Mga Tulay—Paano Na Kaya Tayo Kung Wala ang mga Ito?
“Papurihan ang tulay na nagtawid sa iyo.”—George Colman, Ingles na manunulat ng dula noong ika-19 na siglo.
KAILAN ka huling tumawid sa isang tulay? Napag-ukulan mo ba ito ng pansin? Milyun-milyong tao ang tumatawid sa mga tulay araw-araw. Hindi natin gaanong napapansin ang mga ito. Tumatawid tayo sa ibabaw o sa ilalim ng mga ito nang naglalakad, nakasakay, o nagmamaneho, bagaman marahil ay hindi man lamang natin napapansin. Ngunit paano na kaya kung wala ang mga ito roon?
Sa loob ng libu-libong taon, ang mga tao at mga hayop ay nakatatawid sa mga puwang na hindi sana madaraanan, ito man ay ilog, bangin, o malalim na libis, dahil sa lahat ng uri ng tulay. Mahirap ilarawan ang ilang lunsod kung wala ang mga tulay nito—ang Cairo, London, Moscow, New York, Sydney, at marami pang iba. Oo, ang mga tulay ay may mga sinaunang kasaysayan.
Ang mga Tulay Noon
Mahigit na 2,500 taon ang nakalipas, si Reyna Nitocris ng Babilonya ay nagpatayo ng isang tulay na patawid sa Ilog Eufrates. Bakit? Ganito ang sagot ng Griegong istoryador na si Herodotus: “Ang [Babilonya] ay nahahati ng ilog sa dalawang bahagi. Sa ilalim ng dating mga hari, kung ang isang tao ay nagnanais na tumawid mula sa isa sa mga bahaging ito patungo sa kabilang bahagi, kailangan niyang tumawid sa pamamagitan ng isang bangka; na para sa akin ay tiyak na napakahirap.” Ginagamit ang kahoy, pinatigas na ladrilyo, at mga blokeng bato bilang mga kagamitan sa pagtatayo at ang bakal at tingga naman bilang argamasa, itinayo ni Nitocris ang isang tulay sa ibabaw ng isa sa pinakabantog na ilog noong unang panahon.
Kung minsan ay naaapektuhan ng mga tulay ang takbo ng kasaysayan. Nang pasimulan ni Haring Dariong Dakila ng Persia ang kaniyang militar na kampanya laban sa mga Scythian, gusto niyang dumaan sa pinakamabilis na ruta sa lupa mula sa Asia patungong Europa. Nangangahulugan iyan na pangungunahan niya ang kaniyang hukbo na may 600,000 kalalakihan sa pagtawid sa Bosporus Strait. Delikadong tumawid sa strait (lagusan sa pagitan ng dalawang dagat) sa pamamagitan ng bangka dahil sa makapal na ulap at peligrosong agos, kaya pinagdugtung-dugtong ni Dario ang mga bangka hanggang sa makagawa siya ng isang nakalutang na tulad-balsang tulay na may habang 900 metro. Sa ngayon, hindi ka na kailangang magpagal na gaya ni Dario upang makatawid sa strait. Makatatawid ka nang wala pang dalawang minuto sakay ng kotse kung gagamitin mo ang mga tulay sa Bosporus sa Istanbul, Turkey.
Kung ikaw ay isang estudyante sa Bibliya, baka makaisip ka ng isang pagkakataon nang ang kawalan ng isang tulay ay nakaapekto sa takbo ng kasaysayan. Alalahanin ang nangyari nang kubkubin ni Haring Nabukodonosor ng Babilonya ang islang lunsod ng Tiro. Sinikap niyang sakupin ang lunsod sa loob ng 13 taon subalit hindi siya nagtagumpay, ang isang dahilan ay sapagkat walang tulay sa pagitan ng isla at ng kalakhang bahagi ng lupain. (Ezekiel 29:17-20) Hindi na kailangang muling lumipas ang tatlong daang taon para masakop ang islang lunsod, nang magtayo si Alejandrong Dakila ng isang daanan mula sa kalakhang bahagi ng lupain patungo sa isla.
Pagsapit ng unang siglo, ‘lahat ng daan ay patungo sa Roma,’ ngunit ang mga Romano ay nangailangan ng mga tulay at mga lansangan upang pag-ugnayin ang buong imperyo. Ginagamit ang mga bato na bawat isa ay tumitimbang ng mga walong tonelada, ang mga Romanong inhinyero ay nagtayo ng nakabalantok na mga tulay na ang pagkakadisenyo ay napakahusay anupat ang ilan sa mga ito ay nakatayo pa rin pagkaraan ng mahigit na dalawang libong taon. Ang kanilang mga aqueduct (malaking tubo o kanal ng tubig) at mga viaduct (pinaghugpung-hugpong na mga arko) ay mga tulay rin.
Noong Edad Medya, ang mga tulay ay nagsisilbing mga moog kung minsan. Noong 944 C.E., nagtayo ang mga Saxon ng tulay na yari sa kahoy na bumabagtas sa Ilog Thames ng London upang hadlangan ang pag-atake ng mga taga-Denmark. Makalipas ang halos tatlong daang taon, ang tulay na ito na yari sa kahoy ay pinalitan ng Old London Bridge, na bantog sa kasaysayan at sa rima.
Nang magsimulang mamahala sa Inglatera si Reyna Elizabeth I, ang Old London Bridge ay hindi na basta isang batong moog lamang. Nagtayo na ng mga gusali sa mismong tulay. May mga tindahan na sa pangunahing palapag. At kumusta naman ang mga palapag sa itaas? Ang mga ito ay nagsilbing mga tirahan ng mayayamang mangangalakal at maging ng mga kabilang sa mga maharlika sa palasyo. Ang London Bridge ay naging isang sentro ng kalakaran ng lipunan sa London. Ang mga upa na nakokolekta sa mga tindahan at mga tirahan ay nakatulong sa gastos para sa pagmamantini sa tulay, at, oo, may bayad ang pagdaan sa tulay na London Bridge!
Habang ang mga Europeo ay abala sa pagtatayo ng mga tulay na yari sa kahoy at bato, ang mga Inca naman sa Timog Amerika ay gumagawa ng mga tulay na yari sa lubid. Ang isa sa bantog na halimbawa ay ang tulay ng San Luis Rey, na bumabagtas sa Ilog Apurímac sa Peru. Kumuha ang mga Inca ng mga himaymay ng isang halaman at pinilipit ang mga ito upang maging mga kable na kasingkapal ng katawan ng tao. Itinali nila ang mga kable sa magkabilang haliging bato at pagkatapos ay binatak ang mga ito patawid sa ilog. Matapos ibuhol ang mga kable sa magkabilang dulo, naglagay sila ng mga tapakan na yari sa makapal na tabla upang makagawa ng daanan. Pinapalitan ng mga tagapagmantini ang mga kable tuwing ikalawang taon. Gayon na lamang kahusay ang pagkakatayo at pagkakamantini ng tulay na ito anupat tumagal ito nang limang daang taon!
Ang mga Tulay at ang Ating Nagbabagong Pangangailangan
Kailangang makayanan ng mga tulay ang mga lindol, malalakas na hangin, at pagbabago ng temperatura. Gaya ng nakita na natin, huminto na ang mga inhinyero sa paggamit ng kahoy, ladrilyo, o bato sa pagtatayo ng tulay. Nang ang mga kotse ay sinimulang gamitin sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang mga nakatayo nang mga tulay ay kinailangang pahusayin at palakihin upang makayanan ang mas mabibigat na sasakyan.
Ang pag-imbento sa mga tren na pinatatakbo sa pamamagitan ng singaw ay nagpasigla rin sa pagtatayo at pagdidisenyo ng tulay. Ang pinakamaaalwang ruta ng riles ay kadalasang bumabagtas sa isang malawak na lunas o isang malalim na bangin. Makapagtatayo ba ng isang tulay upang matawid ang puwang at makaya ang bigat habang parami nang parami ang idinaragdag na bagon? Ang mga tulay na yari sa pundidong bakal ay pansamantalang nakasapat sa pangangailangan. Ang isa sa pinakabantog na tulay sa pagsisimula ng ika-19 na siglo ay ang nakabiting tulay sa ibabaw ng Menai Strait sa Hilagang Wales, na dinisenyo ng taga-Scotland na inhinyero na si Thomas Telford at natapos noong 1826. Ito ay may habang 176 na metro at nagagamit pa rin! Subalit ang pundidong bakal ay lumulutong, at malimit na nasisira ang mga tulay. Sa wakas, sa pagtatapos ng ika-18 siglo, sinimulan ang paggawa ng asero. Ang materyales na ito ay may katangian na angkop para gamitin sa pagtatayo ng mas mahaba at mas ligtas na mga tulay.
Mga Uri ng Istraktura ng Tulay
May pitong pangunahing disenyo ng tulay. (Tingnan ang kahon sa itaas.) Dito, tatalakayin natin sa maikli ang dalawa sa mga ito.
Ang mga cantilever na tulay ay may dalawang malalaking tore sa magkabilang ibayo ng ilog. Ang bawat tore ang nagdadala sa bigat ng mga biga, tulad ng isang diving board na nakakabit sa gilid ng isang swimming pool. Upang makumpleto ang tulay, pinagdurugtong ang mga biga sa gitna sa pamamagitan ng isang matatag na panghugpong.
Kapag malakas ang agos ng ilog o kapag ang pinakasahig ng ilog ay masyadong malambot, kadalasang pinipili ang cantilever na pagtatayo dahil hindi na ito nangangailangan ng mga pier (pinakapundasyong haligi) na ibabaon sa gitna ng pinakasahig ng ilog. Dahil sa tatag ng mga ito, ang mga tulay na cantilever ay angkop na angkop sa pagkakarga ng mabibigat na sasakyan na gaya ng mga tren.
Marahil ay nakakita ka na ng isang sirkerong tumatawid sa isang nakabiting lubid. Napag-isip-isip mo ba na sa aktuwal ay tumatawid siya sa isang tulay—isang suspension (nakabitin) na tulay? Ang ilang suspension na tulay na ginagamit ngayon ay hindi naman gaanong mas masalimuot kaysa sa isang nakabiting lubid. Ang mga ito ay maaaring binubuo ng isang kable na ikinabit sa magkabilang dulo at sinabitan ng isang basket. Ang pasahero ay nakaupo sa basket at pinauusad ang sarili sa palusong na deklibe hanggang sa makarating siya sa kabilang dulo. Ang mga tao sa palibot ng daigdig ay laging gumagamit ng simpleng mga tulay na yari sa lubid.
Sabihin pa, tiyak na hindi kayo magmamaneho ng kotse patawid sa isang tulay na yari sa lubid. Pagkatapos maimbento ang mga tanikalang bakal at ang mga kableng asero, naging posible na magtayo ng suspension na mga tulay na makapagkakarga ng mabibigat. Ang modernong suspension na mga tulay ay maaaring magkaroon ng main span (pinakamahabang bahaging nakabitin) na 1,200 metro o mahigit pa. Ang isang suspension na tulay ay karaniwan nang binubuo ng dalawang pier na yari sa asero, na bawat isa ay sumusuhay sa isang tore. Ang mga aserong kable, na binubuo ng libu-libong kawad, ay nakahugpong sa mga tore at sa daanan sa ibaba. Ang mga kable ang siyang mga pangunahing nagdadala sa bigat ng mga sasakyan at sa daanan. Kapag tama ang pagkakatayo, ang isang suspension na tulay ay isa sa pinakaligtas na tulay sa daigdig.
Noon, marahil ay hindi mo pinapansin ang mga tulay. Subalit sa susunod na pagtawid mo sa isang kilalang tulay, tanungin mo ang iyong sarili: ‘Ano ang alam ko tungkol sa tulay na ito? Kailan ito itinayo?’ Pagmasdan mo itong mabuti. Ito ba ay isang cantilever, suspension, o iba pang uri ng tulay? Bakit napili ang partikular na disenyong ito?
Pagkatapos, habang ikaw ay tumatawid, tumingin ka sa ibaba at tanungin ang iyong sarili, ‘Paano na kaya ako kung wala ito?’
[Kahon/Larawan sa pahina 12]
MGA DISENYO NG TULAY
1. Ang mga GIRDER BRIDGE ay karaniwang ginagamit sa mga haywey. Ang mga girder (mahahabang tulad-biga) ay nakapatong sa mga pier o abutment (pinagsasandigan ng bigat). Ang mga tulay na ito ay maaaring umabot hanggang 300 metro.
2. Ang mga TRUSS BRIDGE ay sinusuhayan ng mga truss (hugpung-hugpong na sepo) na hugis trianggulo. Ang ganitong mga tulay, na karaniwang ginagamit para sa mga perokaril, ay itinatayo upang matawid ang mga libis, ilog, at iba pang mga hadlang.
3. Sa mga ARCH BRIDGE, ang bawat span (bawat seksiyon ng pinagdugtung-dugtong na tulay) ay bumubuo ng isang arko. Ito ang isa sa pinakamatandang uri ng tulay. Itinayo ng mga Romano ang uring ito ng arko sa kanilang mga aqueduct at viaduct at gumamit ng isang batong panulok upang paglapatin ang arko. Marami sa mga ito ang nakatayo pa hanggang ngayon.
4. Ang mga CABLE-STAYED BRIDGE ay nakakahawig ng mga suspension na tulay maliban sa ang mga kable nito ay direktang nakakabit sa mga tore.
5. Ang mga MOVABLE BRIDGE ay maaaring itaas o ilihis upang maparaan ang mga barko. Isang angkop na halimbawa ang Tower Bridge ng London.
6. Ang mga CANTILEVER BRIDGE ay ipinaliliwanag sa mismong artikulo.
7. SUSPENSION BRIDGE ay ipinaliliwanag sa mismong artikulo.—World Book Encyclopedia, 1994.
[Chart sa pahina 13]
ILANG BANTOG NA MGA TULAY
SUSPENSION
Storebaelt Denmark 1,624 m
Brooklyn E.U.A. 486 m
Golden Gate E.U.A. 1,280 m
Jiangyin Yangtze Tsina 1,385 m
CANTILEVER
Forth (dalawang seksiyon) Scotland 521 m ang bawat isa
Quebec Canada 549 m
Ilog Mississippi E.U.A. 480 m
STEEL ARCH
Sydney Harbour Australia 500 m
Birchenough Zimbabwe 329 m
CABLE-STAYED
Pont de Normandie Pransiya 856 m
Skarnsundet Norway 530 m
[Larawan sa pahina 10]
Modernong girder bridge na nasa ibabaw ng arch bridge sa Almería, Espanya
[Larawan sa pahina 13]
Brooklyn Bridge, New York, E.U.A. (suspension)
[Larawan sa pahina 13]
Tower Bridge, London, Inglatera (movable)
[Larawan sa pahina 13]
Sydney Harbour Bridge, Australia (arch)
[Larawan sa pahina 13]
Seto Ohashi, Hapon (cable-stayed)