Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 4/22 p. 13-15
  • Ang Nakatutuwang Daigdig ng Mumunting Aklat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Nakatutuwang Daigdig ng Mumunting Aklat
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pitak ng Sining
  • Mga Thumb Bible
  • Di-Pangkaraniwang mga Tomo ng Kasulatan
  • Ang Pinakamaliit?
  • Ang Kamay—‘Ang Pinakamagarang Bihasang Sangkap’
    Gumising!—1988
  • Ang Ating Kahanga-hangang mga Kamay
    Gumising!—1992
  • Hinlalaki
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Posible Bang Malaman Kung Sino ang Sumulat ng Bibliya?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 4/22 p. 13-15

Ang Nakatutuwang Daigdig ng Mumunting Aklat

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

NAKAIINTRIGA ang mga bagay na di-pangkaraniwan​—ang pinakamataas na bundok, ang pinakamalalim na karagatan, ang pinakamataas na gusali, ang pinakamahabang tunel​—kaya, kumusta naman ang pinakamaliit na aklat? Nakatutuwa ang mumunting aklat! Milyun-milyon sa mga ito ang nailimbag na, sa lahat ng maiisip na paksa at sa di-kukulangin sa 20 wika. Kung hindi mo pa nagalugad ang daigdig ng mga ito, sulyapan mo ito ngayon.

Paano ba natin bibigyang-katuturan ang isang munting aklat? Ang karaniwang pamantayan ay na ang aklat ay hindi lalampas sa pitumpu’t anim na milimetro alinman sa haba o sa lapad. Kasali sa sukat na ito ang pagpapabalat, bagaman mas gusto ng ilang metikolosong kolektor na isaalang-alang lamang ang mga pahina ng aklat. Bakit inililimbag ang mumunting tomong ito?

Mga Pitak ng Sining

Salungat sa maaaring asahan ng isa, karamihan sa mumunting aklat ay talagang nababasa. Kaya naman ang mumunting kalendaryo, klasikong mga teksto, nobela, dula, diksyunaryo, at mga sagradong kasulatan ay maaaring dalhin at gamitin nang maalwan. Bagaman ito noon ang pangunahing dahilan sa pagmamay-ari ng gayong pagkaliliit na tomo, mas interesado ang modernong kolektor sa isa pang katangian ng mumunting aklat: ang kadalubhasaan ng mga naglimbag at nagpabalat sa mga ito.

Kinailangang mapagtagumpayan ng mga manlilimbag ang maraming teknikal na suliranin upang makapagdisenyo at makagawa ng tipo na maaaring basahin, nang gumagamit o hindi gumagamit ng lente. Ang kalakhang bahagi ng kanilang trabaho ay nagbunga ng napakagagandang aklat. Pinagsama-sama rin ng mga gumagawa ng papel at tinta ang kanilang kadalubhasaan upang tiyaking napakalinaw ang nilimbag na pahina.

Pagkatapos mailimbag ang isang aklat, ito ay pinapabalatan at ang pabalat ng mumunting aklat ay maaaring maging napakaganda. Kitang-kita ang kahusayan ng mga bihasang-manggagawa sa paggawa ng mumunting pabalat na yari sa hinugis na katad, ginto o pilak na filigrana, bahay ng pagong, o pinalamutiang enamel. Ang ilang pabalat ay gawa sa seda o pelus o binurdahan o pinalamutian pa nga ng mga perlas at mga sequin, at ang ilang aklat ay may lalagyan pa upang maingatan ang mga ito.

Ang mga mang-uukit na gumuhit ng mga teksto ay lumikha ng di-kapani-paniwalang detalyadong mga larawan, na kadalasa’y wala pang isang pulgada kudrado ng papel ang sukat! Ang isang halimbawa ay yaong larawan ni Dr. Samuel Johnson, ang Ingles na leksikograpo, sa 368-pahinang Bryce’s Thumb English Dictionary, na nilimbag noong mga taon ng 1890; at ang isa pa ay yaong ilustrasyon na katapat ng titulong pahina ng King Richard III ni Shakespeare, na inialay noong 1909 sa Ingles na aktres na si Ellen Terry.

Ang Bibliothèque Portative du Voyageur, na inilathala sa Paris, ay isang munting aklatan na inakalang dala-dala ni Napoléon Bonaparte sa kaniyang mga kampanyang militar. Ang 49 na tomo nito ng mga klasikong Pranses ay nakatago sa isang kahong nababalutan ng katad, na kapag nakasara ay mukhang isang malaking aklat.

Mga Thumb Bible

Ang mga Thumb Bible ay hindi naman laging kumpletong Bibliya. Ang ilan ay mga “Bagong Tipan” lamang. Ang iba ay sumaryo ng mga kuwento sa Bibliya o naglalaman ng buong kasaysayan ng Bibliya na pinaikli hanggang sa mga 7,000 salita, at ang mga ito ay espesipikong dinisenyo upang basahin ng mga bata. May mga pamagat ang mga ito na gaya ng The Bible in Miniature, The History of the Holy Bible, at The Child’s Bible.

Paano nakuha ng thumb Bible ang pangalan nito? Ang madaling paliwanag ay na mas malaki nang kaunti ang gayong Bibliya sa itaas na bahagi ng hinlalaki ng tao. Subalit ang aklat na Three Centuries of Thumb Bibles ay nagpapahiwatig na ang termino ay maaaring inimbento pagkatapos ng pagdalaw sa Inglatera ng sikat na Amerikanong unano na si Charles Stratton, na mas kilala bilang si Heneral Tom Thumb. Bilang suhay sa pag-aangking ito ay ang pangyayaring dinalaw ni Tom Thumb ang Inglatera noong 1844 at ang terminong “thumb Bible” ay lumilitaw na ginamit sa unang pagkakataon sa London noong 1849.

Di-Pangkaraniwang mga Tomo ng Kasulatan

Ang isang nakatutuwang karagdagan sa daigdig ng mumunting Bibliya ay ang The Finger New Testament, na nilimbag sa pagsisimula ng siglo. Ito ay 3 centimetro lamang ang lapad at 9 na centimetro ang haba​—singhaba ng daliri​—kaya naman ganito ang pangalan. Gayunman, yamang mahigit sa 76 na milimetro ang haba nito, sa tuwirang pananalita, hindi ito isang mumunting aklat, bagaman ito ay karaniwang inuuri na kabilang sa gayong mga Bibliya. Ang sukat na 4-puntong tipo na ginamit sa munting tomong ito ay napakalinaw at madaling mababasa ng marami nang hindi na gumagamit ng lente.

Ang isang di-pangkaraniwang halimbawa ay pinamagatang The Illustrated Bible, na may tulang pinamagatang Railway to Heaven. Ito’y nililimbag sa loob ng mahigit sa 50 taon noong mga unang araw ng mga daang-bakal ng Britanya. Ginamit ng awtor ang daang-bakal, sa pamamagitan ng dalawang-pahinang tula na pinamagatang “Upang Ituro Ka sa Ibang Linya.” Ang ibang linyang iyon ay ipinakilala bilang si “Jesu-Kristo, ang Anak ni Jehova.” Nagtapos ang tula: “Anak ko, sabi ng Diyos, ibigay mo sa akin ang iyong puso. Magmadali ka​—kung hindi ay aandar na ang tren.”

Hindi rin pangkaraniwan ang tomong My Morning Counsellor, ng taong 1900. Itinampok nito ang isang pang-araw-araw na teksto sa Bibliya, at ang bawat buwan ay may pambungad na isang anyo ng banal na pangalan. Halimbawa, ang anyo para sa Pebrero ay “Jehovah-Shalom.” Ang aklat na ito at ang The Illustrated Bible, na nabanggit na, ay kapuwa nagpapakita ng bagay na ang Jehova, ang pangalan ng Diyos, ay pangkaraniwang ginagamit sa Britanya isang daang taon na ang nakalipas.

Ang Pinakamaliit?

Sa paglipas ng mga siglo ay maraming inaangkin na siyang pinakamaliit na inilimbag na aklat. Ang unang makatuwirang pag-aangkin ay noong 1674 nang ilimbag ang aklat na Bloem-Hofje, ni C. van Lange, sa pagkaliliit na tipo. Inilarawan ng Miniature Books na ito ay “sinlaki ng kuko,” at ito ang may hawak ng rekord sa loob ng mahigit na 200 taon.

Ang isang sikat na edisyon ng La Divina Commedia ni Dante ay inilimbag sa 2-puntong tipo, na inakalang siyang pinakamaliit na tipo na ginamit kailanman​—halos di-mabasa ng mata lamang. Ginawa ang aklat sa Padua, Italya, noong 1878. Gumugol ng isang buwan upang ilimbag ang 30 pahina, at bagong tipo ang kinailangan para sa bawat bagong porma. Sa kabila nito, 1,000 kopya ang nailimbag.

Nagpatuloy ang pagpapaliit sa mga sukat. Noong 1978 ang tulang pambata na Three Blind Mice mula sa Gleniffer Press sa Paisley, Scotland, ang naging “pinakamaliit na aklat sa daigdig.” Ang limitadong edisyong ito ay nahigitan noong 1985 ng mga manlilimbag ding iyon nang gawin nila ang 85 kopya ng isa pang tulang pambata, ang Old King Cole! Ang bawat kopya ay may sukat na 1 milimetro por 1 milimetro lamang. Mabubuklat ang mga pahina–sa tulong ng isang karayom!

Ang gayong napakaliliit na aklat, na sa paglalarawan ni Louis Bondy ay “halos mga bakas ng alikabok,” ay nagpapatunay sa malaking pagtitiyaga at kabihasaan. Gayunman, ang mumunting aklat na ito ay lumampas pa sa orihinal na ideya ng mumunting aklat, ang paggawa ng mga aklat na mababasa at madaling gamitin.

Ang maiinam na koleksiyon ng nakatutuwang mumunting tomong ito ay makikita sa mga museo, at ang marami pa ay pag-aari ng mga pribadong indibiduwal. Kung makapasok ka sa nakatutuwang daigdig ng mga ito, huwag kalimutang hawakan nang buong-ingat ang mumunting aklat na ito. Talaga namang gawang sining ang mga ito!

[Kahon/Larawan sa pahina 14]

Pagpapaliit sa Pamamagitan ng Paraang Photomechanical

Ang pinakamaliit na “Bagong Tipan” na nailimbag kailanman ay gawa ni David Bryce, ng Glasgow, Scotland, noong 1895. Ang sukat nito ay 1.9 por 1.6 centimetro at 0.8 centimetro lamang ang kapal! Paano nagawang ilimbag ito? “Ito ay napakahusay at malinaw na inilimbag na pinaliit sa pamamagitan ng paraang photo-mechanical,” paliwanag ni Louis Bondy sa Miniature Books. Yamang bagung-bago pa lamang ang potograpiya sa nagdaang sandaang taon, hindi ito isang maliit na tagumpay.

Naglimbag din si David Bryce ng ilang kumpletong Thumb Bible sa pamamagitan ng gayunding pamamaraan. Para sa mga nahihirapang bumasa ng napakaliit na letra, bawat Bibliya ay may maliit na lenteng nakaipit sa loob ng pabalat. Sa pamamagitan ng tulong na ito, posible ang pagbabasa para sa matitiyaga.

Kapansin-pansin na ang proseso ng paglilimbag ng mga publikasyong pinaliit sa pamamagitan ng potograpiya ay ginamit ng mga Saksi ni Jehova sa kapaki-pakinabang na paraan noong panahon ng pag-uusig sa kanila kapuwa ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II at ng mga Komunista nang bandang huli. Makikita sa kalakip na mga larawan ang isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na nilimbag sa ganitong pamamaraan. Palibhasa’y naitago sa isang kahon ng posporo, ito’y naipuslit sa mga Saksi sa loob ng isang kampong piitan ng mga Nazi.

Nagkasya ito sa isang kahon ng posporo at ipinuslit sa loob ng isang kampong piitan

[Larawan sa pahina 13]

Bagaman maliit, nababasa ang mumunting aklat

[Larawan sa pahina 15]

Isang aklatan ng mumunting aklat

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share