Isang Sakuna ng Yelo
“ANG pinakamatinding likas na kasakunaan sa kasaysayan ng bansa.” Ito ang itinawag ng The Toronto Star sa bagyo ng yelo nitong Enero na sumalanta sa mga lalawigan ng Ontario, Quebec, at New Brunswick sa Canada. Sa Estados Unidos, ipinahayag ni Presidente Bill Clinton ang Maine at New Hampshire gayundin ang mga bahagi ng Vermont at ang gawing hilaga ng New York na mga dako ng kasakunaan.
Mga 35 ang namatay dahil sa bagyo, na tumagal nang hanggang limang araw na umuulan ng yelo. Ang gayong ulan ay karaniwang tumatagal ng ilang oras lamang, subalit sa pagkakataong ito ang mainit na itaas na suson ng hangin ay nanatiling hindi kumikilos sa ibabaw ng malamig na hangin. Kaya kapag bumagsak ang ulan sa lupa, agad itong nagyeyelo. Ito ang sanhi ng pagkapal ng yelo nang hanggang walong centimetro. Sa bigat ng yelo, bumagsak ang maraming punungkahoy, mga kawad ng kuryente, mga poste ng kuryente, at mga tore ng transmisyon, na kadalasan ay may nakatatakot na mga resulta.
Sa Quebec, nagbagsakan na parang palara ang daan-daang pagkalalaking mga tore ng transmisyon na yari sa bakal. Isang takot na nagbibiyahe ang nagsabi: “Nakita ko ang isang [tore] sa harap ko na pumilipit na parang plastik. Napilipit ito sa dalawa, pagkatapos ay naging isang bola, at gumuho. Naglipana sa haywey ang mga kawad ng kuryente. Nang bumagsak ang isa, bumagsak ang tatlo pa sa likuran nito.”
Ibinagsak ng natipong yelo ang mahigit na 120,000 kilometrong mga kawad ng kuryente, na sapat upang ikutin ang lupa nang tatlong ulit! Sa Canada, nawalan ng kuryente at init ang tatlo hanggang apat na milyong tao, ang ilan ay sa loob ng tatlong linggo o mahigit pa.
Sa Maine, kung saan ipinahayag ni Gobernador Angus King ang gipit na kalagayan mahigit na 200,000 ang walang kuryente. “Ito ang pinakamalaking kasakunaan na ganitong uri ang kailanma’y humampas sa estadong ito,” sabi ng gobernador. Ganito naman ang sabi ni Gobernador George Pataki ng New York: “Walang kuryente sa buong mga lunsod.”
Sa kahabaan ng baybayin sa timog ng St. Lawrence River, mga 30,000 kahoy na poste ng kuryente ang nasira noong kasagsagan ng bagyo. Pagkatapos ng 17 oras na pag-ulan ng yelo, si Jim Kelly, na nakatira malapit sa ilog na ito sa gawing hilaga ng New York, ay sumulat: “Wala na kaming makita pa sa labas ng mga bintana. Hindi lamang ito matinding lamig o singaw kundi solidong yelo. Naririnig ang mga ingay sa lahat ng panig ng bahay.”
Ganito ang sabi ni Kelly: “Maririnig mo sa malayo ang mga tunog na parang putok ng baril. Bang! Katahimikan. Bang! Katahimikan. Bang, bang!” Nang maglaon, napag-alaman niya na ang mga tunog ay nanggaling sa nababaling mga punungkahoy at sa napuputol na mga poste ng telepono.
Balintuna nga, ang tanawin ay naging isang nakasisilaw na kagandahan, kahit na sinalanta ito ng pagkawasak. Nagpahayag ng pangamba na ang Ontario ay maaaring nawalan ng 20 milyong puno ng maple, na makaaapekto sa industriya ng arnibal na maple. Ganito ang hinagpis ng isang naghahalaman: “Ang mga punungkahoy ay parang malalaking pako na patungo sa langit.”
“Isang Magandang Sona ng Digmaan”
Inilalarawan ng nasa itaas na ulong-balita sa Toronto Star ang Montreal, ang ikalawa sa pinakamalaking lunsod sa Canada. “Parang tinamaan ng mga bomba ang mga lansangan dito!” bulalas ng isang residente. Inilalagay ng isang naunang tantiya na ang pinsala sa Montreal lamang ay mahigit na $500 milyon.
Isang residente sa Belleville, Ontario, ang nagsabi: “Parang dinaanan ito ng isang digmaang nuklear. Lahat ay may puting alikabok, nakatatakot.” Tinawag niya itong “isang nakatatakot na kagandahan.”
Ang sumunod na sanlinggo pagkatapos ng bagyo, nang ang daan-daang libong tao ay wala pa ring kuryente at matindi ang lamig, sinimulang ilikas ng mga pulis ang mga tao patungo sa mapagkakanlungang dako. “Pakikiusapan ba natin sila o uutusan ba natin sila?” ang tanong ng isang opisyal.
“Kailangan nilang umalis,” ang tugon ng isa na nangangasiwa. “Ngunit gamitan mo ng diplomasya.” Sinabi pa niya: “Iisipin mong kami’y nasa panahon ng digmaan.”
Muntik-muntikang Kalamidad
Dahil sa walang kuryente sa kalakhang bahagi ng Montreal, hindi gumana ang mga ilaw sa trapiko at nakasara ang sistema ng subwey. Noong huling araw ng bagyo, nasira o bumagsak ang apat sa limang istasyon ng transmisyon na naglilingkod sa lunsod. Taglay ang anong posibleng mga kahihinatnan?
“Nasumpungan namin ang aming mga sarili noong hapon na umaasang magkakaroon ng isang ganap na blackout sa Montreal—at walang tubig,” sabi ni Premier Lucien Bouchard ng Quebec. “Dalawang oras na suplay ng tubig ang natitira sapagkat inihinto ang dalawang planta.” Palibhasa’y gumagamit ng kandila ang mga tao at malamang na mawalan ng tubig, malaki ang posibilidad ng isang kalamidad.
Naiwasan ang isa pang kalamidad pagkaraan ng mga dalawang linggo nang isang pulutong ng 1,889 ang nagtipon noong Enero 24 para sa isang pansirkitong asamblea sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Montreal. Sa magdamag, mahigit na dalawampung centimetro ng basang niyebe ang tumakip sa Montreal, at noong programa ng asamblea sa umaga, napansin ang pinsala sa mga dingding at kisame. Kinansela ang programa sa hapon, at nanawagan sa mga nagsidalo na umuwi ng bahay, magbihis, at bumalik sa dakong iyon upang magtrabaho.
Sa loob ng isang oras nilinis ng 300 boluntaryo na may dalang mga pala, piko, at iba pang kagamitan ang napakalaking 7,100-metro kudradong bubong. Pagkatapos maalis ang niyebe sa ibabaw, natuklasang sa ilang dako ang yelo ay mahigit na animnapung centimetro ang kapal! Gumamit ng mga chain saw upang putulin ang mga yelo sa kudradong mga piraso, at ang mga ito’y hinila sa gilid ng bubong at inihulog. Mga 1,600 tonelada ng niyebe at yelo ang naalis! Nang siyasatin noong dakong huli ay nakita na bunga nito, ang mga kisame ay bumalik sa dati at ang mga bitak sa dingding ay nagsara. Ang programa ay ligtas na nagpatuloy noong Linggo ng umaga.
Nagtulungan Sila sa Isa’t Isa
Totoo, hinangad ng ilan sa dakong iyon na makinabang mula sa paghihirap ng iba noong tag-ulan at taglamig, subalit gaya noong unang siglo, marami ang nagpakita ng “pambihirang makataong kabaitan.” (Gawa 28:2) Ganito ang sabi ng Daily Sentinel ng Roma, New York, tungkol sa mga Saksi ni Jehova na lumabas upang tumulong sa mga tao: “Nagtipon ang mga lalaki sa Kingdom Hall sa Watertown upang maging organisado at mula roon ay inatasan sila sa iba’t ibang bahay ng mga miyembro. Ngunit tinulungan din nila ang kanilang mga kapitbahay sa dakong iyon.”
Sinabi ng artikulo na ang mga pagtulong na ito ay isinaayos para sa mga tao “sa ibayo ng rehiyon sa Adams, Potsdam, Malone, Ogdensburg, Plattsburg, Massena, Gouverneur, at Ellenburg.” Ang ilang boluntaryo ay naglaan ng init sa mga tahanan sa loob ng ilang oras sa pamamagitan ng paggamit ng mga genereytor upang paandarin ang mga pugon. Nakalulungkot, bumaba ang temperatura na mababa pa sa sero sa maraming dako pagkatapos ng bagyo.
Noong minsan nakita ng mga pulis ang mga Saksi na dumadalaw sa mga bahay at napagkamalan silang mga magnanakaw. Nang ipaliwanag ng mga Saksi ang kanilang ginagawa, sinabi ng isang pulis na pagkatapos ng bagyo, ang kaniyang ama, na nakatira sa Montreal, ay tinulungan ng mga Saksi ni Jehova, kahit na ang kaniyang ama ay hindi isang Saksi mismo. Nagpahayag ng pasasalamat ang anak sa tulong na ibinigay.
Lalo nang nasalanta ng bagyo ang mga 100 bayan sa gawing timog ng Montreal sa isang lugar na tinatawag na “tatsulok ng kadiliman.” Sampung araw pagkatapos ng bagyo, wala pa ring kuryente ang mga bayang ito. Sa katunayan, maraming tao ang walang kuryente sa loob ng mahigit na isang buwan! Gumawa ng mga kaayusan ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na malapit sa Toronto para sa pantanging mga pagdalaw upang maglaan ng tulong sa mga nasa lugar na ito. Ang mga panustos pati na ang langis ng lampara, mga batirya, at mga plaslayt ay dinala ng mga trak sa nakatalagang sentro ng pamamahagi, at mula roon ay ibinigay sa mga nangangailangan.
Gumawa rin ng mga kaayusan para sa Kristiyanong matatanda na tiyakin ang pangangailangan niyaong nakatira sa mga lugar na ito. Dinalaw ng isang grupo ng matatanda ang 11 kongregasyon sa loob ng isang linggo, na nagdaraos ng maraming nakapagpapalakas-loob na mga pulong. Pagkatapos ng mga pagtitipong ito, kung saan inilaan ang espirituwal na pampatibay-loob, walang sinuman ang gustong umuwi. Ang mga tao ay basta nanatili at hindi umuwi, na nag-uusap at nagpapalitan ng mga kuwento, anupat nasisiyahan sa pakikisama. Sa katunayan, ang regular na dumadalo sa pulong ay may pinakamataas na bilang sa lahat ng panahon noong mga linggong kasunod ng bagyo.
Malugod na tinanggap ng marami na may pinagkukunan ng init, gaya ng kalan na ginagatungan ng kahoy o genereytor upang maglaan ng kuryente, yaong mga walang pampainit sa kanilang mga tahanan. Ang ilang Saksi ay tinuluyan ng may kasindami ng 20 katao. Naglaan din ng matutuluyan ang marami sa labas ng lugar na iyon na nawalan ng kuryente. Halimbawa, nag-alok ng matutuluyan sa 85 pamilya ang mga Saksi sa Sept-Îles, isang lunsod na mga 800 kilometro mula sa “tatsulok ng kadiliman.”
Ang mga Saksi sa malalayong kabukiran, gaya sa Rimouski, ay nagputol at nagpadala ng mga kahoy na panggatong sa pamamagitan ng barko. Ang ilan ay gumugol ng panahon upang sumulat ng mga kasulatan sa mga kahoy na ipinadala nila. Ibinahagi ng isang Saksi ang kaloob na kahoy na ito sa isang kapitbahay na hindi Saksi, na tumanggap ng isang kahoy na may nakasulat dito na Awit 55:16: “Si Jehova mismo ang magliligtas sa akin.” Hawak-hawak ang kahoy, tumingala siya at nagsabi: “Salamat po, Jehova.”
Anong Aral ang Makukuha sa Lahat ng Ito?
Nagulat ang marami sa pagiging madaling masira ng kuryente at ng kanilang pagkaumaasa rito. “Tinitiyak ko sa iyo, kapag nagtayo kami ng isang bagong bahay,” sabi ng isang lalaki, “magkakaroon ito ng isang kalan na ginagatungan ng kahoy, magkakaroon ng genereytor . . . , at magkakaroon ng isang kalan na de gas.”
Halos anim na linggo pagkatapos ng bagyo, ganito ang napag-isip-isip ng isang komentarista: “Napakaraming yelo, laganap ang kadiliman, at maraming panahon upang mag-isip, na mas madaling gawin kapag patay ang telebisyon.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Nagulat tayo sa epekto sa atin ng masamang lagay ng panahon.”
Pinag-iisipan ng mga estudyante ng Bibliya ang pangako ng Maylalang na isauli ang lupa sa isang pangglobong paraiso pagkatapos alisin ang sistemang ito ng mga bagay, kung paanong inalis niya ang gayong daigdig noon. (Mateo 24:37-39; 2 Pedro 2:5) Binabanggit ang kaniyang potensiyal na arsenal, ang Diyos ay nagtatanong: “Nakapasok ka na ba sa mga kamalig ng niyebe, o nakikita mo ba maging ang mga kamalig ng graniso [kasama na ang pag-ulan ng yelo], na pinipigilan ko para sa panahon ng kabagabagan, para sa araw ng labanan at digmaan?”—Job 38:22, 23.
[Larawan sa pahina 17]
Mga tore ng transmisyon na gumuhong parang palara
[Larawan sa pahina 18]
Naiwasan ang potensiyal na sakuna nang alisin ng mga boluntaryo ang niyebe at yelo sa bubong ng Assembly Hall
[Larawan sa pahina 18]
Panggatong na kahoy para sa mga biktima ng bagyo