Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 4/8 p. 12-14
  • Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kababaihan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kababaihan?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghikayat sa mga Asawang Lalaki at mga Ama
  • Ang Pagmamalasakit ng Diyos sa Kababaihan
  • Mga Babaing Iginagalang
  • Isang Permanenteng Solusyon
  • Respeto at Dignidad sa Ilalim ng Pangangalaga ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Mga Babaing Lubhang Nagpapagal sa Panginoon”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Ang mga Babaing Kristiyano ay Karapat-dapat sa Karangalan at Paggalang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • May Malasakit ba ang Diyos sa mga Babae?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 4/8 p. 12-14

Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kababaihan?

“ANG kasaysayan ng sangkatauhan ay isang kasaysayan ng paulit-ulit na pananakit at pangingibabaw ng lalaki sa babae.” Ganito ang mababasa sa Deklarasyon ng mga Sentimyento, na isinulat sa Seneca Falls, New York, sa Amerika 150 taon na ang nakalilipas bilang isang protesta sa kawalang-katarungan laban sa kababaihan.

Totoo namang may pagsulong na mula noon, ngunit gaya ng sabi ng lathalain ng United Nations na The World’s Women 1995, marami pang dapat gawin. “Kalimitan, magkaiba ang daigdig na kinabubuhayan ng mga babae at mga lalaki,” ulat nito, “daigdig na magkaiba sa mga pagkakataon sa edukasyon at sa trabaho, at sa kalusugan, personal na kasiguruhan at libreng panahon.”

Ang higit na kabatiran tungkol dito ay umakay sa mga bansa upang magpasa ng mga batas na magsasanggalang sa mga karapatan ng kababaihan. Ngunit hindi maaaring baguhin ng mga batas ang puso, kung saan nag-uugat ang kawalang-katarungan at pagtatangi. Halimbawa, tingnan ang kalagayan ng mga batang babaing nagbebenta ng aliw. Sinabi ng Newsweek tungkol sa pandaigdig na kahihiyang ito: “Ang mga batas na nilayong pahintuin ang seksuwal na pagsasamantala sa mga bata ay mabuti naman ngunit kadalasan ay hindi mabisa.” Sa katulad na paraan, ang batas sa ganang sarili ay hindi nakahahadlang sa karahasan. “Isinisiwalat ng ebidensiya na ang karahasan laban sa kababaihan ay isang palasak na pangglobong suliranin,” sabi ng Human Development Report 1995. “Karamihan sa mga batas ay di-sapat upang pahintuin ang gayong karahasan​—maliban nang magbago ang kasalukuyang mga kaugaliang pangkultura at panlipunan.”​—Amin ang italiko.

Ang “mga kaugaliang pangkultura at panlipunan” ay karaniwan nang salig sa matagal nang tradisyon​—na napakahirap baguhin. “Dahil sa tradisyon ay naniniwala ang kalalakihan na ang mga babae ay dapat gamitin sa halip na ibigin, pagsamantalahan sa halip na alagaan,” sabi ng isang babaing taga-Gitnang Silangan. “Bunga nito, ang isang babae ay walang tinig, walang mga karapatan, at may kaunti lamang na pagkakataon upang paunlarin ang kaniyang kalagayan.”

Paghikayat sa mga Asawang Lalaki at mga Ama

Ang Plataporma sa Pagkilos na ipinanukala sa Beijing, China, ng isang pandaigdig na komperensiya tungkol sa kababaihan noong 1995 ay nagpahayag na tanging ang “tuwiran at nagkakaisang pagkilos ng lahat” ang siyang makapagtatatag ng isang “mapayapa, makatarungan at makataong daigdig” na doo’y igagalang ang kababaihan.

Anumang pagkilos upang maging ‘mapayapa, makatarungan, at makatao’ ang buhay ng kababaihan ay kailangang magsimula sa tahanan, sa mga asawang lalaki at mga ama. Hinggil dito, kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na ang edukasyon sa Bibliya ang siyang susi sa tagumpay. Napatunayan nila na kapag nalaman ng mga lalaki na inaasahan ng Diyos na pakikitunguhan nila ang kanilang asawa at mga anak na babae nang may paggalang at konsiderasyon, kanilang isinasapuso at isinasagawa iyon.

Sa Sentral Aprika, si Pedro, isang lalaking may asawa at apat na anak, ay maasikaso na ngayon sa mga pangangailangan ng kaniyang kabiyak. Tinutulungan niya ito sa pag-aalaga sa mga anak, at siya pa man din ang naghahain ng pagkain kapag may mga bisitang nakikisalo sa pamilya. Bihirang-bihira ang ganitong makonsiderasyong pagkilos sa kanilang bansa. Ano ang nag-udyok sa kaniya na pahalagahan ang kaniyang asawa at makipagtulungan dito?

“Nang magsimula akong mag-aral ng Bibliya, natutuhan ko ang dalawang mahahalagang simulain hinggil sa papel ng asawang lalaki,” paliwanag ni Pedro. “Nagkaroon ng malaking epekto ang mga ito sa pangmalas ko sa aking asawa. Ang una, sa 1 Pedro 3:7, ay nagpapaliwanag na dapat pag-ukulan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak ng karangalan gaya ng sa “mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae.” Ang ikalawa, sa Efeso 5:28, 29, ay nagsasabi na dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak ‘gaya sa kaniyang sariling katawan.’ Mula nang sundin ko ang payong ito, naging mas malapit kami sa isa’t isa. Kaya tayong mga lalaki ay dapat higit na magpahalaga sa payo ng Diyos kaysa sa lokal na mga kaugalian.”

Inamin ni Michael, mula sa Kanlurang Aprika, na bago siya nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, hindi niya pinakikitunguhan nang maayos ang kaniyang asawa. “Sinasaktan ko pa nga siya kapag nagagalit ako,” pag-amin niya. “Ngunit tinuruan ako ng Bibliya na dapat kong baguhin ang aking ugali. Ngayon ay sinisikap kong mabuti na supilin ang aking galit at ibigin ang aking asawa gaya ng aking sariling katawan. At mas maligaya kaming dalawa.” (Colosas 3:9, 10, 19) Sumang-ayon ang kaniyang kabiyak, si Comfort: “Ngayon ay mas magalang at mas mapagmahal sa akin si Michael kaysa sa kaugalian ng maraming asawang lalaki sa aming lugar. Pinag-uusapan namin ang aming mga suliranin at nagtutulungan kami bilang isang tambalan.”

Natutunan nina Pedro at Michael na igalang at mahalin ang kani-kanilang asawa dahil isinapuso nila ang mga tagubilin mula sa Salita ng Diyos, na tumitiyak na ang pang-aapi sa kababaihan ay totoong di-nakalulugod sa ating Maylalang.

Ang Pagmamalasakit ng Diyos sa Kababaihan

Lagi nang nagmamalasakit ang Diyos sa kababaihan at sa kanilang kapakanan. Bagaman sinabi niya sa ating unang mga magulang na dahil sa kanilang paghihimagsik, ang di-kasakdalan ay hahantong sa ‘pagdomina’ sa kababaihan, ito ay hindi kailanman naging layunin ng Diyos. (Genesis 3:16) Nilalang niya si Eva bilang “kapupunan” ni Adan at isang kasama para sa kaniya. (Genesis 2:18) Sa Batas Mosaiko, na ibinigay sa sinaunang Israel, espesipikong hinatulan ni Jehova ang masamang pagtrato sa mga babaing balo at inutusan niya ang mga Israelita na pakitunguhan ang mga ito nang may kabaitan at tulungan sila.​—Exodo 22:22; Deuteronomio 14:28, 29; 24:17-​22.

Bilang pagtulad sa kaniyang makalangit na Ama, hindi sinunod ni Jesus ang malaganap na tradisyon noong kaniyang panahon na humahamak sa kababaihan. Siya’y may kabaitang nakipag-usap sa mga babae​—kahit na doon sa mga may masamang reputasyon. (Lucas 7:44-50) Bukod dito, nalulugod si Jesus na tulungan ang mga babaing may mga suliranin sa kalusugan. (Lucas 8:43-​48) Minsan, nang makita niya ang isang biyudang nagdadalamhati dahil kamamatay lamang ng bugtong na anak nito, agad niyang nilapitan ang prusisyon sa libing at binuhay-muli ang binata.​—Lucas 7:11-15.

Ang mga babae ay kabilang sa mga naunang alagad ni Jesus at unang nakasaksi sa kaniyang pagkabuhay-muli. Pinuri ng Bibliya ang mga babaing tulad nina Lydia, Dorcas, at Prisca bilang mga uliran sa pagkamapagpatuloy, pagdamay, at lakas ng loob. (Gawa 9:36-​41; 16:14, 15; Roma 16:3, 4) At ang mga naunang Kristiyano ay sinanay na magpakita ng paggalang sa mga babae. Sinabihan ni apostol Pablo ang kaniyang kapuwa misyonerong si Timoteo na makitungo sa “mga nakatatandang babae gaya ng sa mga ina, ang mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.”​—1 Timoteo 5:2.

Mga Babaing Iginagalang

Kung isa kang Kristiyanong lalaki, igagalang mo rin naman ang mga babae. Hindi mo gagamiting dahilan ang tradisyon upang pagmalupitan sila. Isa pa, ang magalang na pagtrato sa kababaihan ay makapagbibigay ng mahusay na patotoo sa iyong pananampalataya. (Mateo 5:16) Inilarawan ni Salima, isang kabataang babae sa Aprika, kung paano siya nakinabang nang masaksihan niyang isinasagawa ang mga simulaing Kristiyano.

“Lumaki ako sa isang kapaligiran na doo’y minamaltrato ang kababaihan at ang mga batang babae. Ang aking ina ay nagtatrabaho nang 16 na oras sa isang araw, ngunit wala siyang natatanggap kundi mga reklamo kung mayroong hindi nagampanan. Masahol pa, sinasaktan siya ng aking ama kapag nalalasing ito. Dumaranas din ng ganito ang ibang kababaihan sa aming lugar. Ngunit alam ko na mali ang gayong pagtrato​—na pinupuno nito ang aming buhay ng kabiguan at kalungkutan. Gayunpaman, waring walang paraan upang mabago ang ganitong kalagayan.

“Subalit nang ako’y isang tin-edyer, nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ako’y lubhang humanga nang mabasa ko ang mga salita ni apostol Pedro, na nagsabing dapat pakitunguhan nang may karangalan ang kababaihan. Pero naisip ko, ‘Malabong ikakapit ng mga tao ang payong ito, lalo na dahil sa aming lokal na tradisyon.’

“Gayunman, nang pumunta ako sa Kingdom Hall, kung saan idinaraos ng mga Saksi ang kanilang mga pulong, ako’y may kabaitang pinakitunguhan ng mga lalaki at gayundin ng mga babae. Lalo pang nakapagtataka, ang mga asawang lalaki na kabilang sa kanila ay totoong nagmamalasakit sa kanilang asawa. Habang lalo kong nakikilala ang mga tao roon, natanto ko na ito ay isang bagay na inaasahang gawin ng lahat ng Saksi. Bagaman ang ilan sa mga lalaki ay may pinagmulang katulad ng sa akin, pinakikitunguhan nila ngayon nang may paggalang ang mga babae. Ibig kong mapabilang sa malaking pamilyang ito.”

Isang Permanenteng Solusyon

Hindi lamang nagkataon ang paggalang na nakita ni Salima. Iyon ay bunga ng isang programa sa pagtuturo, batay sa Salita ng Diyos, na tumutulong sa mga tao na pahalagahan ang isa’t isa gaya ng ginagawa ng Diyos. Ito’y nagpapahiwatig kung ano ang maaaring gawin kahit na ngayon at kung ano ang gagawin sa lahat ng dako kapag namahala na sa lupa ang Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Aalisin ng makalangit na pamahalaang ito ang kawalang-katarungan. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Kapag may mga kahatulan mula sa iyo [Jehova] para sa lupa, tiyak na katuwiran ang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.”​—Isaias 26:9.

Kahit ngayon, binabago ng edukasyon sa katuwiran ang paraan ng pag-iisip ng milyun-milyong tao. Kapag napasakop na sa Kaharian ng Diyos ang lahat ng taong nabubuhay, ang edukasyong ito ay magpapatuloy sa buong lupa at wawakasan ang malupit na pagtrato ng mga lalaki sa kababaihan, isang ibinunga ng pagkakasala ni Adan. Hindi pahihintulutan ni Jesu-Kristo, ang Haring hinirang ng Diyos, na ang kaniyang pamamahala’y papangitin ng kawalang-katarungan sa mga babae. Sa paglalarawan sa pamamahalang iyon ni Kristo, sinasabi ng Bibliya: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa mababa at dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”​—Awit 72:12-14.

Ang sunud-sunod na artikulong ito ay nagtuon ng pansin sa mga suliranin ng kababaihan. Subalit, kinikilala na maraming kalalakihan ang pinagmamalupitan din naman. Sa buong kasaysayan ay di-maubos-maisip na kakilabutan ang ginawa ng mga lalaking makapangyarihan at balakyot laban sa kalalakihan gayundin sa kababaihan. At gayundin ang ginawa ng ilang babae. Halimbawa, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa balakyot na mga babaing gaya nina Jezebel, Athalia, at Herodias na nagbubo ng dugo ng mga taong inosente.​—1 Hari 18:4, 13; 2 Cronica 22:10-​12; Mateo 14:1-​11.

Kung gayon, kailangan ng buong sangkatauhan ang bagong sanlibutan ng Diyos, sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. Di na magtatagal, kapag nagbukang-liwayway na ang araw na iyon na kaylapit-lapit na, wala nang kababaihan ni kalalakihan ang makararanas pa kailanman ng diskriminasyon at masamang pagtrato. Sa halip, bawat araw ay magiging “matinding kasiyahan” para sa lahat.​—Awit 37:11.

[Larawan sa pahina 13]

Sinusunod ng mga Kristiyanong asawang lalaki ang mga alituntunin sa Bibliya at kanilang iginagalang at pinararangalan ang kanilang kabiyak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share