Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 12/8 p. 15-17
  • “Maaari Mong Ihinto—Nagawa Namin!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Maaari Mong Ihinto—Nagawa Namin!”
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Eksena ng Tabako
  • Paano Ka Makahihinto?
  • Bakit Dapat Huminto sa Paninigarilyo?
    Gumising!—2000
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
    Gumising!—1996
  • Kung Paano Ka Makahihinto
    Gumising!—2000
  • Ano ang Tingin ng Diyos sa Paninigarilyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 12/8 p. 15-17

“Maaari Mong Ihinto​—Nagawa Namin!”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPON

Ayon sa kuwento, ang mga barkong Europeo na dumaong sa Hapon noong magtatapos ang dekada 1500 ay may sakay na mga panauhing nananabako, na wari’y “nagsisigâ sa kanilang mga tiyan.” Ang pagtataka ay napalitan ng pag-uusisa, kaya noong dekada 1880, nauso ang pananabako sa Hapon. Sino sa ngayon ang mag-aakalang mapapabilang ang mga inapo ng nagtatakang mga Hapones na iyon sa mga pinakasugapang mánanabakó sa daigdig?

“GUSTO naming magmukhang malalaki na kami, para malaman namin ang nararamdaman ng mga nasa hustong gulang na.”​—Akio, Osamu, at Yoko.

“Gusto kong magbawas ng timbang.”​—Tsuya.

“Gusto ko lang masubukan.”​—Toshihiro.

“Hindi namin inisip na makasasamâ sa amin ang tabako.”​—Ryohei, Junichi, at Yasuhiko.

“Gusto kong mawala ang pagsusuka sa ikalawa kong pagdadalang-tao.”​—Chieko.

“Naninigarilyo ako para mapunan ang aking pagkaasiwa kapag may miting kami sa negosyo.”​—Tatsuhiko.

Iyan ang mga dahilang ibinigay nang tanungin ang mga tao rito kung bakit sila naninigarilyo. Ang ganiyang mga paliwanag ay nauunawaang lubos, dahil sa katotohanang ang Hapon ay tinatagurian ng ilan na paraiso ng mga naninigarilyo. Gayunman, kapansin-pansin na ang mga taong binanggit sa itaas ay huminto nang lahat sa paninigarilyo. Masasabing ito’y isang malaking pagsisikap lalo na nga kung isasaalang-alang ang mga hadlang na nasa kapaligiran nila. Nagtataka ka ba kung paano nila ito nagawa? Tingnan muna natin kung gaano kalaganap ngayon ang paggamit ng tabako sa Hapon.

Ang Eksena ng Tabako

Halos 56 na porsiyento ng mga adultong Hapones na lalaki ang naninigarilyo, kung ihahambing sa 28 porsiyento lamang ng mga Amerikano na may edad 15 o higit pa. Kabilang sa 34,000,000 naninigarilyo sa Hapon ay mga 22 porsiyento ng mga kababaihan nito, na karamihan ay mga kabataan. Malaki na ang nagagawa ng halimbawa ng mga adulto at ng magagaling na anunsiyo sa mabilis na pagdami ng mga kabataang naninigarilyo. Ang pag-aanunsiyo ng sigarilyo sa TV at radyo, na mahigit nang dalawang dekadang ipinagbawal sa Estados Unidos, ay ipinagbabawal na rin ngayon sa Hapon.

Isa pa, madaling makakuha ng mga sigarilyo sa maraming vending machine na nasa mga kanto sa Hapon. Kapag hawak na ang pakete, iilan lamang ang nagbibigay-pansin sa mahihina at pahapyaw na mga mensaheng nakasulat doon. Ang etiketa ay kababasahan lamang ng: “Huwag tayong masyadong manigarilyo; baka ito makasamâ.” At karagdagan pa sa katotohanang nananaig ang kawalang-alam sa malulubhang panganib ng tabako, ang masamang halimbawa ng ilang kilalang tao ay humihikayat sa mga Hapones na manigarilyo, na nagpapakalma sa kanila sa isang huwad na pagkadama ng seguridad.

Hindi nga kataka-takang sisihin ng mga tagapagtaguyod ng kontra-sigarilyo ang kapabayaan ng Hapon na mapahinto ang mga mamamayan nito sa pananabako. Subalit nakikita na ng mga edukador ang kahalagahan ng pagbibigay-babala sa mga tao na ang paninigarilyo ay nagsasapanganib sa kanilang kalusugan at buhay. Oo, pare-pareho ang mga sintomas na nararanasan ng mga naninigarilyong Hapones na gaya ng mga naninigarilyo saanmang lugar​—pagduwal, pangangapos ng hininga, madalas na pag-ubo, pagsakit ng tiyan, pagkawala ng gana, pagiging sipunin, at marahil, sa kalaunan, ang wala sa panahong pagkamatay dahil sa kanser sa baga, sakit sa puso, o iba pang sakit.

Noong Abril 1, 1985, naging pribado na ang industriya ng tabako sa Hapon, anupat nagwakas na rin ang mga dekada ng pagmomonopolisa ng pamahalaan. Gayunman, nananatili pa rin ang malapit na kaugnayan nito sa pamahalaan na nakahahadlang sa anumang pasulong na hakbang na humihimok sa pag-iwas sa paninigarilyo. Ito ang dahilan kung bakit ang Hapon sa ngayon ay itinuturing ng kontra-tabakong mga grupo bilang pugad ng mga naninigarilyo. At ipinaliliwanag nito kung bakit iniulat ng The Daily Yomiuri na labis na ikinalulungkot ng mga doktor dito ang katotohanan na ang Hapon ay “isang lipunang humihikayat sa paninigarilyo.”

Upang makita kung paano nagtagumpay ang ilan sa paghinto, tingnan ang kahong “Kung Paano Kami Huminto.”

Paano Ka Makahihinto?

Ang payo mula sa dating mahihilig sa tabako, gaya niyaong mga nasa kahon, ay nauuwi rito: Magkaroon ng maliwanag na motibo kung bakit hihinto. Ang pag-ibig sa Diyos at ang pagnanais na makalugod sa kaniya ang pinakamagaling sa lahat. At ang pag-ibig sa kapuwa ay isa pa ring mabuting dahilan. Magtakda ng tunguhin, at sikaping abutin iyon. Ipaalam sa lahat na gusto mo nang huminto​—sabihin sa iyong mga kaibigan, at hingin ang tulong ng iyong mga kapamilya. Biglain ang paghinto, hangga’t maaari. At gawin ang lahat ng iyong magagawa upang umiwas sa mga naninigarilyo.

Kung nag-aaral ka ng Bibliya, padalasin mo ang iyong pakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Yamang lagi mo silang kasama, di-magtatagal ay mawawala ang iyong pagnanasang manigarilyo. Sa kabilang banda naman, kung ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova na nakikipag-aral ng Bibliya sa isang naninigarilyo, huwag kang susuko sa kaniya. Tulungan mo siyang ibigin si Jehova nang higit sa kaniyang masamang bisyo.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]

“Kung Paano Kami Huminto”

Mieko: “Nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, sigurado akong hindi ko kayang itigil ang aking paninigarilyo. Ang motibo ko sa pakikipag-aral ay upang sa paano man ay matutuhan ng aking mga anak ang daan tungo sa buhay. Ngunit napagtanto kong dapat na ang magulang ang magpakita ng halimbawa, kaya taimtim akong nanalangin sa Diyos na Jehova na ako’y tulungan. Kinailangan ang pagsisikap upang magawa ko ang aking idinalangin, at hirap na hirap ako. Ngunit hindi ko kailanman malilimot ang napakasarap na pakiramdam ng isang malinis na budhi na nadama ko nang sa wakas ay makalaya ako sa maruming bisyong ito.”

Masayuki: “Matapos na maging isang tatlong-pakete-isang-araw na máninigarilyó at matapos ang paulit-ulit na pagsisikap, sa wakas ay pinatay ko na rin ang aking huling sigarilyo at nagpaalam sa tabako. Ang aking pamilya, ang aking mga kasamahang Saksi, at ang Diyos na Jehova ang tumulong sa akin na huminto. Walang makapaniwala sa bangkong pinagtatrabahuhan ko na huminto na ako. Iminungkahi ko na, bilang paggalang sa aming mga kostumer, ang mga empleado sa opisina na nasa pangunahing dako ng bangko ay hindi dapat manigarilyo sa panahon ng trabaho. Ipinatupad ang aking mungkahi, bagaman 80 porsiyento ng mga empleado ay naninigarilyo. Ang kaugaliang ito ay laganap na ngayon sa 260 sangay ng aming bangko.”

Osamu: “Nang matutuhan ko ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, alam kong dapat na akong huminto sa paninigarilyo. Inabot ako ng halos isang taon. Kahit huminto na ako, sa sumunod pang anim na buwan, kinailangan ko pa ring labanan ang aking pagnanasang manigarilyo. Talagang batid ko na dapat kong hangaring huminto na.”

Toshihiro: “Gayon na lamang ang aking pagpapahalaga sa haing pantubos ni Jesus anupat nadama kong sa paano man ay dapat ko ring isakripisyo ang aking paninigarilyo.”

Yasuhiko: “Ang aking pasiya na sundin ang Diyos na Jehova at ihinto ang paninigarilyo ay nakapagligtas sa aking buhay. Isang araw, ang silid na aking pinagtatrabahuhan ay napuno ng propane gas na sumingaw. Karaniwan na, nagsisindi ako noon ng sigarilyo, na dapat sana’y naging dahilan ng pagsabog. Ngunit palibhasa’y inihinto ko na ang paninigarilyo mga ilang araw bago iyon, narito ako ngayon upang ikuwento ang tungkol doon.”

Akio: “Nang makadama ako ng pagduduwal sa pana-panahon, nagkasuspetsa ako na nakasasamâ sa akin ang paninigarilyo. Pero hindi pa rin ako huminto. Ang kauna-unahang tamang impormasyon na nakuha ko tungkol sa panganib ng paninigarilyo ay nanggaling sa aking asawa, na naging isang Saksi ni Jehova. Di-nagtagal at nagsimula na akong makipag-aral ng Bibliya, at natutuhan ko mula sa mga publikasyon ng Watch Tower na hindi lamang ang naninigarilyo ang napipinsala kundi pati ang mga kapamilya niya. Agad akong huminto!”

Ryohei: “Ibinibili ako noon ng aking asawa ng sigarilyo​—20 pakete sa isang bilihan. Ngunit matapos na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, ayaw na niya akong ibili ng anumang bagay na alam niyang makasasamâ sa akin. Kaya nagbukas ako ng aking sariling tindahan ng tabako. Nakauubos ako ng tatlo at kalahating pakete ng sigarilyo araw-araw. Pagkatapos ay nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Di-nagtagal at pinangarap kong maging isang mabisang tagapagsalita sa mga paksa sa Bibliya. Kaya inihinto ko ang paninigarilyo upang maging kuwalipikado sa pagsasanay na ito sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro.”

Junichi: “Ang aking anak na babae, isang Saksi, ay nababahala sa aking buhay. Pinapangako niya ako na ihihinto ko na ang aking paninigarilyo, at nagawa ko.”

Tsuya: “Noong unang punta ko sa Kingdom Hall, humingi ako ng ashtray at posporo nang pumasok ako. Nagulat ako nang sabihin sa akin na walang naninigarilyo roon. Alam kong dapat ko nang ihinto ang paninigarilyo. Dahil sa walong pagkahihirap na araw sa ospital, nakumbinsi akong kailanman ay hindi ko na gugustuhing maranasan muli ang hirap na dulot ng tinatawag na withdrawal.”

Yoko: “Pinag-aralan ko ang paksa sa mga magasin at iba pang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, na nirerepaso kung paano tinanggihan ni Jesus ang mga droga na inialok sa kaniya nang malapit na siyang ipako sa pahirapang tulos. Nanalangin ako sa Diyos na Jehova, na sinasabi sa kaniyang gusto kong maging isang malinis na tagapuri ng kaniyang pangalan. Pagkatapos noon, hindi na ako nanigarilyo kailanman. Kapag may mga tao sa tabi ko na naninigarilyo, natutukso akong langhapin ang kanilang usok, pero agad akong lumalayo, dahil ayaw kong muling manumbalik ang aking pagnanais na manigarilyo.”

Ang dating mga naninigarilyong ito ay pawang determinado na hindi na kailanman maninigarilyong muli. Ikaw ba ay isang naninigarilyo na nagnanais makalaya sa kaugaliang ito?

Si Mieko

Si Osamu

Si Yasuhiko

Si Akio at asawang si Sachiko

Si Junichi at anak na si Meri

Si Yoko

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share