Pagmamasid-ibon—Isa Bang Kawili-wiling Libangan Para sa Lahat?
“Ang buhay ng isang tagapagmasid-ibon ay isang walang-katapusang serye ng mga sorpresa.” W. H. Hudson—The Book of a Naturalist.
SA Kosi Bay, malapit sa hangganang namamagitan sa Timog Aprika at Mozambique, naglakad ng 22 kilometro sina Keith, Evelyn, Jannie, at ang kanilang giya upang makita ang isang ibon. Hindi ito isa lamang ordinaryong ibon! Hinahanap nila ang buwitreng palm-nut—isang malaking ibon na kulay itim at puti na may pulang balat sa palibot ng mga mata. Kumakain ito ng patay na isda at prutas ng mga palma ng langis.
Inilahad ni Keith: “Matapos ang mahabang paglalakad, umuwi kaming bigo yamang isa lamang ang aming nakita—at iyon ay lumilipad pa sa malayo. Pagdating namin sa kampo, ano ang nakita namin? Tatlong buwitreng palm-nut na naroroon sa itaas ng punong palma sa ulunan namin! Nasiyahan kami sa pagkanaroroon nila sa loob ng mga kalahating oras bago sila lumipad, anupat nakita namin ang kahanga-hangang pagtatanghal ng mga nakabukang pakpak. Nang araw ring iyon, nakakita rin kami ng Pel’s fishing owl sa kauna-unahang pagkakataon. Oo, isang kuwago na nanghuhuli ng isda!”
Nakatutuwa Para sa Lahat
Sa buong daigdig, napakagandang pagmasdan at pakinggan ang mga ibon. Ang mahigit sa 9,600 uri ay naglalaan ng mga pagkakataon para sa sinumang alistong tagapagmasid. Sino ang hindi natutuwang makakita ng mabibilis na pagkislap ng kulay ng isang hummingbird o ng isang ibong peskador (kingfisher)? Sino ang hindi humihinto kapag naakit sa palabas ng isang mockingbird, isang nightingale, o isang napakagandang lyrebird ng Australia o ng kakaibang huni ng cuckoo o ng tulad-musikang laguklok ng magpie ng Australia?
Ang pagmamasid-ibon (birding, gaya ng karaniwang tawag dito sa Estados Unidos) ay ang pagmamasid sa mga ibong ligáw. Maaari itong maging matrabaho kung gusto mo. Baka hindi mo nais na magtampisaw sa mga latian o umakyat sa mga bundok upang makakita ng di-pangkaraniwang mga ibon. Gayunman, maraming tao ang nakasusumpong ng kasiyahan at ginhawa sa pagmamasid-ibon sa kanilang bakuran o halamanan. Marami ang naglalagay ng tubig at isang kainan ng ibon upang akitin ang mga ibon sa kanilang lugar. Dumarami taun-taon ang nahihilig dito. Parami nang paraming tao ang naniniwala na sulit ang pagsisikap para rito.
Bakit Napakapopular Nito?
Ayon sa aklat na An America Challenged, ni Steve H. Murdock, sa pagitan ng mga taóng 1990 at 2050, inaasahang mas bibilis ang pagdami ng mga nagmamasid-ibon kaysa sa pagdami ng populasyon ng Estados Unidos. Iniulat ng magasing New Scientist na “parami nang paraming tao sa India ang nawiwili sa paghahanap ng mabalahibong hayop na may dalawang paa.” At naniniwala si Gordon Holtshausen, tsirman ng Publications Committee of BirdLife South Africa, na “sa Timog Aprika . . . ang mga aklat [tungkol sa ibon] ay pumapangalawa lamang sa Bibliya.”
Kapag pinagmamasdan mo ang isang ibon gaya ng ginagawa ng isang tagapagmasid-ibon, mahuhumaling ka! Nakahahawa ang pagmamasid-ibon. Ito ay maaaring maging isang di-magastos na libangan na magdadala sa iyo sa labas sa maluluwang na dako at hahamon sa iyong pag-iisip. Taglay nito ang pang-akit sa pangangaso nang hindi pumapatay. Yamang madali itong matutunan ng mga bata at ng mga nasa hustong gulang, maaaring masiyahan dito ang mga pamilya o mga grupo ng magkakaibigan. Puwede pa ngang masiyahan dito kahit nag-iisa. Ang pagmamasid-ibon ay isang malinis, nakabubuti, at kapaki-pakinabang na pampalipas-oras at maaaring gawin sa buong taon kahit saan.
Mga Kailangan sa Pagmamasid-Ibon
Kung minsan ba ay nakakakita ka ng isang ibon at nag-iisip kung ano ang tawag dito? Nakasisiyang malaman ang mga pangalan hindi lamang ng malalaking agila, pabo, at mga sisne kundi pati ng di-gaanong napapansing mga ibong kandarapa at mga earthcreeper. Nariyan din ang magkakamukhang mga sandpiper at ang pantaglagas na balahibo ng mga wood warbler at lahat ng nasa pagitan na mga uri.a
Upang makilala ang mga ito, kakailanganin mo ng isang giya para sa mga ibon sa inyong bansa o rehiyon. Ito ay isang pambulsang aklat na may mga ilustrasyon at paglalarawan sa lalaki at babae ng bawat uri. Kasali rin sa mas maiinam na giya ang tungkol sa balahibo ng mga ibon kapag wala pa sa panahon at kapag nasa kapanahunan na.
Ano pa ang kailangan ng isang baguhan? Ang isang mahusay na largabista para sa isang tagapagmasid-ibon ay tulad sa pamingwit o lambat para sa isang mangingisda. Mamamangha ka sa mga detalye ng mga ibon sa inyong lugar kapag nakita mo ang mga ito sa pamamagitan ng largabista. Halimbawa, madaling makita sa Aprika ang isang malaking hippopotamus. Ngunit malibang gumamit ka ng largabista, baka hindi mo makita ang munting oxpecker na may pulang tuka na kumakain ng mga parasito samantalang nangungunyapit sa likod ng hippo.
Hindi lahat ng largabista ay para sa pagmamasid-ibon, at walang maipapalit sa aktuwal na paghahambing kung gaano kahusay ang iba’t ibang modelo. Sa mga tagapagmasid-ibon, ang dalawang popular na modelo ay ang 7 x 42 at 8 x 40. Ang unang numero ay para sa kakayahang magpalaki, at ang pangalawa, sa diyametro ng malalaking lente sa milimetro. Ang Field Guide to the Birds of North America ng National Geographic ay nagpapaliwanag na “ang katumbasan na 1 hanggang 5 sa pagitan ng kakayahang magpalaki at ng sukat ng lente ay karaniwang itinuturing na tamang-tama para sa kakayahang kumuha ng liwanag.” Dahil dito’y makikita mo ang mga kulay kahit na sa hindi gaanong maliwanag na mga kalagayan. Sa gayon, ang mas malaki ay hindi nangangahulugang mas mabuti. Ang pagiging maliwanag ang siya mong kailangan.
Saan ba Magsisimulang Magmasid? Sa Inyong Lugar
Ang taong mas nakakakilala sa mga ibon sa kaniyang sariling lugar ay mas nakahandang maglakbay sa ibang lugar upang makasumpong ng di-pangkaraniwan o bihirang makitang mga ibon. Alam mo ba kung aling mga uri ang permanenteng naninirahan sa palibot ng iyong tahanan? Alin ang mga dumaraan lamang anupat waring hindi kailanman dumadapo, marahil patungo sa isang kalapit na lawa o latian? Anong mga nandarayuhan ang dumaraan sa kanilang pana-panahong paglalakbay? Sa kaniyang aklat na The Birdwatcher’s Companion, ganito ang isinulat ni Christopher Leahy: “Sa Hilagang Amerika, nasasangkot [sa pandarayuhan] ang mga 80 porsiyento ng humigit-kumulang 645 uri ng nagpaparaming ibon.”
Ang ilan sa mga nandarayuhang ito ay maaaring huminto malapit sa iyong tahanan upang magtipon ng lakas at magpahinga. Ang masusugid na tagapagmasid-ibon sa ilang lugar ay nakakilala ng mahigit sa 210 uri ng ibon sa kanilang sariling bakuran! Masusumpungan mong kawili-wili at nakapagtuturo na mag-ingat ng talaan ng mga petsa bawat taon kapag nakakita ka ng isang uri sa kauna-unahan at kahuli-hulihang pagkakataon.
Mga Paraan sa Pagmamasid ng mga Ibon
Taglay ang largabista sa iyong leeg at isang giya sa iyong bulsa, handa ka na ngayon na galugarin ang labas ng iyong bakuran. Ang mga talaan ng kailangan ng mga ibon ay makukuha sa mga parke at mga reserbadong lugar sa kalikasan. Karaniwang ipinakikita ng mga ito kung anong panahon nakikita ang ilang uri roon at kung ano ang posibilidad na makita mo ang mga ito. Ang isang listahan ay kapaki-pakinabang na kasangkapan upang tiyakin ang iyong mga nakita. Kung ang isang ibon na sa palagay mo’y kakikita mo pa lamang ay nakatala bilang isang bihirang-makitang ibon, kung gayo’y makabubuting suriin mo ito nang husto, lalo na kung nagsisimula ka pa lamang. (Tingnan ang kahon “Saligang Giya sa Pagkilala.”) Sa kabilang banda, kung nakatala na maraming ganoon, malamang na wasto ang pagkakilala mo rito.
Sikaping patiunang makakuha ng isang mapa na nagpapakita ng mga daanan at uri ng mga tirahan na matatagpuan mo. Karaniwan nang mas marami ang ibon kung saan may dalawa o higit pang tirahan sa isang lugar. Naglalakad ka man sa palibot o nakatigil lamang, sikaping mapahalo sa paligid, at hintayin mong lumapit sa iyo ang mga ibon. Maging matiyaga.
Sa ilang lugar ay may isang numero ng telepono na maaaring tawagan ng mahihilig upang makarinig ng mga ulat ng kawili-wiling pagkakita kamakailan sa isang lugar.
Kapaki-pakinabang ang Patiunang Paghahanda
Kasiya-siya ang pagtutuon ng pansin sa espesipikong mga ibon, ngunit isang bentaha para sa iyo na magbasa muna tungkol sa mga gusto mong makita. Kung ikaw ay nasa Caribbean, marahil ay gustung-gusto mong makita ang tody, iyon man ay uring mula sa Cuba, Puerto Rico, o sa Jamaica. Iyon ay isang siksik sa laman na munting hiyas na may matingkad na berde at pulang mga balahibo. Sinasabi sa atin ng Guide to the Birds of Puerto Rico and the Virgin Islands ni Herbert Raffaele na iyon “ay mahirap makita, ngunit malimit marinig.” Ang mga tody mula sa Cuba ay kilala dahil sa kanilang katakawan at sa bilis ng pagpapakain sa kanilang mga inakay. Matapos ilarawan ang paraan ng ibon sa pagkain, ganito ang payo ni Raffaele: “Kadalasang tatawag ng kanilang pansin ang pagtuktok ng dalawang bato.”
Baka naisin mong maglaan ng panahon sa isang field trip upang makakita ka ng ilang pangyayari sa buhay ng isang uri, gaya ng kagila-gilalas na pagtatanghal sa himpapawid ng isa sa mga woodcock sa pagsisimula ng tagsibol. O maaaring ang kahanga-hangang dami ng puting mga siguana sa Gibraltar o sa Bosporus na naghahanda para sa kanilang paglalakbay patungong Aprika sa taglagas. O ang pandarayuhan ng mga ibon sa Israel.
Totoo, ang pagpaplano upang makakita ng isang pantanging ibon ay di-tulad sa pagdalaw sa isang makasaysayang monumento na alam mong laging naroroon. Ang mga ibon ay palaging nagpapalipat-lipat. Sila’y punung-puno ng buhay. At ng pagkakasari-sari. At mga sorpresa. Ngunit sulit naman ang paghahanap at paghihintay!
Ang lahat ng ito ang nagpapangyari na maging kapana-panabik ang pagmamasid-ibon. Sa kabila ng iyong pagpaplano, baka wala naman doon ang mga ibon kapag naroroon ka—sa paano man, hindi ang mga ibon na gusto mong makita. Pero walang makapagsasabi kung anong iba pang di-inaasahan ang matutuklasan mo. Isang bagay ang tiyak, hindi ka kailanman bibiguin ng mga ibon. Maging matiyaga ka lamang. Maligayang pagmamasid-ibon! At huwag mong kalilimutan ang Disenyador ng mga ito!—Genesis 1:20; 2:19; Job 39:13-18, 27-29.
[Talababa]
a Ang mga ibon ay maaaring uriin sa walong pangunahing nakikitang kategorya: (1) lumalangoy—mga pato at tulad-patong ibon, (2) lumilipad—mga golondrina at tulad-golondrinang ibon, (3) nagtatampisaw na may mahahabang binti—mga kandanggaok at tipol, (4) mas maliliit na nagtatampisaw—talingting at mga sandpiper, (5) tulad-manok na mga ibon—mga ave silvestre at pugo, (6) ibong maninila—mga lawin, agila, at kuwago, (7) mga passerine (dumadapo) na ibon, at (8) mga nonpasserine na ibong panlupa.—A Field Guide to the Birds East of the Rockies, ni Roger Tory Peterson.
[Kahon sa pahina 26]
Saligang Giya sa Pagkilala
Kapag unang nakakita ng isang di-pamilyar na ibon, maaaring makatulong na sikaping masagot ang ilan sa sumusunod na tanong:
1. Anong uri ng kulay mayroon ang ibon—buo, guhit-guhit, batik-batik o tagpi-tagpi?
2. Saan nakatira ang ibon—tubig, latian, putikan, parang o gubat?
3. Gaano kalaki ang ibon? Ihambing sa isang pamilyar na ibon—maya, robin, kalapati o lawin.
4. Paano gumagawi ang ibon—humahabol sa mga kulisap, pumapailanlang, binabaluktot ang buntot, taas-baba ang buntot, o naglalakad sa lupa?
5. Ano ang hugis ng tuka—maikli at patulis, maikli at makapal, mahaba, nakakurba o nakabaluktot?
Sa pagtingin sa mga “Field Mark” na ito at pagsangguni sa isang saligang giya sa mga ibon, kahit ang mga baguhan ay makakakilala sa mga pangkaraniwang uri.—Exhibit Guide, Merrill Creek Reservoir, New Jersey, E.U.A.
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Mga larawan ng ibon sa pahina 23-7: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SNOW GOOSE
North America
HUMMINGBIRD
North/Central America
BLUE JAY
North America
MACAW
Central/South America
BALD EAGLE
North America
CARDINAL
North/Central America
PELICAN
The Americas
TAWNY EAGLE
Africa, Asia
TOUCAN
South America
SCARLET IBIS
South America
FRANKLIN’S GULL
The Americas
GREAT EGRET
Worldwide
CHAFFINCH
Europe, North Africa
MANDARIN DUCK
China
STORK
Europe, Africa, Asia
FLAMINGO
Tropics
BLACK-CROWNED CRANE
Africa
GOULDIAN FINCH
Australia
KOOKABURRA
Australia
PEACOCK
Worldwide
OSTRICH
Africa
ROSELLA
Australia
[Credit Lines]
U.S. Fish and Wildlife Service, Washington, D.C./Glen Smart
Sa kagandahang-loob ng Green Chimney’s Farm
Sa kagandahang-loob ng San Diego Wild Animal Park
Mapa: The Complete Encyclopedia of Illustration/ J. G. Heck
Sa kagandahang-loob ng San Diego Wild Animal Park