Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/8 p. 20-22
  • Isang Magaling na Reyna na Tumalo sa Obispong may Masamang Balak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Magaling na Reyna na Tumalo sa Obispong may Masamang Balak
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Obispong May Masamang Balak
  • Pinahirapan sa Batakan
  • Isang Matalino at Maingat na Reyna
  • Ang Repormasyong Ingles—Isang Panahon ng Pagbabago
    Gumising!—1998
  • Inamin Ngayon ang Kawalang-Pagpaparaya sa Relihiyon
    Gumising!—2000
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • “Ngayon Lang May Nagmahal sa Akin Nang Ganito”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/8 p. 20-22

Isang Magaling na Reyna na Tumalo sa Obispong may Masamang Balak

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika

TIWASAY si Reyna Catherine Parr ng Inglatera sa piling ng kaniyang maharlikang mga dama. Ang karamdaman ni Haring Henry VIII, pati na ang mga sabuwatan sa palasyo, ay lubhang nakaapekto sa kaniyang kalusugan. Samantalang ang reyna ay nakikipag-usap sa isang kaibigan, nagmamadaling pumasok ang isa sa kaniyang mga dama, mahigpit ang hawak sa isang pirasong papel. Humihingal, iniabot niya ang papel kay Catherine. Balisa dahil sa hindi mapalagay na pangungunot ng noo ng dama, may pag-aatubiling tinanggap ng reyna ang papel. Mukhang di-sinasadyang nahulog ito ng isang opisyal sa labas ng mga silid ng reyna.a

Habang binabasa niya ito, namutla si Catherine. Ang kaniyang di-paniniwala ay nauwi sa pagkagimbal. Listahan ito ng mga paratang na erehiya laban sa kaniya, na nilagdaan ng hari. Napasigaw siya at halos himatayin, subalit inalalayan siya ng kaniyang mga kaibigan. Sinikap niyang pakalmahin ang kaniyang sarili, upang makapag-isip nang malinaw, subalit balisang-balisa siya. Palibhasa’y naaawa, tinulungan siya ng kaniyang mga dama patungo sa kama.

Nahiga siya, subalit hindi siya mapalagay. Manaka-naka, ginugunita niya ang mga pangyayari sa kaniyang pag-aasawa kay Haring Henry VIII. Siya ay 31, dalawang beses na nag-asawa at nabiyuda, at iniisip ang pagpapakasal sa makisig na si Thomas Seymour. Subalit may ibang plano ang hari. Nagtapat ang hari. Paano ba siya makatatanggi? Ito nga’y isang karangalan, subalit isa na lipos ng mga problema. Siya ang naging ikaanim nitong asawa noong Hulyo 12, 1543.

Si Henry ay hindi na ang makisig, maliksi at atletikong anyo ng kaniyang kabataan. Sa gulang na 52, napakataba niya, sumpungin, at pinahihirapan ng mga sugat sa kaniyang binti anupat kung minsan ay hindi siya makalakad at kailangang isakay sa isang silya.

Subalit, ginamit ni Catherine ang kaniyang katalinuhan at mga talento upang magtagumpay ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Ginawa niya ang kaniyang sarili na isang kasama ng tatlong anak ng hari mula sa naunang mga pag-aasawa. Nagpagal siya upang maging isang maasikasong asawa. Kapag sumasakit ang binti ng hari, nililibang niya ito sa pamamagitan ng kaniyang masiglang pakikipag-usap, kadalasan na tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa relihiyon. Nagdulot siya sa hari ng katahimikan sa mga huling taon ng buhay nito.

Sinikap niya ngayong gunitain ang kaniyang buhay na kasama ng hari. Ano ang nagawa niyang mali? Ginunita niya ang pakikipagkita niya sa hari hindi pa natatagalan. Nang gabing iyon ay naroroon ang mga kaibigan ng hari sa palasyo, at waring masaya ang hari. Gaya ng nakaugalian na niya, nagbangon siya ng isang relihiyosong tanong na pinag-usapan nila noon. Masungit ang hari at pinatigil siya. Nabigla siya subalit itinuring niya na may sumpong lamang ito. Karaniwan nang nasisiyahan ito sa mga gayong usapan at hindi tinututulan ang interes niya sa relihiyosong mga bagay.

Naalaala niya kung sino ang naroroon nang okasyong iyon. Paulit-ulit na bumabalik ang kaniyang kaisipan sa isang tao​—kay Stephen Gardiner, isang kilalang kaaway.

Isang Obispong May Masamang Balak

Si Gardiner, na obispo ng Winchester at isang maharlikang konsehal, ay isang maimpluwensiyang tao at isa na salansang sa relihiyosong reporma. Galit siya kay Catherine, dahil sa interes nito sa relihiyosong pagbabago at dahil sa impluwensiya nito sa hari.

Nang mapaalis ni Thomas Cromwell, ang punong tagapayo ni Henry, si Gardiner sa kaniyang posisyon bilang pangunahing kalihim ng hari, humanap ng pagkakataon si Gardiner na maghiganti. Kasangkot siya sa pakana na siyang naging dahilan ng pagbagsak at pagbitay kay Cromwell. Bigo rin si Gardiner dahil sa nakaligtaan siya ni Henry at hinirang ang hindi kilalang si Thomas Cranmer, na may simpatiya sa mga Protestante, bilang Arsobispo ng Canterbury. Sa kabutihang-palad ni Cranmer, binigo ni Henry ang pakana laban sa kaniya ni Gardiner at ng iba pa.

Ang panganib kay Catherine at sa kaniyang mga dama sa palasyo ay pinatindi ng isa pang masamang balak ni Obispo Gardiner hindi pa natatagalan. Isang kabataang babae, si Anne Askew, ay isang hayagang tagapagtaguyod ng relihiyosong reporma. Siya’y nakabilanggo, na naghihintay ng pagbitay dahil sa sala na erehiya. Subalit interesado sa kaniya si Gardiner sa ibang dahilan. Gusto niya ng ebidensiya na ito’y nakikipagkita sa maimpluwensiyang mga dama sa palasyo, na magdadawit din sa reyna. Tinanong ng isang kasamahan ni Gardiner, si Thomas Wriothesley, isang nangungunang konsehal ng hari, si Anne Askew.

Pinahirapan sa Batakan

Tinanong ni Wriothesley si Anne sa loob ng ilang panahon, subalit hindi niya nakuha ang ebidensiyang magsasangkot sa reyna na kailangan niya. Sa wakas, ipinag-utos niya na itali ito sa batakan,b bagaman ilegal ang paggamit ng instrumentong ito ng pagpapahirap sa isang babae. Nang hindi siya nito napagsalita, si Wriothesley at isa pang konsehal mismo ang pumihit sa batakan at binatak siya nang husto, subalit hindi nila nakuha ang ninanasang impormasyon.

Naiiyak si Catherine kapag naaalaala niya ang mga paghihirap ni Anne Askew. Namalayan niyang may pumasok sa silid. Lumapit ang isa sa kaniyang mga dama at nagsabi sa kaniya na ang manggagamot ng hari, si Dr. Wendy, ay isinugo ng hari upang suriin siya. Kinumusta siya ng mabait na doktor at ipinaabot ang pagkabahala ng hari sa kaniyang kalusugan.

Ipinaliwanag ng doktor kung paano ipinagtapat sa kaniya ng hari ang pakana laban sa reyna at pinasumpa siyang ilihim ito. Gayunman, sinabi sa kaniya ni Dr. Wendy ang buong pangyayari​—na pagkatapos niyang iwan ang hari nang gabing iyon, may panunuyang nagkomento ang hari na lubhang nakaaaliw sa kaniya na “maturuan ng [kaniyang] asawa” sa kaniyang katandaan.

Nakita ni Gardiner ang kaniyang pagkakataon at sinunggaban ito. Sinabi niyang kinukupkop ng reyna ang mga erehes at na kataksilan ang mga gawain nito, anupat isang banta sa awtoridad ng hari. Sinabi niyang kung bibigyan ng panahon, ihaharap niya at ng iba pa sa hari ang katibayan tungkol dito. Sumang-ayon ang galit na hari na pumirma sa isang panukalang-batas ng mga artikulo laban sa reyna.

Pagkatapos isalaysay ang mga pangyayaring ito, hinimok siya ni Dr. Wendy na magtungo sa hari sa pinakamadaling panahon at may pagpapakumbabang humingi ng kaniyang kapatawaran. Ito ang tanging paraan upang madaig niya ang kaniyang mga kaaway, na hindi hihinto hangga’t hindi siya napakukulong sa Tore ng London at hanggang mayroon silang sapat na katibayan upang hatulan siya ng kamatayan.

Nakita ni Catherine ang karunungan ng payong ito, at isang gabi, nang malaman niya na ang hari ay nasa kaniyang silid, nagbihis siya nang maganda at nag-ensayo ng kaniyang sasabihin. Sinamahan siya ng kaniyang ate at ng isang kaibigan, si Lady Lane.

Isang Matalino at Maingat na Reyna

Ang hari ay nakaupo at nakikipagbiruan na kasama ng ilan sa kaniyang mga maharlikang tao. Nakangiting binati niya ang kaniyang asawa. Pagkatapos ay binago niya ang usapan tungo sa relihiyosong mga bagay. Hiniling niya si Catherine na lutasin ang mga pag-aalinlangan niya sa ilang bagay. Agad na nakita ni Catherine ang bitag. Ginawa niya ang lahat ng kaniyang magagawa upang sumagot nang may kataimtiman at katapatan.

Sinabi niya na nilalang ng Diyos ang babae na kasunod ng lalaki​—anupat mas nakabababa sa kaniya. Siya’y nagpatuloy: ‘Mula noon ay inilagay ng Diyos ang likas na pagkakaibang iyon sa lalaki at babae, at yamang ang inyong kamahalan ay totoong nakahihigit sa karunungan at ako’y lubhang nakabababa sa lahat ng bagay kung ihahambing sa inyo, paano ngang ang inyong kamahalan, ay waring humihingi ng aking paghatol sa isang masalimuot na bagay na may kinalaman sa relihiyon?’ Pagkatapos ay kinilala niya na ang hari ang ulo niya sa lahat ng bagay, pangalawa lamang sa Diyos.

‘Hindi gayon,’ sagot ng hari. ‘Ikaw ay naging isang dalubhasa upang magturo sa amin at hindi upang turuan o patnubayan namin.’

Siya’y sumagot: ‘Kung ganiyan ang palagay ng inyong kamahalan, kung gayon ay nagkakamali po kayo tungkol sa akin inyong kamahalan, na sa aking palagay ay hindi nararapat, at kahangalan, para sa isang babae na gampanan ang tungkulin ng isang instruktor o guro sa kaniyang panginoon at asawa; kundi sa halip ay matuto mula sa kaniyang asawa at maturuan niya.’ Ipinaliwanag pa niya na kapag siya’y nagsasalita sa hari tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon at kung minsan ay nagpapahayag ng isang opinyon, hindi ito upang itaguyod ang kaniyang mga ideya. Bagkus, sa pamamagitan ng pakikipag-usap, inaasahan niyang makalilingatan ng hari ang kirot na nadarama niya dahil sa kaniyang karamdaman.

‘Gayon ba, Mahal?’ sabi ng hari. ‘At hindi mo pinatutungkol ang iyong mga pangangatuwiran upang makamit ang ilang masamang tunguhin? Kung gayon ay sakdal na mga magkaibigan na tayong muli ngayon, higit kailanman.’ Nakaupo pa rin, tinawag niya siya palapit sa kaniya, magiliw na niyapos siya, at hinagkan siya. Sinabi niyang ang pagkarinig ng balitang ito ay mas mainam kaysa biglang pagtanggap ng isang regalo ng sandaang libong pound. Nagpatuloy sila sa kaiga-igayang pag-uusap hanggang sa pahintulutan niya siyang umalis noong bandang hatinggabi.

Kinabukasan ay naglakad ang hari sa maharlikang hardin gaya ng kaniyang nakaugalian, na kasama ng dalawang maharlikang tao ng kaniyang silid. Ipinatawag niya ang reyna na sumama sa kaniya, at gaya ng nararapat siya ay dumating na kasama ng tatlo sa kaniyang mga dama. Nakalimutang sabihin ni Henry kay Catherine na ito ang panahon na sinang-ayunan noon para sa pagdakip sa kaniya. Hindi rin niya naipagbigay-alam kay Wriothesley, na siyang magsasagawa ng pag-aresto, ang tungkol sa pakikipagkasundo niya sa reyna. Habang nagsasaya sila, dumating si Wriothesley na kasama ng 40 sa mga bantay ng hari upang arestuhin ang reyna kasama ang kaniyang mga dama.

Humiwalay si Henry sa grupo at ipinatawag si Wriothesley, na nanikluhod sa harap ng hari. Hindi marinig ng iba pa sa grupo ang sinasabi ng hari, subalit narinig nilang nagngangalit na binigkas niya ang mga salitang, ‘Alipin! Hayop! Hangal!’ Pinalayas niya si Wriothesley sa harap niya.

Nang magbalik sa kaniya ang hari, sinikap ni Catherine na pakalmahin siya sa pamamagitan ng mahinahong pananalita. Nagsalita pa nga siya alang-alang kay Wriothesley, na sinasabing anuman ang nagawa niya ay maaaring nagawa niya dahil sa pagkakamali.

Ganito ang tugon ng hari rito: ‘Tinitiyak ko sa iyo, Mahal, talagang siya’y alipin mo, kaya hayaan mo siyang umalis.’

Sa gayo’y nailigtas si Catherine mula sa kaniyang mga kaaway, at nawalan ng pabor sa hari si Obispo Gardiner. Natalo ng reyna ang obispong may masamang balak. Natapos na ang estratehiya.c

[Mga talababa]

a Ang kathang ulat na ito ay salig sa iba’t ibang pinagmulan, pati na ang Foxe’s Book of Martyrs.

b “Isang instrumento ng pagpapahirap na binubuo ng isang balangkas na may mga panggulong kung saan itinatali ang pulsuhan at bukung-bukong ng tao upang mabanat ang kaniyang mga kasukasuan kapag pinihit ang mga panggulong.”​—Oxford Advanced Learner’s Dictionary.

c Nahuling namatay si Catherine Parr kay Henry at sa wakas ay nagpakasal kay Thomas Seymour. Namatay siya noong 1548, sa edad na 36, hindi pa natatagalan pagkatapos manganak. Pagkatapos pagdusahan ang hatol sa bilangguan at sa Tore ng London, si Gardiner ay pinagkaitan ng kaniyang karapatan sa pagkaobispo noong 1550. Muli niyang nakamit ang pabor sa ilalim ng Katolikong si Mary I (1553) at namatay noong 1555.

[Mga larawan sa pahina 21]

Reyna Catherine Parr

Obispo Stephen Gardiner

[Credit Line]

Detalye tungkol kay Catherine Parr: Sa kagandahang-loob ng National Portrait Gallery, London; Stephen Gardiner: National Trust Photographic Library/J. Whitaker

[Larawan sa pahina 22]

Tinuligsa ni Henry VIII si Thomas Wriothesley sa harap ng reyna

[Credit Line]

Larawan na gawa ni Holbein, mula sa aklat na The History of Protestantism (Vol. III)

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Larawan sa pahina 20-2: Mula sa aklat na The Library of Historic Characters and Famous Events, Vol. VII, 1895

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share