Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 3/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bagong-Silang at Kirot
  • Humantong sa Pagtuklas ang Mungkahi ng Estudyante
  • Paggaya sa Matandang-Edad
  • Lumilitaw na Kasaysayan
  • Nagbabawas ng Sobrang Bagahe ang Naglalakbay na mga Ibon
  • Mga Sanggol at Babala Hinggil sa Pulot-Pukyutan
  • Paninigarilyo Upang Pumayat
  • Nanganganib na Kalusugang Bunga ng Nanganganib na Trabaho
  • Kakayahang Magtuon ng Pansin ng mga Aso
  • Pinakamatandang Mapa na May de-Numerong mga Distansiya
  • Anim na Bilyon sa 1999
  • Pulot-Pukyutan—Isang Matamis na Tagapagpagaling
    Gumising!—2002
  • Pulot-Pukyutan—Ang Regalo ng Bubuyog sa Tao
    Gumising!—2005
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1993
  • Pulot-Pukyutan, Bahay-Pukyutan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 3/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Bagong-Silang at Kirot

Napatunayan ng mga mananaliksik sa University College ng London na ang mga batang bagong-silang ay nakadarama ng kirot nang higit at sa mas mahahabang yugto ng panahon kaysa sa mga nasa hustong gulang. “Nito lamang nakaraang 10 taon nalaman na nakadarama pala ng kirot ang mga bata at mga sanggol,” sabi ng The Sunday Telegraph ng London. Bago nito, ang mga batang isinilang na kulang sa buwan ay isinasailalim sa traumatikong paggamot at operasyon nang hindi gumagamit ng mga pamatay-kirot. Naniniwala ngayon ang mga doktor na ang gayong paggamot ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa reaksiyon sa kirot, malamang na kahit lampas na sa pagkabata. Ito ay dahil sa ang likas na proseso na ‘nagpapahupa’ sa nadaramang kirot ng nakatatandang mga bata at mga nasa hustong gulang ay hindi gaanong gumagana sa mga batang isinilang na kulang sa buwan. Nakadarama rin ng kirot ang mga bata sa mas malaking bahagi ng katawan, at maging ang isang maliit na sugat sa balat ay magpapangyari na maging labis na sensitibo ang apektadong bahagi para haplusin kahit matagal nang naghilom ang sugat, ulat ng pahayagan.

Humantong sa Pagtuklas ang Mungkahi ng Estudyante

Palibhasa’y tumugon sa ibinigay na impormasyon ng isang estudyante ng pamantasan sa astrophysics, dinagdagan ng mga astronomo ng isa pa ang talaan ng mga planeta na umiikot sa mga bituin bukod sa ating araw. Iminungkahi ni Kevin Apps, isang estudyante sa University of Sussex, Inglatera, sa mga astronomong sina Dr. Geoffrey W. Marcy at Dr. R. Paul Butler, na siyang nakatuklas ng siyam ng gayong mga planeta, na maghanap sila ng 30 di-napansing mga bituin na kahawig ng araw. Ginawa nila iyon at nakatuklas sila ng isang planeta na kasinlaki ng Jupiter na umiikot sa isa sa mga bituin. Upang mapili ang mga bituing iyon na inirekomenda niyang suriin, si Apps ay “gumamit ng pinakabagong impormasyon sa satellite at pinili ang mga bituin na malamang na iniikutan ng mga planeta,” sabi ni Dr. Marcy. Dahil sa pagkakatuklas na ito​—pati na ang isa pang planeta na natuklasan ng dalawang astronomo​—ang bilang ng kilalang mga planeta sa labas ng sistema solar ay umabot na sa 12, pawang natuklasan sa loob ng tatlong taon, ulat ng The New York Times.

Paggaya sa Matandang-Edad

Samantalang sinisikap ng maraming tao maging bata at malakas, nakabuo na ng isang kasuutan na magpapadama sa isang tao na siya’y matanda at mahina na, ulat ng pahayagang Aleman na Die Zeit. Isang sangguniang kompanya para sa mga gumagawa ng kasuutan, kasama ng mga manggagamot, ang nakabuo ng kasuutang gumagaya sa edad upang matulungan ang mga nars at disenyador ng mga produkto na maunawaan “kung paano nakikita ng matatandang tao ang daigdig.” Kasali sa kasangkapan ang mga benda at dugtungan na naglilimita sa pagkilos, 14 na kilo ng tingga upang magtinging naubusan na ng lakas ang mga kalamnan, matitigas na umbok sa loob ng isang pares ng guwantes upang patigasin ang mga daliri, mga headphone upang sumagap ng matataas na frequency, at isang iskrin upang mabawasan ng kalahati ang lawak ng nakikita at palabuin ang paningin. Iminungkahi ng Die Zeit: “Ang lahat na wala pang 60 anyos ay dapat magsuot ng damit na ito at maglakad-lakad sa loob ng ilang oras, bilang kontribusyon sa pagkakaunawaan sa pagitan ng mga henerasyon.”

Lumilitaw na Kasaysayan

“Dalawang dantaon matapos na sirain ng isang makasaysayang labanan ang pag-asa ni Napoleon na durugin ang imperyong Britano, ang plota ng Pranses na emperador ay natuklasan sa mababaw na katubigan ng isang look sa Mediteraneo,” ulat ng The Toronto Star. Noong 1798, sa Labanan sa Nilo, ang pangkumander na barkong L’Orient at ang mga barkong La Seriuse at La Artemise ay pinalubog ng Hukbong-Dagat ng Britanya, na pinangunahan ni Admiral Horatio Nelson. Natuklasan ng Pranses na arkeologong pandagat na si Franck Goddio ang plota na nasa 11 metro sa ilalim ng tubig dalawang kilometro mula sa baybayin ng Alejandria, Ehipto. “Dito pinagpasiyahan noon ang kapalaran ng Europa,” komento ni Goddio.

Nagbabawas ng Sobrang Bagahe ang Naglalakbay na mga Ibon

Ang mga bato, atay, at iba pang laman-loob ng ilang ibon ay lumiliit bago ang malayuang pandarayuhan, ulat ng New Scientist. Ang nagtatampisaw na mga ibong godwit, na may pahabang buntot, sinlaki ng golondrina, at nandarayuhan sa pagitan ng Alaska at New Zealand, ay kumakain nang labis-labis bago ang kanilang walang-hintong paglipad sa distansiyang 11,000 kilometro. Natuklasan ng mga mananaliksik na sina Theunis Piersma, ng Unibersidad ng Groningen sa Netherlands, at Robert Gill, ng U.S. Geological Survey, na tinatapatan ng mga ibon ang timbang na nadagdag sa kanila sa pamamagitan ng pagbabawas ng hanggang 25 porsiyento sa sukat ng kanilang mga sangkap sa katawan na nagpoproseso ng pagkain. Sabi ni Gill: “Sapat lamang ang pinananatili nila upang, sa muli nilang paglapag, maaari na naman nilang iproseso ang pagkain at muling palakihin ang kanilang mga sangkap.”

Mga Sanggol at Babala Hinggil sa Pulot-Pukyutan

Ang pulot-pukyutan ay may mga bitamina, mineral, at mga antioxidant, ulat ng Science News. Karaniwan na, mientras mas maitim ang pulot-pukyutan, mas marami itong antioxidant. Gayunman, may ganitong babala ang UC Berkeley Wellness Letter: “Huwag bigyan kailanman ng pulot-pukyutan ang mga batang wala pang isang taong gulang.” Ang di-aktibong selulang Clostridium botulinum ay namamalagi sa halos 10 porsiyento ng pulot-pukyutan at maaaring maging sanhi ng pagkalason ng sanggol. “Ang epekto ay maaaring mula sa bahagyang pagkakasakit hanggang sa grabeng pagkaparalisa at biglang pagkamatay, kung hindi magagamot,” sabi ng Wellness Letter. Gayunman, para sa nakatatandang mga bata, itinuturing na ligtas ang pulot-pukyutan.

Paninigarilyo Upang Pumayat

Ang “hangaring pumayat” ay nag-uudyok sa mga babaing tin-edyer na manigarilyo, ulat ng pahayagang The Globe and Mail ng Canada. Sa isang surbey sa 832 dalagitang taga-Canada at 1,936 na dalagitang Britano na ang edad ay 10 hanggang 17, marami “ang nagtala ng paninigarilyo bilang isang panghalili sa pagkain” at bilang isang gawain para mapigil ang gana sa pagkain. Sinabi ng maraming babaing tin-edyer na sila’y naniniwala na “kung ihihinto nila ang paninigarilyo, marami ang kakainin nila at madaragdagan ang timbang nila.” Sinabi ng Globe na “ipinahihiwatig ng mga ulat na ang mga babaing tin-edyer ngayon ang pangunahing dahilan sa lubhang pagdami ng mga tin-edyer na naninigarilyo at nagpapaliwanag sa dumaraming kaso ng kanser sa baga sa mga kababaihan.”

Nanganganib na Kalusugang Bunga ng Nanganganib na Trabaho

Ang kawalang-kasiguruhan hinggil sa kinabukasan mo sa iyong trabaho ay maaaring makapinsala sa iyong kalusugan, ulat ng Science News. Sa 10,000 Britanong nagtatrabaho sa pamahalaan na nakibahagi sa isang pangmatagalang surbey sa kalusugan, isang grupo ng mahigit sa 600 babae at lalaki ang nakabalita sa loob ng apat na taon na ang kanilang departamento ay ipagbibili sa pribadong sektor. Samantala, sa aberids, ang kalusugan niyaong mga kabilang sa grupong ito ay humina nang ihambing sa ibang kalahok sa pag-aaral na ang mga trabaho ay hindi naman nanganganib. Yaong kabilang sa nanganganib na grupo ay nakaranas ng pagtaas ng antas ng nakaimbak na kolesterol sa dugo at isang 40- hanggang 60-porsiyentong pagdami ng may sakit sa puso bunga ng pagbabara ng mga ugat. Sinabi ng Science News: “Napatunayang lalong higit ang posibilidad na kaligtaan ng mga manggagawang ito ang ehersisyo, madagdagan ang kanilang timbang, matulog ng mahigit sa 9 na oras, at makipagdiborsiyo o makipaghiwalay sa asawa.”

Kakayahang Magtuon ng Pansin ng mga Aso

Ano ang kailangan para maging mahusay na detektor ng droga ang isang aso? Bukod sa iba pa, napakahusay na pang-amoy at “di-nagbabagong kakayahang magtuon ng pansin,” paliwanag ng magasing New Scientist. “Ang isang mahusay na detektor ay dapat na may kakayahang magpako ng pansin sa paghahanap ng mga droga, sa kabila ng napakaraming pang-abala sa alinmang paliparan o daungan,” sabi ng ulat. At bagaman gumugugol ng maraming oras ang karaniwang pagsusuri sa mga liham “gayon na lamang ang kakayahang magpako ng pansin ng mga aso anupat kahit . . . ang 0.5 gramo ng heroin . . . na nakatago sa isang sakong punung-puno ng mga liham ay hindi maiiwasang matutop.” Noong 1993, naging lubhang matagumpay ang isang sinimulang programa ng pagpapalahi ng mga aso; mahigit sa 50 porsiyento ng mga aso ay naging kuwalipikadong magsilbi bilang mga detektor ng droga sa Australian Customs Service. Sa pagpaparami ng ilang salinlahi ng mga aso, hinanap ng mga tagapagpalahi ang ibang katangian, gaya ng pagnanais na purihin, napakagaling na kakayahang humanap ng isang bagay, namamalaging lakas, at kawalang-takot.

Pinakamatandang Mapa na May de-Numerong mga Distansiya

Natuklasan ng mga arkeologong Tsino ang isang 2,300-taong-gulang na inukit na tansong pinggan na sa aktuwal ay isang mapa na may mga distansiyang ipinakikita sa pamamagitan ng mga numero, ulat ng Agence France-Presse. Ang mapa, na nagpapakita ng maliit na bahagi ng ngayo’y hilagang Lalawigan ng Hopeh, sa hilagang Tsina, ay gumamit ng proporsiyon na halos 1:500. Kasali rito ang isang dibuho ng mga maharlikang musoleo na pag-aari ni King Wang Cuo, na nabuhay noong ikaapat na siglo B.C.E. Ganito ang sabi ni Du Naisong, isang mananaliksik sa Bawal na Lunsod ng Tsina: “Hindi lamang ito ang pinakamatandang mapa na natagpuan sa Tsina kundi ang pinakamatandang mapa sa daigdig na sinulatan ng mga numero.”

Anim na Bilyon sa 1999

Malalampasan ng populasyon ng daigdig sa taóng ito ang bilang na anim na bilyon, ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Gayunman, bumabagal ang antas ng paglaki ng populasyon. Ang taunang pagtaas ay mababa ng 30 porsiyento kaysa noong dekada ng ’60. Ang pagbagal na ito sa isang banda ay bunga ng pagdami ng mga gumagamit ng kontraseptibo at pagdami ng mga babaing nakapag-aaral. Ayon sa ulat, mahigit nang isang bilyon ngayon ang mga kabataang nasa pagitan ng edad na 15 at 24, samantalang mahigit na 578 milyon ang mga taong mahigit sa 60 anyos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share