Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 2/22 p. 4-7
  • Kung Bakit Dapat Itong Pag-usapan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit Dapat Itong Pag-usapan
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Iwasan ang Di-Pagkakaunawaan
  • Katotohanan​—Popular o Di-popular?
  • Kung Paano Masusumpungan ang Tamang Landas
  • Kailangan ba ang mga Guro?
  • Mga Saksi ni Jehova
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Talagang Mahalaga Kung Ano ang Relihiyon Ninyo
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Ang Pagsambang Sinasang-ayunan ng Diyos
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ang mga Kristiyano ay Sumasamba sa Espiritu at Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 2/22 p. 4-7

Kung Bakit Dapat Itong Pag-usapan

“Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal mismo ay pinatatalas. Gayon pinatatalas ng tao ang mukha ng iba.”​—Kawikaan 27:17, ang Bibliya.

ANG mga talim ay hindi pinatatalas sa pamamagitan ng pagpipingkian. Ang pagpapatalas ay isang mas banayad na proseso. Gayundin naman, may tama at maling mga paraan ng pagpapatalas ng isip sa pamamagitan ng pag-uusap, lalo na tungkol sa maseselan na paksang gaya ng relihiyon.

Una, dapat nating igalang ang dignidad ng ibang tao at ipamalas ang paggalang na iyon sa ating salita at paggawi. “Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin,” ang sabi ng Bibliya. (Colosas 4:6) Ang may-kagandahang-loob na pagkakasabi at magaan na pangungusap ay hindi dogmatiko ang tono, kahit na kapag ang tagapagsalita ay kumbinsido na siya ay tama at na ang kausap niya ay mali.

Ang kagandahang-loob ay mamamalas din sa paraan ng ating pakikinig. Hindi tayo maaaring makinig nang may kagandahang-loob kung tayo ay sumasabad o kung ang ating isip ay hindi nagtutuon ng pansin dahil inihahanda natin ang ating susunod na argumento. Malamang na mapapansin ng nagsasalita ang ating tila kawalang-interes sa kaniyang pangmalas at marahil ay tapusin na ang pag-uusap. Gayundin, hindi natin dapat pilitin o takutin ang iba na baguhin ang kanilang pangmalas. Tutal, ‘ang Diyos ang nagpapalago sa binhi ng katotohanan’ sa isang tumutugon na puso ng tagapakinig.​—1 Corinto 3:6.

Taglay natin ang mainam na halimbawa ni apostol Pablo, na gumamit ng ‘pangangatuwiran’ at “panghihikayat” sa kaniyang ministeryo. (Gawa 17:17; 28:23, 24) Nakipag-usap si Pablo sa mga tao tungkol sa relihiyon saanman niya matagpuan ang mga ito, gaya sa pamilihang-dako at sa kanilang mga tahanan. (Gawa 17:2, 3; 20:20) Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na tularan ang halimbawang iyon sa pamamagitan ng pagtungo saanman masusumpungan ang mga tao at pakikipagkatuwiranan sa kanila mula sa Kasulatan.

Iwasan ang Di-Pagkakaunawaan

Kasisimula lamang ng bansang Israel na manirahan sa Lupang Pangako nang muntik na silang magkaroon ng gera sibil dahil sa di-pagkakaunawaan tungkol sa isang altar. Ang mga taong naninirahan sa silangan ng Ilog Jordan ay nagtayo ng isang altar, gayunman napagkamalan ng ibang mga tribo na iyon ay isang altar para sa huwad na pagsamba. Kaya naman, naghanda silang sumalakay upang disiplinahin ang kanilang mga kapatid. Subalit nanaig ang kahinahunan. Ang mga sasalakay ay nagpadala muna ng isang delegasyon upang itanong ang layunin ng altar. Lumuwag ang kanilang kalooban nang malaman nilang iyon ay isa lamang monumento​—“isang saksi”​—upang ipaalaala sa lahat ng tribo ang kanilang pagkakaisa sa harap ng Diyos na Jehova. Nahadlangan ng pag-uusap ang pagbabaka​—at ang pagbubuwis ng maraming buhay!​—Josue 22:9-34.

Gayundin naman, ang di-pagkakaunawaan sa ngayon ay kadalasang nauuwi sa paghihiwalay at maging sa pagtatangi. Halimbawa, minamalas ng ilang tao ang mga Saksi ni Jehova bilang relihiyosong mga panatiko dahil sa mga ulat tungkol sa kanilang pagtangging pasalin ng dugo. Gayunman, yaong personal na nagtanong sa mga Saksi tungkol sa bagay na ito ay malimit na namamangha na malaman na may salig-Bibliyang dahilan sa kanilang paninindigan at may ligtas at mabisang panghaliling mga paggamot. (Levitico 17:13, 14; Gawa 15:28, 29) Sa katunayan, dahil sa suliranin sa suplay ng dugo, isang kolumnista ang sumulat: “Salamat sa Diyos at ang mga Saksi ni Jehova ay nangunguna sa pananaliksik sa mga panghalili sa dugo.”

Gayundin, ang ilan ay tumatangging makipag-usap sa mga Saksi dahil sinabihan sila na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala kay Jesu-Kristo. Kay layo nito sa katotohanan! Sa katunayan, idiniriin ng mga Saksi ang papel ni Jesus sa ating kaligtasan, anupat ipinaliliwanag na siya ang Anak ng Diyos, na isinugo ng Diyos sa lupa upang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga Saksi hinggil sa bagay na ito, napawi ang maling pagkaunawa ng mga tao.​—Mateo 16:16; 20:28; Juan 3:16; 14:28; 1 Juan 4:15.

Katotohanan​—Popular o Di-popular?

Marahil ang nakapagtataka sa marami ay na pagdating sa relihiyon, ang popular na paraan ay karaniwan nang ang maling paraan. Itinuro ni Jesu-Kristo mismo: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”​—Mateo 7:13, 14.

Noong panahon ni Noe, walong tao lamang ang nagsalita ng espirituwal na katotohanan​—si Noe, ang kaniyang asawa, ang kaniyang tatlong anak na lalaki, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak. Ang kanilang babalang mensahe at ang kanilang pagtatayo ng daong ay tiyak na naging dahilan upang sila’y maging tudlaan ng pagtuya, at pag-abuso pa nga. Gayunman, si Noe at ang kaniyang pamilya ay hindi natakot; patuloy silang nangaral at nagtayo. (Genesis 6:13, 14; 7:21-24; 2 Pedro 2:5) Gayundin naman, tatlong tao lamang ang sumunod sa utos ng Diyos at naligtas sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra.​—Genesis 19:12-29; Lucas 17:28-30.

Kumusta naman sa ating panahon? “Kung babalik si Kristo sa laman ngayon, marahil ay muli siyang papatayin ng mga tao,” ang sabi ng isang maybahay sa isang Saksi ni Jehova. Nadama ng taong ito na ang mga turo at matataas na pamantayang moral ni Jesus ay magiging di-popular ngayon na gaya noong nakalipas na 2,000 taon. Sang-ayon ka ba?

Kung oo, tama ka, sapagkat nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan”​—isang hula na napatunayang totoo. (Mateo 24:9) Ang mga lider na Judio sa Roma ay nagsabi ng ganito kay apostol Pablo hinggil sa Kristiyanismo: “Kung tungkol sa sektang ito . . . , sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito nang laban.” (Gawa 28:22) Gayunman, ang pagiging di-popular ng Kristiyanismo ay hindi nagpahinto sa mga tagasunod ni Kristo na ibahagi sa iba ang kanilang paniniwala. Ni pinahinto man nito ang mga tapat-pusong tao sa pakikipag-usap sa mga Kristiyano.​—Gawa 13:43-49.

Sa ngayon, ang mensahe ni Jesus ay lalong mahalaga higit kailanman. Bakit? Sapagkat ipinakikita ng kalagayan sa daigdig na tayo ngayon ay nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito at na ang mga araw na ito ay hahantong sa pagpawi sa masamang gawa sa lupa. Inihambing ni Jesus ang ating panahon sa mga araw ni Noe. (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:37-39) Kaya hindi ito ang panahon para ipagwalang-bahala ang ating paniniwala, sapagkat ibibigay lamang ang buhay na walang hanggan sa mga nakakakilala sa Diyos at sa mga ‘sumasamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.’​—Juan 4:24; 2 Tesalonica 1:6-9.

Kung Paano Masusumpungan ang Tamang Landas

Si Francis Bacon, isang pilosopo, mananaysay, hurista, at estadistang Ingles noong ika-17-siglo, ay nagpayo sa mga naghahanap ng katotohanan na “magsuri at mag-isip.” At ang naging presidente noon ng Estados Unidos, si Thomas Jefferson, ay nagsabi: “Ang katuwiran at malayang pagtatanong ang tanging mabibisang pamamaraan laban sa pagkakamali. . . . Ang mga ito ang likas na kaaway ng pagkakamali.” Kaya kung tayo ay taimtim na naghahanap ng katotohanan, tayo’y ‘magsusuri at mag-iisip’ at magtataguyod ng “katuwiran at malayang pagtatanong.”

Upang ipakita kung bakit mahalaga ang gayong pamamaraan, ang Britanong siyentipiko na si Sir Hermann Bondi ay nagsabi: “Yamang iisang pananampalataya lamang ang maaaring maging totoo, kaya naman lubhang malaki ang posibilidad na ang mga tao ay may-katatagan at may-katapatang maniniwala sa isang bagay na hindi totoo sa larangan ng inihayag na relihiyon. Aasahan ng isa na ang malinaw na katotohanang ito ay aakay sa isang antas ng pagpapakumbaba, anupat iisipin na gaano man kataimtim ang pananampalataya ng isa, ang isa ay posibleng magkamali.”

Kung gayon, paano matitiyak ng isang tao kung siya ay talagang nasa ‘masikip na daan na umaakay patungo sa buhay’? Itinuro ni Jesus na dapat sambahin ang Diyos ‘sa katotohanan.’ Kaya idinidikta ng kakayahang mangatuwiran na kung nagkakasalungatan ang dalawang turo, hindi maaaring kapuwa totoo ang mga ito. Halimbawa, alinman sa ang mga tao ay may kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkatapos ng kamatayan o wala. Alinman sa ang Diyos ay makikialam sa mga gawain ng tao o hindi. Alinman sa ang Diyos ay isang Trinidad o hindi. Nais ng mga naghahanap ng katotohanan ang makatotohanang mga sagot sa gayong mahahalagang tanong. Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ibinigay ng Diyos sa atin ang mga sagot sa kaniyang Salita, ang Bibliya.a

Yamang “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” ang pangunahing paraan upang masubok ang iba’t ibang turo ay ang suriin ang mga ito salig sa Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Sa paggawa nito, ‘mapatutunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Maaari mo bang ‘patunayan sa iyong sarili’ na malalim ang pagkakaugat ng iyong paniniwala sa Bibliya? Mahalaga ang paggawa nito dahil ayaw ng Diyos na maligaw ka kasama ng “buong tinatahanang lupa.”​—Apocalipsis 12:9.

Kailangan ba ang mga Guro?

Si Jesus ay hindi nag-abot ng ilang balumbon sa kaniyang mga alagad at saka nagsabi: “Ang mga sagot sa inyong mga tanong ay naririyan nang lahat. Umuwi na kayo at hanapin ninyo ang mga ito.” Sa halip, may pagtitiyaga at kabaitan niyang itinuro sa kanila ang salita ng Diyos. Kaya naman, ginamit din niyaong mga tumanggap ng kaniyang mga turo ang kaniyang pamamaraan nang turuan din nila ang iba. Kunin ang halimbawa ng alagad na si Felipe. Nakipag-usap siya sa isang tapat-pusong opisyal na Etiope na dati nang may alam sa Kasulatan dahil sa kaniyang pakikipag-ugnayan sa mga Judio. Subalit ang lalaki ay nangangailangan ng tulong. Kaya inakay si Felipe​—isang kinatawan ng Kristiyanong kongregasyon​—upang tulungan siya. Kung hindi handang makipag-usap tungkol sa relihiyon ang opisyal na ito, hindi sana niya nalaman ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos. Kay inam na halimbawa ng Etiopeng ito para sa lahat ng naghahanap ng katotohanan!​—Gawa 8:26-39.

Handa ka bang makipag-usap tungkol sa iyong paniniwala at magtanong gaya ng ginawa ng Etiopeng ito? Tiyak na marami kang mapapakinabangan kung ganoon ang gagawin mo. Ang mga Saksi ni Jehova ay natutuwang ipakipag-usap ang Bibliya sa mga tao na taimtim na nagnanais na malaman ang sinasabi nito. Hindi iniaalok ng mga Saksi ang kanilang personal na mga opinyon. Sa halip, sinisikap nilang ipakita sa mga tao kung ano ang sinasabi ng Bibliya mismo.

Natutuhan ng Etiopeng opisyal ang ilang mahahalagang bagay tungkol kay Jesu-Kristo, gaya ng kung paano siya gagamitin ng Diyos may kinalaman sa ating kaligtasan. Sa ngayon, ang katuparan ng layunin ng Diyos ay napakalapit nang matapos. Kakila-kilabot at kamangha-manghang mga bagay ang malapit nang maganap dito mismo sa lupa. Ipakikita ng susunod na artikulo na ang lahat ng nasa lupa ay maaapektuhan. Sabihin pa, kung paano tayo maaapektuhan ay depende sa ating saloobin at gagawin.

[Talababa]

a Para sa katunayan na ang Bibliya nga ay Salita ng Diyos, pakisuyong tingnan ang aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 7]

Malugod na tinanggap ng Etiopeng opisyal ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share