Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 4/8 p. 16-17
  • Ang “Dolphin” sa Ating Paligid

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Dolphin” sa Ating Paligid
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Bihirang Makita
  • Iyon ba’y Isang Dolphin?
  • Ang Kaunting Nalalaman Natin
  • May Kinabukasan Kaya Ito?
  • Paghahanap sa mga Lampasot sa New Zealand
    Gumising!—2002
  • Isang Whale? Isang Dolphin?—Hindi, Ito’y Isang Wholphin!
    Gumising!—1994
  • Ang Sonar ng Dolphin
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Shark Bay—Hiwaga sa Karagatan
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 4/8 p. 16-17

Ang “Dolphin” sa Ating Paligid

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

GUSTUNG-GUSTO nito ang mainit-init at mababaw na tubig sa tropiko, iyon man ay tubig alat o tabang, malabo man o malinaw. Nabubuhay iyon sa isang lugar na sumasaklaw mula sa Bay of Bengal sa India sa kahabaan ng Malay Archipelago hanggang sa hilagaang Australia.

Gayunman, iilang tao​—lalo na ang mga taga-Australia, na ang hilagaang baybayin ay maaaring kinaroroonan ng pinakamalalaking kawan ng hayop na ito sa daigdig​—ang nakakita o nakabalita kailanman tungkol sa Irrawaddy dolphin. Nakapagtataka ba? Oo at hindi.

Noong ika-19 na siglo, nakita ng dalubhasa sa hayop na si John Anderson ang mga pangkat ng kulay abuhing-bughaw na dolphin na ito, na may ulong pabilog at walang tuka, sa Irrawaddy River sa Myanmar (noo’y Burma). Pinanganlan niya itong Irrawaddy dolphin.

Kung Bakit Bihirang Makita

Ang mga Irrawaddy ay dumarami sa mainit at mahalumigmig na mga baybayin, wawa, at mga ilog. Ang tirahan ng mga ito ay kadalasang napaliligiran ng putik, mga bakawan, kagubatan, kumpul-kumpol na lamok at, sa ilang lugar, maging ng mga buwaya​—hindi ang kapaligiran na nakaaakit sa tao.

Ang tubig sa mga lugar na ito ay karaniwan nang malabo rin, kaya ang tanging panahon na makikita mo ang isang dolphin ay kapag saglit itong pumapaibabaw upang huminga. Magkagayunman, hindi ito gaanong nagpapakita. Maliit na bahagi lamang ng likod nito ang lumilitaw, at ang palikpik nito sa likod ay napakaliit kung ihahambing sa ibang dolphin.

Ngunit sa ilang lugar ay karaniwang nakikita ang mga Irrawaddy dolphin. Ang mga mangingisda at nagpapaandar ng mga bangka sa Irrawaddy River sa Myanmar, at iba pang ilog sa lugar ng mga dolphin sa Asia, ay madalas makakita ng mga hayop na ito na naghahanap ng pagkain at lumulundag patungo sa dako pa roon ng ilog, anupat bumubuga ng tubig mula sa kanilang bibig na gaya ng mga bukal ng tubig o mga pigurin sa isang halamanan sa tubig.

Sa katubigan ng Australia, matatagpuan ang mga Irrawaddy sa kahabaan ng kanlurang baybayin, sa palibot ng tuktok ng kontinente, at sa ibaba ng baybayin sa silangan. Karaniwan silang makikita na pangkat-pangkat na binubuo ng hindi aabot sa anim ngunit paminsan-minsan ay umaabot sa 15. Di-tulad ng kamag-anak ng mga ito sa Asia, ang pamilya sa gawing Australia ay hindi pa kailanman nalaman na nagbubuga ng tubig.

Iyon ba’y Isang Dolphin?

Ang mga Irrawaddy ay nakatira malapit sa lupa at mababagal lumangoy kung ihahambing sa kanilang mas maliliksing pinsan nito sa dagat. Gayunman, nahihirapan ang mga siyentipiko na pag-aralan ang mga ito. Ang kanilang di-kaakit-akit na lugar ay isang pangunahing dahilan. Gayunman, ang buháy na mga Irrawaddy ay pinag-aaralan sa Jaya Ancol Oceanarium, sa Djakarta, Indonesia.

Dahil sa kakaunti ang nalalaman tungkol sa mga Irrawaddy, hanggang kamakailan lamang ay di pa tiyak ng mga biyologo kung sa aling pamilya ng mga balyena at dolphin kabilang ang mga ito. Maliwanag, maraming pagkakahawig ang mga ito sa mga dolphin. Gayunman, sa anyo, hindi sa kulay (ang mga ito’y mapusyaw hanggang sa matingkad na abuhing-bughaw), halos mapagkakamalan ang mga ito na mas maliit na bersiyon ng balyenang beluga sa Arktiko, o ng puting balyena. Kahit ang di-pangkaraniwang leeg ng mga ito na madaling baluktutin ay kahawig na kahawig niyaong sa beluga. Kaya, ano ba ang mga ito​—ang katumbas sa ekwador ng beluga o isang tunay na dolphin?

Ang isang paraan upang malaman ay ang ilagay ang marami nitong pisikal at henetikong katangian sa isang timbangan, wika nga, at tingnan kung sa aling direksiyon papaling ang timbangan. Lumalabas na ang bigat ng ebidensiya sa timbangan ay nasa panig ng dolphin.

Ang Kaunting Nalalaman Natin

Sa pagsilang, ang mumunting Irrawaddy ay wala pang isang metro ang haba at tumitimbang ng mga 12 kilo. Ang kalalakihan ay umaabot ng mga 2.75 metro, at ang kababaihan, mas maliit nang kaunti. Maaaring mabuhay ang mga ito ng 28 taon.

Ang mga nakuha mula sa tiyan ng patay nang mga Irrawaddy ay nagsisiwalat na kumakain ito ng pusit, hipon, sugpo, at isda​—lalo na ang mga isda sa malalim na tubig. Ipinapalagay ng ilang siyentipiko na ang kakatwang kaugalian ng mga dolphin sa Asia na pagbubuga ng tubig mula sa kanilang bibig ang maaaring nakatutulong sa kanila upang makahanap ng isda sa malalabong tubig.

Tulad ng ibang dolphin, ang mga Irrawaddy ay lumilikha ng kakaibang ingay. Sinabi ni Dr. Peter Arnold, ng Museum of Tropical Queensland, sa Gumising! na “ayon sa pagsasaliksik na ginawa sa Jaya Ancol Oceanarium, malamang na ginagamit ng Irrawaddy dolphin ang ingay nito upang humanap ng masisila gaya ng ginagawa ng ibang dolphin.”

May Kinabukasan Kaya Ito?

Hindi alam ng mga siyentipiko kung gaano karami ang mga Irrawaddy sa daigdig. Ngunit lumalaki ang pagkabahala na ang mga ito ay nanganganib na malipol. Sa ilang bahagi ng Timog-silangang Asia, umuunti ang mga ito, at sa ibang lugar, talagang hindi na masusumpungan ang mga ito.

Ito ay kadalasang dahil sa mga pagtotroso at sa kaugnay na polusyon at pagbabanlik sa mga ilog. Sa Australia, ang malaking bahagi ng teritoryo ng Irrawaddy ay nananatiling di-tinitirahan ng tao. Ngunit sa mas kaakit-akit na mga lugar sa silangang baybayin, pininsala ng urbanisasyon at turismo ang mga ito. Ang ilang Irrawaddy ay nalulunod sa mga lambat sa pangingisda, at ang ilan, sa mga lambat para sa mga pating na inilalagay malapit sa mga dalampasigan upang ipagsanggalang ang mga lumalangoy. Ang sobrang pangingisda sa suplay ng pagkain ng mga Irrawaddy ay may epekto rin sa bilang ng mga ito.

Subalit ang pinakamalaking potensiyal na panganib ay ang dumaraming dumi na inaanod sa mga ilog at wawa. Kabilang sa pinakagrabe ay ang sintetikong organikong mga kombinasyon, tulad ng polychlorinated biphenyls (PCBs), na namamalagi sa kapaligiran. Ang mga PCB ay ginagamit sa mga kagamitang elektronika, pintura, pampadulas, pampahid sa kahoy at metal at iba pang produkto.

Sa positibong pangmalas, ganito ang sabi ng Australian Nature Conservation Agency, sa kanilang dokumentong The Action Plan for Australian Cetaceans: “Ang kalakhang bahagi ng kinaroroonan [ng Irrawaddy dolphin] sa Queensland ay sakop ng Great Barrier Reef Marine Park; kaya malaki ang posibilidad na mapangalagaan ang mga ito sa katubigan ng Queensland.”

Bilang isa pang hakbang para sa mas mabuting pangangalaga, inirerekomenda ng ahensiya na kasama ng balyenang humpback, ng southern right na balyena, at ng bottle-nosed na dolphin, ang Irrawaddy ay gawing isang pangunahing uri na kabilang sa programa para sa kabatiran ng publiko. Makabubuti ito para sa Irrawaddy dolphin​—at para sa atin.

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Mga larawan: Sa kagandahang-loob ni Dr. Tony Preen

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share