Paano Ka Magtatamasa ng Mabuting Kalusugan?
ISANG popular na paksa ng usapan ang mga therapy. Sa wari’y halos bawat kaibigan o kapitbahay ay may paboritong solusyon sa bawat medikal na kalagayan. Kaya naman, napakalakas ng tukso na gamutin ang sarili. Subalit, may mga taong “nagpapatingin lamang sa doktor kapag malala na ang kalagayan,” sabi ng isang doktora na taga-Brazil. “Baka may mga sugat sila sa balat na hindi gumagaling sa kabila ng ilang buwan ng paggamot sa sarili. Kapag nagpatingin na sila sa isang doktor, natutuklasan na sila’y may isang uri ng kanser na dapat sana’y nagamot na sa simula pa.”
Yamang ang maagang pagsusuri ay kadalasang nagliligtas ng buhay, ang pag-antala ay maaaring magbunga ng labis na pagdurusa. “Isang 30-anyos na babae ang dumanas ng naantalang pagreregla at bahagyang kirot sa gawing ibaba ng puson. Naggamot siya sa sarili sa pamamagitan ng napakaraming pamawi ng kirot at panlaban sa pamamaga, at naibsan ang kirot,” sabi ng isang siruhano. “Subalit pagkaraan ng tatlong araw, dumanas siya ng pagkasindak dahil sa pagdurugo at agad na isinugod sa ospital. Agad ko siyang inoperahan, palibhasa’y lumabas sa pagsusuri na siya’y nagdadalang-tao sa tubong Palopyan. Muntik na siyang hindi nailigtas!”
Isang kabataang babae sa São Paulo ang nag-akala na siya ay kulang sa dugo, subalit ang problema niya ay malubhang sakit sa bato. Dahil sa inantala niya ang paggamot, ang tanging naging lunas ay isang transplant. Ganito ang hinuha ng kaniyang doktora: “Kadalasan ang pasyente ay nag-aatubiling magpagamot, naggagamot sa sarili o humahanap ng ibang paraan na sabi-sabi ng karaniwang mga tao, at nauuwi sa pagkakaroon ng malulubhang suliranin sa kalusugan.”
Tiyak, ayaw nating ipagwalang-bahala ang mga palatandaan na inihahatid ng ating katawan. Subalit paano natin maiiwasan ang labis-labis na pagbaling sa mga therapy o paggamot sa sarili? Ang kalusugan ay binibigyang-kahulugan bilang “ang kalagayan ng pagiging malusog ng katawan, isipan, o ng damdamin” o “pagiging malaya mula sa sakit o kirot ng katawan.” Kapansin-pansin, kinikilala na sa paano man, ang karamihan ng mga sakit sa ngayon ay maiiwasan. Ayon kay Dr. Lewis Thomas, “kabaligtaran ng pagiging mahina ang pagkakayari, tayo ay kahanga-hangang malalakas, matitibay na organismo, anupat malusog na malusog.” Kaya nga, sa halip na ‘maging malulusog na hypochondriac (mga taong labis na nababahala sa karamdamang guniguni lamang) at labis-labis na mag-alala anupat pinabibilis ang ating kamatayan,’ dapat tayong makipagtulungan sa katawan at sa pambihirang kakayahan nitong pagalingin ang sarili. Makatutulong sa atin ang isang may-kakayahang doktor o manggagamot.
Kung Kailan Magpapagamot
Iminungkahi ng isang doktor na taga-Brazil na magpatingin sa doktor “kung ang mga sintoma na gaya ng lagnat, sakit ng ulo, pagsusuka, o kirot sa sikmura, dibdib, o balakang ay hindi humuhupa sa karaniwang gamot at madalas na muling lumilitaw nang walang anumang dahilan o kung ang kirot ay grabe o napakatindi.” Iminumungkahi ng isa pang doktor ang pagpapagamot kailanma’t hindi tayo nakatitiyak kung paano haharapin ang ating mga sintoma o may nararamdaman tayong kakaiba kaysa noong nagdaan. Sabi pa niya: “Kapag nagkasakit ang isang bata, sa halip na kanila mismong gamutin ang bata, karaniwan nang pinipili ng mga magulang na magpatingin sa doktor.”
Subalit lagi bang kailangan ang mga gamot? Ang paggamit ba ng gamot ay magiging hindi mabisa? Mayroon bang anumang masamang epekto, gaya ng sakit ng tiyan o pinsala sa atay o sa mga bato? Kumusta naman ang reaksiyon sa iba pang gamot? “Bihira ang mga pasyente na minamalas ang kanilang sariling mga problema nang mahinahon o may unawa,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Gayunman, makatutulong sa atin ang isang magaling na doktor na maunawaan na ang lahat ng gamot ay maaaring makapinsala at na iilan lamang gamot na ginagamit ngayon ang walang masamang epekto. Basahin na lamang ang mga babala tungkol sa posibleng masasamang epekto na nasa etiketa ng susunod na resetang bibilhin mo! Kahit na ang mga gamot na nabibili nang walang reseta ay maaaring makapinsala o makamatay kung gagamitin nang di-wasto o labis.
Ang pangangailangang mag-ingat ay idiniriin ng isang ulat ni Richard A. Knox sa The Boston Globe: “Milyun-milyong may sakit na artritis na umiinom araw-araw ng mga gamot na pamatay-kirot ay nanganganib sa bigla at posibleng pagdurugo na nakamamatay, ulat ng mga mananaliksik sa Stanford University.” Sabi pa niya: “Bukod pa riyan, nagbabala ang mga mananaliksik na kahit inumin ang mga pamatay-kirot kasabay ng mga antacid o ng kilalang mga pildoras na humahadlang sa mga asido ng sikmura ay hindi nagsasanggalang laban sa malulubhang komplikasyon sa sikmura at maaari pa ngang makaragdag sa panganib.”
Kumusta naman ang tungkol sa karaniwang paggamot sa sarili? Ganito ang sabi ng isang doktor sa Ribeirão Prêto, Brazil: “Inaakala kong magiging lubhang kapaki-pakinabang kung ang lahat ay mayroong isang maliit na botika sa bahay . . . Gayunman, ang mga medikasyong ito ay dapat na gamitin taglay ang mabuting pagpapasiya at sentido kumon.” (Tingnan ang kahon, pahina 7.) Gayundin, ang saligang edukasyong pangkalusugan ay nakatutulong sa isang mas mabuting kalidad ng buhay. Yamang iba-iba ang mga kalagayan ng bawat tao, hindi inirerekomenda ng Gumising! ang espesipikong mga gamot, therapy, o likas na mga panlunas.
Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo?
“Ang pinakamagagaling na doktor sa daigdig ay sina Doktor Diyeta, Doktor Tahimik at Doktor Masayahin,” ang sulat ni Jonathan Swift, isang awtor noong ika-18 siglo. Tunay, ang isang timbang na pagkain, tamang pahinga, at pagiging kontento ay mahahalagang sangkap sa mabuting kalusugan. Sa kabaligtaran, sa kabila ng mga pag-aangkin ng tusong mga pag-aanunsiyo, hindi natin mabibili ang mabuting kalusugan sa pamamagitan lamang ng pag-inom ng mga gamot. Maaari pa ngang pahinain ng “di-kinakailangan at mapanganib na paggamit ng mga gamot” ang sistema ng imyunidad.—Dicionário Terapêutico Guanabara.
Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagbalikat ng pananagutan sa ating istilo ng buhay at pag-iwas sa pag-abuso sa droga, paninigarilyo, labis na pag-inom, at sobrang kaigtingan, malaki ang magagawa natin upang mapabuti ang ating pangangatawan. Ganito ang sabi ni Marian, na nasa mga edad 60 at matagal nang misyonero sa Brazil: “Nagtatamasa ako ng mabuting kalusugan sa pamamagitan ng pamumuhay nang katamtaman at pagkain ng iba’t ibang pagkaing nakapagpapalusog.” Sinabi rin niya: “Karaniwan nang ibig kong gumising nang maaga, kaya mahalagang matulog nang maaga.” Hindi dapat maliitin ang sentido kumon at mabubuting kinaugalian, ni dapat man maliitin ang kahalagahan ng pana-panahong medikal na pagpapatingin at mabuting komunikasyon sa isang kuwalipikadong doktor ng pamilya.
Bagaman nagnanais na manatiling malusog, si Marian ay nag-iingat na huwag pabayaan ang kaniyang kalusugan o kaya’y labis-labis na mabahala tungkol dito. Aniya: “Nananalangin din ako para sa patnubay ni Jehova sa anumang mga pagpapasiyang pangkalusugan na kailangan kong gawin, upang magawa ko kung ano ang pinakamabuti sa matagal na panahon at huwag gumugol ng labis na panahon at salapi sa pagsisikap na pagbutihin ang aking kalusugan.” Sabi pa niya: “Yamang mahalaga ang pananatiling maliksi, nananalangin ako sa Diyos na tulungan akong maging makatuwiran sa paggamit ng aking panahon at lakas, upang hindi ko mapalayaw ang aking sarili nang di-kinakailangan at, kasabay nito, hindi ako lumampas sa aking mga limitasyon.”
Upang maging tunay na maligaya, hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang kinabukasan. Kahit na tayo’y biniyayaan ng mabuting kalusugan ngayon, nariyan pa rin ang sakit, kirot, pagdurusa, at sa wakas ang kamatayan. Mayroon bang anumang pag-asa na tayo’y magtatamasa pa ng sakdal na kalusugan?
[Kahon sa pahina 6]
Mga Pakinabang ng Timbang na Pangangalaga sa Sarili
Ang iyong kalusugan sa pangkalahatan ay depende sa iyong kinakain at iniinom. Kung susubukin mong magpatakbo ng isang kotse na ang gasolina ay binantuan ng tubig o kung lalagyan mo ng asukal ang gas, di-magtatagal ay masisira mo ang makina. Sa katulad na paraan, kung susubukin mong mabuhay sa pamamagitan ng hindi masustansiyang pagkain at inumin, sa dakong huli ay pagbabayaran mo ito ng mahinang pangangatawan. Sa daigdig ng computer, tinatawag itong ‘GIGO’, na nangangahulugang “garbage in, garbage out (kung maling impormasyon ang ipinasok sa computer, mali rin ang ibibigay nitong kasagutan).”
Ganito ang paliwanag ni Dr. Melanie Mintzer, isang propesor ng medisinang pampamilya: “May tatlong uri ng mga pasyente: yaong kumokonsulta sa mga manggagamot para sa mga bagay na maaari naman nilang gamutin mismo sa bahay, yaong mga wastong gumagamit ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan, at yaong hindi kumokonsulta sa mga manggagamot kahit na kailangan nilang magpatingin. Karaniwang sinasayang niyaong mga nasa unang grupo ang panahon ng manggagamot at ang kanila mismong panahon at salapi. Maaaring isapanganib naman niyaong nasa ikatlong grupo ang kanilang buhay sa pag-aantala ng angkop na pangangalaga ng mga propesyonal. Nais ng mga doktor na mas maraming tao sana ang nasa gitnang grupo.”
“Ang pitong salik sa mabuting kalusugan ay: kumain at uminom nang tama, mag-ehersisyo nang palagian, huwag manigarilyo, magpahinga nang sapat, supilin ang inyong kaigtingan, panatilihin ang malapit na mga kaugnayang panlipunan, at gumawa ng pag-iingat upang bawasan ang iyong panganib ng pagkakasakit at mga aksidente.”—Before You Call the Doctor—Safe, Effective Self-Care for Over 300 Medical Problems, ni Anne Simons, M.D., Bobbie Hasselbring, at Michael Castleman.
[Kahon sa pahina 7]
Isang Kabinet ng Gamot sa Bahay
“Tinatayang halos 90 porsiyento ng mga sintoma—sakit, kirot, pasâ, at iba pang palatandaan ng hirap o karamdaman—na nadarama ng malulusog na adulto ay basta ipinagkikibit-balikat at hindi kailanman sinasabi sa sinuman. . . . Kadalasang ginagamit ang ilang madaling panlunas, gaya ng 2 aspirin para sa sakit ng ulo.”
“Ang kadalasang nagpapangyari nito ay ang kabinet ng gamot sa bahay. Natitipid nito ang di-kailangan at magastos na pagpunta sa doktor o sa klinika.”—Complete Home Medical Guide, The Columbia University College of Physicians and Surgeons.
Inirerekomenda ng akda ring ito ang kabinet ng gamot sa bahay na may mga Band-Aid, plaster, isterilisadong gasa, mga bola ng bulak, benda, iba’t ibang ointment o cream, antiseptikong pamunas na alkohol, gunting, isang thermometer na pambibig, at iba pang praktikal na mga bagay.
Para naman sa medikasyon ay iminumungkahi nito ang mga pildoras upang humupa ang lagnat at kirot, mga antacid, sirup para sa ubo, isang antihistamine/decongestant, isang di-matapang na laksante, at medikasyon laban sa diarrhea.
[Kahon sa pahina 8]
Isang Babala
“Kahit na hindi nangangailangan ng reseta ang mga ito, ang OTC [over the counter, nabibili nang walang reseta] na mga medikasyon ay tunay na mga gamot. Tulad ng mga inireresetang gamot, ang ilan ay hindi dapat inuming kasabay ng iba pang gamot o ng ilang pagkain o alkohol. Gaya ng iba pang gamot, maaaring ikubli ng mga gamot na OTC ang mas malulubhang problema o maging sanhi ng pagkasugapa. At kung minsan ang isang gamot na OTC ay talagang hindi dapat ihalili sa pagpapatingin sa doktor.
“Gayunpaman, ang karamihan ay ligtas at mabisa . . . Ginagawa nito ang inaasahang epekto at ginagawa ito nang mahusay.”—Using Medicines Wisely.
[Mga larawan sa pahina 7]
Tandaan na walang halamang-gamot o gamot ang lubusang ligtas
1. Kabinet ng gamot ng nagtitinda
2. Nagtitinda ng gamot sa labas
3. Mga supot ng panlunas na halamang-gamot