Ang Pangmalas ng Bibliya
Totoo ba ang mga Demonyo?
NOONG ika-17 at ika-18 siglo, isang marahas na kampanya ng pag-uusig sa mga manggagaway ang lumaganap sa halos buong Europa. Sumailalim sa nakapangingilabot na pagpapahirap ang maraming di-umano’y manggagaway. Ang ilan na may-kabulaanang pinaratangan ay umamin sa panggagaway upang makaligtas lamang sa pagpapahirap. Napakarami ang pinaslang batay lamang sa bali-balita o hinala.
Bagaman waring batay sa Kasulatan, talaga namang isang pagkapanatiko ang ginawang ito laban sa panggagaway, isang anyo ng demonismo. Hindi iniatang sa mga Kristiyano ang pananagutang magpahirap o pumatay sa mga manggagaway o iba pang nagsasagawa ng espiritismo. (Roma 12:19) Ano ba ang nangingibabaw na saloobin sa ngayon?
Isang Maluwag na Saloobin
Hindi itinuturing ng karamihan ng mga tao ngayon sa Sangkakristiyanuhan na isang seryosong bagay ang gayong mga gawain may kinalaman sa espiritismo. Dala ng pagkamausisa, ang ilan ay baka mag-eksperimento sa astrolohiya, salamangka, panghuhula, at panggagaway, ngunit hindi nila itinuturing na demonismo ang mga gawaing ito may kinalaman sa okultismo. Kung minsan, hayagang inaamin ng mga artista, personalidad sa isport, at mga pulitiko ang kanilang pagkakasangkot sa okultismo. Sa ilang aklat at mga pelikula ay inilalarawan ang mga manggagaway at mga mangkukulam na “kaakit-akit, medyo kakaibang mga tao na ang sobrenatural na gawain ay hindi nakapipinsala sa sinuman,” sabi ng isang ensayklopidiya. Ang materyal na dinisenyong umaliw at magturo sa mga bata ay maaaring may tema tungkol sa okultismo.
Ang gayong maluwag at pangkaraniwang saloobin sa demonismo ay maaaring umakay sa paniniwalang di-umiiral ang mga demonyo. Naniniwala ka ba na ang mga demonyo ay umiiral at aktibong nagsisikap na pinsalain tayo? Kung sa bagay, maraming tao sa ngayon ang magsasabi na hindi nila kailanman naranasang makipag-ugnayan sa mga demonyo o makakita ng gawain ng mga ito. Totoo ba ang mga demonyo?
Isang Suliranin ang Di-Paniniwala
Yaong nag-aangking tumatanggap sa Bibliya ngunit nag-aalinlangan kung may mga demonyo nga ay nakaharap sa isang suliranin. Kung hindi sila naniniwala na totoo ang mga demonyo, sa isang antas ay nagpapakita sila ng di-paniniwala sa Bibliya. Bakit? Sapagkat ang ideya na may kapangyarihang nakahihigit sa tao ang balakyot na mga espiritu ay itinuturo ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Ang unang aklat nito, ang Genesis, ay naglalahad kung paanong ang isang matalinong nilalang ay gumamit ng isang serpiyente upang linlangin si Eva at akayin siya sa paghihimagsik sa Diyos. (Genesis 3:1-5) Ang huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, ay nagpapakilala sa balakyot na manlilinlang na ito, “ang orihinal na serpiyente,” bilang “ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Nagtagumpay si Satanas sa pag-akit sa iba pang anghel upang maghimagsik. (Judas 6) Sa Bibliya ay tinatawag na mga demonyo ang nagkasalang mga anghel na ito. Gumagawa sila ng pagmamaneobra sa kapaligiran ng lupa at sila’y galit na galit sa Diyos at sa mga naglilingkod sa kaniya.—Apocalipsis 12:12.
Si Satanas at ang mga demonyo ay may kapangyarihang makaimpluwensiya, makapinsala, at makipagtalastasan sa mga tao. (Lucas 8:27-33) Libu-libong taon na nilang pinag-aralan ang kalikasan ng tao. Alam nila kung paano sasamantalahin ang mga kahinaan ng tao. Iniuulat ng Bibliya ang mga kaso na doo’y kanilang inalihan, o lubusang sinupil, ang mga lalaki, babae, at mga bata. (Mateo 15:22; Marcos 5:2) Maaari silang magdulot ng sakit o pisikal na kapansanan gaya ng pagkabulag. (Job 2:6, 7; Mateo 9:32, 33; 12:22; 17:14-18) Maaari rin nilang bulagin ang pag-iisip ng mga tao. (2 Corinto 4:4) Ang mga demonyo ay palagi nang aktibo, tulad ng kanilang lider, si Satanas, na gaya ng “isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Nasa Bibliya ang maraming salaysay tungkol sa pag-iral ng mga demonyo. Kung naniniwala ka sa Bibliya, kung gayo’y tanggapin mong totoo na may di-nakikitang balakyot na mga nilalang.
Masasamang Manlilinlang
Ngunit paano iiral sa ngayon ang makapangyarihang mga demonyo nang hindi lumilikha ng namamalaging kakilabutan sa daigdig? Bakit ang kanilang pagkanaririto at mga pagkilos ay hindi gaanong nahahalata? Sumasagot ang Bibliya: “Si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Ang Diyablo ay isang manlilinlang. Ang gawain ng mga demonyo ay kadalasang nagkukunwaring hindi nakapipinsala o nakabubuti pa nga. Kaya naman, mahirap itong makilala.
Patuloy na pinahihirapan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang mga tao sa iba’t ibang paraan, gaya ng ginawa nila noong panahon ng Bibliya. Ang ilan na ngayo’y mga tunay na Kristiyano na ay dating nasangkot sa okultismo; makapagpapatotoo sila tungkol sa nakapangingilabot na pagsalakay ng mga demonyo. Sa ngayon, marahil sa mas malawak na antas higit kailanman, ginagamit ng mga demonyo ang kanilang kapangyarihang nakahihigit sa tao upang akitin ang mga tao sa pagsasagawa ng tuwirang okultismo. Hindi dapat maliitin ang kanilang kapangyarihan. Gayunman, marami silang nagagawa sa pamamagitan ng pag-akit sa mga tao palayo sa Diyos kaysa sa pananakot sa kanila. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa,” sabi ng Bibliya. (Apocalipsis 12:9) Determinado silang sirain ang espirituwalidad sa pamamagitan ng tuso at nakararahuyong pamamaraan.
Totoo ang mga demonyo. Paano pa nga ba maipaliliwanag ang di-mapatid na pagkauhaw sa dugo at pagpuksa na kitang-kita sa mga tao sa ngayon? Likas lamang sa mga tao ang magnais na mabuhay nang payapa at maligaya. Ngunit pinalalaganap ng mga demonyo ang kasamaan at may kapangyarihan sila na impluwensiyahan at pasamain ang isip ng tao.
Gayunman, si Jehova ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat—mas makapangyarihan sa mga demonyo. Nagbibigay siya ng kaniyang lakas at proteksiyon laban sa “mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11-18) Hindi natin kailangang matakot nang gayon na lamang sa mga demonyo, sapagkat nangangako ang Diyos: “Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—Santiago 4:7.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Sipa Icono