Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 3/22 p. 26-27
  • Ang Sining ng Pagpapalamuti sa Tungkod

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Sining ng Pagpapalamuti sa Tungkod
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpili sa Kahoy
  • Pag-ukit sa Puluhan
  • Isang Napakagandang Gawang Sining
  • 12A Ang Pagdidikit sa Dalawang Patpat
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Sulo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Sungay, Tambuli
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 3/22 p. 26-27

Ang Sining ng Pagpapalamuti sa Tungkod

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britanya

“LAGI akong nagtatakang malaman na may malalaking lugar sa British Isles kung saan walang sinuman ang nakaaalam kung ano ang ibig mong sabihin kapag sinabi mong ang libangan mo ay pagpapalamuti sa tungkod,” sabi ng isang dalubhasa sa sining na ito.

Marami ang pamilyar sa tungkod o sa baston ng isang pastol. Ang pagpapalamuti sa tungkod ay nagpapangyaring maging pambihirang gawang sining ang pangkaraniwang mga kasangkapang ito. Sa loob ng mga siglo, nasumpungan ng mga pastol at manggagawa sa bukid na ang kawili-wiling sining na ito ay nangangailangan ng mahalagang kasanayan​—at malaking pagtitiyaga. Subalit ano ba ang nasasangkot sa pagpapalamuti ng tungkod?

Pagpili sa Kahoy

Ang unang hakbang ay ang pagpili sa kahoy. Maaaring gamitin ang anumang kahoy na may tamang sukat​—ang blackthorn, mansanas, o peras. Ang holly ay malimit piliin dahil sa kapansin-pansin at magagandang bukó nito. Ngunit mas gustong gamitin ng maraming tagapalamuti ng tungkod ang punungkahoy na hazel. Kung minsan ang isang punungkahoy ay may isang supang na umuusbong na bahagyang nakaanggulo sa isang sanga o ugat. Dahil dito ay posibleng makagawa ng isang buong tungkod​—may puluhan at katawan​—mula sa isang bahagi ng punungkahoy.

Kailan pinakamainam na putulin ang katawan? Kadalasan kapag ang punungkahoy ay hindi lumalaki at hindi tumutulo ang dagta, bagaman maraming tagapalamuti ng tungkod ang nagsasabi na ang pinakamainam ay sa lalong madaling panahon​—bago iyon matagpuan ng iba! Sa paano man, minsang matiyak na ng tagapalamuti ng tungkod na nakaputol na siya ng isang angkop na piraso ng materyal, kailangan niyang langisan o pintahan ang putol na mga dulo, upang hindi mabitak ang kahoy. Pagkatapos ang kahoy ay dapat na pagulangin, isang proseso na maaaring umabot ng dalawa o higit pang taon. Pagkatapos nito ay saka lamang makapagsisimulang umukit ang tagapalamuti ng tungkod.

Pag-ukit sa Puluhan

Kapag ang kahoy ay walang likas na tangkay, o puluhan, maaaring gumawa ng isa ang tagapalamuti na gumagamit ng sungay ng baka, tupa, o kambing. Tulad ng katawan, ang sungay ay kailangang pagulangin, karaniwan nang sa loob ng isang taon. Pagkatapos, ginagamit ang isang gato, hinuhubog ng tagapalamuti ng tungkod ang sungay tungo sa nais niyang disenyo. Matagal na panahong ginagamit ng mga pastol ang apoy sa pandayan, kumukulong tubig, ang mga baga ng uling, o maging ang init sa ibabaw ng lamparang parapina upang palambutin ang sungay. Saka ito maaaring hubugin sa anumang hugis na maisipan at makayang gawin ng pastol. Halimbawa, maaari niyang ukitin ang tangkay upang maging katulad ng isang asong collie, ibon, kulay-kapeng isda, ulo ng ibong pheasant, o isang munting hayop.

Habang inuukit ang sungay, ang detalye ay maingat na binibigyang-pansin ng tagapalamuti ng tungkod. Halimbawa, kung umuukit siya ng isang isda, ang buntot at palikpik ay inuukit sa pamamagitan ng nagbabagang bakal at gumagamit ng pabilog na pambutas upang ukitin ang bawat kaliskis. Ang mga mata ay maaaring gawin mula sa sungay ng itim na buffalo. Tinta, sa halip na pintura, ang ginagamit upang kulayan ang katawan. Hindi lamang isang pahid ang kailangan, at maaaring nakapapagod ang pagpahid ng tinta sa pinakinis na ibabaw. Ang huling pahid ay upang panatilihin ang kulay sa pamamagitan ng pagpahid ng barnis sa sungay.

Isang Napakagandang Gawang Sining

Ang sungay ay ikinakabit sa katawan sa pamamagitan ng turnilyo, pako, o isang mitsáng kahoy. Saka buong-kahusayang lilihahin ng tagapalamuti ng tungkod ang kaniyang gawang sining sa pamamagitan ng pinong steel wool. Pagkatapos, pakikinisin niya ito at babarnisan ang katawan nito. “Upang humugis ng isda, umukit ng mga palikpik, atb., at maglagay ng kaliskis sa katawan ng isda, magkulay at magpakinis nang husto upang manalo sa isang paligsahan, gumugugol ako ng mga 100 oras,” ang isinulat ng isang makaranasang tagapalamuti ng tungkod.

Di-maikakaila, ang pagpapalamuti sa tungkod ay isang nakapapagod na trabaho. Ngunit ang resultang produkto ay maaaring maging isang tunay na gawang sining, at ang ilan ay isinasali pa nga sa mga paligsahan. Sa paano man, itinuturing ng tagapalamuti ng tungkod ang kaniyang sining bilang paggunita sa isang mas payapang panahon, isang panlunas sa mga kaigtingan at panggigipit ng modernong pamumuhay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share