Mga Instrumento sa Di-Maubos-Maisip na Pagpapahirap
NANGINGINIG ka ba sa mga salitang “kadena,” “pagpapahirap,” at “pagbitay”? Sa libu-libong biktima ng Inkisisyon at ng paglilitis sa mga manggagaway sa Europa (sa pagitan ng ika-13 at ika-19 na siglo), ang mga ito ay masaklap na katotohanan. Ang mga kasangkapang nakalarawan dito, na pag-aari ng isang museo sa Rüdesheim sa Rhine, na nasa Alemanya, ay mula sa panahong iyon. Ang mga ito ay nagbibigay sa atin ng pahiwatig tungkol sa pagdurusa ng mga biktima.
Ang kaawa-awang biktima ay sumailalim sa di-mailarawang paghihirap nang paupuin na nakahubad para pagtatanungin sa Inquisition chair, na nababalot ng matutulis na tinik. Ang mga bisig, binti, o kasukasuan ng biktima ay binali o dinurog sa pamamagitan ng knee screws. Ang cat’s paw ay ginamit upang pagpira-pirasuhin ang kaniyang laman; walang bahagi ng katawan ang pinaligtas. Ang thorned collar ay naging sanhi ng pagkabulok ng leeg, mga balikat, at panga ng biktima, na mabilis na humantong sa pagkalason ng dugo at kamatayan.
Ang mga ito at ang katulad na mga instrumento ay ginamit ng mga inkisidor na inatasan ng Simbahang Katoliko Romano upang harapin ang mga tumututol—karamiha’y pangkaraniwang mga tao na tinuligsa at ngayo’y pinilit na “magtapat” sa pamamagitan ng pagpapahirap. Sa katunayan, sa panahon ng Inkisisyon na nagsangkot sa mga Waldens na iniutos ng papa, winisikan pa man din ng agua bendita ang mga instrumento sa pagpapahirap.
Dala-dala ng Sangkakristiyanuhan ang mabigat na pananagutan para sa Inkisisyon. Ganito ang paliwanag ng mananalaysay na si Walter Nigg: “Hindi na tatanggap pa ang Sangkakristiyanuhan ng mga pagpapala hanggang sa wakas ay magtapat ito—nang hayagan at nang may matinding pananalig—sa mga kasalanang nagawa noong Inkisisyon, anupat buong-kataimtiman at walang-pasubaling talikuran ang lahat ng anyo ng karahasan may kinalaman sa relihiyon.”
[Mga larawan sa pahina 31]
Inquisition chair
Knee screws
Thorned collar
Cat’s paw
[Credit Line]
Lahat ng larawan: Mittelalterliches Foltermuseum Rüdesheim/Rhein