Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 4/22 p. 3-5
  • Lumalaki ang Salot

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Lumalaki ang Salot
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Nakapanlulumong Salot
  • Dapat ba Akong Sumali sa Isang Gang?
    Gumising!—1991
  • Kung Ano ang Dapat Nating Malaman Tungkol sa mga Gang
    Gumising!—1998
  • Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Sarili sa Pagsalakay ng Gang?
    Gumising!—1991
  • Ipagsanggalang ang Ating mga Anak Mula sa mga Gang
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 4/22 p. 3-5

Lumalaki ang Salot

Labing-isang taong gulang pa lamang ang munting si Robert, ngunit natagpuan siyang nakadapa sa ilalim ng isang abandonadong tulay. May dalawang tama ng bala sa likod ng kaniyang ulo. May paniwala na siya’y pinatay ng mga miyembro ng kaniya mismong gang ng mga kabataan.

Ang 15-taong-gulang na si Alex ay malapit nang maging miyembro ng isang gang at marahil ay patungo sa maagang kamatayan. Ngunit nakita niya ang pagkamatay ng isang kaibigan, at naisip niya: ‘Ayokong humantong sa ganiyan.’

ANG mararahas na gang sa kalye, minsang iniugnay sa kilalang-kilalang mga gang sa Los Angeles na tinatawag na “Bloods” at “Crips,” ay lumaganap sa buong daigdig. Ngunit saanman sila naroroon, nakapagtatakang magkakahawig ang mga gang.

Ang “Teddy Boys” sa Inglatera ay gumimbal sa daigdig noong mga taon ng 1950. Sinabi ng The Times ng London na gumamit sila ng mga palakol, kutsilyo, kadena ng bisikleta, at iba pang armas upang “gumawa ng kahila-hilakbot na pinsala” sa mga inosenteng tao. ‘Nagkaroon ng mga saksakan, winasak ang mga kapihan at sinira ang mga kainan.’ Ang mga tao ay pinagsamantalahan, ninakawan, ginulpi, at kung minsa’y pinatay.

Iniulat ng Die Welt ng Hamburg, Alemanya, na kamakailan lamang ang mga kabataan “na papunta sa disco o pauwi na” ay sinalakay ng mga gang na gumamit ng “mga pamalo ng bola sa beysbol, kutsilyo, at mga baril.” Sinabi ng Süddeutsche Zeitung sa Munich na sinasalakay sa Berlin ng mga taong ahit ang ulo ang sinuman “na kapansin-pansing mas mahina​—ang mga palaboy, may kapansanan, mga babaing retirado.”

Iniulat ng isang kabalitaan ng Gumising! sa Espanya na ang suliranin sa mga gang ng tin-edyer ay bago lamang ngunit ito ay lumalaki. Ang ABC, isang pahayagan sa Madrid, ay may ulong balita na “Mga Ahit ang Ulo​—Ang Bagong Bangungot ng mga Lansangan.” Sinabi ng isang dating nag-aahit ng ulo mula sa Espanya na hinahanap nila ang “mga kaawa-awang banyaga, mga nagbibili ng aliw, at mga homoseksuwal.” Sinabi pa niya: “Walang kabuluhan ang isang gabing walang karahasan.”

Sinabi naman ng Cape Times sa Timog Aprika na ang karamihan sa mararahas na krimen doon ay “kakambal na produkto ng kaugalian ng isang ubod-samang gang.” Sinabi ng isang aklat na inilathala sa Cape Town na ang mga gang sa Timog Aprika ay naging “mga linta” sa mas mahihirap na bayan at na kanilang “ninakawan at hinalay ang kanilang sariling mga kababayan at sila’y naglalabanan dahil sa teritoryo, pamilihan, at mga babae.”

Sinabi ng O Estado de S. Paulo, isang pahayagan sa Brazil, na ang mga gang doon ay “dumarami sa nakatatakot na antas.” Sinabi nito na nilulusob nila ang karibal na mga gang, nakaririwasang mga kabataan, mga taong kabilang sa ibang lahi, at mahihirap na nandayuhang manggagawa. Sinabi rin nito na isang araw ilang gang ang nagsabuwatan, “nagnakaw sa mga tao sa tabing-dagat . . . , naglaban-laban sa isa’t isa,” at ginawang isang “larangan ng digmaan” ang isang pangunahing lansangan sa Rio de Janeiro. Isa pang ulat mula sa Brazil ang nagsabi na dumarami ang mga gang kapuwa sa malalaking lunsod gaya ng São Paulo at Rio de Janeiro at sa mas maliliit na bayan.

Binanggit ng magasing Maclean’s sa Canada noong 1995 na ayon sa pagtaya ng pulisya, mayroong di-kukulangin sa walong aktibong gang sa kalye sa Winnipeg, Canada. At ang mga pahayagan sa Estados Unidos ay naglathala ng mga larawan ng mga miyembro ng mga gang na nagpakilala ng mga kasuutan at graffiti ng gang sa malalayong reserbasyon ng mga Indian ng American Southwest.

Sa New York City, sunud-sunod na karahasang may kaugnayan sa gang ang sumiklab noong nakaraang taon. Sinasabing kasangkot ang mga miyembro ng Bloods at ng Crips, mga gang na sikat sa Los Angeles. Ayon sa alkalde ng New York, sa pagitan ng Hulyo at Setyembre, 702 pag-aresto ang isinagawa ng pulisya sa mga insidenteng tuwirang may kinalaman sa mga gang.

Ang problema ay hindi lamang matatagpuan sa malalaking lunsod. Ang Quad-City Times, na inilalathala sa gitnang bahagi ng Estados Unidos, ay nagsabi tungkol sa “dumaraming karahasan ng mga tin-edyer, palasak na paggamit ng droga at lumalaganap na pagkadama ng kawalang-pag-asa.”

Isang Nakapanlulumong Salot

Isang gang ang sinasabing nagsimula sa isang grupo ng magkakaibigan. Ngunit habang lalong nakikilala ang lider nito, gayundin ang karahasan. Ang lider ng gang ay nakatira sa bahay ng kaniyang lola, na paulit-ulit na binaril, kahit na ang lola ay nasa loob. Iniulat ng isang pahayagan na may mahigit na 50 tama ng bala sa bahay. Lumilitaw na ang pamamaril ay bilang pagganti sa mga gawa na ibinibintang sa gang ng apo. Bukod dito, nakakulong ang kapatid na lalaki ng lider ng gang bunga ng gawaing may kinalaman sa gang, at ang pinsan niya, na lumipat upang maiwasan ang karahasan at umuwi upang dumalaw, ay binaril ng isang tao mula sa isang dumaraang van.

Sa Los Angeles, binaril ng mga miyembro ng gang ang isang kotse at napatay ang isang walang-malay na tatlong-taong-gulang na ang ina at kasintahan nito ay nagkamaling dumaan sa isang kalye. Isang bala ang umabot sa loob ng isang paaralan at tumama sa isang guro na nagsisikap tumulong sa mga estudyante na matutuhan kung paano pasusulungin ang kanilang buhay. Marami pang iba ang napatay rin na wala namang kinalaman sa mga gang ngunit naging mga biktima ng mga ito. Isang ina sa Brooklyn, New York, ang nakilala sa kanilang lugar dahil sa pinakamalungkot na kalagayan​—ang namatayan ng lahat ng kaniyang tatlong kabataang anak na lalaki dahil sa karahasan ng gang.

Ano ang sanhi ng ganitong pandaigdig na salot ng karahasan ng mga kabataan, at paano natin maipagsasanggalang dito ang ating minamahal na mga anak? Paano nga ba nagsimula ang mga gang, at bakit gayon na lamang karami ang mga kabataang sumasali sa mga ito? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na mga artikulo.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Scott Olson/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share