Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 3/22 p. 20-23
  • Ipinagpapasalamat Ko kay Jehova ang Aking Limang Anak na Lalaki

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ipinagpapasalamat Ko kay Jehova ang Aking Limang Anak na Lalaki
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pagbabago ng Palagay
  • Pagsasanay sa Aming Limang Anak na Lalaki
  • Kung Ano ang Sinabi ng Aking mga Anak
  • Dahilan Upang Magpasalamat
  • Ang mga Hamon at Pagpapala sa Pagpapalaki ng Pitong Anak na Lalaki
    Gumising!—1999
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Kung Paano Natupad ang Aking Pangarap
    Gumising!—2002
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 3/22 p. 20-23

Ipinagpapasalamat Ko kay Jehova ang Aking Limang Anak na Lalaki

AYON SA SALAYSAY NI HELEN SAULSBERY

Marso 2, 1997, ang isa sa pinakamalungkot na araw sa buhay ko. Mga 600 kaibigan at miyembro ng pamilya ang nagtipon sa Wilmington, Delaware, E.U.A., para sa libing ng aking mahal na asawa, si Dean. Isa siyang Kristiyanong matanda at punong tagapangasiwa sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Habang ginugunita ko ang aming 40 maliligayang taon ng pagsasama bilang mag-asawa, napakarami kong bagay na ipinagpapasalamat. Alam kong si Dean ay iniingatan sa pinakaligtas na dako, sa alaala ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, at na makikita namin si Dean sa hinaharap.

SI Dean ay nagpatala sa air force nang magtapos siya sa haiskul noong 1950. Hindi siya relihiyosong tao at waring tumututol sa mga turo ng aking mahal na Simbahang Katoliko. Subalit nagkasundo kaming palakihin ang aming mga anak bilang mga Katoliko. Tuwing gabi ay lumuluhod kami at tahimik na nananalangin. Inuulit ko ang aking mga panalanging Katoliko, at sinasabi naman ni Dean ang anumang nasa puso niya. Sa sumunod na mga taon, isinilang ang aming limang anak na lalaki: sina Bill, Jim, Dean Jr., Joe, at Charlie.

Ako’y palasimba at lagi kong isinasama ang mga bata. Subalit nasiphayo ako sa simbahan, lalo na sa pagkasangkot nito sa Digmaan sa Vietnam. Sinabi ng yumaong Kardinal Spellman sa mga taong maaaring nag-aalinlangan sa pagiging matuwid ng layunin ng Estados Unidos: “Ang aking bansa, tama man o mali.” Hindi ako sang-ayon na makipagdigma ang aking mga anak na lalaki, kahit na sangkot ang aking simbahan. Gayunman, nananalangin ako na kahit na manawari ang isa sa kanila ay maging pari at maging Katoliko naman ang aking asawa.

Isang Pagbabago ng Palagay

Isang Sabado ng gabi, ako’y nakikihalubilo sa ilang kaibigang Katoliko at sa isang lokal na pari. Nag-iinuman kami at nagkakasayahan nang magtanong sa pari ang isa sa mga kababaihan: “Padre, mortal na kasalanan po ba kung pagkatapos ng salu-salong katulad nito ay hindi ka makabangon at makadalo sa Misa kinabukasan?”

“Hindi, hindi naman,” ang tugon niya. “Ayos lang iyon. Magmimisa kami sa Martes ng gabi sa kumbento. Makadadalo ka pa naman sa Misa at matutupad mo ang iyong tungkulin.”

Ako’y naturuan mula sa pagkabata na dapat kang dumalo sa Misa kung Linggo anuman ang mangyari. Nang hindi ako sumang-ayon sa kaniya, siya’y nanungayaw at galit na nagsabing hindi dapat ituwid ng isang babae ang isang pari.

Naisip ko, ‘Ito ba ang idinadalangin kong magiging buhay ng isa sa aking mga anak?’ Kahit na alam kung hindi naman ganiyan ang lahat ng pari, pinag-isip ako nito.

Noong kalagitnaan ng mga taon ng 1960, dinalaw kami ng mga Saksi ni Jehova sa Philadelphia, Pennsylvania, at nang maglaon sa Newark, Delaware. Bagaman hinahangaan ko ang kanilang sigasig bilang Kristiyano, lagi kong sinasabi: “Ikinalulungkot ko. Hindi ako interesado sapagkat ako’y Katoliko.”

Pagkatapos, isang malamig na umaga ng Nobyembre noong 1970, dumalaw muli ang mga Saksi. Nagtanong sila tungkol sa Bibliya at binasa ang Awit 119:105: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” Tumimo ang mga salitang ito sa akin. Naalaala kong sinabi ko sa aking sarili, ‘Ang Bibliya! Marahil ito ang kasagutan, pero wala akong Bibliya.’ Ako’y naturuan na hindi kailangan ng mga Katoliko ang Bibliya, na makalilito lamang ito sa amin, at na ang Bibliya ay para sa mga pari lamang upang basahin at ipaliwanag. Naisip ko na ako’y isang matapat na Katoliko sa hindi pagkakaroon ng Bibliya.

Nang araw na iyon ay tinanggap ko mula sa mga Saksi ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Binasa ko ito nang linggong iyon at natalos ko na nasumpungan ko na ang katotohanan! Nagbalik ang mga Saksi na may dalawang Bibliya, ang isa ay saling Katoliko. Nagulat ako na makita na ang mga kasulatang sinipi sa pantulong na ito sa pag-aaral sa Bibliya ay naroon mismo sa Bibliyang Katoliko. Sa pagkakataong iyon ay pinasimulan sa akin ang isang progresibong pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at ako’y nabautismuhan noong Agosto 1972, kasama ng aking kapatid na si Sally, na nagsimula ring mag-aral ng Bibliya.

Hindi ako kailanman sinalansang ng aking asawang si Dean, subalit nagulat siyang makita na ako’y nagkainteres sa isang bagay maliban sa relihiyong Katoliko. Palagi siyang nakikinig at nagmamasid. Noon, parang lagi akong nakabulyaw sa mga bata upang sila’y makinig. Subalit natutuhan ko na ang Bibliya ay nagbababala laban sa “poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” (Efeso 4:31, 32) Bukod pa riyan, hindi mo sinasanay ang mga bata sa pamamagitan ng pagbulyaw sa kanila. Minsan, narinig ko ang aking asawa na ikinukuwento sa kaniyang ina ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Inay, ikinakapit ng mga taong ito ang kanilang ipinangangaral!” Hindi nagtagal pagkatapos niyan, pumayag siyang mag-aral ng Bibliya. Si Dean ay naging isang bautisadong Saksi noong Enero 1975.

Pagsasanay sa Aming Limang Anak na Lalaki

Nang magsimula kaming dumalo sa Kingdom Hall, naisip ko na ang mga pulong ay medyo nakakainip para sa aking mga anak. Kaya iniiwan ko sila sa bahay na kasama ng kanilang ama. Kaayaaya at maginhawa para sa akin ang magtungo nang nag-iisa. Subalit, nang pinag-uusapan ang tungkol sa tagal ng mga Kristiyanong pulong, isang tagapagsalita sa aming pulong ang nagtanong: “Naisip na ba ninyo ang haba ng panahon na iniuupo ng inyong mga anak sa harap ng telebisyon?” Iyan nga ang ginagawa ng aking mga anak sa sandaling iyon! Kaya naisip ko, ‘Ititigil na ang panonood ng TV! Sasama sila sa akin!’ Pumayag ang aking asawa na pasamahin sa akin ang mga bata, at nang maglaon siya man ay nagsimulang dumalo.

Ang regular na pagdalo sa pulong ay nagbigay ng kaayusan at katatagan sa aming buhay pampamilya. Ngunit hindi lang iyan. Lagi naming sinisikap ni Dean na maging ulirang mga magulang, anupat inaamin namin kapag kami’y nagkakamali at maingat na ikinakapit ang mga tuntunin ng Bibliya. Hindi namin kailanman ipinahihintulot ang dobleng pamantayan. Kung ano ang tama sa aming mag-asawa ay tama para sa aming mga anak. Ang pagiging regular sa gawaing pangangaral sa madla ay isang bagay na mahalaga at kailangan.

Kung tungkol sa libangan, bawal ang marahas at imoral na pelikula. Lagi kaming nasisiyahan sa kapaki-pakinabang na gawaing pampamilya nang magkakasama, kasali na ang skating, bowling, paglalaro ng miniature golf, pamamasyal sa mga parke, pagpipiknik, at pagkain ng pizza kung Biyernes ng gabi. At maibiging ulo ng aming pamilya si Dean. Sa buong panahon ng aming pagsasama bilang mag-asawa, natalos namin na ito ang nararapat.​—Efeso 5:22, 23.

Nang magsimula akong makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova noong 1970, si Billy ay 12, si Jimmy ay 11, si Dean Jr. 9, si Joe ay 7, at si Charlie ay 2. Sanay na silang magsimba, ngunit ngayon ay natututo sila tungkol sa Bibliya. Nakatutuwa ito para sa amin. Sinasabi ko sa kanila: “Tingnan ninyo! Tingnan ninyo ito! Halikayo rito!” Lalapit sila, at tuwang-tuwang tinatalakay namin ang isang bagay na bago sa amin. Sa pamamagitan ng aming pag-aaral tungkol sa pinakamataas na awtoridad sa lupa, ang Bibliya, natutuhan ng mga bata na ibigin si Jehova at managot sa kaniya bilang ang kanilang Diyos at Maylalang​—hindi lamang sa kanilang ama at ina.

Bago matuto ng mga katotohanan sa Bibliya, marami kaming pagkakautang. Upang mabayaran ang ilan sa mga utang, ipinagbili namin ang aming bahay at nangupahan kami. Ipinagbili rin namin ang aming bagong kotse at bumili ng segunda mano. Sinikap naming panatilihing simple hangga’t maaari ang aming buhay. Ito’y nagpahintulot sa akin na manatili sa bahay na kasama ng mga bata sa halip na magtrabaho sa labas. Inakala namin na kailangan ng aming mga anak ang isang ina sa tahanan. Nagpangyari rin ito sa akin na gumugol ng higit na panahon sa ministeryong Kristiyano kapag ang mga bata’y nasa paaralan. Nang maglaon, noong Setyembre 1983, ako’y naging isang payunir (buong-panahong ministro). Totoo, ang aming mga anak ay hindi laging mayroon ng pinakamaiinam na bagay sa materyal, subalit hindi nila nadarama na sila’y pinagkakaitan nang hindi kinakailangan. Ang bawat isa sa kanila’y nag-aral sa teknikal na haiskul at natuto ng hanapbuhay na gaya ng paghahalaman, pagkakarpintero, mekaniko ng awto, at graphic arts. Kaya nasangkapan sila para sa ikabubuhay.

Madalas na nag-iisip ako tungkol sa aming buhay pampamilya at nasasabi ko sa aking sarili, ‘Naiisip ko na isa kami sa pinakamaliligayang pamilya sa lupang ito, kahit na kaunti lamang ang aming tinataglay sa materyal na paraan.’ Di-nagtagal, sinimulan ni Dean na abutin ang mga pananagutan sa kongregasyon, at gayundin ang mga bata. Noong 1982, nahirang si Dean na isang Kristiyanong matanda. Pagkaraan ng walong taon, noong 1990, ang aming panganay na anak, si Bill, ay nahirang na isang matanda. Pagkatapos ay nahirang si Joe nang taon ding iyon, si Dean Jr. noong 1991, si Charlie noong 1992, at si Jim noong 1993.

Batid kong nakagawa kami ng ilang pagkakamali bilang mga magulang, at mahirap alalahanin ang mga bagay na nagawa naming tama. Isang kaibigan ang nagtanong sa aking mga anak kung ano ang natatandaan nila tungkol sa kanilang kabataan bilang mga Kristiyano at lalo na kung anong mga simulain sa Bibliya ang natutuhan nila mula sa kanilang maagang pagsasanay na nakatulong sa kanila na maging kuwalipikado bilang Kristiyanong matatanda. Nakatataba ng puso ang kanilang mga komento.

Kung Ano ang Sinabi ng Aking mga Anak

Bill: “Ang natutuhan namin mula sa Roma 12:9-12 ay tumimo sa aking isip. Ganito ang sabi nito sa isang bahagi: ‘Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo. . . . Maging maningas kayo sa espiritu. . . . Magsaya kayo sa pag-asa.’ May kakayahan ang aking mga magulang na ipakita kung ano ang ibig sabihin ng ibigin ang mga tao. Makikita mo na ang pagpapamalas ng pag-ibig sa iba ay nagpapaligaya sa kanila. Ang maibiging kapaligirang ito sa aming tahanan ang siyang nagpangyari upang ang mga katotohanan sa Bibliya ay maging bahagi ng aming pag-iisip. Ito ang nagpatatag sa amin sa katotohanan. Lubusang mahal ng aking mga magulang ang katotohanan ng Bibliya. Bunga nito, hindi kailanman naging mahirap para sa akin na ibigin ang katotohanan, at hindi kailanman naging mahirap na manghawakan dito.”

Jim: “Isa sa pangunahing simulaing sumasaisip ko ang Mateo 5:37: ‘Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang labis sa mga ito ay mula sa isa na balakyot.’ Batid naming magkakapatid sa tuwina kung ano ang inaasahan sa amin ng aming mga magulang, at nakikita namin sa kanila ang buháy na halimbawa ng pagiging Kristiyano. Silang dalawa ay laging magkasundo. Hindi sila kailanman nagtalo. Kung hindi sila sang-ayon sa anumang bagay, hinding-hindi namin nalaman ito. Nagkakaisa sila, at tiyak na ito ang malalim na napatimo sa isipan naming lahat. Ayaw naming biguin sina Inay at Itay at, higit sa lahat, si Jehova.”

Dean: “Ang Kawikaan 15:1 ay nagsasabi: ‘Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakakasakit ay pumupukaw ng galit.’ Mahinahon si Itay. Hindi ko kailanman naaalaala na nakipagtalo ako sa kaniya​—kahit na nang ako’y isang tin-edyer. Lagi siyang mahinahon, kahit na siya’y balisa. Kung minsa’y pinapapasok niya ako sa aking kuwarto o inaalisan ng ilang pribilehiyo, subalit hindi kami kailanman nagtalo. Hindi siya basta ang aming ama. Siya rin ang aming kaibigan, at ayaw namin siyang biguin.”

Joe: “Sa 2 Corinto 10:5, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa ‘pagdadala sa bawat kaisipan sa pagkabihag upang gawing masunurin iyon sa Kristo.’ Sa aming tahanan, tinuruan kaming maging masunurin sa mga pamantayan at tagubilin ni Jehova. Ang katotohanan ay aming buhay. Ang pagdalo sa pulong ay paraan ng pamumuhay. Hinding-hindi ko maiisip ang paggawa ng ibang bagay sa gabi ng pulong. Regular na bahagi rin ng aming buhay ang ministeryong Kristiyano​—hindi kailanman isang pagpipilian. Nasumpungan namin ang aming mga kaibigan sa Kingdom Hall. Hindi na namin kailangang maghanap sa iba pa. Ano pa nga ba ang magagawa ng isang ama para sa kaniyang mga anak maliban sa ilagay sila sa daan patungo sa buhay!”

Charlie: “Nangingibabaw sa aking isipan ang Kawikaan 1:7. Ito’y kababasahan ng ganito: ‘Ang takot kay Jehova ay pasimula ng kaalaman. Ang mga mangmang lamang ang humahamak sa karunungan at disiplina.’ Tinulungan kami ng aking mga magulang na mabatid na tunay si Jehova at maunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng takot at pag-ibig sa kaniya. Mangangatuwiran sila sa amin, na sinasabi: ‘Huwag ninyong gawin ito dahil lamang sa sinabi namin ito. Ano sa palagay ninyo? Ano sa palagay ninyo ang nadarama ni Jehova kapag nakikita niya ito? Ano sa palagay ninyo ang nadarama ni Satanas?’

“Iyan ang tumulong sa amin na maunawaan ang tunay na isyu. Hindi namin makakasama sa lahat ng panahon sina Itay at Inay. Magagawa lamang nilang ikintal sa aming puso at isipan ang mga katotohanan ng Bibliya. Kami-kami na lang sa paaralan, sa trabaho, at kasama ng aming mga kaibigan. Ang mabuting pagkatakot kay Jehova ang nakatulong sa amin​—at taglay pa rin namin ito sa ngayon.

“Gayundin, patuloy na ipinakikipag-usap sa amin ni Inay ang tungkol sa kaniyang ministeryo bilang isang payunir at ang maiinam na karanasan niya. Lagi siyang positibo tungkol sa ministeryo, at nagkaroon ito ng magandang epekto sa amin. Gaya niya, nagkaroon kami ng pag-ibig sa mga tao at naunawaan namin na ang bahay-bahay na gawain ay totoong kasiya-siya.”

Dahilan Upang Magpasalamat

May asawa na ngayon ang aking mga anak, at mayroon akong limang kaibig-ibig na mga manugang na babae, pawang naglilingkod nang tapat kay Jehova. Pinagpala rin ako ng lima pang lalaki​—oo, limang apong lalaki! Ang lahat ay pinalalaki upang ibigin si Jehova at panatilihing nasa pangunahing dako sa kanilang buhay ang kaniyang Kaharian. Dalangin namin na balang araw sila’y maging matatanda, gaya ng kanilang mga tatay at ng kanilang lolo.

Hindi pa natatagalan pagkamatay ni Dean, sumulat ang isa sa mga anak ko: “Talagang hahanap-hanapin ko si Itay, sapagkat natutulog na siya ngayon. Wala nang kirot. Wala nang pagdurusa. Wala nang operasyon, iniksiyon, at mga tubo sa pagpapakain​—katahimikan lamang. Hindi man lamang ako nakapagpaalam bago siya namatay. Hindi laging nangyayari ang mga bagay ayon sa plano mo. Masasabi ko lamang na determinado akong gamitin ang aking buhay upang naroroon ako para salubungin siya sa pagkabuhay-muli!”

Anong laki ng pasasalamat ko kay Jehova para sa aking maibiging asawa at sa tiyak na pag-asa ng pagkabuhay-muli! (Juan 5:28, 29) At anong laki ng ipinagpapasalamat ko sa Kaniya dahil sa aking limang anak na lalaki!

[Larawan sa pahina 23]

Si Helen Saulsbery at ang kaniyang pamilya ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share