Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 2/8 p. 4-6
  • Ano ang Layunin ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Layunin ng Diyos?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Talagang May Layunin ang Diyos
  • Nagamit sa Mabuting Layunin
  • Ang Sanlibong Taon ng Kaharian ng Diyos
  • Magtiwala kay Jehova na Tutuparin ang Kaniyang Layunin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Malapit Nang Magwakas ang Pagpapahintulot ng Diyos sa Pagdurusa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Kaharian ng Diyos—Ang Bagong Pamamahala sa Lupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Lahat ng Pagdurusa Malapit Nang Magwakas!
    Lahat ng Pagdurusa Malapit Nang Magwakas!
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 2/8 p. 4-6

Ano ang Layunin ng Diyos?

MARAMING tao na nag-aalinlangan sa pag-iral ng isang makapangyarihan-sa-lahat at maibiging Diyos ang nagtatanong: Kung talagang may Diyos, bakit niya ipinahihintulot ang labis-labis na paghihirap at kabalakyutan sa buong kasaysayan? Bakit niya ipinahihintulot ang kaawa-awang kalagayan ng mga bagay na nakikita natin sa paligid natin ngayon? Bakit wala siyang ginagawa upang wakasan ang digmaan, krimen, kawalang-katarungan, karukhaan, at iba pang matinding paghihirap na dumarami nang napakabilis sa napakaraming bansa sa lupa?

Sinasabi ng ilan na nilalang ng Diyos ang sansinukob, inilagay ang mga tao sa planetang Lupa, at pagkatapos ay pinabayaan silang pangasiwaan ang kanilang sariling buhay. Ayon sa pangmalas na ito, hindi masisisi ang Diyos sa suliranin at matinding paghihirap na nararanasan ng tao dahil sa kanilang kasakiman o maling pangangasiwa.

Gayunman, tinatanggihan ng iba ang teoriyang ito. Halimbawa, ganito ang sabi ng propesor sa physics na si Conyers Herring, na naniniwala sa Diyos: “Tinatanggihan ko ang ideya na may isang Diyos na nagpakilos sa isang malaking orasan at mula noon ay nakaupo na lamang bilang isang tagamasid samantalang ang sangkatauhan ay nakikipagbuno sa problema. Ang isang dahilan sa pagtanggi ko rito ay na batay sa aking makasiyensiyang karanasan, wala akong makitang dahilan na maniwalang may anumang modelong ‘orasan’ sa sansinukob na sa sukdulan at sa wakas ay walang mali. Ang ating makasiyensiyang mga teoriya . . . ay laging may dako para sa higit at higit pang pagpapahusay, subalit natitiyak ko na ito’y laging mapatutunayang di-sakdal. Sa palagay ko, mas makabubuting manampalataya sa buháy na puwersa na laging nagpapangyari sa pagpapahusay na ito.”

Talagang May Layunin ang Diyos

Orihinal na layunin ng Diyos na panirahan ng matuwid at sakdal na mga tao ang planetang Lupa. Ang propetang si Isaias ay sumulat: “Ito ang sinabi ni Jehova, na Maylalang ng langit, Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang sa walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.”​—Isaias 45:18.

Sa halip na panirahan ng mga tao ang lupa sa pamamagitan ng tuwirang paglalang ng indibiduwal na mga tao, nilayon ng Diyos na punuin ang lupa sa pamamagitan ng pag-aanak ng mga tao. Nang maghimagsik sa Diyos sina Adan at Eva, hindi ito nakahadlang sa kaniyang orihinal na layunin, subalit nagpangyari ito ng kinakailangang pagbabago sa ilang detalye upang matupad ang kaniyang layunin hinggil sa mga tao at sa lupa.

Sa halos unang 6,000 taon ng yugtong ito, pinahintulutan ng Diyos ang sangkatauhan na kumilos nang hiwalay sa kaniyang tuwirang patnubay. Iyan ang kusang pinili ng ating unang mga magulang. (Genesis 3:17-19; Deuteronomio 32:4, 5) Ang pagpapahintulot na ito ng kasarinlan mula sa patnubay ng Diyos at ang kasunod na pamamahala ng mga tao sa halip na ang Diyos ay magpapakita sa kawalang-kakayahan ng tao na magtuwid ng kaniyang sariling hakbang at sa kaniyang kawalang-kakayahan na matagumpay na pamahalaan ang kaniyang kapuwa.

Mangyari pa, patiunang alam ni Jehova ang resultang ito. Kinasihan niya ang mga manunulat ng Bibliya upang isulat ito. Halimbawa, sumulat si propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniya. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

Ang pantas na taong si Solomon ay nagkomento may kinalaman sa kapaha-pahamak na mga resulta kapag sinisikap ng mga tao na pangibabawan ang kanilang kapuwa, gaya ng ginawa nila sa nakalipas na mga dantaon. “Ang lahat ng ito ay nakita ko, at iniukol ko ang aking puso sa bawat gawa na ginawa sa ilalim ng araw, sa panahong ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”​—Eclesiastes 8:9.

Gayunman, yamang tiyak na hindi “nakaupo na lamang bilang isang tagamasid samantalang ang sangkatauhan ay nakikipagbuno sa problema,” ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay may mabuting dahilan upang ipahintulot ang paglipas ng libu-libong taon nang hindi tuwirang nakikialam sa buhay ng karamihan ng sangkatauhan.

Nagamit sa Mabuting Layunin

Ang nakalipas na 6,000 taon ng kasaysayan ng tao ay waring isang mahabang panahon kung ihahambing sa ating katamtamang haba ng buhay na wala pang 100 taon. Subalit ayon sa talaorasan ng Diyos at sa pangmalas niya sa paglipas ng panahon, ang libu-libong taon na ito ay parang anim na araw​—wala pang isang linggo! Ganito ang paliwanag ni apostol Pedro: “Huwag palampasin sa inyong pansin ang isang katotohanang ito, mga iniibig, na ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.”​—2 Pedro 3:8.

Pagkatapos ay sinalungat ni Pedro ang anumang paratang na kapabayaan o pagpapabukas sa bahagi ng Diyos, sa pamamagitan ng pagdaragdag: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, na gaya ng itinuturing ng ilang mga tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”​—2 Pedro 3:9.

Sa gayon, kapag nagwakas na ang itinalagang panahon, wawakasan naman ng Maylalang ang maling pangangasiwa sa ating magandang planeta. Nagpahintulot siya ng sapat na panahon upang ipakita ng tao ang kaniyang kawalang-kakayahan na mamahala o wakasan ang digmaan, karahasan, karukhaan, sakit, at iba pang sanhi ng paghihirap. Patutunayan ito sa pamamagitan ng aktuwal na karanasan kung ano ang sinabi ng Diyos sa mga tao sa pasimula​—na dapat nilang sundin ang patnubay ng Diyos upang magtagumpay.​—Genesis 2:15-17.

Ayon sa katuparan ng hula sa Bibliya, tayo ngayo’y nabubuhay sa katapusang bahagi ng “mga huling araw” ng di-makadiyos na sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 24:3-14) Malapit nang magwakas ang pagpapahintulot ng Diyos sa pamamahala ng tao na hiwalay sa kaniya gayundin ang pagpapahintulot niya sa kabalakyutan at paghihirap. (Daniel 2:44) Malapit nang dumating sa atin ang pinakamatinding kapighatian na kailanma’y masasaksihan ng daigdig na ito, na aabot sa sukdulan sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Hindi wawasakin ng digmaang ito na pangangasiwaan ng Diyos ang lupang ginawa ng Diyos, kundi ‘dadalhin nito sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’​—Apocalipsis 11:18.

Ang Sanlibong Taon ng Kaharian ng Diyos

Magkakaroon ng milyun-milyong makaliligtas sa lupa kapag natapos na ang Armagedon. (Apocalipsis 7:9-14) Matutupad na ang hula sa Kawikaan 2:21, 22: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”

Layunin ng Diyos na isang pantanging yugto ng panahon na isang libong taon ang susunod sa matuwid na digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 20:1-3) Ito ang bubuo sa Milenyong Paghahari ng Anak ng Diyos, si Kristo Jesus, bilang Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:10) Sa nakagagalak na panahong ito ng pamamahala ng Kaharian sa lupa, di-mabilang na milyun-milyon ang bubuhaying-muli mula sa kanilang pagkakatulog sa kamatayan upang makisama sa milyun-milyong nakaligtas sa Armagedon. (Gawa 24:15) Sama-sama silang isasauli sa kasakdalan, at pagkatapos​—sa dulo ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo​—ang lupa sa wakas ay mapupuno ng sakdal na mga lalaki’t babae, pawang mga inapo nina Adan at Eva. Maluwalhati at matagumpay na matutupad ang layunin ng Diyos.

Oo, layunin ng Diyos na “pahirin ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’” (Apocalipsis 21:4, 5) Tiyak, matutupad ang layuning ito sa napakalapit na hinaharap.​—Isaias 14:24, 27.

[Larawan sa pahina 5]

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang mga tao’y mabubuhay magpakailanman sa kaligayahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share