Kawalang-Katiwasayan—Isang Karamdaman sa Buong Daigdig
NADARAMA mo ba kung minsan na ang iyong buhay at istilo ng pamumuhay ay mabuway at di-tiyak? Hindi ka nag-iisa. Ganiyan ang nadarama ng milyun-milyong tao. Palibhasa’y hindi nahahadlangan ng pambansa, panrelihiyon, o panlipunang mga hangganan, ang kawalang-katiwasayan ay kumakalat na parang isang karamdaman, na nagpapahirap sa mga tao mula Moscow hanggang Manhattan.
Ayon sa isang diksyunaryo, kapag di-tiwasay ang ating buhay, tayo ay “nalulukuban ng takot at kabalisahan.” Ang kabalisahan ay isang pabigat sa damdamin na nauuwi sa kaigtingan, na maaaring makapinsala sa ating kalusugan. Ngunit bakit tayo nababalisa at di-mapalagay?
Kabalisahan sa Europa
Sa European Union (EU), 1 sa 6 na tao ang naghihikahos, 18 milyon ang walang trabaho, at napakarami pa ang natatakot na mawalan ng kanilang trabaho. Sa ilang lupain sa EU, nahihintakutan ang mga magulang sa panganib na ang kanilang mga anak ay mahulog sa kamay ng mga pedophile (mga taong lisya na nakikipagtalik sa mga bata). Sa isang bansa sa EU, 2 sa 3 katao ang nababahala sa panganib ng krimen. Tumitindi naman ang pangamba ng iba pang residente sa EU dahil sa bandalismo, terorismo, at polusyon.
Ang buhay at hanapbuhay ay nanganganib hindi lamang dahil sa gayong mga kalikuan sa lipunan kundi dahil din naman sa mga likas na kasakunaan. Halimbawa, noong 1997 at 1998, ilang bahagi ng Estados Unidos ang sinalanta ng walang-tigil na pag-ulan, pagdaloy ng putik, at mga buhawi. Noong 1997, bumaha sa Gitnang Europa nang umapaw ang mga pampang ng mga ilog na Oder at Neisse. Ayon sa lingguhang magasin sa Poland na Polityka, malalawak na sakahan ang lumubog sa baha, gayundin ang 86 na mga lunsod at bayan at mga 900 nayon. Mga 50,000 sambahayan ang nawalan ng kanilang ani, at halos 50 tao ang namatay. Ang pagdaloy ng putik nitong maagang bahagi ng 1998 ay pumatay ng napakarami sa timugang Italya.
Hinggil sa Personal na Kapanatagan
Ngunit hindi ba tinitiyak sa atin na ang buhay ay mas matiwasay ngayon kaysa noong nakalipas na sampung taon? Hindi ba nangahulugan ng pagbabawas ng mga sandatahang hukbo ang katapusan ng Cold War? Oo, maaaring sumulong ang pambansang kapanatagan. Gayunman, ang personal na kapanatagan ay apektado ng nangyayari sa tahanan at sa lansangan. Kung nawalan tayo ng trabaho o may suspetsa tayong may isang mang-uumog o isang pedophile na nakaabang sa labas, gaano man karami ang kinalas na mga sandata, nababalisa pa rin tayo at hindi pa rin panatag ang ating loob.
Paano hinaharap ng ilang tao ang kawalang-katiyakan ng buhay? Higit na mahalaga, may paraan ba para ang buhay ng lahat—pati na ang iyong buhay—ay magkaroon ng namamalaging katiwasayan? Tatalakayin ang mga puntong ito sa susunod na dalawang artikulo.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
UN PHOTO 186705/J. Isaac
[Picture Credit Line sa pahina 3]
FAO photo/B. Imevbore