Ang Karunungan at mga Kapakinabangan sa Pagpaplano ng mga Ari-arian
NALUNGKOT ang mga Peterson.a Inaasahan nila na ang pinagbilhan ng kanilang mga ari-arian ang siyang magiging panggastos nila sa mga taon ng kanilang pagreretiro at sa dakong huli ay makapaglalaan ng isang malaking halaga para sa kanilang mga anak. Naglaho ang pag-asang iyon dahil sa malalaking buwis na binayaran sa pagbebenta ng mga ari-arian.
Ang mga Smith ay mayroon ding mga ari-arian na tumaas nang husto ang halaga sa paglakad ng mga taon. Sa pamamagitan ng isang pantanging kaayusan sa pagbebenta ng mga ari-ariang iyon, mayroon silang kita na tatanggapin sa panahon ng kanilang pagreretiro, isang malaking halaga para sa kanilang mga anak, at maibibigay sa kanilang paboritong kawanggawa.
Balisang-balisa si Rose Jones. Pagkatapos ng biglaang pagkamatay ng kaniyang asawa, nagsimula siyang makatanggap mula sa estado at sa pamahalaang pederal ng mga papeles na hindi niya maintindihan. Ang kaniyang asawang si John ang laging nag-aasikaso ng kanilang pananalapi, pati ng pagbabayad ng mga buwis, pagkuha ng seguro sa buhay, at iba pa. Lagi nitong sinasabi sa kaniya na huwag siyang mag-alala—“inayos na ang lahat.” Ngunit dahil sa namatay ito nang hindi nakapag-iwan ng testamento, ang ilan sa mga pag-aari na pinanggagalingan ng kaniyang kita ay hindi magamit. Pinayuhan siya na kailangan niya ngayong kumuha ng isang abogado para tulungan siyang malaman kung anong mga ari-arian ang naiwan ng kaniyang asawa at kung ano ang kailangan para mailipat ang mga ito sa kaniyang pangalan. Sinabihan din siya na ayon sa batas, ang ilang bahagi ng mga pag-aaring ito ay ililipat sa mga anak ng kaniyang asawa sa isang naunang pag-aasawa, bagaman alam niya na hindi ito ang gustong mangyari ni John. Ang hinagpis sa pagiging isang biyuda ay lalo pang naragdagan dahil sa hindi pagkaalam kung ano ang dapat gawin at dahil sa pag-aalala kung magkano ang aabutin sa pagsasaayos ng mga bagay-bagay.
Naranasan din ni Mary Brown ang trahedya ng biglaang pagkamatay ng asawa. Naaliw siya sa pagkaalam na nagsaayos ang kaniyang asawa ng sapat na mga paglalaan para sa seguro sa buhay upang siya at ang kaniyang dalawang anak ay magkaroon ng ikabubuhay. Naunawaan din niya kung aling mga ari-arian ang kaagad na napasakaniya pagkamatay ng kaniyang asawa at kung anong ari-arian ang mapapasakaniya sa pamamagitan ng testamento ng kaniyang asawa. Bagaman nakaharap sa mga hamong kaakibat ng pagiging isang biyuda, malaki ang pasasalamat niya at naging maalalahanin ang kaniyang asawa sa pagsasaayos ng mga ari-arian nito, kung kaya ang biglaang pagkamatay nito ay halos hindi nagdala ng suliranin sa pananalapi para sa kaniya at sa mga anak.
Ano ang nakatulong ng malaki sa mga Smith at kay Mary Brown? Ang pagpaplano ng mga ari-arian.
Ano ba ang Pagpaplano ng mga Ari-arian?
Ang pagpaplano ng mga ari-arian ay isa lamang proseso ng pagpapasiya kung paano ipamamahagi ang iyong mga ari-arian kapag namatay ka at pagkatapos ay pagsasakatuparan ng iyong mga pasiya sa mabisa at matipid na paraan. Sa gayong mga hakbang ay maaaring kasangkot ang pagpapatitulo ng mga ari-arian, pagtatalaga ng mga benepisyari, at paggawa ng mga dokumento gaya ng testamento at mga kasulatan sa ipinagkatiwala. Marami pa ang nasasangkot sa komplikadong mga situwasyon.
Bagaman karamihan ng mga tao ay tiyak na sasang-ayon na isang katalinuhan ang paggawa ng gayong mga kaayusan, halos iilan lamang ang gumagawa nito. Nakagugulat na 70 porsiyento ng mga nasa hustong gulang sa Estados Unidos ang walang testamento! Karaniwang dahilan ang mga sumusunod: “Masyado akong abala; saka ko na gagawin iyon.” “Wala naman akong maraming pera at mahahalagang bagay na maipamamana.” “Wala akong abogado.” “Ayaw kong isipin ang tungkol sa aking kamatayan.” “Hindi ko alam kung saan magsisimula.”
Totoo, maaaring nakatatakot isipin ang tungkol sa pagpaplano ng mga ari-arian. Pero hindi kailangang maging gayon. Sa pagsisimula ay kadalasang kailangan lamang ang maging organisado at maunawaan ang mga desisyon na nakakaharap mo. Tulad ng maraming bagay, hindi naman mahirap ang pagpaplano ng mga ari-arian kung hahatiin sa iba’t ibang bahagi at isa-isang aasikasuhin.
Mga Hakbang na Dapat Gawin
Ang unang hakbang ay ang paggawa ng listahan ng iyong mga ari-arian. Dapat mong ilista hindi lamang kung ano ang pag-aari mo kundi pati ang halaga ng bawat ari-arian at kung paano mo ito tinataglay o ano ang nakalagay sa titulo. (Tingnan ang kahon na “Net Worth Work Sheet.”) Karamihan ng mga ari-arian ay maaaring uriin bilang mga panagot (sapi, bono, pondong pamuhunan), mga lupain at gusali (ang iyong tahanan, pinauupahan o pinamuhunanan na ari-arian), deposito sa bangko (lagak, sa pamamagitan ng tseke, pondo sa pamilihan ng kuwarta), personal na ari-arian (koleksiyon, sining, alahas, kotse, muwebles), seguro sa buhay, benepisyo sa pagreretiro, at mga negosyo. Pagkatapos itala ang iyong mga pag-aari, gumawa ng listahan ng iyong mga pagkakautang, gaya ng mga sangla, utang, kasulatang pangako, at mga balanse sa credit card. Makikita ang iyong net worth kapag ibinawas ang mga pananagutang ito mula sa kabuuan ng iyong mga pag-aari. Sa maraming bansa, may buwis na ipinapatong sa mga pag-aaring inililipat sa iba pagkamatay. Ang halaga ng buwis ay depende sa net value ng mga pag-aari na inilipat, kaya ang halaga ng iyong net worth ay mahalagang tiyakin.
Ang ikalawang hakbang ay ang pagsusuri sa iyong ultimong tunguhin—hindi ayon sa halaga, kundi ayon sa kung ano ang ibig mong maisagawa kapuwa para sa iyo at sa iyong mga benepisyari. Karaniwan na, nanaisin ng isang taong may-asawa na maglaan ng kasiguruhan para sa kaniya o sa kaniyang kabiyak. Baka nais ng isang magulang na maglaan ng isang antas ng pinansiyal na proteksiyon para sa kaniyang mga anak. Baka naisin ng isang adultong anak na isaayos ang pangangalaga sa isang matanda nang magulang. Karagdagan pa, baka naisin mong alalahanin ang ilang kaibigan o mga kawanggawa sa iyong plano sa mga ari-arian. Mahalaga na isulat kung sino ang dapat ilakip sa iyong plano sa mga ari-arian at ang layunin mo may kinalaman sa bawat isa.
Huwag kalimutang isaalang-alang ang iba’t ibang posibleng mangyari na maaaring makaapekto sa iyong plano sa mga ari-arian. Halimbawa, paano kung maunang mamatay sa iyo ang iyong benepisyari? Nais mo bang mapunta ang kaniyang parte sa kaniyang kabiyak, mga anak, o marahil sa ibang tao?
Ang ikatlong hakbang ay ang pagpili sa mga magpapatupad ng iyong mga kahilingan. Karaniwan na ay kakailanganin mo ang isang tagapagpatupad at marahil isang tagapangalaga at isang katiwala. Sinuman ang piliin mo, magkaroon ng kahit isang alalay, at tiyaking lahat ng pinili mo ay nagnanais gumawa niyaon. Ang tagapagpatupad ang siyang magtitipon ng iyong mga pag-aari pagkamatay mo, mag-aasikaso ng anumang legal o pagpapatunay na mga hakbang at, sa dakong huli, mamamahagi ng iyong mga pag-aari ayon sa iyong kahilingan. Ang isang miyembro ng pamilya ay kadalasang pinakaangkop sa pananagutang ito, bagaman maaaring piliin ang isang institusyon gaya ng trust department ng isang bangko kung komplikado ang iyong situwasyon. Dapat nakasaad sa iyong testamento ang pangalan ng tagapangalaga na magpapalaki sa iyong mga anak sakaling mamatay kayong mag-asawa samantalang menor de edad pa ang inyong mga anak. Kung kasali sa iyong plano ang mga kasulatan sa ipinagkatiwala para sa iyong mga anak, maaari ring italaga ang tagapangalaga bilang katiwala, kung siya ay may kakayahan na pangasiwaan ang mga pondo. Kung ang tagapangalaga ay hindi bihasa sa pangangasiwa ng pananalapi, ang isang institusyon gaya ng trust department ng isang bangko ay maaaring itakda bilang tanging katiwala o kasamang katiwala pati na ang tagapangalaga.
Ang ikaapat na hakbang ay ang kabatiran sa mga paraan na magagamit upang matulungan kang maisakatuparan ang iyong mga layunin. Ibig mo bang tuwirang pagkalooban ang isang benepisyari, o kaya’y ipagkatiwala ang ari-arian para sa kapakinabangan ng taong iyon? May malaking pagkakaiba. Kapag tuwiran mong iniwan ang ari-arian, ang interes mo sa ari-ariang iyon ay matatapos kapag namatay ka. Gayunman, sa pamamagitan ng kasulatan sa ipinagkatiwala, kahit na pagkamatay mo ay patuloy kang magkakaroon ng kontrol sa iyong ari-arian na iniwan. Ang katiwala na itinalaga mo ay mangangasiwa at gagamit ng mga ari-arian para sa kapakinabangan ng mga benepisyari ayon sa iyong mga tagubilin sa kasulatan sa ipinagkatiwala. Halimbawa, sa mga anak na menor de edad, maaaring isaayos sa isang kasulatan sa ipinagkatiwala ang pag-aasikaso sa kanilang indibiduwal na mga pangangailangan at saka itakda ang edad na doo’y maaari nang makuha ng anak ang kontrol sa mga pag-aaring nakapaloob sa kasulatan sa ipinagkatiwala.
Sino ang Makatutulong?
Sa halos lahat ng kalagayan, dapat kang sumangguni sa isa na sinanay sa larangan ng pagpaplano ng mga ari-arian upang matulungan kang maunawaan ang mga paraang magagamit mo sa pagsasakatuparan ng iyong mga layunin. Ang iyong plano sa mga ari-arian ay dapat na idisenyo upang umangkop sa iyong naiibang mga tunguhin at kalagayan. Ang paggawa ng iyong plano sa mga ari-arian ay maaaring mangailangan ng tulong ng iba’t ibang tagapayo, gaya ng isang accountant, isang tagaplano sa pananalapi, at isang ahente sa seguro. Kung sa iyong plano sa mga ari-arian ay kasali ang isang kawanggawa, baka makatanggap ka ng libreng tulong pang-edukasyon mula sa planned giving department ng kawanggawa. Halimbawa, ang Planned Giving Desk of the Watch Tower Bible and Tract Society ay naglalaan ng tulong sa mga interesado na isali ang Samahan sa kanilang pagpaplano ng mga ari-arian. Marami ang nakinabang sa ganitong serbisyo sa pamamagitan ng pagtanggap ng malilinaw na mungkahi kung paano mababawasan ang mga buwis at mapalalaki ang mga benepisyong maiiwan sa kanilang mga mahal sa buhay at sa Samahan.b
Bagaman marami ang maaaring magkaroon ng bahagi sa mga yugto ng pagpaplano, ang iyong panghuling plano sa ari-arian at ang mga kinakailangang dokumento ay dapat na ihanda ng isang abogado na nagpakadalubhasa sa pagpaplano ng mga ari-arian. Huwag kang mag-atubiling magtanong sa sinumang tagapayo tungkol sa kaniyang karanasan sa pagpaplano ng mga ari-arian. Kung may isang bagay na ikinababahala mo, gaya ng pagpapamana ng isang negosyo sa iyong pamilya o pag-aalaga sa isang kamag-anak na may kapansanan, tanungin ang tagapayo kung mayroon siyang karanasan sa gayong mga larangan. Sa lahat ng kalagayan, humingi ng paliwanag kung magkano ang singil sa serbisyo, at gumawa ng kasulatan tungkol dito.
Ang pagpaplano ng mga ari-arian ay isang larangan na kung saan ang kaunting kaalaman ay maaaring maging isang panganib. Tingnan ang halimbawa ng isang mag-asawa na tatawagin naming Paul at Mary. Ibig nilang paghati-hatian ng kanilang tatlong anak na babae ang kanilang mga ari-arian pagkamatay nila. Yamang ang kanilang anak na si Sarah ay kapitbahay nila, ipinasiya nilang idagdag ang kaniyang pangalan sa mga titulo ng kanilang mga ari-arian. ‘Sa ganitong paraan,’ naisip nila, ‘maaasikaso ni Sarah ang aming mga ari-arian kapag nagkaroon kami ng kapansanan. Karagdagan pa, ang paglalagay ng pangalan ni Sarah sa titulo ng lahat ng ari-arian ay nangangahulugan na siya ang magiging tanging may-ari kapag kami’y namatay, at hindi na namin kailangang gumawa ng testamento at pagpapatunay. Hahatiin na lamang niya ang naiwan sa kaniyang mga kapatid kapag wala na kami.’
Ngunit hindi nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa plano nina Paul at Mary. Pagkamatay ng kaniyang mga magulang, ibinahagi naman ni Sarah ang kanilang ari-arian sa kaniyang mga kapatid, ngunit ang paglilipat sa kanila ay may kaakibat na buwis na lubhang nakabawas sa halaga ng kaniyang parte. Bukod dito, ang pagiging kasamang may-ari ay hindi nagbigay kay Sarah ng lahat ng kakayahan sa pangangasiwa na nais ng kaniyang mga magulang na taglayin niya. Mabuti ang hangarin nina Paul at Mary. Ibig nilang tiyakin na maaalagaan sila sakaling magkaroon sila ng kapansanan. Nais din nila ng isang mabilis at di-magastos na pagsasalin ng kanilang mga ari-arian sa kanilang mga anak. Gayunman, maling paraan ang pinili nila sa pagsasakatuparan ng mga layuning iyon.
Ang pagpaplano ng iyong mga ari-arian ay hindi dapat na maging isang bagay na minsan mo lamang isasaalang-alang sa iyong buhay. Kailangan ang pagrerepaso sa pana-panahon dahil nagbabago ang mga batas hinggil sa pagbubuwis, nagbabago ang mga batas hinggil sa pagmamana, at nagbabago ang mga kalagayan sa buhay. Ang pagkamatay ng isang kamag-anak, pagsilang ng mga apo, pagtanggap ng isang mana, at ang paglago ng isang ari-arian ay pawang mga pangyayari na maaaring magbunsod ng pangangailangan na repasuhin ang iyong plano sa mga ari-arian.
Oo, isang hamon ang pagpaplano ng mga ari-arian. Kailangan nito ng panahon, lakas, at dedikasyon. At kadalasang kailangan dito ang paggawa ng mahihirap na desisyon. Nasasangkot nang husto ang emosyon sa proseso ng pagpaplano ng ari-arian. Isasaalang-alang dito ang mga tao at mga kapakanan na mahalaga sa iyo at ang iyong mga naisin para sa kanilang kinabukasan. Kailangan ng seryosong pagsusuri sa iyong kalooban upang makapagpasiya ka kung ano ang nais mong gawin tungkol sa iyong mga pag-aari at matiyak ang pinakamagaling na paraan para maisagawa ang mga tunguhing ito. Gayunman, kung hindi bibigyan ng wastong atensiyon ang pagpaplano ng mga ari-arian, maaaring bumangon ang malulubhang suliranin, gaya ng ipinakita ng mga karanasan sa pambungad ng artikulong ito. Oo, ang mga pakinabang ay hindi lamang magbibigay-katuwiran sa mga nagastos. Ang pinakamalaking gantimpala ay ang kapayapaan ng isip dahil sa pagkaalam na mayroon kang napapanahong plano upang mapangalagaan ang iyong mga mahal sa buhay.
[Mga talababa]
a Ang mga halimbawang ginamit sa artikulong ito, bagaman sapantaha lamang, ay batay sa mga karanasan sa tunay na buhay. Karagdagan pa, ang impormasyong iniharap sa artikulong ito ay pangunahin nang batay sa batas ng Estados Unidos, ngunit ang mga simulaing tinatalakay ay kumakapit sa maraming iba pang bansa.
b Para sa higit na impormasyon, pakisuyong tingnan ang brosyur na Planned Giving to Benefit Kingdom Service Worldwide, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 26]
Mga Hakbang na Dapat Gawin
• Maghanda ng imbentaryo ng iyong mga ari-arian, na inililista ang iyong mga pag-aari at pagkakautang
• Tiyakin ang iyong personal at pampamilyang mga tunguhin, layunin, at mga pangangailangan
• Piliin ang mga taong magsasakatuparan ng iyong mga kahilingan bilang tagapagpatupad, katiwala, at tagapangalaga ng iyong mga anak, at tiyaking handa nilang tanggapin ang pananagutan
• Alamin ang mga mapagpipilian sa pagpaplano ng mga ari-arian sa pamamagitan ng paghingi ng payo mula sa isa na makaranasan sa pagpaplano ng mga ari-arian
[Chart sa pahina 25]
Net Worth Work Sheet
Assets In Your Name In Spouse’s Name In Joint Names
Residence (current
market value) $ $ $
Other real estate $ $ $
Bank accounts
(checking and
savings) $ $ $
Other cash
accounts $ $ $
Stocks, bonds,
and mutual funds $ $ $
Life insurance
(face value) $ $ $
Business partnership
interests $ $ $
Retirement plan
accounts $ $ $
Personal property $ $ $
Other assets
(specify) $ $ $
Total assets $ $ $
Liabilities
Mortgages $ $ $
Other loans or debts
(personal loans,
credit cards, etc.) $ $ $
Total liabilities
Net estate (assets
minus liabilities) $ $ $
[Larawan sa pahina 25]
Kasangkot sa pagpaplano ng mga ari-arian ang pagpaplano para sa kinabukasan ng iyong mga mahal sa buhay