Ang Pangmalas ng Bibliya
Gaano Kahalaga ang Taóng 2000?
KARAMIHAN ng tao ay hindi naglalagay ng anumang relihiyosong kahulugan sa kung ano ang magiging taóng 2000 para sa Kanluraning mga lupain at sa maraming iba pa. Halimbawa, ang mga Judio, Muslim, at mga Hindu ay may kani-kaniyang relihiyosong kalendaryo na hindi katugma niyaong mga Kanluranin. Para sa relihiyoso at tradisyunal na mga petsa, sinusunod ng mga Tsino ang kalendaryong lunar. Kaya naman, bilyun-bilyong tao ngayon, marahil ang kalakhang bahagi ng populasyon ng daigdig, ay hindi nag-uukol ng pantanging kahulugan sa taóng 2000.a
Gayunman, lalo na sa Kanluraning mga lupain, marami ang sabik na naghihintay sa nalalapit na pagsisimula ng susunod na milenyo gaya ng ipinahihiwatig ng kalendaryong Gregorian. Para sa ilan ay higit pa ito sa basta pananabik lamang. Minamalas nila ang taóng 2000 bilang pagsisimula ng isang bagong panahon, isang mahalagang petsa sa kasaysayan. Iniuugnay ng marami na nag-aangking naniniwala sa Bibliya ang katuparan ng mga hula sa taóng 2000. Umaasa ang ilan na magkakaroon ng malalaking espirituwal na kapahayagan. Ang iba naman ay nangangamba sa isang malaking kapahamakan—ang katapusan ng mundo. Naglalaan ba ang Bibliya ng anumang saligan sa mga pag-asam na ito?
Si Jehova, ang Tagapag-ingat ng Panahon
Ang Diyos ng Bibliya ay inilalarawan bilang “ang Matanda sa mga Araw.” (Daniel 7:9) Kinokontrol niya ang panahon nang buong-kawastuan, gaya ng makikita sa pag-andar ng marami sa kaniyang mga nilalang, mula sa pag-ikot ng mga planeta hanggang sa galaw ng sub-atomikong mga tipik. May sarili siyang talaorasan na mahigpit niyang sinusunod. “Itinalaga niya ang mga itinakdang panahon at ang nakalagay na mga hangganan ng pananahanan ng mga tao,” sabi ng Bibliya. (Gawa 17:26) Si Jehova ay isang sakdal na Tagapag-ingat ng panahon.
Alinsunod dito, ang Bibliya ay nagbibigay ng espesipikong pansin sa kronolohiya. Naglalaan ito ng magkakaugnay na rekord na nagpapangyari sa isang sistematikong pagbilang pabalik sa pasimula ng kasaysayan ng tao. Ang gayong kalkulasyon ay nagtuturo sa 4026 B.C.E. bilang ang taon ng paglalang ng Diyos kay Adan. Mga 2,000 taon pagkaraan nito, isinilang naman si Abraham. Dalawang libong taon pa ang lumipas pagsapit ng panahon ng pagsilang ni Jesus.
Ang ilang nag-aaral sa kronolohiya ng Bibliya ay nakabuo ng kuru-kurong mga pormula na tumutukoy sa espesipikong mga petsa sa hinaharap. Halimbawa, sa paggamit bilang batayan sa sunud-sunod na yugto ng humigit-kumulang 2,000 taon sa pagitan nina Adan, Abraham, at Jesus, ang ilan ay humuhula ng isang pangyayaring nagbabanta ng masama sa katapusan ng 2,000-taóng yugto ng panahon mula nang isilang si Jesus. Ito ay isa lamang halimbawa ng ilang pormula sa pagtantiya ng panahon na sinasabing batay sa kronolohiya ng Bibliya.
Totoo, bumabanggit ang Bibliya tungkol sa panahon na makikialam ang Diyos na Jehova sa pamamalakad ng tao sa pamamagitan ng pag-aalis ng kasamaan at pagpapangyari ng isang bagong sanlibutan. Ang hula sa Bibliya ay bumabanggit ng “panahon ng kawakasan,” “katapusan ng sistema ng mga bagay,” “mga huling araw,” at ng “araw ni Jehova.” (Daniel 8:17; Mateo 24:3; 2 Timoteo 3:1; 2 Pedro 3:12) Gayunman, ang “kawakasan” na inihula sa Bibliya ay walang kaugnayan sa anumang paraan sa taóng 2000. Walang binabanggit sa Kasulatan na nagbibigay ng pantanging kahulugan sa katapusan ng ikalawang milenyo ayon sa pagkalkula ng kalendaryong Gregorian.
“Kailan Mangyayari ang mga Bagay na Ito?”
Nagpakita ng matinding interes ang mga apostol ni Jesus sa talaorasan ng Diyos nang tanungin nila si Jesus: “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Marami sa ngayon ang may katulad na pananabik tungkol sa kinabukasan. Likas lamang na maging lubhang interesado sa gayong mahahalagang hula sa Bibliya at sa panahon ng katuparan ng mga ito. Gayunman, isang katalinuhan na tanggapin at igalang ang pangmalas ng Diyos hinggil sa bagay na ito.
Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, isiniwalat ni Jehova ang naiisip niya at nagbigay siya ng tuwirang sagot sa isyung ito. Nang malapit nang umakyat si Jesus sa langit, muli siyang tinanong ng kaniyang mga alagad tungkol sa panahon ng katuparan ng mga pangako ng Diyos. Sumagot si Jesus: “Hindi sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon.” (Gawa 1:7) Bago pa nito, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.”—Mateo 24:36.
Maliwanag, ang ‘pag-alam sa mga panahon o mga kapanahunan,’ lalo na may kinalaman sa katuparan sa hinaharap ng mga hula sa Bibliya, ay hindi hurisdiksiyon ng tao. Minabuti ng Diyos na hindi isiwalat ang gayong impormasyon sa atin. (Mateo 24:22-44) Maaari ba nating maapektuhan sa anumang paraan ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng sariling pagpapakahulugan sa “araw at oras na iyon,” nang labag sa kaniyang mga kagustuhan? Maliwanag, imposible ito. (Bilang 23:19; Roma 11:33, 34) Sinasabi ng Bibliya: “Ang payo ni Jehova ay tatayo hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 33:11) Yamang siya ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, siya ay laging matagumpay.—Isaias 55:8-11.
Sa kabila ng kapangyarihan ng Diyos na panatilihing ‘nasa kaniyang sariling hurisdiksiyon ang kaalaman sa mga panahon at mga kapanahunan,’ marami pa rin ang ibig magkuru-kuro. Ang ilan ay naging sariling-hirang na mga propeta ng kapahamakan. Dahil dito kung kaya nagbigay si apostol Pablo ng espesipikong tagubilin sa mga taga-Tesalonica hinggil sa panganib ng pakikinig sa mga nagkukuru-kuro tungkol sa mga petsa. Sumulat siya: “Hinihiling namin sa inyo na huwag mayanig nang madali mula sa inyong katinuan ni mabagabag kahit sa pamamagitan ng kinasihang pahayag o sa pamamagitan ng bibigang mensahe o sa pamamagitan ng liham na para bang mula sa amin, na wari bang ang araw ni Jehova ay narito na. Huwag hayaang dayain kayo ng sinuman sa anumang paraan.”—2 Tesalonica 2:1-3.
Matibay ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova na ang mga layunin ng Diyos sa hinaharap ay tiyak na matutupad sa kaniyang patiunang itinakdang panahon, nang eksakto sa araw at oras na kaniyang itinalaga. (Habacuc 2:3; 2 Pedro 3:9, 10) At naniniwala kami na malapit nang mangyari ang mga ito. (2 Timoteo 3:1-5) Gayunman, hindi kami nagkukuru-kuro o sumusuporta sa mga teoriya na nagiging popular sa ngayon.b Tiyak, kahit ang taóng 2000, ni ang 2001, ni ang anumang ibang panimulang panahon na itinakda ng mga tao ay walang anumang kaugnayan sa talaorasan ni Jehova.
[Mga talababa]
a Mula sa teknikal na punto de vista, ang di-umano’y ikatlong milenyo ay magsisimula sa Enero 1, 2001. Ang unang milenyo ay hindi nagsimula sa taong sero kundi, sa halip, sa taóng 1. Gayunman, iniuugnay ng publiko ang terminong “ikatlong milenyo” sa taóng 2000. Ang artikulong ito ay nagtutuon ng pansin sa popular na mga inaasahan may kinalaman sa taóng 2000.
b Sinabi ng Setyembre 1, 1997, isyu ng Ang Bantayan, pahina 21-2: “Sabik na malaman ng mga Saksi ni Jehova kung kailan magaganap ang araw ni Jehova. Dahil sa kasabikan nila kaya kung minsan ay sinusubukan nilang tantiyahin kung kailan ito darating. Ngunit sa paggawa nito ay nabigo sila, gaya ng mga naunang alagad ni Jesus, na bigyang-pansin ang babala ng kanilang Panginoon na “hindi [natin] alam kung kailan ang itinakdang panahon.” (Marcos 13:32, 33) Nilibak ng mga manunuya ang tapat na mga Kristiyano dahil sa kanilang wala-pa-sa-panahon na pag-asam. (2 Pedro 3:3, 4) Gayunpaman, ang araw ni Jehova ay darating, na tinitiyak ni Pedro, ayon sa Kaniyang talaorasan.”