Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 1/8 p. 10-13
  • Pagtatanggol sa mga Kalayaan—Paano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtatanggol sa mga Kalayaan—Paano?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-alam sa Ugat ng Kawalan ng Pagpaparaya
  • Ang Pinakamabuting Paraan Upang Labanan ang Kawalan ng Pagpaparaya
  • Pagpaparaya at Higit Pa
  • Mapagaganda ng Tamang Pagkakatimbang ang Iyong Buhay
    Gumising!—1997
  • Pagpaparaya—Kakulangan at Kalabisan
    Gumising!—1997
  • Kawalan ng Pagpaparaya sa Relihiyon Ngayon
    Gumising!—1999
  • “Pagkatuto sa Aral ng Pagpaparaya”
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 1/8 p. 10-13

Pagtatanggol sa mga Kalayaan​—Paano?

SA MALIIT na nayon ng Rengasdengklok, Indonesia, sama-samang namumuhay nang mapayapa sa loob ng maraming taon ang mga etnikong grupo. Gayunman, nagwakas ang maliwanag na pagpaparaya noong Enero 30, 1997. Sumiklab ang karahasan mga ilang sandali bago mag-alas tres ng umaga sa isang araw ng kapistahang relihiyoso, nang magsimulang magtambol ang isang mananampalataya. Bilang pagtugon sa ingay, pinaulanan naman ng mga insulto ng isang lalaki mula sa ibang relihiyon ang kaniyang kapitbahay. Nagsigawan sila, at nagbatuhan. Pagsikat ng araw, tumindi ang pagkakagulo nang sumama pa ang iba sa labanan. Sa pagtatapos ng araw, dalawang templo ng mga Budista at apat na simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang nasira. Iniulat ng pahayagang International Herald Tribune ang insidenteng ito sa ilalim ng pamagat na “Pinagdingas ng Tilamsik ng Kawalan ng Pagpaparaya ang Etnikong Kaguluhan.”

Sa maraming bansa, madalas masumpungan ng etnikong mga minorya na protektado ng batas ang mga karapatan, na sila’y tudlaan ng kawalan ng pagpaparaya. Ang paggagarantiya ng kalayaan sa pamamagitan ng batas ay maliwanag na hindi nag-aalis sa mga ugat ng kawalan ng pagpaparaya. Ang bagay na nakatago sa ilalim ang kawalan ng pagpaparaya ay hindi nangangahulugan na hindi ito umiiral. Kung magbago ang mga kalagayan sa hinaharap at marahil ay humantong sa isang kapaligiran ng pagtatangi, maaaring madaling lumitaw ang natatagong kawalan ng pagpaparaya. Kahit na ang mga tao’y hindi tuwirang pinag-uusig, maaari naman silang maging tudlaan ng matinding poot o ang kanilang mga ideya ay maaaring sikilin. Paano ito mahahadlangan?

Pag-alam sa Ugat ng Kawalan ng Pagpaparaya

Likas lamang na may hilig tayong tumanggi o maghinala sa mga bagay na naiiba o di-karaniwan, lalo na sa mga palagay na naiiba sa ating palagay. Nangangahulugan ba ito na imposible ang pagpaparaya? Itinatala ng publikasyon ng UN na Elimination of All Forms of Intolerance and Discrimination Based on Religion or Belief ang kawalang-alam at kawalan ng pang-unawa na kabilang sa “pinakamahalagang ugat na sanhi ng kawalan ng pagpaparaya at diskriminasyon kung tungkol sa relihiyon at paniniwala.” Gayunman, mapaglalabanan ang kawalang-alam, ang ugat ng kawalan ng pagpaparaya. Paano? Sa pamamagitan ng timbang na edukasyon. “Ang edukasyon ay maaaring maging ang pangunahing paraan upang labanan ang diskriminasyon at kawalan ng pagpaparaya,” sabi ng report ng UN Commission on Human Rights.

Ano dapat ang layunin ng edukasyong ito? Iminumungkahi ng magasing UNESCO Courier na sa halip na itaguyod ang pagtanggi sa mga kilusang relihiyoso, “dapat na maging layunin ng edukasyon para sa pagpaparaya ang pagsawata sa mga impluwensiya na humahantong sa takot at pag-iwas sa iba, at dapat tumulong sa mga kabataan na magkaroon ng mga kakayahan para sa malayang paghatol, maingat na pag-iisip at wastong pangangatuwiran.”

Maliwanag, ang media ay maaaring gumanap ng mahalagang bahagi sa pagtataguyod ng “maingat na pag-iisip at wastong pangangatuwiran.” Kinikilala ng maraming internasyonal na mga organisasyon ang kapangyarihan ng media upang humubog ng mga kaisipan at humimok ng pagkakaunawaan sa isa’t isa. Gayunman, kung itataguyod ng media ang pagpaparaya sa halip na ang kawalan ng pagpaparaya na gaya ng ginagawa ng iba, kailangan ang responsable at makatuwirang pamamahayag. Kung minsan, kailangang sumalungat ang mga peryodista sa popular na tinatanggap na opinyon. Dapat nilang ikapit ang makatotohanang pagsusuri at walang pagtatanging mga obserbasyon. Subalit sapat na ba ito?

Ang Pinakamabuting Paraan Upang Labanan ang Kawalan ng Pagpaparaya

Ang pagpaparaya ay hindi nangangahulugan na ang lahat ay dapat na magkaroon ng pare-parehong ideya. Ang mga tao ay maaaring hindi sumang-ayon sa isa’t isa. Maaaring ipalagay ng ilan na ang paniniwala ng ibang tao ay maling-mali. Maaari pa nga silang magsalita nang hayagan tungkol sa kanilang mga pagtutol. Subalit, hangga’t hindi sila nagkakalat ng kasinungalingan upang pumukaw ng pagtatangi, hindi ito kawalan ng pagpaparaya. Ang kawalan ng pagpaparaya ay makikita kapag ang isang grupo ay pinag-uusig, pinupuntirya ng pantanging mga batas, minamaliit, ipinagbabawal, o sa ibang paraan ay hinahadlangan sa pagsunod sa kanilang mga paniniwala. Sa pinakasukdulang anyo ng kawalan ng pagpaparaya, ang ilan ay pumapatay at ang iba naman ay kinakailangang mamatay alang-alang sa kanilang mga paniniwala.

Paano mapaglalabanan ang kawalan ng pagpaparaya? Maaari itong ilantad nang hayagan, kung paanong inilantad ni apostol Pablo ang kawalan ng pagpaparaya ng mga lider ng relihiyon noong kaniyang panahon. (Gawa 24:10-13) Subalit, kailanma’t maaari, ang pinakamabuting paraan upang labanan ang kawalan ng pagpaparaya ay paghandaan ang hinaharap na mga problema​—itaguyod ang pagpaparaya, alalaong baga’y, turuan ang mga tao na higit na maunawaan ang iba. Ganito ang sabi ng ulat ng UN tungkol sa pagpawi sa kawalan ng pagpaparaya na nabanggit kanina: “Yamang ang lahat ng anyo ng kawalan ng pagpaparaya at diskriminasyon salig sa relihiyon o paniniwala ay nagmumula sa isip ng tao, kaya ang pagkilos ay dapat na unang ituon sa isip ng mga tao.” Ang edukasyong ito ay maaari pa ngang umakay sa mga indibiduwal na suriin ang kanila mismong mga paniniwala.

Si Federico Mayor, panlahat na patnugot ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, ay sumulat: “Ang pagpaparaya ay kagalingan ng tao na may pananalig.” Sumusulat sa magasing Réforme, ganito ang sabi ng paring Dominican na si Claude Geffré: “Ang tunay na pagpaparaya ay nakasalalay sa matibay na pananalig.” Maaaring madama ng isang taong nasisiyahan sa kaniyang sariling mga paniniwala na hindi panganib sa kaniya ang paniniwala ng iba.

Nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na ang mahusay na paraan upang itaguyod ang pagpaparaya ay ang makipag-usap sa iba na may ibang paniniwala. Dinidibdib ng mga Saksi ang hula ni Jesus na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa,” at sila’y kilalang-kilala sa kanilang pangmadlang ministeryo ng pag-eebanghelyo. (Mateo 24:14) Sa gawaing ito, may pagkakataon sila na mapakinggan ang mga tao mula sa maraming iba’t ibang relihiyon​—gayundin sa mga ateista​—na magpaliwanag ng kanilang mga paniniwala. Handa namang ipaliwanag ng mga Saksi ang kanila mismong paniniwala sa mga nais makinig sa kanila. Sa gayo’y nagtataguyod sila ng pagpapalago ng kaalaman at unawa. Mas madaling lumago ang pagpaparaya dahil sa gayong kaalaman at unawa.

Pagpaparaya at Higit Pa

Sa kabila ng pinakamabuting mga intensiyon ng marami at ng sama-samang pagsisikap ng ilan, maliwanag na nananatili pa ring problema ngayon ang kawalan ng pagpaparaya sa relihiyon. Upang magkaroon ng tunay na pagbabago, higit pa ang kailangan. Itinampok ng pahayagang Pranses na Le Monde des débats ang problema: “Karaniwang nagdurusa ang makabagong lipunan dahil sa emosyonal at espirituwal na kahungkagan. Magagarantiyahan ng batas ang kalayaan laban sa mga nagsasapanganib dito. Maaari at dapat nitong garantiyahan ang pagkakapantay-pantay sa harap ng batas, nang walang diskriminasyon.” Ganito ang sabi ng aklat na Democracy and Tolerance: “Marami pa tayong gagawin upang maabot ang tunguhin na gawing pansansinukob na pamantayan ng paggawi ang pag-unawa sa isa’t isa at paggalang.” Nangangako ang Bibliya na ang sangkatauhan ay malapit nang magkaisa sa dalisay na pagsamba sa iisang tunay na Diyos. Ang pagkakaisang ito ay magbubunga ng isang tunay na pambuong daigdig na samahan, o kapatiran, na doo’y iiral ang paggalang sa iba. Ang mga tao ay hindi na sasalutin ng kamangmangan, yamang tuturuan ng Kaharian ng Diyos ang mga tao sa mga daan ni Jehova, sa gayo’y sinasapatan ang kanilang intelektuwal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan. (Isaias 11:9; 30:21; 54:13) Tunay na pagkakapantay-pantay at kalayaan ang mamamayani sa lupa. (2 Corinto 3:17) Sa pamamagitan ng pagkuha ng tumpak na pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan, malalabanan mo ang kamangmangan at kawalan ng pagpaparaya.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

Nanganganib ang Relihiyon

Sa nakalipas na mga taon, sinikap ng mga awtoridad na sikilin ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya sa pamamagitan ng hindi pagkakaloob sa kanila ng katulad na mga bentaha na gaya sa ibang relihiyon. Kamakailan, ang mga donasyon na tinanggap ng mga Saksi bilang suporta sa kanilang relihiyosong gawain ay pinatawan ng mabibigat na buwis. Walang katarungang ipinataw ng mga awtoridad sa Pransiya ang mabigat na buwis na $50 milyon (buwis at mga multa), na ang maliwanag na layunin ay sirain ang grupong ito ng 200,000 Kristiyano at mga nakikiramay sa Pransiya. Ito’y maliwanag na relihiyosong pagtatangi na laban sa lahat ng mga simulain ng kalayaan, kapatiran, at pagkakapantay-pantay.

[Larawan sa pahina 10]

Ang kawalan ng pagpaparaya ay kadalasang humahantong sa karahasan

[Mga larawan sa pahina 12]

Sa kabila ng relihiyosong mga gawain ng mga Saksi ni Jehova, sinasabi ng ilang opisyal na Pranses na sila ay hindi isang relihiyon!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share