Mag-iibigan Pa Kaya sa Isa’t Isa ang Lahat ng Tao?
KASASABI lamang ng isang abogado na upang tamasahin ang “buhay na walang-hanggan,” dapat nating ibigin ang Diyos nang buong-puso at ibigin ang ating kapuwa na gaya ng ating sarili. Pinapurihan ni Jesus ang abogado at sinabi sa kaniya: “Ikaw ay sumagot nang wasto; ‘patuloy mong gawin ito at magkakamit ka ng buhay.’ ” (Lucas 10:25-28; Levitico 19:18; Deuteronomio 6:5) Ngunit ang lalaki, na ibig patunayang matuwid ang kaniyang sarili, ay nagtanong: “Sino bang talaga ang aking kapuwa?”
Tiyak na inaasahan ng abogado na sasabihin ni Jesus, “Ang iyong mga kapuwa Judio.” Ngunit naglahad si Jesus ng isang kuwento tungkol sa isang mapagkapuwang Samaritano, na nagpakitang kapuwa rin natin ang mga tao na may ibang nasyonalidad. (Lucas 10:29-37; Juan 4:7-9) Sa panahon ng kaniyang ministeryo ay idiniin ni Jesus na ang pinakamahalagang utos ng ating Maylalang ay ang ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapuwa.—Mateo 22:34-40.
Gayunman, mayroon bang anumang grupo ng mga tao na talagang umiibig sa kanilang kapuwa? Posible nga ba na mag-ibigan sa isa’t isa ang lahat ng tao?
Isang Himala Noong Unang Siglo
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sila’y makikilala sa pamamagitan ng isang pag-ibig na hindi malilimitahan ng mga panlahi, pambansa, at lahat ng iba pang hangganan. Sinabi niya: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.” Saka niya idinagdag: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:34, 35; 15:12, 13.
Ang mga turo ni Jesus tungkol sa pag-ibig, na sinusuhayan ng kaniyang halimbawa, ay nagpangyari ng isang himala noong unang siglo. Ang kaniyang mga alagad ay tumulad sa kanilang Panginoon, anupat natutong umibig sa isa’t isa sa paraan na lubhang nakatawag ng pansin at paghanga. Sinipi ni Tertullian, isang manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E., ang komendasyon ng mga di-Kristiyano sa mga tagasunod ni Jesus: ‘Tingnan ninyo kung paano nila iniibig ang isa’t isa at kung paanong handa silang mamatay para sa isa’t isa.’
Sa katunayan, sumulat si apostol Juan: “Tayo ay nasa ilalim ng obligasyon na isuko ang ating mga kaluluwa para sa ating mga kapatid.” (1 Juan 3:16) Tinuruan pa man din ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ibigin ang kanilang mga kaaway. (Mateo 5:43-45) Ano ang resulta kapag talagang iniibig ng mga tao ang iba gaya ng itinuro ni Jesus na gawin nila?
Lumilitaw na pinag-isipang mabuti ng isang propesor sa political science ang tanong na iyan. Kaya nagtanong siya, na nakaulat sa The Christian Century: “Maguguniguni ba ng sinuman si Jesus na naghahagis ng granada sa kaniyang mga kaaway, gumagamit ng machine gun, humahawak ng isang flamethrower, naghuhulog ng mga bombang nuklear o naglulunsad ng isang ICBM na papatay o lulumpo sa libu-libong ina at mga bata?”
Bilang sagot, sinabi ng propesor: “Ang katanungan ay totoong baligho anupat hindi ito nangangailangan ng sagot.” Kaya nagharap siya ng tanong: “Kung hindi ito magagawa ni Jesus at kasabay nito’y maging tapat sa kaniyang prinsipyo, paano natin magagawa ito at kasabay nito’y maging tapat sa kaniya?” Samakatuwid, hindi tayo dapat magtaka sa pagiging neutral ng mga naunang tagasunod ni Jesus, na pinatutunayan ng maraming aklat sa kasaysayan. Tingnan ang dalawa lamang halimbawa.
Ganito ang sabi ng Our World Through the Ages, nina N. Platt at M. J. Drummond: “Ang paggawi ng mga Kristiyano ay ibang-iba sa mga Romano. . . . Yamang nangaral si Kristo ng kapayapaan, tumanggi silang maging mga sundalo.” At ganito ang sabi ng The Decline and Fall of the Roman Empire, ni Edward Gibbon: “Tumanggi [ang mga unang Kristiyano] na magkaroon ng aktibong bahagi sa pamahalaang bayan o sa pagtatanggol ng hukbo sa imperyo. . . . Imposible na ang mga Kristiyano, samantalang hindi tumatalikod sa isang lalong sagradong tungkulin, ay makagaganap ng tungkulin ng mga kawal.”
Kumusta Naman sa Ngayon?
Mayroon bang nagpapamalas ng tulad-Kristong pag-ibig sa ngayon? Ganito ang sabi ng Encyclopedia Canadiana: “Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay pagpapanauli at muling-pagtatatag ng sinaunang Kristiyanismo na isinagawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad . . . Lahat ay magkakapatid.”
Ano ang ibig sabihin niyan? Nangangahulugan iyan na hindi hinahayaan ng mga Saksi ni Jehova ang anuman—maging ang lahi, nasyonalidad, ni liping pinagmulan—na maging dahilan upang kamuhian nila ang kanilang kapuwa. Ni papatay man sila ng sinuman, sapagkat sa makasagisag na paraan ay pinanday na nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit, gaya ng inihula ng Bibliya na gagawin ng tunay na mga lingkod ng Diyos.—Isaias 2:4.
Hindi nga kataka-taka na sabihin ito ng isang editoryal sa Sacramento Union ng California: “Sapat nang sabihin na kung susundin lamang ng buong daigdig ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, tiyak na magwawakas ang pagdanak ng dugo at pagkamuhi, at maghahari ang pag-ibig”!
Katulad nito, ganito ang sabi ng isang manunulat sa magasing Ring ng Hungary: “Sumapit ako sa konklusyon na kung ang nabubuhay sa lupa ay pawang mga Saksi ni Jehova lamang, mawawala na ang digmaan, at ang magiging tungkulin na lamang ng mga pulis ay pangasiwaan ang trapiko at magpalabas ng mga pasaporte.”
Sa pansimbahang magasin na Andare alle genti sa Italya, buong-paghangang sumulat din ang isang madreng Romano Katoliko tungkol sa mga Saksi: “Tinatanggihan nila ang anumang anyo ng karahasan at hindi nagrerebelde habang nagtitiis ng maraming pagsubok na ipinararanas sa kanila dahil sa kanilang mga paniniwala . . . Anong laking pagkakaiba ng daigdig kung isang umaga, tayong lahat ay magigising na desididong hindi na muling hahawak ng sandata, anuman ang kapalit o dahilan, gaya ng mga Saksi ni Jehova!”
Kilala ang mga Saksi sa pagkukusang tumulong sa kanilang kapuwa. (Galacia 6:10) Sa kaniyang aklat na Women in Soviet Prisons, isang taga-Latvia ang nagsabi na nagkasakit siya nang malubha samantalang nagtatrabaho sa kampong bilangguan sa Potma noong mga kalagitnaan ng dekada ng 1960. “Habang may sakit ako ay naging masisipag na nars [ang mga Saksi]. Wala na akong mahihiling pang mas mabuting pangangalaga, lalo na dahil sa mga kalagayan sa kampo.” Sinabi pa niya: “Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na tungkulin nilang tumulong sa lahat, anuman ang relihiyon o nasyonalidad.”
Kamakailan, binigyang-pansin ng pangmadlang pamahayagan sa Czech Republic ang gayong paggawi ng mga Saksi sa mga kampong piitan. Sa pagkokomento sa dokumentaryong, “The Lost Home,” na ginawa sa Brno, ganito ang sabi ng pahayagang Severočeský deník: “Kapansin-pansin na maging ang mapaniniwalaang mga kontemporaryong ito [mga nakaligtas na Judiong Czech at Slovak] ay buong-paghangang nagpapatotoo tungkol sa mga bilanggong Saksi ni Jehova. ‘Sila’y mga taong malalakas ang loob, na laging tumutulong sa amin sa anumang paraang makakaya nila, bagaman nanganganib na ipapatay,’ ang komento ng marami. ‘Sila’y nanalangin para sa amin, na para bang kabilang kami sa kanilang pamilya; pinatibay-loob nila kami na huwag sumuko.’”
Subalit paano naman ang pag-ibig sa mga taong talagang napopoot sa iyo? Posible kaya ito?
Nagtatagumpay ang Pag-ibig sa Pagkapoot
Ang turo ni Jesus tungkol sa pag-ibig sa mga kaaway ay kasuwato ng kawikaan sa Bibliya: “Kung ang isa na napopoot sa iyo ay nagugutom, bigyan mo siya ng tinapay na makakain; at kung siya’y nauuhaw, bigyan mo siya ng tubig na maiinom.” (Kawikaan 25:21; Mateo 5:44) Hinggil sa positibong epekto ng pagtanggap ng maibiging atensiyon mula sa dating itinuturing na mga kaaway, ganito ang isinulat ng isang itim na babae na kamakailan lamang ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova: “Kung minsan ay naaantig ang aking damdamin hanggang sa punto na hindi ko na mapigil ang pag-iyak dahil sa nararanasan kong taimtim na pag-ibig ng mga Saksing puti, mga taong di pa natatagalan ay muntik ko nang napatay nang walang pag-aatubili para maisulong lamang ang kapakanan ng isang rebolusyon.”
Inilahad ng isang Saksing Pranses na isinuplong ng isang kapitbahay ang kaniyang ina sa mga Gestapo noong Digmaang Pandaigdig II. “Bunga nito, gumugol ng dalawang taon ang aking ina sa mga kampong piitan ng mga Aleman, kung saan halos mamatay na siya,” paliwanag ng anak na babae. “Matapos ang digmaan, ibig ng pulisyang Pranses na pirmahan ni Inay ang isang papeles na nagpapatunay sa babaing ito bilang kasapakat ng mga Aleman. Ngunit tumanggi ang aking ina.” Nang maglaon, nagkasakit ng malubhang kanser ang aming kapitbahay. Sabi ng anak: “Gumugol si Inay ng maraming oras para gawing maalwan hangga’t maaari ang mga huling buwan ng kaniyang buhay. Hindi ko kailanman malilimutan ang ganitong pagtatagumpay ng pag-ibig sa pagkapoot.”
Walang alinlangan, maaaring matutuhan ng mga tao na ibigin ang isa’t isa. Ang dating magkakaaway—Tutsi at Hutu, Judio at Arabe, Armeniano at Turko, Hapones at Amerikano, Aleman at Ruso, Protestante at Katoliko—ay pawang pinagkaisa ng katotohanan ng Bibliya!
Yamang milyun-milyong tao na dating nagkimkim ng poot ang nag-iibigan ngayon sa isa’t isa, tiyak na magagawa ito ng buong daigdig ng sangkatauhan. Subalit totoo na isang napakalaking pagbabago sa buong daigdig ang kakailanganin upang ang lahat ng tao ay mag-ibigan sa isa’t isa. Paano mangyayari ang pagbabagong ito?
[Mga larawan sa pahina 7]
Mga puti at itim sa Timog Aprika
Mga Judio at Arabe
Hutu at Tutsi
Sa makasagisag na paraan, pinanday na ng mga Saksi ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod