Nakapalamuti sa Arkitektura ng Czech ang Pangalan ng Diyos
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Czech Republic
SA MARAMING dako sa daigdig, ang pangalang Jehova ay iniuugnay tangi lamang sa mga Saksi ni Jehova. Baka magulat kang malaman na sa Czech Republic, ang mga dekorasyon sa ilang makasaysayang mga gusali ay may kalakip na Tetragrammaton, ang apat na Hebreong titik (יהוה) na bumubuo sa banal na pangalan, ang Jehova.
Marahil ang pinakakilalang halimbawa ng Tetragrammaton ay yaong nasa Charles Bridge, na itinayo noong 1357 patawid sa magandang Vltava River, malapit sa Matandang Bayan ng Prague. Nakahanay sa magkabilang gilid ng tulay na ito ang mga eskultura, na ang isa rito ay nakatatawag pansin sa halos lahat ng dumaraan. Iyon ay isang istatuwa ni Jesu-Kristo na nasa isang krus, na napalilibutan ng kumikislap na gintong mga titik sa Hebreo—pati na ang Tetragrammaton—na kababasahan “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo.”
Paano napunta sa istatuwang ito ang pananalitang ito, na masusumpungan sa Bibliya sa Isaias 6:3? Sinasabi ng isang inskripsiyon sa patungan nito ang tungkol sa isang Judio na dumaan isang araw noong 1696 at ipinagpapalagay na nagsalita nang walang galang tungkol sa krus. Dahil dito, dinala siya sa Maharlikang Hukuman ng Pag-apela at sinentensiyahang magbayad ng multa. Bilang kabayaran ay nagbigay siya ng isang binalutang sinag sa ulo para sa krus, na doo’y nakaukit ang pananalitang nasa itaas.
Sa di-kalayuan ay matatagpuan ang Old-New Synagogue at ang pinakamatandang Judiong sementeryo sa Europa. Ang tuntungan ng kantor sa sinagogang ito ay may Tetragrammaton sa isang kuwadrong pilak. Ngunit hindi lamang sa mga gusaling Judio matatagpuan ang Tetragrammaton. Sa gawing timog-silangan ng Prague, sa isang mabatong tagaytay na doo’y matutunghayan ang Sázava River, nakatayo ang kastilyo ng Český Šternberk na mula pa noong edad medya. Sa ibabaw ng altar ng kapilya ng kastilyo ay matatagpuan ang apat ng ginintuang titik—ang Tetragrammaton. Ang mga titik ay waring lumulutang sa hangin yamang ang mga ito ay nakabitin sa alambre. Sa likod ng mga ito ay may isang ilaw na kumikislap—ngunit hindi mula sa isang lampara! Ang liwanag ng araw, na hindi nakikita mula sa loob, ay nagbibigay ng kulay rosas na liwanag sa puting altar, na sa ibabaw nito ay nakabitin ang Tetragrammaton.
Makikita rin ang Tetragrammaton sa mga guhit sa mga gusaling Czech. Ang mga ito ay karagdagang nagpapatotoo na noong nakaraan ay marami rito ang pamilyar sa pangalan ng Diyos. Sa ngayon, sa Czech Republic at sa mahigit na 200 iba pang lupain, nagagalak ang mga Saksi ni Jehova na makilala ang banal na pangalan at ituro sa iba ang tungkol dito. (Isaias 43:10-12) Isa pa, sinasabi ng aklat ng Bibliya na Isaias ang tungkol sa panahon na ang pangalan ng Diyos—gayundin ang kaniyang mga katangian, layunin, at mga gawain—ay ‘ipaaalam sa buong lupa.’—Isaias 12:4, 5.