Pagmamasid sa Daigdig
Nailigtas na mga Aklat
Milyun-milyong aklat ang naluluma, nasisira, o narurumihan na. Sa Alemanya lamang, mga 60 milyong sira-sira nang tomo ang hindi na ipinagagamit, ang sabi ng pahayagang Leipziger Volkszeitung. Napakahabang panahon ang ginugugol sa manu-manong pag-aayos muli. “Sa panahong naisasauli na sa dati ang isang aklat sa manu-manong paraan, apat o limang aklat ang nasira na,” ang sabi ni Dr. W. Wächter, ang teknikal direktor ng Center for Book Conservation, sa Leipzig. Nagtuon ng pansin ang senter sa paggawa ng mga makina na makapag-iingat sa mga aklat sa maramihang paraan. Ang isa ay ang deacidifier na makapag-aayos ng 100,000 aklat sa loob ng isang taon sa isahang relyebo lamang. Nariyan din ang paper-splitting machine na siyang nagpapatibay sa bawat pahina sa pamamagitan ng paghihiwalay sa harap na bahagi ng papel mula sa likod na bahagi at paglalagay ng napakanipis subalit ubod ng tibay na papel sa pagitan. Nakagagawa ito ng 2,000 pilyego sa isang araw, kung ihahambing sa 100 hanggang 200 pilyego sa isang araw sa manu-manong paraan—at 94-porsiyento ang natitipid sa bawat pahina. Hindi lamang mga aklatan at mga artsibo ang nagpapaayos kundi dinadala rin ng mga indibiduwal ang kanilang mga aklat sa senter para magpaayos.
Tunika Para sa mga Peregrino
Ang mga turistang namamasyal sa mga Katolikong banal na dako sa Italya ay malimit na hindi tinatanggap dahil sila’y nakasuot lamang ng T-shirt at shorts, lalo na kung mga buwan ng mainit na tag-araw. Sa ilang lugar ay makapapasok na sila ngayon kung gagamit sila ng “Tunika ng mga Peregrino,” isang bata na hanggang tuhod ang haba at mapusyaw na kaki ang kulay. Ang tunika na panlalaki’t pambabae, na may iisang laki, ay mabibili na sa Venice at Roma. Sa Roma, may karagdagan pa itong eskudo ng papa at pariralang “Jubilee 2000.” Subalit ang mga tunika bang ito ay magagamit sa lahat ng Katolikong simbahan? Bagaman ang mga ito ay tinatanggap ng mga Kura sa Venice, hindi pinapasok ang ilang turistang lalaki na namamasyal sa St. Peter’s Basilica bagaman kanilang binili at isinuot ang tunika. “Itinuturing ng mga tauhan ng Santa Sede ang kasuutan na pambabae lamang,” ang paliwanag ng pahayagang Corriere della Sera sa Italya. “Hindi tinatanggap ang mga kalalakihan—ang nakalabas na mga hita ay itinuturing na ‘mahalay.’”
Kaugnayan sa mga Ampon
Ang mga magulang na nagbabalak mag-ampon ay malimit na nangangarap ng ulirang ugnayan—iniisip na ang bata ay magiging laging mabait at na madaling mapagtatagumpayan at mauunawaan ang mga suliranin. Subalit hindi laging ganiyan ang kalagayan, ang ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo sa Brazil. Sinabi ng sikologong si Heloísa Marton: “Sa pangkalahatan, hindi handa ang mga magulang na makitungo sa mahihirap na situwasyon.” Nagugulat din ang “mga mag-asawang umaasang tatanaw ng utang na loob ang ampon habang-buhay,” ang sabi ni Propesor Miriam Debieux Rosa, ng São Paulo University. Binanggit niya na walang sinuman ang laging masaya, na ang sabi pa: “Malimit na ipinalalagay ng mga magulang na ang problema ay nasa pagiging hindi magkadugo, na hindi naman totoo.” May kinalaman sa pangangailangan ng mga magulang na magpakita ng pagkamagiliw at pagmamahal sa inampon, sinabi niya: “Ang kapaki-pakinabang o propesyonal na tulong ay hindi sapat.” Kailangan din ng bata ang emosyonal na tulong.
Walang Kahirap-hirap na Paggupit ng Balahibo
Paano maaaring makuha ang balahibo nang walang hirap o sugat na karaniwan kapag naggugupit ng balahibo ng tupa? Ginagawa ito sa Australia sa pamamagitan ng pagtuturok sa tupa ng protina na likas na nasa mga ugat na dinadaluyan ng dugo ng mga hayop. Ang pinaraming antas ng protina ay tumatagal ng 24 na oras at pinahihina nito ang kapit ng balahibong lana sa balat. Kaya ang balahibo ay buung-buong natatanggal, at tumutubo muli ang balahibo. Ang bawat hayop ay binabalutan ng lambat upang makuha ang balahibo nito, na kakapit naman dito sa loob ng isang linggo. Pinahuhusay ng prosesong ito ang kalidad ng lana at hindi na nangangailangan pa ng pangalawang paggupit. Nakatutulong din ito upang mabawasan ang pagkakaroon ng kuto at sakit sa balat, nakababawas sa paggamit ng mga kemikal, at hindi gaanong mahirap para sa mga tupa. Dumarami ang humihiling sa bagong pamamaraang ito ng pag-aalis ng balahibo ng tupa sa Australia, ulat ng The Sunday Times ng London, subalit hindi ito gaanong kapaki-pakinabang sa mga bansang gaya ng Britanya, kung saan dapat isaalang-alang ang panahon kapag naggugupit ng balahibo ng tupa. Dahil sa biglang pagbaba ng temperatura pagkatapos na saksakan ng protina, giginawin nang husto ang kawan ng tupa kapag natanggal na ang balahibo, sabi ng isang tagapagsalita sa industriya.
Naghahantad ng Higit Pang Sorpresa ang Natutunaw na mga Glacier
Patuloy na naghahantad ng mga sorpresa ang mga alpinong glacier habang ang mga ito’y natutunaw dahil sa patuloy na pag-init ng temperatura. Noong 1991, sa Austro-Italyanong hangganan, isiniwalat ng natutunaw na sinaunang yelo ang nanigas na mga labí ng mangangaso nang sinaunang kasaysayan. Noong Agosto 1998, upang kanilang maalis ang iba pang natuklasan—ang mga labí ng mga sundalo at hindi pa sumasabog na mga granada at bomba—kinailangang ideklara ng mga awtoridad sa hilagaang Italya ang pagbabawal sa ilang lugar ng kabundukan. Ang lahat ng mga nakuha ay ginamit noong unang digmaang pandaigdig, ang pinangyarihan ng matinding labanan sa pagitan ng mga hukbong Italyano at Austriano. Noong panahon ng paglilinis, “ang lahat ng residente, at lalo na ang mga turista at namumundok, ay binabalaan na labis na mag-ingat” at ipagtanong ang mga ruta sa mga awtoridad, sabi ng pahayagang Corriere della Sera sa Italya, dahil “laging [naroon] ang panganib ng mga pagsabog.” Ang karamihan sa mga gamit ay totoong napakapanganib at patuloy na makamamatay o malubhang makasusugat sa mga taong makatutuklas ng mga ito.
Napikpik na Lupa
Pitumpung milyong akre ng lupa sa Europa ang “lubusang nasira dahil sa pagpikpik ng lupa,” ang ulat ng magasing New Scientist. Isinisiwalat ng mga ginawang pananaliksik ng Kiel University sa Alemanya na kapag ang mabibigat na traktora, na may bigat na limang tonelada bawat gulong, ay dumaan nang anim na beses sa isang parang, ang dami ng maliliit na hayop na walang gulugod gaya ng mga arachnid at bulati ay nababawasan ng hanggang 80 porsiyento sa lalim na halos isang metro. Nakatutulong ang maliliit na nilalang na ito upang mapataba ang lupa, kaya kapag nalipol ang mga ito, kasunod naman ang pag-unti ng naaani. Hindi makatubo ang mga ugat ng halaman sa napikpik na lupa, at sa gayo’y namamatay ang mga halaman kapag tagtuyo. Hindi makatagos ang ulan; sa halip, ito’y umaagos sa ibabaw, tinatangay ang pinakaibabaw na lupa. Pinalalala pa ng laging pag-aararo ang problema, na siyang nagbabaon ng bigat sa mas mababang antas. Sinabi ng mga siyentipikong Aleman na sa pamamagitan ng mababaw na pag-aararo, pagbubungkal ng lupa na walong centimetro lamang ang lalim, mababawasan ng sangkatlo ang pinsala sa lupa.
Sobra-sobrang Mensahe
“Ang mga kasangkapan sa ngayon para sa komunikasyon na pinagagana ng teknolohiya ay humahantong sa bagong panganib sa kalusugan sa lugar ng trabaho: kaigtingan na dulot ng mensahe,” ang sabi ng Computing Canada, isang pahayagan tungkol sa pangangasiwa sa impormasyon at teknolohiya. Natuklasan ng kamakailang surbey sa lugar ng trabaho kung saan may komunikasyon, na isinagawa ng Stamford, Pitney Bowes Inc. na nasa Connecticut, na ang karaniwang nag-oopisina ay nagpapadala o nakatatanggap ng “tinatayang 190 mensahe sa isang araw sa iba’t ibang anyo,” gaya ng voice mail, telepono, fax, pager, beeper, at E-mail. “Ang ibig sabihin niyan,” ang sabi ng pahayagan, “na ang trabaho sa ngayon, sa paano man, ay hinuhubog ng pangangailangan na sumagot sa mga mensahe, anupat umaakay sa tumitinding kaigtingan at kabalisahan.” Natuklasan ng pagsusuri na mas gusto ng karamihan ng mga manggagawa ang alinman sa tuwirang pakikipag-usap nang harap-harapan o sa telepono. Iminumungkahi ng mga mananaliksik na “ang lahat ng mga empleado ay bigyan ng alituntunin tungkol sa kaayaayang paggamit ng kanilang mga kasangkapan sa komunikasyon—at kung paano gagamitin nang wasto ang mga ito” sa gayo’y mabawasan ang sobra-sobrang pagpapadala ng mensahe.
Karagdagan pa Tungkol sa Kahangalan ng Paninigarilyo
Sinasabi ng kamakailang pagsusuri sa Netherlands na “dinodoble ng paninigarilyo ang panganib na magkaroon ng sakit sa isip at Alzheimer’s disease,” ang ulat ng International Herald Tribune. Isiniwalat ng pagsisiyasat sa 6,870 katao na mahigit sa 55 taóng gulang na 2.3 ulit na mas malamang na magkaroon ng Alzheimer’s disease ang mga naninigarilyo kaysa mga umiiwas dito habang-buhay. Ang panganib para sa mga huminto na sa paninigarilyo ay mas mataas nang kaunti kaysa mga indibiduwal na hindi kailanman nanigarilyo. Ang Alzheimer’s disease, na kinasasangkutan ng unti-unting pagkasira ng selula sa utak, ay “ang pinakakaraniwang anyo ng sakit sa isip.”
Hamon Para sa Makapagpapaliwanag
“Isang Nobel prize ang malamang na naghihintay sa isang tao na makababasa sa isinulat ng mga taong Indus,” ang sabi ng magasing India Today. “Kasama ng mga Etruscano ng Italya, ito ang pinakahuling sulat noong Bronze Age na hindi pa nababasa.” Ang isang dahilan ay wala pang bilinggwal na labí ang natutuklasan na makatutulong upang mabasa ang kodigo. Ang hieroglyphics ng mga Ehipsiyo ay nabasa pagkatapos na matuklasan ng mga tauhan ni Napoleon ang Rosetta Stone, kasama ang inskripsiyong nakaulat sa hieroglyphic, pangkaraniwang Ehipsiyo, at Griego. Ang sulat na cuneiform ng mga Sumeriano ay naisiwalat nang matuklasan ni Henry Rawlinson ang Behistun Inscription, na naglalaman ng mga himaton na kinakailangan upang mabasa ito. Sa kasalukuyan, kakaunti pa ang natitiyak tungkol sa sulat ng mga Indus maliban sa bagay na ito’y isinulat mula kanan pakaliwa—ipinahiwatig ng hilig ng sulat—at na ang pagkasulat ay maaaring isalig sa mga pantig. Ang sulat, na ang karamihan ay binubuo ng glyph, ay may halos 419 na tanda.