Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/22 p. 12-15
  • Masasapatan Magpakailanman ang Pag-ibig Ko sa Lupa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Masasapatan Magpakailanman ang Pag-ibig Ko sa Lupa
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahalagang Pagsasanay Noong Bata
  • Pagkatuto ng Katotohanan ng Bibliya
  • Isang Mangangaral na Hindi Marunong Bumasa’t Sumulat
  • Ang Aking Unang Kombensiyon
  • Nadama ang Mainit na Pagtanggap
  • Ang Tanging Saksi sa Bayan
  • Isang Kongregasyon na Nabuo
  • Pagsulong sa mga Aborigine
  • Ang mga Aborigine ng Australia—Natatanging mga Tao
    Gumising!—1994
  • Tinulungan Ako ni Jehova na Gawin ang Buong Makakaya Ko
    Kuwento ng Buhay ng mga Saksi ni Jehova
  • Tatlong Kombensiyong Bumago sa Buhay Ko
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Sino ang mga Masoret?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/22 p. 12-15

Masasapatan Magpakailanman ang Pag-ibig Ko sa Lupa

Gaya ng inilahad ni Dorothy Connelly

Nang ako’y munting bata pa, sinabi sa akin na ako’y mapupunta sa impiyerno sapagkat ako’y isang Aborigine (katutubo sa Australia). Pagkalipas ng mga taon, noong 1936, narinig ko ang isang rekording ng isang lektiyur sa Bibliya na nagbomba ng tubig sa impiyerno at nagparingas ng pag-asa sa aking puso. Mas maalab higit kailanman ang ningas na ito ngayon. Bago ko ipaliwanag kung bakit, hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang tungkol sa aking sarili.

AKO’Y isinilang humigit-kumulang noong taóng 1911. Nasabi kong “humigit-kumulang” sapagkat noong panahong iyon ay hindi kailanman pinagkaabalahan ng mga Aborigine ang mga petsa at mga sertipiko ng kapanganakan. Mga taong masisipag at may-takot sa Diyos ang aking mga magulang. Nakatira kami sa isang maliit na bayan ng Springsure, malapit sa matarik at magandang Carnarvon Range sa gitnang Queensland, Australia.

Ang aking ama ay pinalaki sa relihiyong Romano Katoliko ng isang pamilyang puti. Gayunman, itinimo sa akin ng aking mga magulang na Aborigine ang kanilang katutubong mga kaugalian at ang pag-ibig sa lupa. Nangaso kami ng mga kangaroo, emu, pagong, at ahas at nanghuli kami ng isda at mga witchetty grub (malalaki at nakakaing uod). Ngunit hindi ako kailanman kumain ng emu. Sa aming pamilya, ako lamang ang pinagbawalang kumain nito sapagkat ito ang aking personal na totem (sagisag ng angkan). Ayon sa tradisyon ng mga Aborigine, o “Dreamtime,” ang bawat miyembro ng tribo ay may kani-kaniyang totem, at ang pagbabawal sa bagay na iyon ay ipinatutupad ng pamilya at ng tribo.

Bagaman ang paniniwala sa totem ay nag-uugat sa pamahiin, ang pagpapatupad ng pagbabawal na ito ay isang paalaala sa kabanalan ng buhay. Ang mga Aborigine ay hindi pumapatay para sa katuwaan. Natatandaan ko ang laki ng takot ko sa tindi ng galit ng aking Tatay nang mahuli niya akong pinagputul-putol ko ang katawan ng buháy na tipaklong nang ako’y munting bata pa. “Napakasama niyan!” ang bulalas niya. “Hindi mo ba alam na napopoot ang Diyos sa kalupitan? Gusto mo bang gawin din iyan sa iyo ng iba?”

Marami kaming pamahiin. Halimbawa, kung maglalaro sa aming kampo ang isang willie wagtail (isang maliit na ibon), nangangahulugan ito ng masamang balita; o kung isang kuwago ang naupo sa kalapit na tuod sa araw, naniniwala kaming ito’y nangangahulugan na may mamamatay. Itinuturing din na masamang pangitain ang ilang panaginip. Halimbawa, isa sa pamilya ang maysakit ang ibig sabihin ng isang maputik na tubig sa isang panaginip. Ngunit kapag ang tubig ay nilalabasan ng putik, malamang na may namatay. Totoo, mga Katoliko kami, ngunit hindi nito naiwaksi ang lahat ng aming mga pamahiing pantribo.

Pinanatili rin ng aming pamilya ang aming wikang Katutubo. Subalit, ngayon, isa ito sa marami na malapit nang maglaho. Gayunman, nagagamit ko ito paminsan-minsan kapag nakikipag-usap ako sa iba tungkol sa Bibliya. Subalit, karaniwan nang ginagamit ko alin sa Ingles o ang lokal na pidgin.

Mahalagang Pagsasanay Noong Bata

Nang ako’y mga sampung taóng gulang, ang aming pamilya ay nakatira sa isang bakahan, o rantso, mga 30 kilometro mula sa Springsure. Lumalakad ako araw-araw ng ilang kilometro patungo sa bahay sa rantso upang asikasuhin ang aking mga gawain sa bahay. Isang billy (maliit na lata) ng gatas at isang tinapay ang bayad sa akin sa isang araw. Ang aming pamilya ay nakatira sa isang kubo na yari sa mga balat ng kahoy, ang tradisyonal na tirahan ng mga Aborigine. Kapag umuulan, natutulog kami sa kalapit na mga kuweba sa magdamag. Minalas ko ba ang simpleng pamumuhay na ito bilang isang paghihirap? Hindi. Ito na ang pamumuhay ng mga Aborigine sa loob ng mga dantaon, at tinanggap namin ito.

Sa katunayan, natutuwa ako’t hindi ako pinakain sa pinilakang pinggan, wika nga, at na mayroon akong maibiging mga magulang na nagdisiplina sa akin, pinagtrabaho ako nang husto, at nagturo sa akin kung paano hahanap ng makakain mula sa lupa. Noong 1934, di pa natatagalan paglipat namin sa isang reserbasyon na malapit sa Woorabinda, Queensland, umalis ako ng bahay sa kauna-unahang pagkakataon at nagtungo sa gawing kanluran upang magtrabaho bilang katulong sa bahay at manggagawa sa mga rantso ng baka at tupa. Sa wakas, napalipat ako sa gawing silangan dahil sa trabaho, sa labas lamang ng baybaying lunsod ng Rockhampton. Doon ko nakilala ang aking yumaong asawa, si Martin Connelly, anak ng isang Irlandes. Ikinasal kami noong 1939.

Pagkatuto ng Katotohanan ng Bibliya

Sa tuwina’y may matinding paggalang ako sa Bibliya. Nang ako’y bata pa, tinitipon ng among babae sa rantso kaming mga bata​—mga Aborigine at puti​—at kinukuwentuhan kami tungkol kay Jesus. Minsan, ipinaliwanag niya ang kahulugan ng pananalita ni Jesus: ‘Huwag ninyong pagbawalan ang maliliit na bata na magsilapit sa akin.’ (Mateo 19:14, King James Version) Sa unang pagkakataon mula nang sabihin sa akin na ako’y pahihirapan sa impiyerno, nakakita ako ng silahis ng pag-asa para sa akin.

Nang maglaon ay narinig ko ang nakarekord na pahayag, na nabanggit sa pasimula, na hindi mainit ang impiyerno. Bagaman pinag-isip ako niyan, wala akong nakausap na mga Saksi ni Jehova kundi noong 1949 lamang. Nakatira kami noon sa Emerald, mga 250 kilometro sa kanluran ng Rockhampton. Ang dumalaw sa amin, si R. Bennett Brickell,a ay nakipag-usap sa amin tungkol sa Bibliya. Pagkatapos, naging tahanan ni Ben ang aming tahanan kailanma’t naroroon siya sa aming lugar. Kaming lahat, pati na si Martin at ang aming apat na anak, ay may matinding paggalang sa kaniya. Walang interes si Martin sa mensahe ng Bibliya, bagaman lagi siyang mabait at mapagpatuloy sa mga Saksi at lalo na kay Ben.

Binigyan ako ni Ben ng maraming pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, ngunit may malaking problema​—hindi ako marunong bumasa. Kaya, matiyagang binabasa ni Ben ang Bibliya at literaturang salig-Bibliya sa amin ng mga bata, ipinaliliwanag ang kaniyang binabasa. Anong nakagiginhawang pagkakaiba niya sa klero na, pagkatapos maisagawa ang relihiyosong mga pormalidad, ay hindi kailanman gumugol kahit na limang minuto upang turuan kaming bumasa! Ipinakita sa amin ni Ben mula sa Bibliya na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ang mga pasimuno ng maraming pamahiin na gumapos sa sangkatauhan, kasama na ang akin mismong mga kababayan. Gayon na lamang ang pagpapahalaga ko sa mga salita ni Jesus: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo”!​—Juan 8:32.

Tuwang-tuwa akong malaman ang tungkol sa layunin ng Diyos na magkaroon ng isang paraiso sa lupa para sa mga sumusunod sa kaniya. Higit sa lahat, pinananabikan ko ang pagkabuhay-muli ng mga patay; si Nanay ay namatay noong 1939, at si Tatay ay noong 1951. Madalas kong asamin ang araw na mayayakap ko sila at malugod na tanggapin sila sa lupa na pinakamamahal nila. At anong laking kagalakang turuan sila tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Kaharian!

Isang Mangangaral na Hindi Marunong Bumasa’t Sumulat

Habang lumalago ang kaalaman ko sa Bibliya, nais kong ibahagi ito. Nakipag-usap ako sa mga kamag-anak at mga kaibigan, subalit gusto ko pang palawakin ang aking paglilingkod. Kaya nang sumunod na dumating si Ben sa Emerald, inapura ko ang mga bata, at kaming lahat ay sumama sa kaniya sa pangangaral. Ipinakita niya sa akin ang payak na mga presentasyon at tinuruan akong manalig kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin. Ang presentasyon ko, aaminin ko, ay hindi maganda, ngunit mula ito sa aking puso.

Una, sinasabi ko sa mga maybahay na hindi ako marunong bumasa; at ikalawa, ipinababasa ko sa kanila ang mga talata sa Bibliya na itinuturo ko sa kanila. Saulado ko ang mga talatang ito. Tinitingnan ako nang may pagtataka ng maraming puti na nakatira sa bayang ito, subalit sila’y mga taong may paggalang naman. Nang maglaon, natuto akong bumasa. Pinalakas nito ang aking pagtitiwala at ang aking espirituwalidad!

Ang Aking Unang Kombensiyon

Noong Marso 1951, palibhasa’y naialay ko na ang aking buhay kay Jehova, dumating ako sa sumunod na dalawang mahalagang pangyayari sa aking buhay: ang bautismo sa tubig at ang aking unang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Subalit nangangahulugan iyan ng paglalakbay patungo sa malaking lunsod ng Sydney​—isang nakatatakot na ideya para sa isang babaing taga-lalawigan. Isa pa, wala akong salapi para sa pamasahe sa tren. Kaya, ano ang magagawa ko?

Nagpasiya akong magsugal upang magkapera para sa aking pamasahe. ‘Ginagawa ko ito para kay Jehova,’ ang katuwiran ko, ‘kaya tiyak na tutulungan niya akong manalo.’ Pagkatapos ng ilang laro ng baraha, nadama kong tinulungan niya ako, sapagkat mayroon na akong sapat na pamasahe sa balikang biyahe.

Alam ni Ben ang aking mga planong magtungo sa Sydney, kaya nang sumunod na pagdalaw niya, tinanong niya ako kung may sapat na salapi na ako. “Aba, oo!” ang tugon ko. “Nakuha ko ang pamasahe ko sa tren sa pamamagitan ng pagsusugal.” Buweno, namula siya, at agad kong nabatid na may nasabi akong mali. Kaya naman agad kong ipinagtanggol ang aking sarili, isinusog ko: “Anong nangyari sa iyo? Hindi ko kailanman ninakaw ito!”

Nang mahimasmasan na si Ben, may kabaitang ipinaliwanag niya kung bakit hindi nagsusugal ang mga Kristiyano at idinagdag pa, nang may katiyakan: “Hindi mo kasalanan ito. Hindi ko nasabi sa iyo.”

Nadama ang Mainit na Pagtanggap

Ang apat na araw na kombensiyong iyon, Marso 22-25, 1951, ang kauna-unahang pagkakataong makita ko ang napakaraming Saksi. Palibhasa’y si Ben lamang at iilan pang iba ang nakikilala ko, hindi ko tiyak kung ano ang magiging pagtanggap sa akin doon. Kaya maguguniguni mo ang katuwaan ko nang ako’y mainit na tanggapin ng aking magiging espirituwal na mga kapatid, na hindi nagpakita ni bahagya mang pagtatangi. Talagang palagay na palagay ako at hindi asiwa.

Tandang-tanda ko pa ang kombensiyong ito, lalo na sapagkat isa ako sa 160 nabautismuhan sa Botany Bay. Sa wari, ako ang isa sa mga kauna-unahang Aborigine sa Australia na naging Saksi ni Jehova. Ang larawan ko ay lumitaw sa pahayagan noong Linggo at lumabas din ako sa balitang ipinakita sa mga sinehan.

Ang Tanging Saksi sa Bayan

Isang buwan pagkatapos bumalik mula sa Sydney, ang aming pamilya ay lumipat sa Mount Isa, isang minahang bayan sa hilagang-kanluran ng Queensland. Nakatira kami sa isang kubol sa loob ng anim na taon bilang mga katiwala ng isang malawak na lupa sa labas lamang ng bayan. Ginawa namin ang mga dingding ng aming kubol mula sa kahoy na pinutol namin sa kalapit na iláng. Ginawa namin ang bubong mula sa mga lumang dram ng bitumen na ginupit namin sa tabi at saka iniunat. Nakapagtrabaho si Martin sa perokaril, subalit sa dakong huli ay nagkasakit siya dahil sa kaniyang labis na pag-inom ng alak. Pagkatapos, ako na lamang ang sumusuporta sa aming pamilya. Namatay siya noong 1971.

Sa simula, ako ang tanging Saksi sa Mount Isa. Si Ben ay dumadalaw tuwing anim na buwan o higit pa, yamang ang Mount Isa ay bahagi ng kaniyang malawak na teritoryong binibigyan ng patotoo. Kung nasa bayan siya kapag panahon ng Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo​—isang pantanging okasyon para kay Ben, yamang siya ay may pag-asa ng makalangit na buhay​—ipagdiriwang niya ito kasama ng aking pamilya, kung minsan sa ilalim ng isang punungkahoy.

Karaniwang hindi nagtatagal si Ben, kaya kami lamang ng mga bata ang nagpapatotoo. Totoo, kami lamang; subalit pinalakas kami ng espiritu ni Jehova, at gayundin ng kaniyang maibiging organisasyon. Nilabanan ng tapat na mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa ang matinding init, langaw, alikabok, at baku-bakong daan upang pumunta sa Mount Isa upang patibayin kami, kahit na napakaliit ng aming grupo sa loob ng ilang taon. Gayundin, dumadalaw rin paminsan-minsan ang mga Saksi mula sa bagong tatag na kalapit na kongregasyon sa Darwin, mahigit na 1,200 kilometro ang layo.

Isang Kongregasyon na Nabuo

Noong Disyembre 1953 ay naitatag ang isang kongregasyon sa Mount Isa. Si Ben ang nahirang na tagapangasiwa, at kami ng anak kong si Ann ang tanging iba pa na nakikibahagi sa ministeryo. Subalit di-nagtagal ay lumipat sa bayan ang iba pang Saksi. Ang aming teritoryo ay nagsimula ring magbunga ng dumaraming ani ng mga alagad, na nang maglaon ay kinabibilangan ng ilang Aborigine.

Patuloy na lumago ang kongregasyon, at di-nagtagal ay naging maliwanag na kailangan namin ng isang Kingdom Hall na pagdarausan ng aming mga pulong. Noong Mayo 1960, pagkaraan ng maraming pagpapagal, natapos namin ang pagtatayo ng aming sariling bagong bulwagan. Sa sumunod na 15 taon, dalawang ulit na itong pinalaki. Subalit noong kalagitnaan ng mga taon ng 1970, mga 120 kaming nakikibahagi sa ministeryo sa madla, at napakaliit na naman ng bulwagan. Kaya isang maganda at makapag-uupo ng 250 katao na Kingdom Hall ang itinayo, at ito’y inialay noong 1981. Dahil sa marami ang puwedeng magkasya, ang gusali ay ginamit din para sa mas malalaking pagtitipon na tinatawag na mga pansirkitong asamblea.

Pagsulong sa mga Aborigine

Labis kong ikinatutuwa ang pagkakatatag noong 1996 ng isang grupo ng mga Aborigine at Taga-isla na kaugnay sa Kongregasyon ng Mount Isa. Ang mga Taga-isla ay mga Aborigine na galing sa mga islang malapit sa kontinente ng Australia. Ang pangunahing layunin ng grupong ito ay ang mas mabuting pagpapatotoo sa mga Aborigine, na ang ilan ay tila naaasiwa sa mga taong puti.

Nakakalat sa palibot ng Australia ang mga 20 ibang grupong ito ng mga Aborigine. Bukod pa riyan, nagtatag din ng mga kongregasyon ng mga Aborigine sa Adelaide, Cairns, Ipswich, Perth, at Townsville. Mga 500 tao​—pati na ang ilan sa akin mismong pamilya​—ang dumadalo sa mga grupo at kongregasyong ito. Halos 10 porsiyento ng mga mamamahayag na Aborigine ay mga payunir, o buong-panahong mga ministro!

Nagkasakit ako ng diyabetis noong 1975, at sa nakalipas na mga taon ang karamdamang ito, na nagpapahirap sa napakaraming Aborigine, ay pinagbabayaran nang malaki. Naging lalong mahirap ang pagbabasa. Gayunman, patuloy akong pinalalakas at binibigyan ng kagalakan ni Jehova.

Nagpapasalamat ako sa malalakas ang loob na mga ministro na naglingkod sa akin at sa aking pamilya. Ang kanilang di-sumusukong sigasig, ang kanilang pag-ibig, at ang espirituwal na mga kayamanan na dala nila sa mga bisikleta habang binabagtas nila ang maalikabok at malungkot na mga daan at landas ng liblib na mga lugar sa Queensland ang nagpangyaring matutuhan namin ang katotohanan ng Bibliya. Buong pagtitiwalang hinihintay ko ngayon ang panahon na masasapatan magpakailanman ang pag-ibig ko sa lupa.

[Talababa]

a Ang kahanga-hangang kuwento ng buhay ni Ben Brickell ay lumabas sa The Watchtower ng Setyembre 1, 1972, pahina 533-6.

[Mapa/Larawan sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Perth

Darwin

Cairns

Townsville

Mount Isa

Rockhampton

Emerald

Springsure

Woorabinda

Ipswich

Sydney

Adelaide

Si Dorothy ngayon

[Larawan sa pahina 13]

Sesyon ng pagsasanay na kasama si Ben noong kalagitnaan ng mga taon ng 1950

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share