Pangarap ba Lamang ang Isang Sakdal na Kalusugan?
NARANASAN mo na bang magkasakit nang grabe o sumailalim ng malubhang operasyon? Kung gayon, malamang na higit mong pinahahalagahan ngayon ang buhay. Subalit anuman ang kalagayan ng iyong katawan, naniniwala ka ba na posibleng magtamasa ng sakdal na kalusugan? Ito’y waring hindi makatotohanan dahil sa paglaganap ng nakapanghihinang mga karamdaman na gaya ng kanser o sakit sa puso. Tunay, karamihan sa atin ay nagkakasakit sa pana-panahon. Gayunman, ang ganap na kalusugan ay hindi isang pangarap lamang.
Ang tao ay nilalang upang magtamasa ng mabuting kalusugan hindi upang makipagpunyagi sa karamdaman at kamatayan, Kaya nga, upang hadlangan ang karamdaman at kamatayan, naglaan si Jehova ng saligan para sa sakdal na kalusugan at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo Jesus. “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Ang mga mabubuhay magpakailanman sa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos ay hindi na makikipagpunyagi sa hindi mabuting kalusugan o sa pagtanda. Kung gayon, ano ang mangyayari sa mga kapansanan?
Ginhawa Mula sa Sakit
Ang paraan ng pagpapagaling ni Jesu-Kristo sa mga may karamdaman ay nagbibigay ng huwaran. Ganito ang sabi tungkol sa mga pagpapagaling na iyon: “Ang mga bulag ay nakakakitang muli, at ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay nalilinisan at ang mga bingi ay nakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at ang mga dukha ay pinapahayagan ng mabuting balita.” (Mateo 11:3-5) Oo, lahat ng mga may kapansanan na lumapit kay Jesus “ay lubusang napagaling.” (Mateo 14:36) Bunga nito, “ang pulutong ay namangha habang nakikita nila ang pipi na nagsasalita at ang pilay na naglalakad at ang bulag na nakakakita, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.”—Mateo 15:31.
Tunay, bagaman walang sinuman sa ngayon ang makagagawa ng mga pagpapagaling na gaya nito, makapagtitiwala tayo na sa ilalim ng pamamahala ng Diyos ang sangkatauhan ay dadalhin tungo sa kasakdalan, pagagalingin sa lahat ng sakit ng isip at katawan. Ang pangako ng Diyos ay nakatala sa Apocalipsis 21:3, 4: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Ilarawan sa isipan ang isang daigdig na hindi na nangangailangan ng anumang industriya ng gamot o mga ospital, pag-opera, o therapy! Bukod pa riyan, sa isinauling Paraiso, ang panlulumo at mga karamdaman sa isip ay magiging lipas na bagay. Ang buhay ay magiging isang tunay na kaluguran; at magiging permanenteng damdamin ang kaligayahan. Oo, pakikilusin ng walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos ang nagbibigay-buhay na mga proseso ng katawan, at aalisin ng mga pakinabang ng pantubos ang nakapanghihinang epekto ng kasalanan. “Walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’”—Isaias 33:24.
Anong kamangha-manghang pag-asa—ang magtamasa ng sakdal na pisikal at espirituwal na kalusugan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos! Habang pinananatili mo ang isang timbang at malusog na istilo ng buhay ngayon, asam-asamin ang mga pagpapala ng bagong sanlibutan ng Diyos. Harinawang ‘bigyang-kasiyahan [ni Jehova] ang iyong buong-buhay ng kabutihan, at patuloy nawang magpanibago ang iyong kabataan na parang agila’!—Awit 103:5.