Ang Pagbabalik ng Malaking Puting Ibon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN
HAWAK ang isang patpat, sinimulang paghahampasin ng mga lalaki ang magagandang puting ibon hanggang sa mamatay ang mga ito, nang isa-isa. Ang mga ibon ay ang mga albatros. Ang mga lalaki: Si Hanemon Tamaoki at ang kaniyang mga kasabuwat. Ang lugar: Torishima, isang isla na may layong 600 kilometro sa gawing timog ng Tokyo. Ang taon ay 1887.
Maraming taon nang binalak ito ni Tamaoki. Malaki ang pangangailangan sa malalambot na balahibo para sa mga kutson kapuwa sa kaniyang bansa at sa ibang bansa, at ang Torishima ay isang malayong isla na ang tanging naninirahan ay ang libu-libong albatros na regular na pumupunta roon upang magparami. Kabilang sa mga ito ang albatros na may maikling buntot, na lalong kaakit-akit kay Tamaoki. Ito ang pinakamalaking ibon noon sa dagat sa Hilagang Hemispero. Gunigunihin kung gaano karaming balahibo ang bumabalot sa isang mapintog na katawan na may timbang na mga 8 kilo at may buka ng pakpak na mahigit sa dalawa at kalahating metro! Isa pa, ang ibong ito ay maamo at hindi nagtatangkang tumakas kahit nasa panganib.
Nagdala si Tamaoki sa isla ng hanggang 300 manggagawa upang tumulong sa pagpatay at pagbunot sa balahibo ng mga ibon. Gumawa sila ng isang nayon at ng isang maliit na riles upang madala ang patay nang mga ibon. Gayon na lamang kahusay ang operasyon anupat di-nagtagal at naging napakayaman ni Tamaoki—na ang kapalit ay buhay ng mga limang milyong ibon. Napakalawak ng paglipol anupat nang sumabog ang bulkan sa isla noong 1902, na sumira sa nayon at sa lahat ng mga naninirahan dito, ito ay itinuring ng ilan bilang isang “sumpa dahil sa pagpatay sa mga albatros.” Magkagayunman, nang sumunod na taon, muli na namang dumating ang mga tao, upang hanapin ang mga ibong natira.
Halos mga isang libo at limang daang kilometro ang layo sa East China Sea sa isang grupo ng tiwangwang at mababatong isla sa pagitan ng Taiwan at Okinawa, isang lalaking nagngangalang Tatsushiro Koga ang nagsasagawa ng gayunding maunlad na negosyo. Tulad ni Tamaoki, natuklasan ni Koga na ang kaniyang suplay ng mga ibon ay mabilis na naglaho. Sa wakas, nilisan niya ang isla noong 1900—pagkatapos na malipol niya ang mga isang milyong albatros.
Isang Kalunus-lunos na Bunga ng Kasakiman
Ang malawakang paglipol na iyon sa mga ibon ay isang trahedya na may nakapangingilabot na mga resulta. Sa iba’t ibang uri ng albatros, tatlong uri ang naninirahan sa Hilagang Pasipiko, na ang pangunahing pinamumugaran ay ang mga isla na pinagsamantalahan nina Tamaoki at Koga. Ang isa sa mga ito, ang albatros na may maikling buntot (Diomedea albatrus), ay maliwanag na wala nang ibang lugar sa daigdig na nalalamang doon ito nagpaparami.
Gayon na lamang ang paghanga sa albatros ng mga maglalayag noon sa karagatan. Ang mga alamat at kuwento tungkol sa dagat ay naglalarawan dito bilang isang tagapagbabala ng hangin, manipis na ulap, at hamog. Gayunman, hindi isang alamat na ang malaking puting ibong ito ay may di-pangkaraniwang mahahabang pakpak na nagpapangyaring pumailanlang ito patawid sa isang karagatan sa loob lamang ng ilang araw, na sa kalakhang bahagi ng panahon ay sumasakay lamang sa hangin sa pamamagitan ng mga pakpak na halos hindi gumagalaw. Ang kakayahan nitong sumalimbay at manatili sa dagat sa loob ng mahahabang yugto ng panahon ay di-mapantayan.
Bagaman ang albatros ay buong-husay na sumasalimbay sa himpapawid, mabagal at asiwang kumilos ito kapag nasa lupa. Hindi agad ito makalipad dahil sa mahahabang pakpak at medyo mapintog na katawan. Ito, pati na ang hindi pagkakaroon ng takot sa mga tao, ang nagpapangyaring madaling masila ang ibong ito. Dahil dito, binansagan ito ng mga tao ng mga pangalang gaya ng gooney bird o mollymawk.a
Ipinagpatuloy ng iresponsableng mga tao ang masayang paglipol sa albatros udyok ng kaalamang malaki ang kita mula sa patay na albatros. Isiniwalat ng isang surbey na noong 1933, wala pang 600 ibon ang natira sa Torishima. Sa kawalang-pag-asa, idineklara ng pamahalaang Hapones na bawal ang pagpunta ng mga tao sa isla. Ngunit sumugod sa isla ang walang-konsiyensiyang mga tao upang patayin ang pinakamaraming ibon hangga’t maaari bago magkabisa ang pagbabawal. Pagsapit ng 1935, ayon sa isang dalubhasa, 50 ibon na lamang ang natira. Sa wakas, kinailangang ideklara na nalipol na ang albatros na may maikling buntot. Tunay na isang kalunus-lunos na resulta ng kasakiman ng tao! Subalit napipinto na ang isang malaking sorpresa.
Nagsimula ang Pagbabalik
Isang gabi noong Enero 1951, isang lalaking umaakyat sa mga batuhan ng Torishima ang nagulantang dahil sa isang biglaang pagpalatak. Nasa harap niya mismo ang isang albatros! Ang albatros na may maikling buntot sa paano man ay nakaligtas at nagpaparaming muli sa Torishima. Pero ngayon, ang mga ibon ay namumugad sa matarik na dalisdis na halos imposibleng marating ng mga tao. At waring ang mga ito’y mailap sa mga tao na hindi nito ginagawa noon. Tiyak na tuwang-tuwa ang mahihilig sa kalikasan!
Kumilos kaagad ang pamahalaang Hapones. Nagtanim sila ng damong pampas upang maging mas matatag ang lupa para sa mga pugad at ipinagbawal ang pagpunta ng mga tao sa Torishima. Ang albatros ay idineklarang isang pambansang kayamanan at naging isang protektadong ibon sa buong daigdig.
Mula noong 1976, pinag-aaralan na ni Hiroshi Hasegawa, ng Toho University sa Hapón, ang mga ibon at dinadalaw niya ngayon ang isla nang tatlong beses sa isang taon upang masurbey ang mga ito. Sinabi niya sa Gumising! na sa pamamagitan ng paglalagay sa binti ng mga ibon ng singsing na may naiibang kulay bawat taon, natuklasan niya na minsan lamang sa loob ng tatlo o apat na taon bumabalik ang albatros na may maikling buntot sa lugar kung saan ito isinilang upang doon magparami. Nagpaparami ang mga ito sa unang pagkakataon sa edad na anim na taon at nangingitlog lamang ng isa sa bawat pagkakataon. Samakatuwid, kahit na sa katamtamang haba ng buhay na 20 taon, matagal na panahon ang kailangan upang dumami ang mga ito. Sa 176 na itlog na ipinangitlog sa Torishima noong taglamig ng 1996/97, 90 lamang ang napisa.
Ano ang ginagawa ng albatros sa nalalabing bahagi ng panahon? Sinabi ni Hasegawa na kakaunti ang nalalaman tungkol dito. Tiyak na iniiwasan nila ang lupa at ang mga tao. Sumusunod at lumalapag ba ang mga albatros sa mga barko? Iyan ay isa lamang alamat na walang suhay, ayon kay Hasegawa. Natitiyak niya, ayon sa kaniya, na “ang mga albatros sa Hapón ay hindi lumalapag sa mga barko.” Pero sinabi pa niya na sa ibang lugar sa daigdig, “ang ilang ibon ay maaaring namamalagi nang sandaling panahon sa mga barko kung pinakakain ang mga ito.” Kadalasan, ginagawa ng mga ito ang pinakamagaling nilang ginagawa—sumakay sa nakasisiyang mga ihip ng hangin at magpagala-gala sa malawak na karagatan. Kapag pagod na ang mga ito, natutulog sila habang lumulutang sa ibabaw ng dagat. Sila’y kumakain ng pusit, flying fish, alimasag, at hipon. Ang mga ibon na nilagyan ni Hasegawa ng mga singsing ay regular na nakikita sa Dagat ng Bering at sa Gulpo ng Alaska. At noong 1985 ang pagkakita sa albatros na may maikling buntot malapit sa baybayin ng California—ang unang pagkakataon sa loob ng halos isang siglo—ay pinagkaguluhan doon ng mahihilig na magmasid sa mga ibon.
Paano Na sa Hinaharap?
Sa positibong panig, patuloy ang pagdami ng albatros na may maikling buntot. Nitong nakaraang Mayo, tinantiya ni Hasegawa na mayroon nang “mahigit sa 900 pati na ang mga inakay.” Sinabi pa niya: “Pagsapit ng taóng 2000, dapat ay mayroon na tayong mahigit sa 1,000 ibon sa Torishima lamang, na doo’y 100 inakay ang isinisilang taun-taon.” Kapana-panabik din ang bagay na noong 1988, pagkaraan ng 88 taon, nakikita na namang nagpaparami ang mga ito sa East China Sea. Pinili ng mga ibon ang isang mabatong himpilan sa isang pinagtatalunang teritoryo, na dapat sanang pansamantalang tumiyak sa kaligtasan nito mula sa pakikialam ng tao.
Ang mga pagkakamaling nagawa isang daang taon na ang nakalipas ay unti-unting itinutuwid. O talaga nga bang itinutuwid ang mga ito? Malimit matuklasan ng mga mananaliksik na kapag nakahuli sila ng mga ibon upang lagyan ng pamigkis, ang mga ito ay natatakot at nagsusuka. Mula sa tiyan ng mga ito ay lumalabas ang mga piraso ng plastik, itinapong pansindi ng sigarilyo, at iba pang basura na walang-ingat na inihahagis ng mga tao sa lugar na kinakainan ng mga ito, ang karagatan.
Muli na naman kayang malilipol ang malaking puting ibon dahil sa kahangalan ng tao?
[Talababa]
a “Ang ‘gooney’ ay orihinal na ‘goney,’ ang Matandang Ingles na salita para sa isang taong tanga . . . Ang ‘mollymawk,’ ‘mollyhawk’ din, o basta ‘molly,’ ay galing sa Olandes na ‘mallemok,’ na ang kahulugan ay tangang golondrina.” (Birds of the World, ni Oliver L. Austin, Jr.) Ang salitang Hapones na ahodori, nangangahulugang “hangal na ibon,” ang siyang pumalit sa matandang pangalan na nangangahulugang “malaking puting ibon.”
[Larawan sa pahina 16]
Ang Torishima, tahanan ng albatros na may maikling buntot
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang mahahaba at makikitid na pakpak ng albatros ay nagpapangyari rito na maging dalubhasang glider sa daigdig
[Larawan sa pahina 17]
Nagbalik sa Torishima ang albatros na may maikling buntot