Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 9/8 p. 4-5
  • Pagpapatiwakal—Isang Salot sa mga Kabataan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapatiwakal—Isang Salot sa mga Kabataan
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pandaigdig na Suliranin
  • Isang Pandaigdig na Problema
    Gumising!—2001
  • Kung Bakit Sumusuko sa Buhay ang mga Tao
    Gumising!—2001
  • Pagpapatiwakal—Ang Nakakubling Epidemya
    Gumising!—2000
  • Kapag Naglaho ang Pag-asa at Pag-ibig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 9/8 p. 4-5

Pagpapatiwakal​—Isang Salot sa mga Kabataan

WARING hindi pa sapat ang digmaan, pagpaslang, at mga kalupitan para sirain ang ating mga kabataan, nariyan pa ang pagpuksa sa sarili sa anyo ng pagpapatiwakal ng mga kabataan. Pinipinsala ng pag-aabuso sa droga at alak ang isip at katawan ng mga kabataan, na sanhi ng pagkamatay ng maraming kabataan. Nagiging pangkaraniwan nang sabihin tungkol sa isang namatay na ang biktima ay na-OD (overdosed)​—namatay sa sobrang dosis ng droga, nang kusa o kaya’y di-sinasadya.

Ang Morbidity and Mortality Weekly Report ng Abril 28, 1995, ay nagsabi na “ang pagpapatiwakal ay ikatlong pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga nagbibinata at nagdadalaga sa Estados Unidos na ang edad ay 15-​19.” Ganito ang isinulat ni Dr. J. J. Mann sa The Decade of the Brain: “Mahigit sa 30,000 [ang bilang noong 1995 ay 31,284] Amerikano ang nagpapatiwakal bawat taon. Nakalulungkot, mga kabataan ang karaniwang biktima . . . Sampung ulit ang kahigitan sa 30,000 kataong iyon ang nagtangkang magpatiwakal, ngunit nakaligtas. . . . Isang malaking hamon sa panggagamot ang pagtiyak kung aling mga pasyente ang nanganganib magpatiwakal sapagkat hindi agad makilala ng mga manggagamot ang kaibahan sa pagitan ng mga pasyenteng matinding nanlulumo na magtatangkang magpatiwakal at ng mga hindi magtatangka.”

Ganito ang sabi ni Simon Sobo, puno ng psychiatry sa New Milford Hospital, Connecticut, E.U.A.: “Mas maraming nagtangkang magpatiwakal ngayong tagsibol [1995] kaysa sa mga nakita ko sa 13 taon na inilagi ko rito.” Sa Estados Unidos, libu-libong tin-edyer ang nagtatangkang magpatiwakal bawat taon. Bawat pagtatangka ay isang paghingi ng tulong at atensiyon. Sino ang naroroon para tumulong bago mahuli ang lahat?

Isang Pandaigdig na Suliranin

Hindi naiiba ang situwasyon sa maraming bahagi ng daigdig. Sa India, ayon sa India Today, mga 30,000 kabataan ang nagpatiwakal noong 1990. Sa Canada, Finland, Pransiya, Israel, Netherlands, New Zealand, Espanya, Switzerland, at Thailand, dumami ang mga kabataang nagpatiwakal. Sinasabi ng isang ulat noong 1996 mula sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) na ang may pinakamataas na bilang ng mga nagpapatiwakal na kabataan ay ang Finland, Latvia, Lithuania, New Zealand, Russia, at Slovenia.

Ang Australia ay kabilang din sa may pinakamaraming kabataang nagpapakamatay sa daigdig. Sa bansang ito noong 1995, 25 porsiyento ng lahat ng namatay na kabataang lalaki at 17 porsiyento ng mga kabataang babae ay bunga ng pagpapatiwakal, ayon sa isang ulat ng pahayagang The Canberra Times. Ang dami ng “matagumpay” na pagpapatiwakal sa mga batang lalaking taga-Australia ay mga limang beses ang kahigitan sa mga batang babae. Halos gayundin ang katumbasan sa maraming bansa.

Nangangahulugan ba ito na ang mga batang lalaki ay mas malamang na magtangkang magpatiwakal kaysa sa mga babae? Hindi naman gayon. Ipinakikita ng makukuhang impormasyon na halos walang pagkakaiba sa bilang ng pagtatangkang magpatiwakal sa dalawang grupong ito. Gayunman, “mga apat na beses ang dami ng mga kabataang lalaki kaysa sa mga babae ang nagpapatiwakal sa industriyalisadong mga bansa ayon sa pinakahuling mga bilang galing sa WHO [World Health Organization].”​—The Progress of Nations, inilathala ng UNICEF.

Ngunit maging ang nakapangingilabot na mga estadistikang ito ay maaaring hindi magsiwalat ng buong laki ng suliranin. Ang mga estadistika ng mga kabataang nagpapatiwakal, na ipinahayag sa terminolohiya ng mga manggagamot at analitiko, ay nakapagtatakang madaling basahin. Gayunman, kadalasang hindi nauunawaan o natatalos sa likod ng bawat walang-kinikilingang estadistika ang nawasak na mga pamilya at ang sama ng loob, kahapisan, kirot, at ang kawalang-pag-asa niyaong mga naulila habang naghahanap sila ng mga dahilan.

Kung gayon, maaari kayang mapigilan ang mga trahedyang gaya ng pagpapatiwakal ng mga kabataan? Ang ilang mahahalagang salik ay nalaman na at maaaring makatulong para maiwasan ang ganitong malungkot na situwasyon.

[Kahon sa pahina 5]

Mga Motibo sa Pagpapatiwakal

Maraming teoriya tungkol sa mga motibo sa pagpapatiwakal. “Ang pagpapatiwakal ay bunga ng reaksiyon ng isang tao sa isang inaakalang napakalaking problema, gaya ng pagkakabukod mula sa ibang tao, kamatayan ng isang minamahal (lalo na kung isang kabiyak), nawasak na pamilya sa panahon ng pagkabata, malubhang karamdaman, pagtanda, kawalang-trabaho, mga suliranin sa pananalapi, at pag-aabuso sa droga.”​—The American Medical Association Encyclopedia of Medicine.

Ayon sa sosyologong si Emile Durkheim, may apat na pangunahing uri ng pagpapatiwakal:

1. Egoistic suicide​—Ito “ay inaakalang bunga ng hindi pakikisalamuha ng indibiduwal sa lipunan. Kadalasang nag-iisa, ang mga biktima ng egoistic suicide ay hindi nakikipag-ugnayan, ni umaasa, sa kanilang komunidad.” Mahilig silang mapag-isa.

2. Altruistic suicide​—“Ang indibiduwal ay labis na kaugnay ng isang grupo anupat handa siyang magsakripisyo nang labis.” Ang mga halimbawa nito ay yaong mga pilotong kamikaze ng Hapon noong Digmaang Pandaigdig II at ang mga relihiyosong panatiko na pinasasabog ang kanilang sarili para mapatay ang itinuturing nilang mga kaaway. Ang iba pang halimbawa ay yaong mga namatay sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng sarili upang maitawag-pansin ang isang mithiin.

3. Anomic suicide​—“Ang biktima ng anomic suicide ay walang kakayahang humarap sa isang krisis sa makatuwirang paraan at pinipili ang pagpapatiwakal bilang solusyon sa isang suliranin. [Ito] ay nangyayari kapag biglaan at lubhang nabago ang kaugnayan na nakasanayan ng isang tao sa kaniyang lipunan.”

4. Fatalistic suicide​—Ito ay “inaakalang sanhi ng labis na tuntunin ng lipunan na pangunahin nang sumisiil sa kalayaan ng indibiduwal.” Ang gayong mga biktima ay “nakadarama na wala na silang tiyak na kinabukasan.”​—Adolescent Suicide: Assessment and Intervention, ni Alan L. Berman at David A. Jobes.

[Larawan sa pahina 5]

Ilan sa nakapipinsalang gawain na maaaring humantong sa pagpapatiwakal ng kabataan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share