Tumakas Kami Mula sa mga Bomba—Makalipas ang 50 Taon!
“Malapit nang sumabog ang mga bomba rito. Magkubli ang lahat!”
SA MGA pananalitang iyon ay isang pulis ang nagbabala sa aming mag-asawa na umalis ng bahay at manganlong sa isang kalapit na bunker o kublihang hukay. Ang patalastas ay nakabibigla. Tutal, wala naman kami sa isang rehiyon ng daigdig na ginigiyagis ng digmaan; kami’y dumadalaw sa mga kaibigan sa isa sa magaganda’t malalayong isla ng Marshall Islands, sa Micronesia.
Kami’y nagpunta upang magbakasyon nang isang linggo sa isang kaibigan at sa kaniyang asawang lalaki sa isang maliit na isla ng Tõrwã. Ang asawang babae ang tanging Saksi ni Jehova sa isla, at nais naming tumulong sa kaniya sa pangangaral sa mga taong nakatira roon.
Ang mga Marshallese ay likas na palakaibigan at sabik na makipag-usap tungkol sa Bibliya. Yamang ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa ay nailathala na kamakailan sa lokal na wika, nagkaroon kami ng mainam na pagkakataon na makapagsakamay ng maraming kopya. Tiniyak sa amin ng lahat na nagnanais ng aklat na babasahin nila ito at hindi ito gagamitin bilang isang ken karawan, o “anting-anting,” upang itaboy ang mga demonyo. Isang popular na kaugalian doon ang maglagay ng isang nirolyong pahina mula sa Bibliya sa loob ng isang bote at ibitin ito sa barakilan o sa isang kalapit na punungkahoy, sa pag-aakalang itinataboy nito ang masasamang espiritu.
Nasiyahan kami sa ilang araw ng aming pagtigil doon, subalit nang dumating ang Sabado, agad naming natanto na magiging kakaiba ito. Sinimulan namin ang araw sa pamamagitan ng kaiga-igaya at maagang paglangoy sa malinaw at mainit na tubig ng laguna. Samantalang lumalakad pabalik sa dalampasigan, nakita namin ang isang papalapit na abuhing barko na parang nagbabanta ng masama. Di-nagtagal, natuklasan namin kung ano ang dala nito. Isang pulis ang nagpaliwanag na isang pangkat ng pitong Amerikanong militar ang dumating upang pasabugin ang matatandang bomba sa isla. Upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, ang mga tahanan ay dapat lisanin at gugugulin ng mga tagaisla ang araw sa mga kublihang hukay na itinayo ng mga Hapones noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II.
Ang mga kublihang hukay na ito, na halos agad na nakikita ng mga dumadalaw sa Tõrwã, ay patotoo ng kakila-kilabot na kahapon. Mula sa malayo ang isla ay parang isang tropikal na paraiso, subalit sa malapitan ay maliwanag na ang kagandahan ng Tõrwã ay pinapangit ng mga pilat ng digmaan na nagwakas mga 50 taon na ang nakalipas. Palibhasa’y dating isang pangunahing baseng panghimpapawid ng mga Hapones, nagkalat sa isla ang mga alaala ng Digmaang Pandaigdig II. Sa lahat ng dako, may kinakalawang na mga relikya ng digmaan—mga eroplanong pandigma, kanyon, at torpedo—na natabunan na ng mga tropikal na halaman.
Gayunman, lubhang nakatatakot ang natirang mga bomba. Noong panahon ng digmaan, ang hukbong militar ng Estados Unidos ay naghulog ng mahigit na 3,600 toneladang mga bomba, napalm, at rocket sa Tõrwã, at ang mga hukbong Hapones ay may sarili nilang arsenal ng mga bomba at mga sandata sa lupa. Bagaman malamang na hindi na sumabog ang isang bombang 50-taóng-gulang, ang mga ito’y maaaring maging mapanganib sa tuwina, na siyang dahilan kung bakit di-kukulanging limang beses nang dinalaw ng mga pangkat na nagpapasabog ng bomba ang isla mula noong 1945, ang taon nang magwakas ang digmaan.
Nag-isip kami kung ang babala ay talagang totoo, kaya naglakad kami patungo sa dalampasigan na kinaroroonan ng pangkat na mag-aalis ng bomba at nakipag-usap kami sa kanila. Sabi nila, hindi lamang totoo ang babala, kundi magsisimula na ang mga pagsabog ng bomba sa loob ng isang oras! Kami’y sinabihan, na kung hindi kami manganganlong sa isang kublihang hukay, kailangan naming lumisan agad sa isla.
Ang aming kaibigan ay nagpasiyang manatili sa Tõrwã at nakasumpong ng proteksiyon sa loob ng isang malaking kublihang hukay na kinaroroonan ng isang malaking machine-gun kasama ng ilang pamilya. Nang maglaon ay sinabi niya sa amin na ang tanging mga bintana sa lumang kongkretong kublihang hukay ay ang mga butas ng baril at na, sa loob, ay napakaalinsangan at siksikan. Ang maghapon doon ay nagpagunita sa mga alaala noong mga taon ng digmaan, at sinabi niya na bagaman ang pagsabog ng mga bomba ay kawili-wili para sa kaniya noong bata pa siya, ang mga ito sa ngayon ay totoong nakatatakot.
Ang kaniyang asawang lalaki ay sumang-ayon na ihatid kami sa Wollet Island, limang milya ang layo, sakay ng isang maliit na bangkang de motor. Mga ilang minuto pa lamang kaming nakalalayo nang marinig namin ang isang malakas na dagundong. Sa paglingon namin sa Tõrwã, nakita namin ang isang haligi ng usok na tumataas malapit sa residensiyal na dako ng isla. Di-nagtagal, nagkaroon ng isa pang pagsabog at pagkatapos ay ang pangatlo at mas malakas na pagsabog.
Ginugol namin ang maghapon sa pangangaral sa Wollet, at ito’y isang araw na ginagambala ng mga pagputok ng bomba sa malayo. Ang mga lumang bomba ay nakita at minarkahan mga ilang buwan nang patiuna. Ang mga sandatang panghukbo ay masusumpungan sa lahat ng dako—sa mga dalampasigan, sa interyor ng daanan ng eroplano, at sa mga bakuran pa nga ng mga tao! Upang mabawasan ang dami ng mga pagsabog, tinipon ng pangkat na nag-aalis ng bomba ang maraming maliliit na bomba at saka pinasabog ang mga ito nang sama-sama.
Palubog na halos ang araw nang bumalik kami sa Tõrwã. Habang papalapit kami sa isla, napansin namin na wala ang pamilyar na usok mula sa mga pagluluto. Batid namin na may problema. Walang anu-ano, isang maliit na barko ang nagtutumulin patungo sa amin, anupat binabalaan kami na huwag lalapit. Isang malaking bomba na nasa ilalim ng tubig ang pasasabugin pa malapit sa bahura. Kaya nga, habang naaanod kami sa laot noong takip-silim, nasaksihan namin ang hindi kailanman nakita ng karamihan ng mga taong nabubuhay ngayon—isang pagsabog sa ilalim ng tubig ng isang bomba noong Digmaang Pandaigdig II, anupat naghagis ng tubig at usok sa himpapawid na daan-daang talampakan ang taas!
Mabuti na lamang, wala isa man sa Tõrwã ang nasaktan nang araw na iyon. Naalis ba ng pangkat ng mga nag-aalis ng bomba sa isla ang lahat ng natirang bomba? Marahil hindi. Sinabi ng lider ng pangkat na inaasahan niyang ang mga tagaisla ay makatatalisod ng higit pang lumang sandatang panghukbo sa hinaharap. Mangyari pa, iyan ay nagbigay sa amin ng paksang maipakikipag-usap sa mga tao habang tinatapos namin ang aming gawaing pangangaral sa Tõrwã. Isang malaking pribilehiyo na sabihin sa mga tagaisla ang tungkol sa panahon na ‘patitigilin ng Kaharian ni Jehova ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.’—Awit 46:9.
Gaya ng inilahad ni Nancy Vander Velde
[Larawan sa pahina 27]
Isang bomba na hindi pa sumasabog