Nakabubuting Kaigtingan, Nakasasamang Kaigtingan
“Yamang ang kaigtingan ang di-espesipikong tugon ng katawan sa anumang pangangailangan, ang lahat ay laging dumaranas ng isang antas ng kaigtingan.”—Dr. Hans Selye.
UPANG makalikha ng musika ang biyolinista, ang mga kuwerdas ng kaniyang instrumento ay dapat na banát—ngunit hanggang sa isang antas. Kung masyadong mahigpit ang mga ito, mapapatid ang mga ito. Ngunit kung napakaluwag ng mga kuwerdas, hindi ito lilikha ng tunog. Ang tamang higpit ay nasa pagitan ng dalawang sukdulang antas na ito.
Katulad nito ang kaigtingan. Ang labis ay makapipinsala, gaya ng nakita na natin. Ngunit paano na kung walang anumang kaigtingan? Bagaman tila kanais-nais ito, ang totoo ay kailangan mo ang kaigtingan—kahit paano sa isang antas. Halimbawa, gunigunihin na samantalang tumatawid sa isang lansangan, bigla mong napansin ang isang rumaragasang kotse na patungo sa iyo. Kaigtingan ang nagpapangyari sa iyo na umiwas—kaagad-agad!
Ngunit hindi lamang sa mga biglaang kagipitan kapaki-pakinabang ang kaigtingan. Kailangan mo rin ang kaigtingan upang matapos ang mga gawain sa araw-araw. Ang lahat ay dumaranas ng isang antas ng kaigtingan sa lahat ng panahon. ‘Ang tanging paraan upang maiwasan ang kaigtingan ay ang mamatay,’ sabi ni Dr. Hans Selye. Idinagdag pa niya na ang pangungusap na “dumaranas siya ng kaigtingan” ay walang-kahulugan gaya ng pananalitang “mainit siya.” “Ang talagang ibig nating sabihin sa gayong pananalita,” sabi ni Selye, “ay isang kalabisan ng kaigtingan o ng init sa katawan.” Sa kontekstong ito ay nasasangkot din ang kaigtingan sa paglilibang, at gayundin sa pagtulog, yamang dapat patuloy na tumibok ang iyong puso at umandar ang iyong baga.
Tatlong Uri ng Kaigtingan
Kung paanong may iba’t ibang antas ng kaigtingan, mayroon ding iba’t ibang uri ito.
Ang matinding kaigtingan ay bunga ng mga panggigipit sa araw-araw na pamumuhay. Madalas, nasasangkot dito ang di-kanais-nais na mga situwasyon na kailangang lunasan. Yamang ang mga ito ay di-sinasadya at pansamantala lamang, karaniwan nang makakayanan ang kaigtingan. Sabihin pa, may ilan na dumaranas ng sunud-sunod na krisis—sa katunayan, waring bahagi na ng kanilang personalidad ang kaguluhan. Maging ang ganitong antas ng matinding kaigtingan ay maaaring masupil. Subalit, baka tumangging magbago ang isang dumaranas ng kaigtingan hangga’t ang epekto ng kaniyang magulong istilo ng pamumuhay ay di pa niya nakikita sa kaniyang sarili at sa mga nasa paligid niya.
Bagaman pansamantala lamang ang matinding kaigtingan, tumatagal naman ang malalang kaigtingan. Ang dumaranas nito ay walang makitang lunas sa isang maigting na situwasyon, maging iyon man ay ang pighati ng karukhaan o ang hirap ng isang kinaiinisang trabaho—o ang kawalang trabaho. Ang malalang kaigtingan ay maaaring bunga rin ng namamalaging mga suliranin sa pamilya. Nagdudulot din ng kaigtingan ang pag-aalaga sa isang may-sakit na kamag-anak. Anuman ang sanhi, ang malalang kaigtingan ay nagpapahina sa biktima nito sa araw-araw, linggu-linggo at buwan-buwan. “Ang pinakagrabeng aspekto ng malalang kaigtingan ay ang bagay na nakakasanayan na ito ng mga tao,” sabi ng isang aklat sa paksang ito. “Agad na nababatid ng mga tao ang matinding kaigtingan dahil sa ito’y bago; ipinagwawalang-bahala naman nila ang malalang kaigtingan dahil ito’y matagal na, pamilyar na, at, kung minsan, halos nakasanayan na.”
Ang traumatikong kaigtingan ay epekto ng isang matinding trahedya, gaya ng panghahalay, aksidente, o likas na kasakunaan. Maraming beterano ng digmaan at mga nakaligtas sa kampong piitan ang dumaranas ng ganitong uri ng kaigtingan. Kasali sa sintoma ng traumatikong kaigtingan ang kay linaw-linaw na alaala ng trauma, kahit pagkaraan ng mga taon, kasabay ang tumitinding pagkamaramdamin sa di-gaanong mahahalagang pangyayari. Kung minsan ay lumalabas sa pagsusuri na ang dumaranas nito ay may kalagayang tinatawag na post-traumatic stress disorder (PTSD).—Tingnan ang kahon na nasa itaas.
Labis na Sensitibo sa Kaigtingan
Sinasabi ng ilan na ang paraan ng pagtugon natin sa kaigtingan sa kasalukuyan ay pangunahin nang nakasalalay sa kung gaano katindi at anong uri ng kaigtingan ang naranasan natin noon. Sinasabi nila na ang mga traumatikong pangyayari ay talagang bumabago sa kemikal na “wiring” ng utak, anupat ginagawang higit na sensitibo ang isang tao sa kaigtingang mararanasan sa hinaharap. Halimbawa, sa pagsusuri sa 556 na beterano ng Digmaang Pandaigdig II, natuklasan ni Dr. Lawrence Brass na ang panganib ng stroke ay mas nakahihigit nang walong ulit sa mga naging bilanggo sa digmaan kaysa sa mga hindi nabilanggo—kahit 50 taon na ang nakaraan mula nang mangyari ang unang trauma. “Gayon na lamang katindi ang kaigtingan sa pagiging POW [prisoner of war] anupat binago nito ang paraan ng pagtugon ng mga taong ito sa kaigtingan na mararanasan sa hinaharap—ginawa sila nitong labis na sensitibo.”
Sinasabi ng mga eksperto na ang maiigting na pangyayaring naranasan noong pagkabata ay hindi dapat ipagwalang-bahala, yamang ang mga ito ay maaaring magdulot ng malaking epekto. “Karamihan sa mga batang dumanas ng trauma ay hindi dinadala sa doktor,” sabi ni Dr. Jean King. “Nalalampasan nila ang suliranin, nagpapatuloy sa kanilang buhay, at napapadpad sa aming mga tanggapan pagkaraan ng mga taon, anupat nanlulumo o may sakit sa puso.” Halimbawa, isaalang-alang ang trauma sa pagkamatay ng isang magulang. “Ang gayong katinding kaigtingan na nararanasan habang ikaw ay bata pa ay maaaring permanenteng bumago sa pag-andar ng iyong utak,” sabi ni Dr. King, “na iniiwan itong walang gaanong kakayahan na harapin ang normal at pang-araw-araw na kaigtingan.”
Mangyari pa, ang pagtugon ng isang tao sa kaigtingan ay depende rin sa iba pang salik, kasali na ang kaniyang pisikal na kayarian at ang mga paraan na magagamit upang matulungan siyang mabata ang maiigting na pangyayari. Subalit anuman ang sanhi nito, maaaring makayanan ang kaigtingan. Totoo, hindi ito madali. Ganito ang sabi ni Dr. Rachel Yehuda: “Ang pagsasabi sa isang taong naging napakasensitibo dahil sa kaigtingan na magrelaks lamang siya ay tulad ng pagsasabi sa isang may insomya na matulog lamang siya.” Gayunpaman, maraming magagawa ang isang tao upang mabawasan ang kaigtingan, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.
[Kahon sa pahina 7]
Kaigtingan sa Trabaho—Isang “Pangglobong Kalagayan”
Sinasabi ng isang ulat ng United Nations: “Ang kaigtingan ay naging isa sa pinakamaselan na isyung pangkalusugan sa ika-20 siglo.” Damang-dama ito sa dako ng trabaho.
• Dumami ng 90 porsiyento sa loob lamang ng tatlong taon ang mga kahilingan ukol sa kabayaran dahilan sa kaigtingang dinanas ng mga empleado ng pamahalaan sa Australia.
• Isiniwalat ng isang surbey sa Pransiya na 64 na porsiyento ng mga nars at 61 porsiyento ng mga guro ang nagsasabing nababalisa sila sa maigting na kapaligiran sa kanilang trabaho.
• Ang mga karamdamang iniuugnay sa kaigtingan ay ginagastusan ng Estados Unidos ng tinatayang $200 bilyon bawat taon. Tinatayang 75 hanggang 85 porsiyento ng lahat ng aksidente sa industriya ay may kaugnayan sa kaigtingan.
• Sa maraming bansa, natuklasan na mga babae ang lalong dumaranas ng kaigtingan kaysa sa mga lalaki, marahil dahil sa naglalagare sila sa pagitan ng mas maraming obligasyon sa tahanan at sa trabaho.
Ang kaigtingan sa trabaho ay talagang, gaya ng tawag dito ng report ng UN, isang “pangglobong kalagayan.”
[Kahon sa pahina 8]
PTSD—Normal na Reaksiyon sa Isang Di-Normal na Karanasan
‘Tatlong buwan pagkatapos na mabangga ang aming kotse, hindi ko pa rin mapigil na umiyak, o makatulog sa magdamag. Ang pag-alis lamang sa bahay ay kinatatakutan ko na.’—Louise.
SI Louise ay dumaranas ng post-traumatic stress disorder (PTSD), isang nakapanghihinang karamdaman na makikilala sa paulit-ulit at di-kanais-nais na mga alaala o panaginip ng isang masaklap na pangyayari. Ang isang taong may PTSD ay maaari ring maging masyadong magugulatin at laging alisto. Halimbawa, binanggit ni Michael Davis, isang eksperto sa kalusugan ng isip, ang tungkol sa isang beterano sa Vietnam na sa araw ng kaniyang kasal ay biglang nagtago sa mga palumpong nang marinig ang tunog ng pupugak-pugak na kotse. “Dapat ay naroroon ang lahat ng uri ng palatandaan sa kapaligiran na nagsasabi sa kaniya na ang lahat ay maayos,” sabi ni Davis. “Dalawampu’t limang taon na ang nakaraan; siya’y nasa Estados Unidos, hindi sa Vietnam; . . . nakasuot siya ng puting tuxedo, hindi ng uniporme ng sundalo. Ngunit nang biglang bumalik ang kahapon, nagkubli siya.”
Ang trauma sa larangan ng labanan ay isa lamang sanhi ng PTSD. Ayon sa The Harvard Mental Health Letter, ang sakit na ito ay maaaring bunga ng anumang “pangyayari o sunud-sunod na pangyayari na nangahulugan ng aktuwal o bantang kamatayan o malubhang pinsala o isang panganib sa pisikal na kalusugan. Maaaring iyon ay isang likas na kasakunaan, aksidente, o gawa ng tao: baha, sunog, lindol, pagkabangga ng kotse, pambobomba, pamamaril, pagpapahirap, pagkidnap, pagsalakay, panghahalay, o pang-aabuso sa bata.” Ang pagkasaksi lamang sa isang masaklap na pangyayari o pagkabalita tungkol dito—marahil sa pamamagitan ng buháy na buháy na patotoo o mga larawan—ay maaaring pumukaw ng mga sintoma ng PTSD, lalo na kung ang mga taong nasangkot ay kapamilya o matatalik na kaibigan.
Sabihin pa, hindi pare-pareho ang reaksiyon ng mga tao sa trauma. “Karamihan sa mga taong may masaklap na karanasan ay hindi nagkakaroon ng malubhang sintoma ng sakit sa isip, at kahit na kapag may mga sintoma, ang mga ito ay hindi laging gaya ng sa PTSD,” paliwanag ng The Harvard Mental Health Letter. Paano na yaong mga humantong sa PTSD ang kanilang kaigtingan? Sa kalaunan, nakayanan ng ilan na harapin ang damdaming nauugnay sa trauma at sila’y nakadama ng ginhawa. Ang iba nama’y patuloy na nakikipagbuno sa mga alaala ng isang masaklap na pangyayari sa loob ng maraming taon pagkatapos maganap ito.
Sa paano man, dapat tandaan niyaong mga dumaranas ng PTSD—at yaong nagnanais na tumulong sa kanila—na kailangan ang pagtitiyaga upang gumaling. Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo” at “magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat.” (1 Tesalonica 5:14) Para kay Louise, na nabanggit sa pasimula, lumipas ang limang buwan bago siya muling nakapagmaneho ng kotse. “Sa kabila ng aking pagsulong,” sabi niya makalipas ang apat na taon mula nang aksidente, “ang pagmamaneho ay hindi na kailanman magiging isang kanais-nais na karanasan para sa akin na gaya noon. Ito ay isang bagay na kailangan kong gawin, kaya ginagawa ko ito. Pero malaki na ang pagbabago ko mula nang mahirap na panahong iyon kasunod ng aksidente.”
[Larawan sa pahina 9]
Maraming nag-oopisina ang nasasagad na
[Larawan sa pahina 9]
Hindi lahat ng kaigtingan ay nakasasama sa iyo