Muling Isinaalang-alang ng mga Doktor ang Pag-opera Nang Walang Dugo
IPINALIWANAG ni Janet, isang babaing taga-Canada, sa kaniyang anak kung bakit siya may AIDS. Nakuha ni Janet ang sakit na ito sa kaniyang asawa bago ito namatay. Malamang na nakuha naman ng kaniyang asawa, na isang hemophiliac, ang AIDS sa pamamagitan ng pagsasalin ng isang bahagi ng dugo. Ang nakapangingilabot na mga karanasang ito ay isa lamang sa mga salik na nag-udyok sa mga manggagamot upang muling isaalang-alang ang pagsasalin ng dugo bilang isang pamantayang panggagamot. Sa katunayan, ganito ang ipinahayag ng isang ulo ng balita sa The New York Times sa taóng ito: “Panibagong Pagkilala sa Pag-opera ‘Nang Walang Dugo.’ ”
Itinampok sa ilang komperensiyang medikal ang lumalagong interes sa pag-opera nang walang dugo. Kabilang sa mga idinaos noong nakaraang taon ay dalawa sa Estados Unidos (Boston at Atlanta), isa sa Canada (Winnipeg), at isa sa Latvia (Riga), na isang internasyonal na komperensiya para sa Silangang Europa.
Pagkatapos ng mahigit na 50 taon ng palaging pagbaling sa pagsasalin ng dugo, bakit dumalo ang mahigit sa 1,400 propesyonal mula sa 12 bansa sa apat na komperensiyang ito na naghahayag sa pag-opera nang walang dugo bilang “ang daan ng kinabukasan,” gaya ng pagkasabi ng isang ulo ng balita sa isang pahayagan? Ano ang itinampok ng mga komperensiyang ito tungkol sa mga bagong gamot, kasangkapan, at pamamaraan na maaaring makaapekto sa mga paggamot sa inyong pamilya?
Bakit Naghahanap ng mga Panghalili?
Ang pangunahing nagbunsod nito ay ang kawalang-kakayahan na ingatan ang suplay ng dugo. Halimbawa, nagkomento ang Globe and Mail ng Toronto noong Enero 31, 1998, tungkol sa “trahedya ng nahawahang dugo” sa dekada ng 1980 sa Canada: “Ang hepatitis C ay isang walang-lunas na sakit sa atay na maaaring sumaid ng lakas. . . . Umaabot sa 60,000 taga-Canada ang maaaring nahawahan ng virus sa pamamagitan ng nahawahang dugo, na nangangahulugang mga 12,000 ang maaaring mamatay bunga ng hepatitis na galing sa dugo.”
Bagaman ang panganib ay lubhang nabawasan dahil sa mas bagong pamamaraan sa pagsusuri, ganito ang sabi ni Justice Horace Krever sa komperensiya na idinaos sa Winnipeg: “Kailanman ay hindi naging ganap na ligtas ang suplay ng dugo sa Canada, at hindi kailanman mangyayari iyon. Di-maiiwasang may kaakibat na mga panganib ang paggamit ng dugo.” At ang mga panganib na mahawa ng sakit o magkaroon ng malubhang reaksiyon ay lumalaki sa bawat karagdagang yunit ng dugo na ibinigay.
Sa Riga, ganito ang sabi ni Dr. Jean-Marc Debue, ng Clinique des Maussins, sa Paris: “Kailangang muling isaalang-alang naming mga manggagamot ang aming karaniwang paraan sa paggamot. . . . Pinahaba ng pagsasalin ng dugo ang buhay ng maraming pasyente, ngunit nilason din nito ang buhay ng iba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang sakit na di-magagamot.”
Ang mga pamamaraan sa pagsusuri ng dugo upang matuklasan ang mga sakit ay maaaring atrasado na sa bagong mga panganib ng sakit na ito at sa gayo’y hindi makapagsanggalang laban dito. Halimbawa, ganito ang sabi ni Dr. Paul Gully, ng Ottawa, Ontario, Canada: “Ang hepatitis G ay isang bagong inilarawang virus na RNA; nangyayari ang pagkahawa sa pamamagitan ng pagsasalin ngunit hindi pa alam ang kasalukuyang panganib.”
Isa pang panganib ang iniulat sa isang pantanging medikal na isyu ng magasing Time: “Maaaring pigilin ng pagsasalin ang sistema ng imyunidad, . . . anupat madaling maimpeksiyon ang pasyente, maging mabagal ang paggaling at mas mahaba ang panahon ng pagpapagaling.”
Ang isa pang salik ay yaong matitipid na salapi. Sa Estados Unidos, ayon sa magasing Time, ang bawat pagsasalin ng dugo ay maaaring magkahalaga ng $500. At sa ilang lugar, nauubos na ang suplay ng dugo dahil kakaunti na lamang ang nagbibigay.
Higit pa ang natitipid ng mga pasyenteng nagpaopera nang walang dugo dahil sa mababa ang posibilidad na maimpeksiyon at mas maikli ang panahon ng pamamalagi sa ospital. Sa pagtatalumpati sa Winnipeg, sinabi ni Durhane Wong-Rieger, ng Canadian Hemophilia Society, tungkol sa pag-opera nang walang dugo: “Sa palagay namin ay kailangan ito. Ito’y matipid at tiyak na magpapabuti sa kalusugan ng mga pasyente.”
Dumarami rin ang mga kahilingan mula sa mga grupong kumakatawan sa mga pasyente hinggil sa pag-opera nang walang dugo. Sinabi ni Dr. David Rosencrantz, ng Legacy Portland Hospitals (Oregon, E.U.A.), na sa simula “100% ng mga lumapit sa amin ang may relihiyosong kadahilanan.” Subalit ngayon, di-kukulangin sa 15 porsiyento ang nagnanais ng medikal na mga panghalili sa pagsasalin ng dugo, ngunit hindi dahil sa relihiyosong budhi.
Iba’t Ibang Pangmalas
Sa apat na komperensiya, isa sa mga pangunahing puntong napagkasunduan ay ang bagay na ang paggamit ng sariling dugo ng isa ay higit na ligtas kaysa sa paggamit ng dugong ibinigay ng ibang tao. Dahil dito, inirerekomenda ng ilan ang pag-iimbak ng sariling dugo ng isa bago ang operasyon. Gayunman, sinabi ng marami na walang panahon para mag-imbak ng dugo sa mga kaso ng biglaang pangyayari. Gayundin, nariyan ang relihiyosong pagtutol ng mga Saksi ni Jehova sa paggamit ng inimbak na dugo.a
Ganito ang sabi ni Dr. Bruce Leone, ng Duke University, North Carolina, E.U.A., sa komperensiya sa Canada: “Ang pagbibigay [ng sariling dugo ng isa] bago ang operasyon ay magastos, matrabaho, hindi nag-aalis ng pinakakaraniwang sanhi ng pagkakasakit na kaugnay ng pagsasalin [na isang pagkakamali—alalaong baga, sa tanggapan o sa pamamaraan] at nangangailangan ng malaking panahon bago ang operasyon.”
Inirerekomenda ng maraming manggagamot ang patuloy na paggawa ng mga medikasyon at pamamaraan na doo’y mababawasan nang malaki ang paggamit ng isinaling dugo. Ikinakatuwiran nila na ang pagsasalin ng dugo ay dapat lamang gamitin sa biglaang mga situwasyon. Sa kabilang dako, lubusan nang inaalis ngayon ng ilan ang pagsasalin ng dugo mula sa kanilang panggagamot. Binabanggit nila ang totoong mahihirap na operasyon—pagpapalit ng balakang, masalimuot na pag-opera sa utak, open-heart surgery sa mga sanggol at sa mga nasa hustong gulang—na isinagawa nang walang pagsasalin at naging mabilis ang paggaling ng pasyente.
Sa kasalukuyan, mahigit na 100 ospital sa buong daigdig ang may mga programa sa pag-opera nang walang dugo, na ang 70 sa mga ito ay nasa Estados Unidos. Sa katunayan, mayroon na ngayong mahigit sa 88,000 doktor sa buong daigdig na nakikipagtulungan sa mga pasyente na ayaw magpasalin ng dugo.
Bagong Pamamaraan
Sa komperensiya sa Atlanta, maraming tagapagsalita ang umamin na una silang gumamit ng isang partikular na pamamaraan nang ginagamot ang mga Saksi ni Jehova.b Marami ang nagpamalas ng damdamin na katulad ng kay Dr. James Schick, ng Encino-Tarzana Regional Medical Center, Los Angeles, na nagsabing dahil sa mga bagong pamamaraan na nabuo samantalang humahawak ng mga kaso ng kulang-sa-buwan na mga sanggol ng mga Saksi ni Jehova, nabawasan ng 50 porsiyento ang paggamit niya ngayon ng dugo sa lahat ng kaniyang mumunting pasyente. Sabihin pa, napatunayan ding kapaki-pakinabang sa mga nasa hustong gulang ang gayong mga bagong pamamaraan.
Ganito ang sabi ni Dr. Jean-François Hardy, ng Montreal Heart Institute: “Ang pag-opera nang walang dugo ay hindi magagawa sa tulong ng anumang iisang proseso ng paggamot . . . Sa halip, maaabot lamang ang tunguhing ito sa pamamagitan ng kombinasyon ng iba’t ibang estratehiya.”
Kabilang sa mga bagong pamamaraan ang (1) paghahanda bago ang operasyon, (2) paghadlang sa pagkaubos ng dugo sa panahon ng operasyon, at (3) pangangalaga pagkatapos ng operasyon. Maliwanag, lahat ng operasyon ay lubhang naaapektuhan ng panahon, samakatuwid nga, kung antimano ay may panahon para palakasin ang pasyente para sa operasyon o wala nang panahon dahil kailangang isagawa kaagad ang operasyon.
Ang pinakamainam na paraan sa pag-opera nang walang dugo ay ang paggamot bago ang operasyon na nagpaparami sa selula ng dugo at pagpapabuti sa pangkalahatang kalusugan. Kasali rito ang mga suplementong mayaman sa iron at mga bitamina at kapag angkop, mga dosis ng sintetikong erythropoietin, isang gamot na nagpapasigla sa utak sa buto para gumawa ng mga pulang selula ng dugo sa mabilis na antas. Ang teknolohiya na nagpapahintulot ng microanalysis (kemikal na pagsusuri sa kaliit-liitang bagay) ay nagpapangyari na kaunting dugo na lamang ang kunin para sa pagsusuri gayunma’y makakuha ng higit na mga resulta mula sa nakuha. Kailangan ito sa mga sanggol na kulang sa buwan at sa nakatatandang mga pasyente na nawalan ng dugo.
Nakatutulong din ang mga volume expander, mga likido na ipinapasok sa ugat upang paramihin ang dugo. Ginagamit din ang hyperbaric oxygen chamber sa ilang pasilidad upang madagdagan ang kinakailangang oksiheno ng isang pasyente na nawalan ng maraming dugo. Sa Atlanta, ipinaliwanag ni Dr. Robert Bartlett na ang oxygen chamber ay isang mabisang kasangkapan ngunit dapat na gamitin nang maingat sapagkat nakalalason ang mataas na dosis ng oksiheno.
Para sa pangalawang hakbang, ang paghadlang sa pagkaubos ng dugo sa panahon ng operasyon, nariyan ang mga bagong instrumento at pamamaraan. Tumutulong ang mga ito para hindi gaanong mabawasan ang dugo; mas kaunti ang ginagawang paghiwa, anupat nababawasan kapuwa ang pagkaubos ng dugo at ang trauma; o agad na tumutulong upang mabawi at muling magamit ang sariling dugo ng pasyente na maaaring nawala sana sa panahon ng pag-opera. Tingnan ang ilan lamang sa mga bagong pamamaraan.
◼ Isang de-kuryenteng kasangkapang pamaso na gumagamit ng init upang maampat ang pagdurugo ng mga ugat.
◼ Ang argon beam coagulator ay tumutulong upang maampat ang pagdurugo sa panahon ng operasyon.
◼ Ang harmonic scalpel ay gumagamit ng pagyanig at pagkiskis upang makahiwa at mamuo ang dugo nang sabay.
◼ Sa ilang uri ng pag-opera, kadalasang gumagamit ng mga gamot gaya ng tranexamic acid at desmopressin upang pabilisin ang pamumuo ng dugo at mabawasan ang pagdurugo.
◼ Binabawasan ng hypotensive anesthesia ang pagkaubos ng dugo sa pamamagitan ng pagbaba sa presyon ng dugo.
Mahalaga rin ang pagpapasulong sa mga makinang nag-iingat sa dugo sa panahon ng operasyon. Sa panahon ng pag-opera, binabawi at karaka-rakang ginagamit muli ng mga ito ang sariling dugo ng pasyente, nang hindi na kailangang imbakin pa iyon.c Ang mas bagong mga makina, samantalang nakakabit sa pasyente, ay nakapaghihiwalay pa nga ng mga bahagi ng dugo at muling ginagamit yaong kailangan.
Pagkatapos ng komperensiya sa Riga at nang marinig ang pangangailangan sa Latvia, ang mga Saksi ni Jehova sa Sweden ay nagkaloob sa Latvia ng dalawang makinang nag-iingat ng selula. Gayon na lamang ang kasabikang nilikha ng pagdating sa Latvia ng unang makina at ng mga kapakinabangan sa pag-opera nang walang dugo anupat ang okasyong iyon ay ipinalabas sa pambansang telebisyon doon.
Ang pangangalaga pagkatapos ng operasyon ay kadalasang kinapapalooban ng gayunding mga sistema sa pagpaparami ng dugo na ginagamit sa paghahanda bago ang operasyon. Gayunman, kadalasang mas madali ang pangangalaga pagkatapos ng operasyon sa mga pasyenteng di-sinalinan ng dugo kaysa roon sa mga sinalinan. Bakit?
Kapansin-pansing mga Resulta
Bagaman ang mga pamamaraan na hindi gumagamit ng dugo ay kadalasang mas matrabaho bago at sa panahon ng operasyon, napansin ng mga siruhano na nakikinabang ang mga pasyente dahil sa mas mabilis ang kanilang paggaling pagkatapos ng operasyon. Hindi sila nagkakaroon ng mga komplikasyon na kadalasang kaakibat ng pagsasalin. Ang mas maikling panahon ng pamamalagi sa ospital ng mga pasyenteng hindi sinalinan ng dugo ay may mga patotoo.
Sinabi ni Dr. Todd Rosengart, ng The New York Hospital-Cornell University Medical Center, na ang kanilang walong-hakbang na estratehiya sa pag-iingat ng dugo ay nagpangyari na may-pagtitiwalang maisagawa ang mga masalimuot na open-heart surgery nang walang pagsasalin ng dugo. Bumanggit si Dr. Manuel Estioko, ng Good Samaritan Hospital sa Los Angeles, ng tungkol sa kanilang “malawak na karanasan sa daan-daang open-heart operation nang walang pagsasalin ng dugo.” Nag-ulat naman si Dr. S. Subramanian ng tagumpay sa di-ginagamitan ng dugo na open-heart surgery sa mga bata sa Miami Children’s Hospital.
Ang orthopedic surgery, lalo na ang pagpapalit sa balakang, ay isang mahirap na larangan. Gayunman, iniulat ni Dr. Olle Hägg, ng Uddevalla Hospital sa Sweden, na sa Riga, ang kombinasyon ng “estratehiya at pagiging eksakto sa pag-opera” ay nagpangyari sa kanila na mapigilan nang husto ang pagkaubos ng dugo ng mga pasyenteng Saksi ni Jehova. Sa katunayan, sinabi ni Mr. Richard R. R. H. Coombs, ng Imperial College School of Medicine sa London, na “99.9 na porsiyento ng lahat ng orthopedic surgery ay maaaring isagawa nang walang . . . pagsasalin ng dugo.”
Ang Kinabukasan
Patuloy na dumarami ang mga ospital at mga doktor na gumagamit ng pamamaraang walang pagsasalin ng dugo. At lubhang kapaki-pakinabang ang mga komperensiya kung saan nagpapalitan ng gayong kaalaman, yamang napag-aalaman ng mga manggagamot ang tungkol sa mga panghalili na matagumpay na nasubukan at palagian nang ginagamit.
Ganito ang sabi ni Dr. Richard Nalick, ng University of Southern California School of Medicine: “Dumarami ang mga mamamayan na nagnanais na magpagamot at magpaopera nang walang dugo . . . Ang medisina at pag-opera nang walang dugo ay kumakatawan sa pinakabagong pamamaraan at hindi dapat bigyan ng maling pakahulugan bilang isang di-gaanong mabisang ‘panghaliling paggamot.’ ”
Habang nagpapatuloy ang mga suliraning kaugnay sa pagsasalin ng dugo at dumarami ang humihiling ng mga panghalili, waring maaliwalas ang kinabukasan ng pag-opera nang walang dugo.
[Mga talababa]
a Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa pagpapagamot ng kanilang sarili at ng kanilang mga anak. Gayunman, batay sa malinaw na pagbabawal ng Bibliya laban sa pagpapasok ng dugo sa katawan, tinututulan nila ang pagsasalin ng dugo. (Genesis 9:3, 4; Gawa 15:28, 29) Para sa higit na impormasyon, tingnan ang Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ang pagtalakay sa iba’t ibang pamamaraan na iniharap sa mga komperensiyang ito ay hindi nangangahulugang inirerekomenda iyon ng Gumising! Iniuulat lamang namin ang tungkol sa mga pagbabagong ito.
c Hinggil sa angkop na paggamit ng gayong mga makina at ang papel na ginagampanan ng budhi, maaaring naisin ng mambabasa na tingnan Ang Bantayan ng Marso 1, 1989, pahina 30-1.
[Larawan sa pahina 20, 21]
Parami nang paraming doktor ang gumagalang sa kahilingan ng kanilang mga pasyente hinggil sa pag-opera nang walang dugo