Aids—Patuloy ang Epidemya
LUMAKI si Karen sa kanluraning Estados Unidos.a Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, napanatili niya ang mataas na pamantayang moral sa buong panahon ng kaniyang kabataan. Noong 1984, nang siya’y 23 taong gulang, nagpakasal siya kay Bill, na dalawang taon pa lamang nagiging Saksi. Sila’y pinagpalang magkaroon ng dalawang anak, isang lalaki at isang babae.
Noong 1991, tumibay pa ang kanilang pag-iibigan, at sila’y kontento at maligaya. Nang magtatapos na ang taong iyon, si Bill ay nagkaroon ng puting batik sa kaniyang dila na hindi mawala-wala. Nagpunta siya sa isang doktor.
Di nagtagal pagkaraan nito, si Karen at ang mga bata ay nasa bakuran at nagwawalis ng mga dahon. Naupo si Bill sa hagdan ng beranda at tinawag niya si Karen upang maupo sa tabi niya. Niyapos niya ito sa baywang at habang lumuluha ay sinabi sa kaniya na iniibig niya ito at ibig niyang mabuhay magpakailanman na kasama niya. Pero bakit siya umiiyak? Naghihinala ang doktor na si Bill ay nahawahan ng HIV, ang virus na sanhi ng AIDS.
Sinuri ang pamilya. Positibo ang resulta ng pagsusuri kina Bill at Karen. Nahawahan si Bill bago siya naging isang Saksi ni Jehova; nahawahan naman niya si Karen. Negatibo naman ang resulta ng pagsusuri sa mga bata. Makalipas ang tatlong taon, patay na si Bill. Sabi ni Karen: “Hindi ko maipaliwanag ang nadarama habang nakikitang unti-unting nanghihina at nagiging halos buto’t balat ang dating makisig na lalaking iyong minamahal at ninanais makapiling magpakailanman. Maraming gabi akong umiyak. Tatlong buwan na lamang bago ang aming ikasampung anibersaryo ng kasal nang mamatay siya. Siya’y naging isang mabuting ama at mabuting asawa.”
Bagaman sinabi ng doktor na malapit nang mamatay si Karen katulad ng nangyari sa kaniyang asawa, buháy pa rin siya. Ang sakit ay humantong na sa mga unang yugto ng AIDS.
Si Karen ay isa lamang sa mga 30 milyon kataong nabubuhay ngayon na may HIV/AIDS, isang bilang na mas malaki pa sa pinagsamang populasyon ng Australia, Ireland, at Paraguay. Ipinakikita ng mga pagtaya na nasa Aprika ang 21 milyon sa mga biktimang ito. Ayon sa bilang ng United Nations, sa pagpihit ng siglo, ang bilang na iyan ay maaaring tumaas tungo sa 40 milyon katao. Sinabi ng isang ulat ng UN na nakikipag-unahan ang sakit na ito sa pinakamalalaking epidemya sa kasaysayan. Sa mga nasa hustong gulang sa daigdig na aktibo sa sekso na ang edad ay 15 hanggang 49, 1 sa 100 ang nahawahan na ng HIV. Sa mga ito, tanging 1 sa 10 ang nakababatid na siya’y nahawahan. Sa ilang panig ng Aprika, 25 porsiyento ng mga nasa hustong gulang ang nahawahan.
Sapol nang magsimula ang epidemya noong 1981, tinatantiyang 11.7 milyon katao na ang namatay dahil sa AIDS. Tinatantiya na noong 1997 lamang, mga 2.3 milyon katao ang nasawi. Gayunpaman, may mga bagong dahilan para maging positibo sa pakikibaka sa AIDS. Nitong nakalipas na ilang taon, bumaba ang bilang ng mga bagong kaso ng AIDS sa nakaririwasang mga bansa. Karagdagan pa, ang mga inaasahang gamot ay nagbibigay ng pag-asa para sa mas mabuting kalusugan at mas mahabang buhay.
Paano mo maipagsasanggalang ang iyong sarili laban sa AIDS? Ano ang pinakabagong mga pagsulong sa paggamot at mga bakuna? Madaraig pa kaya ang karamdamang ito? Sasagutin ang mga tanong na ito sa susunod na mga artikulo.
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.