Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 2/8 p. 7-9
  • Pagkilala sa Tanging Diyos na Totoo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkilala sa Tanging Diyos na Totoo
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pagkakakilanlang Pangalan
  • Jehova o Yahweh?
  • Mahalaga ba Ito?
  • Ang mga Katangian ng Tunay na Diyos
  • Isiniwalat ang Tunay na Diyos
  • Jehova
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Ang Pangalan ng Diyos—Kahulugan at Bigkas
    Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman
  • Sino si Jehova?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Bakit Natin Gagamitin ang Pangalan ng Diyos Kung Hindi Naman Tayo Tiyak sa Bigkas Nito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 2/8 p. 7-9

Pagkilala sa Tanging Diyos na Totoo

HALOS kasabay ng pag-iral ng tao, nagkaroon sila ng maraming diyos. Napakarami nito anupat mahirap sabihin ang eksaktong bilang ng mga diyos at diyosa na sinasamba sa buong lupa​—subalit ito’y umaabot ng milyun-milyon.

Palibhasa’y napatunayang may Diyos, itinatanong namin ngayon, Alin sa lahat ng mga diyos na sinasamba sa buong lupa, ngayon at noon, ang tunay na Diyos? Na may isa lamang tunay na Diyos na maaaring makilala, gaya ng maliwanag na binabanggit sa Bibliya sa Juan 17:3: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”

Isang Pagkakakilanlang Pangalan

Makatuwiran na ang sinumang diyos na may personalidad ay nangangailangan ng isang personal na pangalan upang itangi siya sa ibang diyos na may kani-kaniyang pangalan. Lalong mabuti ang isang pangalan na itinalaga mismo ng diyos, sa halip na isang pangalan na nilikha ng kaniyang mga mananamba.

Gayunman, sa bagay na ito, may lumilitaw na nakalilitong bagay. Bagaman binibigyan ng karamihan sa matatag na mga relihiyon ng personal na mga pangalan ang kanilang mga diyos, hindi naipakilala ng mga Judio at ng pangunahing mga simbahan sa Sangkakristiyanuhan ang isang katangi-tanging personal na pangalan ng diyos na kanilang sinasamba. Sa halip, ginagamit nila ang mga titulong gaya ng Panginoon, Diyos, Makapangyarihan-sa-lahat, at Ama.

Sa pagsulat sa publikasyong Theology, binanggit ng awtor na si David Clines ang sumusunod: “Sa pagitan ng ikalima at ikalawang siglo B.C., isang kalunus-lunos na aksidente ang nangyari sa Diyos: naiwala nito ang kaniyang pangalan. Lalong tama, hindi na ginamit ng mga Judio ang personal na pangalan ng Diyos na Yahweh, at sinimulang tukuyin si Yahweh sa pamamagitan ng iba’t ibang katawagan: Diyos, ang Panginoon, ang Pangalan, ang Banal na Isa, ang Presensiya, at ang Dako pa nga. Kahit na kung saan nakasulat ang Yahweh sa teksto sa Bibliya, binibigkas ng mga bumabasa ang pangalan na Adonai. Sa huling pagbagsak ng templo, hindi na ginamit ang pangalan kahit na sa pambihirang mga okasyon ng liturhiya, at nakalimutan na maging ang pagbigkas sa pangalan.” Gayunman, tiyak na walang sinumang makapagsasabi kung kailan eksaktong itinigil ng mga ortodoksong Judio ang malakas na pagbigkas ng pangalan ng Diyos at sa halip ay hinalinhan ang mga salitang Hebreo na Diyos at Soberanong Panginoon.

Kaya, waring ang pinakaunang mahalagang bagay sa anumang paghahanap upang makilala “ang tanging Diyos na totoo” ay ang makilala siya sa pangalan. Hindi naman mahirap ang paghahanap na ito, sapagkat ang pangalan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylalang, ay maliwanag at simpleng binabanggit sa Awit 83:18: “Upang maalaman ng mga tao na ikaw lamang na ang pangalan ay JEHOVA ay kataas-taasan sa buong lupa.”​—King James Version.

Jehova o Yahweh?

Bagaman ang pangalang Jehova ay lumilitaw sa King James Version at sa iba pang salin ng Bibliya, mas gustong gamitin ng ilan ang pangalang Yahweh sa halip na Jehova. Aling pangalan ang tama?

Ang karamihan ng sinaunang mga manuskrito sa Bibliya ay naisulat sa wikang Hebreo. Sa Hebreong Kasulatan, ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw ng halos 7,000 ulit at binabaybay sa apat na katinig​—YHWH o JHVH. Ang mga salitang ito na apat na katinig ay karaniwang tinatawag na Tetragrammaton, o Tetragram, galing sa dalawang salitang Griego na nangangahulugang “apat na titik.” Bumabangon ngayon ang tanong hinggil sa wastong bigkas sapagkat ang unang mga sulat sa Hebreo ay binubuo ng mga katinig na walang mga patinig upang sundan ng bumabasa. Kaya kung ang bigkas man sa Tetragrammaton ay nagiging Yahweh o Jehova ay depende sa kung aling patinig ang inilalagay ng bumabasa sa apat na katinig. Higit na pinipili ng maraming iskolar ngayon sa Hebreo ang Yahweh bilang ang tunay na bigkas.

Gayunman, pabor naman ang kawalang-pagbabago sa Jehova. Sa anong paraan? Ang bigkas na Jehovah ay tinanggap na sa Ingles sa loob ng mga dantaon. Dapat ding tutulan niyaong tumututol sa paggamit sa bigkas na ito ang paggamit sa tinatanggap na bigkas ng Jeremias at maging ng Jesus. Ang Jeremias ay kailangang baguhin sa Yir·meyahʹ o Yir·meyaʹhu, ang orihinal na bigkas sa Hebreo, at ang Jesus ay magiging Ye·shuʹa‛ (Hebreo) o I·e·sousʹ (Griego). Kaya, maraming estudyante ng Bibliya, pati na ang mga Saksi ni Jehova, ay nag-aakala na ang kawalang-pagbabago ay pabor sa paggamit ng kilala nang wikang-Ingles na “Jehovah” at sa mga katumbas nito sa ibang wika.

Mahalaga ba Ito?

Maaaring mangatuwiran ang ilan na hindi naman mahalaga kung tawagin mo man ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa personal na pangalan o hindi, at kontento na sila na banggitin at tawagin ang Diyos bilang Ama o Diyos lamang. Gayunman, ang dalawang katagang ito ay mga titulo lamang sa halip na mga pangalan at hindi personal ni pantangi. Noong panahong ng Bibliya ang salita para sa Diyos (ʼElo·himʹ, Hebreo) ay ginamit upang ilarawan ang sinumang diyos​—maging ang paganong diyos ng mga Filisteo na nagngangalang Dagon. (Hukom 16:23, 24) Kaya para sabihin ng isang Hebreo sa isang Filisteo na siya, ang Hebreo, ay sumasamba sa “Diyos,” ay hindi magpapakilala sa tunay na Diyos na sinasamba niya.

Kapansin-pansin ang komento sa The Imperial Bible-Dictionary ng 1874: “Saanman, pangngalang pantangi ang [Jehova], anupat nagpapakilala sa personal na Diyos at sa kaniya lamang; samantalang ang Elohim ay higit na nagpapakita ng katangian ng isang pangngalang pambalana, anupat karaniwan ngang nagpapakilala, subalit hindi tiyakan ni pare-pareho, sa Kataas-taasan. . . . Maaaring sabihin ng Hebreo ang Elohim, ang tunay na Diyos, kabaligtaran ng lahat ng huwad na mga diyos; subalit hinding-hindi niya sinasabing ang Jehova, sapagkat Jehova ang pangalan ng tanging tunay na Diyos. Paulit-ulit niyang sinasabing Diyos ko . . . ; subalit hindi niya kailanman sinasabing Jehova ko, sapagkat kapag sinasabi niyang Diyos ko, ang ibig niyang tukuyin ay si Jehova. Binabanggit niya ang tungkol sa Diyos ng Israel, subalit hindi kailanman ang Jehova ng Israel, sapagkat wala nang ibang Jehova. Binabanggit niya ang buháy na Diyos, subalit hindi kailanman ang buháy na Jehova, sapagkat talagang buháy si Jehova.”

Ang mga Katangian ng Tunay na Diyos

Mangyari pa, ang basta pag-alam sa pangalan ng isa ay hindi nangangahulugan na kilala na natin siya nang lubusan. Nakikilala ng karamihan sa atin ang mga pangalan ng kilalang mga pulitiko. Maaaring kilala natin maging ang pangalan ng tanyag na mga lalaki at babae sa ibang bansa. Subalit ang basta pagkaalam sa kanilang mga pangalan​—maging ang wastong pagbigkas dito​—ay hindi nangangahulugan sa ganang sarili na personal nating nakikilala o nalalaman natin ang mga taong ito kung anong uri sila ng tao. Sa katulad na paraan, upang makilala ang tunay na Diyos, kailangang malaman at purihin natin ang kaniyang mga katangian.

Bagaman totoo na hindi kailanman makikita ng mga tao ang tunay na Diyos, may kabaitang ipinatala niya sa Bibliya para sa kapakinabangan natin ang maraming detalye tungkol sa kaniyang personalidad. (Exodo 33:20; Juan 1:18) Ang ilang propetang Hebreo ay binigyan ng kinasihang mga pangitain may kinalaman sa makalangit na mga looban ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Inilalarawan nila hindi lamang ang dakilang karangalan at nakasisindak na kadakilaan at kapangyarihan kundi rin naman ang katahimikan, kaayusan, kagandahan, at kaigayahan nito.​—Exodo 24:9-11; Isaias 6:1; Ezekiel 1:26-28; Daniel 7:9; Apocalipsis 4:1-3.

Binalangkas ng Diyos na Jehova kay Moises ang ilan sa kaniyang kahali-halina at kaakit-akit na mga katangian, gaya ng nakatala sa Exodo 34:6, 7: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.” Hindi ka ba sumasang-ayon na ang pagkaalam tungkol sa mga katangiang ito ng Diyos ay nagpapalapit sa atin sa kaniya at nagpapangyari sa atin na kilalanin pa siya nang higit bilang isang persona?

Bagaman walang tao ang kailanma’y makakakita sa Diyos na Jehova sa kaniyang maningning na kaluwalhatian, nakaulat na noong si Jesu-Kristo ay isang tao sa lupa, aktuwal na ipinakita niya ang uri ng persona ng Diyos na Jehova, ang kaniyang makalangit na Ama. Sinabi ni Jesus noong minsan: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat anumang mga bagay ang ginagawa ng Isang iyon, ang mga bagay na ito ang ginagawa rin ng Anak sa katulad na paraan.”​—Juan 5:19.

Kaya mahihinuha natin mula rito na ang kabaitan, pagkamadamayin, kahinahunan, at pagkamapagmahal ni Jesus gayundin ang kaniyang matinding pag-ibig sa katuwiran at pagkapoot sa kabalakyutan ay pawang mga katangiang nakita ni Jesus sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, samantalang kasama siya ni Jesus sa makalangit na looban bago naging isang tao sa lupa. Sa gayon, kapag lubusan nating naunawaan ang kahulugan ng pangalang Jehova, tiyak na mayroon tayong lahat ng dahilan upang ibigin at pagpalain ang banal na pangalang ito, purihin at ibunyi ito, at pagtiwalaan ito.

Talagang isang walang-katapusang proseso ang pagkilala sa tanging Diyos na totoo sa ganitong paraan, gaya ng maliwanag na ipinakikita sa pagkakasalin ng Juan 17:3 sa New World Translation of the Holy Scriptures. Dito, ang tamang pamanahon ng pandiwang “malaman” ay nakatutulong nang malaki, sapagkat ang patuloy na pamanahong pangkasalukuyan ang ginamit sa halip na ang payak na pamanahong pangkasalukuyan. Sa gayon, ating mababasa: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Oo, ang patuluyang pagkuha ng kaalaman tungkol sa tanging Diyos na totoo, si Jehova, at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay isang proseso na hindi dapat magwakas.

Isiniwalat ang Tunay na Diyos

Kaya, madaling makilala ang tunay na Diyos mula sa maraming huwad na mga diyos. Siya ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ng sansinukob, kasama na ang planetang Lupa at ang sangkatauhan dito. Mayroon siyang bukod-tanging personal na pangalan​—Jehova, o Yahweh. Hindi siya bahagi ng isang mahiwagang tatluhang diyos, o Trinidad. Diyos siya ng pag-ibig, at ang pinakamabuti lamang ang nais niya para sa kaniyang mga nilikhang tao. Subalit Diyos din siya ng katarungan, at hindi niya magpakailanman papayagan yaong patuloy na sumisira sa lupa at nagsusulsol ng mga digmaan at karahasan.

Isiniwalat na ni Jehova ang kaniyang determinasyon na hindi lamang alisin sa lupa ang kabalakyutan at paghihirap kundi gawin din itong isang paraiso kung saan ang mga tapat-pusong tao ay maaaring mabuhay magpakailanman sa kaligayahan. (Awit 37:10, 11, 29, 34) Itinalaga na ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang Anak, si Jesus, bilang ang makalangit na Hari ng Kaharian ng Diyos, at malapit nang pasapitin ni Jesus ang bagong sanlibutang ito ng katuwiran at isauli ang Paraisong mga kalagayan sa ating lupa.​—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.

Inaasahan namin na mas madali mo nang masasagot ang tanong na, Talaga bang umiiral ang Diyos? at makilala ang tunay na Diyos.

[Larawan sa pahina 9]

Ipinakilala ni Jesu-Kristo si Jehova bilang ang tanging Diyos na totoo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share