Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 3/22 p. 18-19
  • Pakikipagpunyagi sa Celiac Disease

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pakikipagpunyagi sa Celiac Disease
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Maaaring Gawin?
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Sebada
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Trigo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 3/22 p. 18-19

Pakikipagpunyagi sa Celiac Disease

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA FINLAND

“Anong arina ang ginamit mo sa keyk na ito?”

“Aba, e di arinang mais.”

“At ano ang inilagay mong pansapin sa keyk pan?”

“Dinurog na tinapay.”

“Kung gayon, ipagpaumanhin mo, pero hindi ko makakain ito.”

ANG gayong nakahihiyang pag-uusap ay baka pamilyar sa iyo kung ikaw ay pinahihirapan ng celiac disease. Ang karamdamang ito sa sistema ng panunaw ay bunga ng kawalang-kakayahan ng katawan na tanggapin ang isang karaniwang elemento na nasa maraming pagkain. Ang problema ay dahilan sa maliit na bahaging gliadin ng gluten, na matatagpuan sa trigo, sebada, senteno (rye), at mga oat. Hindi mapanganib ang gluten sa mas nakararaming tao, subalit sa mga may celiac disease, maaari nitong sirain ang sapin sa maliliit na bituka, anupa’t binabawasan ang kakayahan nito na sumipsip ng sustansiya.

Ang ilan sa mga sintomas ng celiac disease ay sakit sa tiyan, kabag, pagtataé, at pagkabawas ng timbang. Mangyari pa, ang mga sintomas na ito ay nakikita rin sa maraming sakit, kung kaya ang pagsusuri sa celiac disease ay maaaring maging mahirap. “Mga ilang taon din na sinabing ako’y may ‘irritable bowel syndrome,’” sabi ng maysakit na si Judy.

Kadalasa’y nahahalata na ang celiac disease sa pagkabata pa lamang, subalit sa ilang maysakit ay hindi nakikita ang sintomas hangga’t hindi pa sila nagkakaedad. Gayunman, sinasabi ng mga doktor, na sa paano man, sa ilan sa mga kasong ito, ang sakit ay maaaring naroroon na bagaman nakakubli ito. Magkagayunman, kung ito’y hindi gagamutin, maaaring makapinsala ang celiac disease. Karaniwan na, ang mga batang nasa ganitong kalagayan ay maliliit at payat, namamaga ang tiyan at may mahihinang kalamnan. Yamang ang pagtanggap ng bitamina ay nahahadlangan ng sakit na ito, maaaring sundan ito ng iba pang karamdaman, lakip na ang anemya, rickets, at pagdurugo ng gilagid. Ang mas malulubhang kaso ay maaaring magbunga ng pagkarupok ng mga buto o osteoporosis. Sa bihirang mga kaso, ang celiac disease ay nakamamatay pa nga, lalung-lalo na sa mga adulto na ang kalagayan ay matagal na at malubha na. Gayunman, sa pamamagitan ng tamang paggamot, makakayanan​—at mapabubuti pa nga​—ng karamihan sa mga may celiac disease ang kanilang kalagayan.

Ano ang Maaaring Gawin?

Ang pinakamabisang paggamot sa celiac disease ay ang di-pagkain ng gluten​—samakatuwid, isang diyeta na walang trigo, senteno, sebada, at oat. Ang pagsunod sa gayong diyeta ay isang hamon. Sinabi ng isang maysakit: “Sa simula, nang malaman ko na bawal sa akin ang kumain ng trigo, sebada, senteno, o oat, sinabi ko sa aking sarili, ‘Buweno, napakadali lamang niyan. Basta iiwasan ko na lamang ang mga tinapay at pasteleriya.’ Subalit, nang malaman ko na maraming uri pala ng pagkain ang hinaluan ng mga butil na ito​—lalo na ng trigo​—nagulat ako!”

Dapat basahin nang maingat ng mga taong may celiac disease ang mga etiketa ng pagkain. Bagaman dapat nilang iwasan ang trigo, senteno, sebada, at oat, ang mga maysakit ng celiac ay maaaring kumain ng mga produktong may buckwheat, mais, bigas, balatong, millet, at patatas. Marami rin namang timpla ng arina na walang gluten. Totoo, maaaring nakapanlulumong malaman na ang karamihan sa mga iskaparate sa supermarket ay punung-puno ng ‘bawal na mga pagkain.’ Subalit huwag masiraan ng loob. Sa halip, pagtuunan ng pansin ang mga pagkaing maaari mong kainin kaysa sa mga hindi maaaring kainin. Sa kalaunan, ang pamimili ng pagkain ay hindi na masyadong nakasisira ng loob.

Wari ngang ang isang diyeta na walang gluten ay makahahadlang sa iyong pakikipagsamahan. Subalit huwag ilayo ang iyong sarili sa iba dahil lamang sa ikaw ay may celiac disease. Sa halip, sabihin mo sa iyong mga kaibigan kung ano ang celiac disease, at ipabatid sa kanila kung ano ang maitutulong nila sa iyo upang mapanatili ang isang diyeta na walang gluten. Kapag nalaman ng iba ang iyong pangangailangan, malamang na masisiyahan silang tanggapin iyon. Kung ang ilan ay makapagsalita nang masakit, huwag magdaramdam. Ang iyong palakaibigang pagtugon ay magpapangyari sa kanila na maging mas maunawain.

Sa kalaunan, ang ilang pasyente na may di-malubhang kaso ng celiac disease ay maaaring maglakip ng gluten sa kanilang pagkain. Mangyari man ito o hindi sa iyong kalagayan, panatilihin ang isang positibong saloobin. “Laging isaisip ang mabubuting bagay na nasasangkot,” mungkahi ng isang pasyenteng may celiac. Mabubuting bagay? Ipinagpatuloy niya: “Ang celiac disease ay hindi nakahahawa, at ang paggamot ay simple at maliwanag​—mahigpit na pagsunod sa diyeta. Habang sinusunod mo ito, mas bumubuti ang iyong pakiramdam. Malamang, mas mararamdaman mong bubuti ang iyong kalagayan sa kabila ng bagay na pinahihirapan ka ng celiac disease.”

[Kahon sa pahina 19]

Pagbibigay ng Suporta

Kung may nakikilala kang mayroong celiac disease, huwag isipin na siya ay nakayayamot dahil sa pagtangging kumain ng isang partikular na pagkain. At iwasan ang pagsasabi ng nakasasakit na mga salitang tulad ng, “Paano masasabing may-sakit ang isa na mukha namang malusog?” Higit sa lahat, huwag pilitin ang isa na may-sakit ng celiac na kumain ng anumang may gluten, marahil ay sinasabing: “Hindi naman nakasasama ang kaunti lamang.” Makasasama ito! Tandaan, ang gluten ay itinuturing na lason sa maliit na bituka ng mga pasyenteng may celiac, at gayon nga ang reaksiyon.

Hindi mahirap makibagay sa pangangailangang pandiyeta ng isang pasyenteng may celiac. Ang ilang pagbabago sa iyong listahan ng bibilhin ay makapaglalaan ng sapat na dami ng mga pagkaing maaaring kainin. Posible pa nga na ihanda ang lahat ng bagay nang naaayon sa “kalagayan” ng pasyenteng may celiac. Tunay, lahat ng bisita ay maaaring masiyahan sa mga pagkaing walang gluten. Baka hindi pa nga nila mahalata ang pagkakaiba. Karagdagan pa, hindi madarama ng may-sakit ng celiac na siya ang sentro ng atensiyon​—bagay na mapahahalagahan niya!

[Larawan sa pahina 18]

Dapat iwasan ng mga taong may celiac disease ang trigo, sebada, senteno, at oat

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share