Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/8 p. 16-19
  • Gutenberg—Kung Paano Niya Pinaunlad ang Daigdig!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gutenberg—Kung Paano Niya Pinaunlad ang Daigdig!
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ginintuang Mainz
  • Ang Katalinuhan ni Gutenberg at ang Salapi ni Fust
  • Sinimulan ang Trabaho
  • Obra Maestra sa Paglilimbag
  • Pagkabangkarote
  • Ang Pamana ni Gutenberg
  • Natitirang mga Kopya ng Bibliya ni Gutenberg
  • Isang Natatanging Aklat
    Gumising!—2007
  • Ang Pinakamalaganap na Aklat sa Buong Daigdig
    Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao
  • Isang Siglo na Sabik-sa-Balita
    Gumising!—1990
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/8 p. 16-19

Gutenberg​—Kung Paano Niya Pinaunlad ang Daigdig!

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA

ALING imbensiyon sa nakaraang isang libong taon ang lubhang nakaimpluwensiya sa iyong buhay? Iyon ba’y ang telepono, ang telebisyon, o ang kotse? Malamang na wala sa mga ito. Ayon sa maraming eksperto, iyon ay ang de-makinang paglilimbag. Ang lalaking pinag-uukulan ng papuri dahil sa pagkaimbento sa unang praktikal na pamamaraan ay si Johannes Gensfleisch zur Laden, na mas kilala bilang si Johannes Gutenberg. Siya’y may maharlikang pinagmulan at sa gayo’y hindi kinailangang maglingkod bilang karaniwang aprentis.

Ang likha ni Gutenberg ay inilarawan bilang “ang pinakadakilang kontribusyon ng Aleman sa sibilisasyon.” Bawat nalalabing kopya ng kaniyang obra maestra sa paglilimbag​—ang tinaguriang 42-linyang Bibliya ni Gutenberg​—ay katumbas ng isang kayamanan.

Ginintuang Mainz

Si Gutenberg ay isinilang sa Mainz, noong bandang 1397. Matatagpuan sa mga pampang ng Rhine River, ang Mainz noon ay tahanan ng mga 6,000 residente. Kilala iyon bilang Ginintuang Mainz, palibhasa’y sentro ng isang makapangyarihang samahan ng mga bayan. Ang mga arsobispo sa Mainz ay mga botante ng Banal na Imperyong Romano. Bantog ang Mainz dahil sa mga platero nito. Maraming natutuhan ang kabataang si Johannes tungkol sa gawaing-metal, kasali na ang pagpapaumbok ng mga letra sa metal. Dahil sa mga alitan sa pulitika, napilitan siyang lumayo at magtungo sa Strasbourg sa loob ng ilang taon, kung saan ay nagsagawa siya at nagturo ng pagtabas sa batong panghiyas. Subalit ang higit na pinagtuunan niya ng pansin ay ang kaniyang palihim na paggawa ng isang bagong imbensiyon. Sinikap ni Gutenberg na paghusayin ang sining ng de-makinang paglilimbag.

Ang Katalinuhan ni Gutenberg at ang Salapi ni Fust

Nagbalik si Gutenberg sa Mainz at nagpatuloy sa kaniyang mga eksperimento. Para sa pondo ay lumapit siya kay Johann Fust, na nagpautang sa kaniya ng 1,600 gulden​—isang napakalaking halaga noong panahon na ang isang lubhang bihasang manggagawa ay nag-uuwi lamang ng 30 gulden sa isang taon. Si Fust ay isang matalinong negosyante na nakakita ng malaking tutubuin sa isang pakikipagsapalaran. Ano kayang uri ng pakikipagsapalaran ang nasa isip ni Gutenberg?

Napansin ng matalas na mata ni Gutenberg na ang ilang bagay ay ginagawa nang maramihan, na bawat isa ay kapareho ng iba. Halimbawa, ang mga barya at ang mga bala ay hinuhulma sa metal. Kaya bakit hindi maglimbag ng daan-daang magkakaparehong pahina ng kasulatan at saka pagsama-samahin ang mga pahina nang sunud-sunod upang maging magkakatulad na aklat? Aling mga aklat? Naisip niya ang Bibliya, isang napakamahal na aklat anupat iilang maykaya lamang ang may personal na kopya. Nilayon ni Gutenberg na gumawa ng maraming magkakatulad na Bibliya, anupat ito’y nagiging murang-mura kaysa sa sulat-kamay na mga kopya nang hindi inaalis ang kagandahan nito. Paano magagawa ito?

Karamihan sa mga aklat ay kinokopya ng kamay, na nangangailangan ng tiyaga at panahon. Sinubok ang paglilimbag sa pamamagitan ng mga bloke ng kahoy na inukit ng kamay, na bawat isa ay naglalaman ng isang pahina ng kasulatan. Isang Tsino na nagngangalang Pi Sheng ang gumawa pa nga ng indibiduwal na mga letrang yari sa luwad upang magamit sa paglilimbag. Sa Korea, ang palimbagan ng pamahalaan ay gumamit ng mga letrang yari sa tanso. Ngunit ang paglilimbag sa pamamagitan ng nakikilos na tipo​—mga letra na isa-isang ginawa na maaaring muling ayusin para sa bawat bagong pahina​—ay nangangailangan ng pagkarami-raming letra, at wala pang nakabubuo ng paraan sa paggawa nito. Iyon ay nakalaan kay Gutenberg.

Bilang isang bihasang manggagawa sa metal, napag-unawa niya na ang paglilimbag ay pinakamabuting magagawa sa pamamagitan ng nakikilos na mga letra na yari, hindi sa luwad o kahoy, kundi sa metal. Ang mga ito ay ihuhulma sa isang molde, hindi uukitin o ihuhurno. Kinailangan ni Gutenberg ng mga molde na maaaring gamitin upang ihulma ang lahat ng 26 na letra ng kaniyang alpabeto​—sa maliliit at sa malalaking titik​—pati na ang pinagdikit na mga letra, bantas, pananda, at mga numero. Lahat-lahat, tinantiya niya na kailangan ang 290 iba’t ibang letra, na bawat isa ay maraming kopya.

Sinimulan ang Trabaho

Pinili ni Gutenberg para sa istilo ng kaniyang aklat ang letrang Gothic sa Latin, na ginamit ng mga monghe sa pagkopya ng Bibliya. Sa paggamit ng kaniyang karanasan sa gawaing-metal, umukit siya sa isang maliit na blokeng bakal ng isang nakaumbok na kopya ng bawat letra at simbolo, samakatuwid nga, isang nakaukit na larawan sa ibabaw ng bakal. (Larawan 1) Ang bakal na panimbreng ito ay saka ginamit upang idiin ang larawan sa isang maliit na piraso ng mas malambot na metal, alinman sa tanso o brass. Ang resulta ay isang totoong larawan ng letrang ibinaon sa mas malambot na metal, na tinatawag na matrix.

Ang susunod na hakbang ay ginamitan ng isang molde, na produkto ng katalinuhan ni Gutenberg. Ang molde ay kasinlaki ng kamao ng isang tao at bukas sa ibabaw at sa ilalim. Ang matrix para sa isang letra ay inilagay sa ilalim ng molde, at ang binubong haluang metal ay ibinuhos sa ibabaw. (Larawan 2) Ang haluang metal​—lata, tingga, antimony, at bismut​—ay lumamig at madaling tumigas.

Ang haluang metal na galing sa molde ay naging isang nakaumbok na kopya ng letra sa isang dulo at tinawag na tipo. Inulit ang proseso hanggang sa mabuo ang kinakailangang mga piraso ng letrang iyon. Saka inalis ang matrix mula sa molde at pinalitan ng matrix ng susunod na letra. Sa gayon, kahit gaano karaming piraso ng tipo para sa bawat letra at simbolo ay maaaring magawa sa loob lamang ng maikling panahon. Pare-pareho ang taas ng lahat ng tipo, gaya ng kailangan ni Gutenberg.

Maaari nang magsimula ang paglilimbag. Pumili si Gutenberg ng isang teksto sa Bibliya na nais niyang kopyahin. Hawak ang kamador, ginamit niya ang tipo upang baybayin ang mga salita, at binuo niya ang mga salita tungo sa mga linya ng teksto. (Larawan 3) Bawat linya ay ikinaha, samakatuwid nga, ginawang pare-pareho ang haba. Sa pamamagitan ng paggamit ng galera, ang mga linya ay ikinaha niya tungo sa isang tudling ng teksto, dalawang tudling sa isang pahina. (Larawan 4)

Ang pahinang ito ng teksto ay ipinirmi sa patag na ibabaw ng imprenta at saka pinahiran ng itim na tinta. (Larawan 5) Ang imprenta​—kahawig niyaong ginagamit sa paggawa ng alak​—ang naglilipat ng tinta mula sa tipo tungo sa papel. Ang resulta ay isang nilimbag na pahina. Marami pang tinta at papel ang ginamit at inulit ang proseso hanggang sa mailimbag ang kinakailangang dami ng kopya. Yamang nakikilos ang tipo, maaari itong gamiting muli para magkaha ng isa pang pahina.

Obra Maestra sa Paglilimbag

Ang pagawaan ni Gutenberg, na may empleadong 15 hanggang 20 katao, ang nakatapos sa unang nilimbag na Bibliya noong 1455. Mga 180 kopya ang ginawa. Bawat Bibliya ay may 1,282 pahina, na bawat pahina ay may 42 linya, na inilimbag sa dalawang tudling. Ang pagpapabalat sa mga aklat​—bawat Bibliya ay may dalawang tomo​—at ang palamuting guhit-kamay ng mga uluhan at ang unang letra ng bawat kabanata ay ginawa nang dakong huli sa labas ng pagawaan ni Gutenberg.

Maguguniguni kaya natin kung gaano karaming tipo ang kinailangan upang mailimbag ang Bibliya? Bawat pahina ay naglalaman ng mga 2,600 letra. Ipagpalagay na si Gutenberg ay may anim na tagakasa ng tipo, na bawat isa ay nakagagawa ng tatlong pahina nang minsanan, kailangan nila ng mga 46,000 piraso. Madali nating mauunawaan na ang molde ni Gutenberg ang siyang susi sa paglilimbag sa pamamagitan ng nakikilos na mga letra.

Namangha ang mga tao nang paghambingin nila ang mga Bibliya: Bawat salita ay nasa parehong posisyon. Imposible iyon sa sulat-kamay na mga dokumento. Sumulat si Günther S. Wegener na “gayon na lamang ang pagkakapare-pareho at pagkakabalanse, pagkakasuwato at kagandahan [ng 42-linyang Bibliya], anupat hinangaan nang husto ng mga manlilimbag sa lahat ng panahon ang ganitong obra maestra.”

Pagkabangkarote

Gayunman, si Fust ay mas interesado sa pagkita ng salapi kaysa sa paggawa ng isang obra maestra. Ang pagdating ng tubo sa kaniyang puhunan ay mas matagal kaysa sa kaniyang inasahan. Nagkahiwalay ang magkasosyo, at noong 1455​—nang tinatapos na lamang ang mga Bibliya​—siningil ni Fust ang mga pautang. Hindi nabayaran ni Gutenberg ang salapi at natalo siya sa isinampang kaso sa hukuman. Napilitan siyang ibigay kay Fust ang ilan sa kaniyang mga kasangkapan sa paglilimbag at ang mga tipo para sa mga Bibliya. Binuksan ni Fust ang kaniyang sariling palimbagan kasama ng dalubhasang empleado ni Gutenberg na si Peter Schöffer. Ang kanilang negosyo, ang Fust and Schöffer, ay nakilala mula sa pinaghirapan ni Gutenberg at naging unang matagumpay na komersiyal na palimbagan sa daigdig.

Sinikap ni Gutenberg na ipagpatuloy ang kaniyang gawain sa pamamagitan ng pagtatayo ng panibagong palimbagan. Ipinagpapalagay ng ilang iskolar na siya ang naglimbag ng iba pang materyal na may petsang ika-15 siglo. Ngunit walang nakaabot sa karangalan at kagandahan ng 42-linyang Bibliya. Sumapit na naman ang kasawian noong 1462. Bunga ng paglalabanan sa kapangyarihan sa loob ng Katolikong herarkiya, ang Mainz ay sinunog at ninakawan. Sa pangalawang pagkakataon ay nawalan si Gutenberg ng kaniyang pagawaan. Namatay siya pagkaraan ng anim na taon, noong Pebrero 1468.

Ang Pamana ni Gutenberg

Mabilis na lumaganap ang imbensiyon ni Gutenberg. Pagsapit ng taong 1500, may mga palimbagan na sa 60 bayan sa Alemanya at sa 12 iba pang bansa sa Europa. “Ang pagkabuo ng paglilimbag ay katumbas ng isang malaking pagbabago sa pakikipagtalastasan,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. “Sa sumunod na 500 taon, napakaraming pagsulong ang ginawa sa mga pamamaraan ng paglilimbag, ngunit ang saligang proseso ay nanatiling gayon pa rin.”

Binago ng paglilimbag ang buhay sa Europa, yamang ang kaalaman ay hindi na nakalaan lamang sa mga nakaririwasa. Nagsimulang makarating ang balita at impormasyon sa pangkaraniwang tao, na nagkaroon ng higit na kabatiran sa mga nangyayari sa kaniyang paligid. Pinapangyari ng paglilimbag ang pangangailangan na bigyan ang bawat isa sa mga pambansang wika ng isang saligang anyo ng pagsulat na mauunawaan ng lahat. Kaya naman, ang mga wikang Ingles, Pranses, at Aleman ay ginawan ng pamantayan at iningatan. Lubhang lumaki ang pangangailangan para sa mga babasahin. Bago kay Gutenberg, iilan libong manuskrito lamang ang umiiral sa Europa; 50 taon pagkamatay niya, mayroon nang milyun-milyong aklat.

Hindi sana nagsimula ang ika-16 na siglong Repormasyon kung walang de-makinang paglilimbag. Ang Bibliya ay isinalin sa Aleman, Czech, Ingles, Italyano, Olandes, Polako, Pranses, at Ruso, at pinapangyari ng palimbagan na maging madali ang paglilimbag ng sampu-sampung libong kopya. Ginamit nang husto ni Martin Luther ang palimbagan sa pagpapalaganap ng kaniyang mensahe. Nagtagumpay siya sa kaniyang mga pagsisikap samantalang nabigo naman ang iba, na nabuhay bago ang imprenta ni Gutenberg. Hindi nakapagtataka na inilarawan ni Luther ang palimbagan bilang paraan ng Diyos “upang palaganapin ang tunay na relihiyon sa buong daigdig”!

Natitirang mga Kopya ng Bibliya ni Gutenberg

Ilang Bibliya ni Gutenberg ang naingatan? Noon ay inaakalang 48 ang bilang​—ang ilan sa mga ito ay di-kumpleto​—na nakakalat sa buong Europa at Hilagang Amerika. Ang isa sa pinakaeleganteng kopya ay isang pergaminong Bibliya sa Library of Congress sa Washington, D.C. Pagkatapos, noong 1996, isang pambihirang pagtuklas ang nagawa: Isang karagdagang bahagi ng Bibliya ni Gutenberg ang natuklasan sa isang archive ng simbahan sa Rendsburg, Alemanya.​—Tingnan ang Gumising! ng Enero 22, 1998, pahina 29.

Anong laking pasasalamat natin na ang Bibliya ay kaya nang bilhin ngayon ng sinuman! Siyempre pa, hindi ito nangangahulugan na makabibili tayo ng isang 42-linya ni Gutenberg! Magkano ba ang isa nito? Ang Gutenberg Museum sa Mainz ay nakakuha ng isang kopya noong 1978 sa halagang 3.7 milyon deutsche mark (mga $2 milyong dolyar ngayon). Ang halaga ng Bibliyang ito ay mas malaki ngayon nang ilang ulit sa halagang iyan.

Bakit naiiba ang Bibliya ni Gutenberg? Nagbigay ng tatlong dahilan si Propesor Helmut Presser, dating direktor ng Gutenberg Museum. Una, ang Bibliya ni Gutenberg ang unang aklat na inilimbag sa Kanluran sa pamamagitan ng nakikilos na letra. Pangalawa, iyon ang kauna-unahang Bibliyang nailimbag. Pangatlo, pagkaganda-ganda nito. Sumulat si Propesor Presser na sa Bibliya ni Gutenberg, makikita natin “ang kasulatang Gothic sa kasukdulan ng kagandahan nito.”

Utang ito ng mga tao sa lahat ng kultura sa katalinuhan ni Gutenberg. Pinagsama niya ang molde, haluang metal, tinta, at imprenta. Ginawa niyang de-makina ang paglilimbag at pinayaman niya ang daigdig.

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

1. Isang bakal na panimbre ang ginamit upang idiin ang larawan ng letra sa tansong matrix

2. Ibinuhos ang binubong haluang metal sa molde. Kapag tumigas na ang binubong haluang metal, ang iniangat na tipo ay nag-iwan ng isang kopya ng letra

3. Ang tipo ay inilagay sa isang kamador upang baybayin ang mga salita, anupat bumubuo ng isang linya ng teksto

4. Ang mga linya ay ikinaha tungo sa mga tudling sa isang galera

5. Ang pahina ng teksto ay inilagay sa patag na ibabaw ng imprenta

6. Isang ukit na yari sa klitseng tanso ni Gutenberg, na may petsang 1584

7. Sa ngayon, ang isang kopya ng Bibliya ni Gutenberg ay nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar

[Credit Line]

Larawan 1-4, 6, at 7: Gutenberg-Museum Mainz; larawan 5: Sa kagandahang-loob ng American Bible Society

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Larawan: Sa Pahintulot ng British Library/Bibliya ni Gutenberg

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share