘Sino ba talaga ang nagsasalita?’ Pag-aralan mong malaman ang mga lihim na binabalak. Hindi na maikakaila na gustung-gusto ng mga tagapagbalita na makagawa ng nakagugulat na mga balita. Gagawin ng ilang peryodista ang lahat mabili lamang ang kanilang mga pahayagan. At maging ang ilang iginagalang na babasahin ay nagpapahintulot ng pagpapalaki ng balita paminsan-minsan.
Kadalasan ay nararanasan ng siyensiya at ng media ang isang ugnayang bati-galit. Napagaganda ng media ang siyensiya, ngunit, sa kabilang panig naman, “madalas na sinisikap na kontrolin ng mga siyentipiko ang mga anunsiyo sa pahayagan sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga interbyu maliban na lamang kung marerepaso muna nila ito at maitutuwid ang kopya bago ilathala. Ang mga reporter naman, palibhasa’y nangangambang masensor dahil sa makasariling layunin, ay karaniwan nang bantulot na ipakita sa mga ininterbyung siyentipiko ang kanilang mga isinulat, bagaman madalas ay tinitiyak nila sa mga ito ang katumpakan ng mga detalye.” Ganiyan ang isinulat ni Dorothy Nelkin, sa kaniyang aklat na Selling Science.
Pagkatapos nito ay nagbigay siya ng mga halimbawa upang patunayan ang kaniyang punto: “Ang mga ulat ng media tungkol sa mga bagong pagsulong sa siyensiya ay may tendensiyang palakihin ang pag-asa ng mga desperadong tao. . . . Ang mga pasyente ay pumupunta sa mga opisina ng kanilang mga doktor anupat sabik na ipinakikita ang pinakabagong kopya [ng isang popular na magasin] at humihiling ng pinakabagong lunas.” At nariyan din ang halimbawa, na sinipi ni Dorothy Nelkin, tungkol sa isang reporter na nagtanong sa tsirman ng International Task Force on World Health and Manpower “kung sa palagay niya ay epektibong makagagamot ang mga doktor-kulam sa Aprika.” Isinagot nito na “marahil nga dahil sa kanilang mataas na kredibilidad sa populasyon.” Subalit ano ang naging ulong-balita kinabukasan? Ganito ang mababasa: “Nananawagan ang mga Eksperto ng U.N. Para sa Higit Pang mga Doktor-Kulam”!
Nakalulungkot, waring ang bagong nauuso ngayon ay parami nang parami ang umaasa sa mga pahayagan at mga magasin upang balitaan sila ng mga bagong pangyayari sa siyensiya, sabi ni Nelkin. At para sa marami, na hindi mahilig o marahil ay hindi gaanong marunong bumasa, ang telebisyon ang kanilang naging pangunahing pinagkukunan ng impormasyon.
Pagpapanatili ng Timbang na Pangmalas Tungkol sa Siyensiya
Bagaman pinakikinabangan ng sangkatauhan ang mga tagumpay ng siyensiya, huwag nating kalilimutan na ang mga siyentipiko ay mga tao lamang. Sila’y hindi ligtas sa tukso at katiwalian. Hindi laging marangal ang kanilang mga motibo. Tunay, ang siyensiya ay may angkop na dako sa lipunan, subalit hindi ito isang di-nagkakamaling giyang ilawan sa isang padilim nang padilim na daigdig.
Ganito ang obserbasyon ng babasahing Speculations in Science and Technology: “Ipinakikita ng kasaysayan ng siyensiya na gaano man karingal sa tingin ang mga lider ng siyensiya . . . , sila’y nagkakamali pa rin.” Ang totoo, higit pa sa pagkakamali lamang ang ginagawa ng ilan.
Sa mga dahilang ibinigay ng mga artikulong ito, hindi magiging isang katalinuhan para sa mga Kristiyano na masangkot sa mga makasiyensiyang kontrobersiya o magtaguyod ng mga teoriya sa siyensiya na hindi pa napatutunayan. Halimbawa, baka labis-labis na mangamba ang ilan sa electromagnetism. Sa gayon, taglay ang pinakamabuting intensiyon, maaaring himukin nila ang iba na alisin na ang kanilang mga microwave oven, electric blanket, at mga kagaya nito. Mangyari pa, lahat ay malayang makapagpapasiya, nang hindi pinipintasan ng iba. Subalit yaong may ibang kapasiyahan ay makaaasa sa gayunding konsiderasyon. Kaya nga, magiging isang katalinuhan na umiwas sa pagkakalat ng pinalaking balita. Kung totoo man o hindi ang maraming di-pangkaraniwang mga pag-aangkin, iyan ay kailangan pang patunayan. Kung ang ilan sa mga pag-aangking ito ay mapatunayang walang-saligan o mali pa nga sa bandang huli, kung magkagayon yaong mga nagtataguyod ng gayong mga pag-aangkin ay hindi lamang magmumukhang hangal kundi maaaring nakapinsala pa sa iba nang hindi sinasadya.
Kailangan ang Mabuting Pagpapasiya
Ano ang dapat na maging reaksiyon ng isang Kristiyano sa mga ulat ukol sa siyensiya na pinalalaki ng media? Una, suriin ang layunin. Ano ba ang motibo ng artikulo o balita? Ikalawa, basahin ang buong artikulo. Ang pinalaking ulong-balita ay baka hindi naman kaayon ng mga detalye sa mismong artikulo. Ikatlo, at pinakamahalaga, siyasatin ang mga nagawa na niyaong mga nagsasalita. Totoo ba ang kanilang sinasabi? Mayroon ba silang lihim na plano?—Roma 3:4.
Masasabi na kung ang mga siyentipiko ay pinag-aalinlanganan ng ilan, sila mismo ang may kagagawan nito. Ang kredibilidad ng ilang siyentipiko bilang neutral na naghahanap ng katotohanan ay namantsahan na nang husto. Binuksan ng siyensiya ang kapana-panabik na tanawin ng kaalaman sa ating daigdig at sa uniberso. Gayunpaman, ang ilang prediksiyon hinggil sa isang pinagbuting bagong sanlibutan na nakasalig sa siyensiya ay lumikha ng pangamba at pagkabalisa sa halip na pag-asa.
Nagbababala ang ilang dalubhasa hinggil sa maaaring mangyaring kasakunaan sa hinaharap. Ang nagwagi ng Nobel Peace Prize na Britanong pisiko na si Joseph Rotblat ay nagpahayag ng kaniyang pagkabahala sa ganitong paraan: “Ang ikinatatakot ko ay na ang ibang pagsulong sa siyensiya ay maaaring magbunga ng iba pang paraan ng lansakang pagpuksa, na marahil ay mas madaling makukuha kaysa sa mga sandatang nuklear. Ang henetikong inhinyeriya ay isang posibleng larangan, dahil sa kahindik-hindik na mga pangyayaring ito na nagaganap doon.” Nagpahayag si Propesor Ben Selinger ng National University sa Australia hinggil sa mga problema na nakikini-kinita niya: “Sa aking palagay, ang susunod na krisis ay malamang na maganap sa larangan ng henetikong inhinyeriya, ngunit hindi ko alam kung ano, o paano, o kailan.”
Sa kabilang banda, ang Bibliya, ang Salita ng Diyos, ay isang tiyak at maaasahang ‘ilaw sa ating daan’ tungo sa isang matiwasay na kinabukasan ng kapayapaan, mabuting kalusugan, at pagkakaisa ng daigdig, sa isang nilinis na lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.—Awit 119:105; Apocalipsis 11:18; 21:1-4.
[Kahon sa pahina 11]
“Ang Nangingibabaw na Impluwensiya ng Alamat”
Nitong mga nakaraang taon ay nagbangon ang mga siyentipiko ng maselan na pag-aalinlangan tungkol sa pagiging posible ng teoriya ng ebolusyon ayon sa paghaharap ni Charles Darwin. Ito ay lalo nang totoo sa mga biyologo sa molekula.
Sa kaniyang aklat na Evolution: A Theory in Crisis, sumulat si Michael Denton, isang mananaliksik sa biyolohiya: “Ang pagturing sa teoriya ni Darwin bilang isang maliwanag na katotohanan ay nagbunga ng lubusang pagtatakip sa malalaking suliranin at pagtutol na pinagsikapan nang gayon na lamang ni Darwin sa Origin. Ang maseselan na suliranin tulad ng kawalan ng nag-uugnay na mga kawing o ang suliranin ng paglalarawan sa panggitnang mga anyo ng buhay ay halos hindi kailanman pinag-usapan at ang paglikha ng kahit na pinakamasalimuot na pagbabago ay ipinatutungkol sa natural selection (matira ang matibay) nang wala ni bahagya mang pag-aalinlangan.”
Sinabi pa niya: “Ang nangingibabaw na impluwensiya ng alamat ay lumikha ng palasak na kuru-kuro na ang teoriya ng ebolusyon ay halos napatunayan isang daang taon na ang nakalipas . . . Ito’y malayung-malayo sa katotohanan.”—Pahina 77.
“Kung maipakikita na anumang masalimuot na sangkap ay umiral na hindi maaaring nabuo sa pamamagitan ng marami, sunud-sunod, at unti-unting pagbabago, tiyak na guguho ang aking teoriya.”—Origin of Species, Charles Darwin, pahina 154.
“Habang dumarami ang bilang ng mga di-maipaliwanag at imposibleng mabagong masalimuot na mga sistemang biyolohikal,a ang ating pagtitiwala na ang pamantayan ni Darwin sa pagkabigo ay sukdulang naabot ayon sa ipinahihintulot ng siyensiya.” (Darwin’s Black Box—The Biochemical Challenge to Evolution, Michael J. Behe, pahina 39-40) Sa ibang pananalita, ang mga natuklasan kamakailan sa larangan ng molekular na biyolohiya ay nagbangon ng maseselan na pag-aalinlangan tungkol sa teoriya ni Darwin.
“Ang resulta ng sunud-sunod na pagsisikap na suriin ang selula—upang suriin ang buhay sa molekular na antas—ay isang malakas, maliwanag, at matinis na sigaw na ‘disenyo!’ Gayon na lamang kalinaw at kahalaga ang resulta anupat maituturing iyon na isa sa pinakamalalaking tagumpay sa kasaysayan ng siyensiya. Ang pagkatuklas na ito ay maihahambing sa mga tuklas nina Newton at Einstein, Lavoisier at Schrödinger, Pasteur, at Darwin. Ang obserbasyon na ang buhay ay may matalinong disenyo ay kasinghalaga ng obserbasyon na ang lupa ay umiikot sa araw.”—Darwin’s Black Box, pahina 232-3.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay ng ebolusyon at molekular na biyolohiya, tingnan ang Gumising!, Mayo 8, 1997, pahina 3-17, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 10]
Buong-katalinuhang iniiwasan ng mga Kristiyano ang kontrobersiya hinggil sa posibleng buhay sa ibang planeta o sa di-umanong epekto ng electromagnetism
[Credit Line]
Kuha ng NASA/JPL
Kuha ng NASA/JPL