Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 4/8 p. 5-7
  • Pambuong-Daigdig ang Krisis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pambuong-Daigdig ang Krisis
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ipinahamak ng Kanilang Pinagkakatiwalaan
  • Nakapanlulumong mga Epekto
  • Pag-iingat sa Tahanan
    Gumising!—1993
  • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?
    Gumising!—2007
  • Pag-ibig at Katarungan sa Harap ng Kakila-kilabot na Kasamaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Karaniwang Maling mga Palagay
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 4/8 p. 5-7

Pambuong-Daigdig ang Krisis

ANG kalunus-lunos na masaker ng mga batang lansangan sa Brazil ay isa pang halimbawa ng kahinaan ng mga batang walang nagmamahal. Sinabi ng ulat mula sa bansang iyon na may ilang daang bata ang pinapaslang doon taun-taon.

Makahayop na sinasalakay ang mga bata sa Dunblane, Scotland, at sa Wolverhampton, Inglatera, at sa marami pang lugar. Halimbawa, isipin lamang ang pagdurusang dinanas ng 12-taóng-gulang na si Maria, isang ulilang taga-Angola na hinalay at nagdalang-tao. Pagkaraan ay sapilitan siyang pinaglakad nang mga 320 kilometro, anupat dahil dito’y napaanak siya nang wala sa oras at ang sanggol na kulang sa buwan ay nabuhay lamang nang dalawang linggo. Kasunod na namatay si Maria pagkalipas ng isang linggo, maysakit at payat na payat.

Noong 1992, isang ulat mula sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang nagsabi na “‘ang pakikidigma laban sa mga bata’ ay likha ng ika-20 siglo.” Ayon sa isang ulat ng UNICEF noong 1996 ang pangmalas ng ilan na ‘ang darating pang henerasyon ng kaaway, alalaong baga’y mga anak ng mga kaaway, ay dapat ding iligpit.’ Ganito naman ang pagkakasabi ng isang pulitikal na komentarista: “Upang mapatay ang malalaking daga, kailangang patayin mo muna ang maliliit na daga.”

Dalawang milyong bata ang buong-karahasang pinatay nitong nakalipas na sampung taon. Apat na milyon naman ang nabalda, nabulag, o nagkadiperensiya sa utak dahil sa mga bombang nakabaon sa lupa, na sa paano man ay nagsisikap makaraos kasama ng maraming milyun-milyon na nawalan ng kanilang mga tahanan dahil sa mga digmaan. Hindi nga kataka-taka na ganito ang maging ulong-balita ng isang ulat: “Nakapangingilabot na Pangitain ng Kalupitan ng Digmaan sa mga Bata.”

Ang kabuktutang ito na ginagawa sa mga bata ay isang salot sa sangkatauhan, isang katiyakan na ang mga bata ay nasa krisis, hindi lamang sa iilang bansa kundi sa buong daigdig. At ang maraming batang inabuso ay ipinahamak pa rin.

Ipinahamak ng Kanilang Pinagkakatiwalaan

Ang pagsira sa pagtitiwala ng isang bata ay nag-iiwan ng malalim na pilat. Lalo na itong totoo kapag isang magulang, kaibigan, o guro ang sumira sa pagtitiwala ng bata. Makikita ang lawak ng pang-aabuso ng mga magulang sa mga bata sa dami ng tawag sa teleponong hot line matapos ibrodkas ang isang programa na pinamagatang “Pinatahimik Dahil sa Takot: Paglalantad at Pagwawakas ng Pang-aabuso sa mga Bata,” sa pamamagitan ng kilalang host ng talakayan na si Oprah Winfrey sa Estados Unidos. “Ang karamihan sa nakagugulat na mga tawag hinggil sa krisis ay mula sa mga bata, na tumatawag sa kabila ng takot, anupat nagnanais na makawala sa kirot ng pisikal at seksuwal na pang-aabuso,” sabi ng executive producer na si Arnold Shapiro, gaya ng pagkasipi sa babasahing Children Today.

Malaki ang nagawa ng programang ito sa pag-aalis ng maling akala na ang mga nang-aabuso sa bata ay malalaki at nakatatakot na mga estranghero. Ang totoo, “ang karamihan ng pang-aabuso ay kagagawan ng mga magulang at ng iba pang malapit na kamag-anak,” pagtatapos ni Shapiro. Tiniyak ng iba pang pagsusuri ang natuklasang ito at ipinakikita rin na kung minsan ay inihahanda ng pinagkakatiwalaang mga kaibigan ng pamilya ang bata at ang pamilya para sa isinaplanong pang-aabuso sa bata sa hinaharap. Ang insesto ang pinakanakapangingilabot na sumisira sa pagtitiwala.

Ang seksuwal na pang-abuso ng mga pedopilya ay isa pa ring panganib sa mga bata sa buong daigdig. Ganito ang ibinigay na pangangahulugan ng Trends & Issues in Crime and Criminal Justice: “Ang pedopilya ay tumutukoy sa seksuwal na pagkaakit sa mga musmos . . . Palagi nang kasangkot sa pedopilya ang paggawa ng krimen, gaya ng seksuwal na pag-atake, kahalayan at mga pagkakasalang may kaugnayan sa pornograpiya sa bata.”

Ang nakasusukang mga ulat hinggil sa mga pangkat ng pedopilya, na buong-kasakimang nagsasamantala sa mga bata sa seksuwal na paraan, ay lumalaganap mula sa lahat ng bansa. (Tingnan ang kahon sa pahina 7.) Ang mga biktima ay kapuwa mga batang lalaki at batang babae. Palibhasa’y naakit ng walang-prinsipyong mga lalaki, sila’y seksuwal na inabuso at pagkatapos ay tinatakot o kaya’y labis na pinalalayaw upang manatili sila sa “asosasyon.” Ang mga lalaking nagpaplano at nagsasagawa ng buktot na mga gawang ito ay karaniwan nang mga prominenteng lider ng pamayanan at kung minsan ay ginagawa ito na alam at may proteksiyon ng pulisya at korte.

Ang seksuwal na pang-aabuso ng mga klerigo sa mga bata ay pumupukaw rin ng galit. Ang mga balita mula sa buong daigdig ay nagsisiwalat ng lawak ng pang-aabuso ng mga klerigo sa mga bata, na kung minsan ay sa ngalan pa nga ng Diyos. Halimbawa, sinabi ng nahatulang paring Anglikano sa kaniyang sampung-taóng-gulang na biktima na “ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan niya [ng klerigo], at anuman ang gawin niya o anuman ang gawin [ng bata] ay iniibig ng Diyos kung kaya tama ito.”

Sa Australia, isang repaso sa aklat na The Battle and the Backlash: The Child Sexual Abuse War ang nagkomento tungkol sa pang-aabuso sa mga bata ng mga klerigo at iba pang dapat sana’y mapagkakatiwalaan. Sinabi nito na waring ang ikinababahala ng nasasangkot na mga organisasyon ay ang malimitahan ang pinsala sa kanilang sariling pangalan at maprotektahan ang kanilang sarili sa halip na ipagsanggalang ang walang kalaban-labang mga bata.

Nakapanlulumong mga Epekto

Ang pagtitiwala ng isang bata ay lubus-lubusan, anupat walang kapasu-pasubali. Kaya kapag sinira ang pagtitiwalang iyan, ito’y nagkakaroon ng nakapanlulumong mga epekto sa walang kahina-hinalang isipan ng bata. Ganito ang sabi ng publikasyong Child Abuse & Neglect: “Ang mga tao at lugar na dati’y itinuturing na ligtas o suporta ay kaugnay na ngayon ng panganib at takot. Ang daigdig ng bata ay mahirap na ngayong hulaan at makontrol.”

Bilang resulta ng gayong pang-aabuso, na ang karamihan nito ay patuloy na isinagawa sa loob ng maraming taon, ang ilang bata sa kalaunan ay nagkaroon ng mga suliraning kaugnay ng pakikipag-kapuwa at pangkaisipan, na umabot hanggang sa sila’y tumuntong sa hustong gulang. Ang ganitong pagsira sa tiwala ay talagang nakapipinsala sapagkat ang isang bata ay sinamantala dahil sa siya ay isang bata. Gayunman, maraming bata na inabuso ay hindi kailanman nagsusumbong​—isang katotohanan na mahigpit na pinanghahawakan ng mga nang-aabuso.

Nito lamang kamakailang taon, dumarami ang ebidensiya ng pambuong-daigdig na pag-abuso sa bata, anupat ngayon ay gabundok na ang gayong ebidensiya na hindi maipagkakaila o maipagwawalang-bahala. Subalit sumasang-ayon ang karamihan na ang pagsugpo sa pag-abuso sa bata ay isang napakalaking trabaho. Kaya bumabangon ang mga katanungang ito: Mayroon bang sino man na totoong makapagsasanggalang sa buhay ng ating walang kalaban-labang mga anak? Paanong ang ilan sa atin na mga magulang ay makapag-iingat ng ating bigay-Diyos na mana at makapagsasanggalang sa maselan na buhay ng ating mga anak? Kanino makahihingi ng tulong ang mga magulang?

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Paniniktik sa Internet

Mga ilang buwan ang nakaraan, sa isa sa pinakamalalaking paniniktik na isinagawa kailanman sa Internet laban sa pornograpya sa bata, nilusob ng pulisya buhat sa 12 bansa ang mga tahanan ng mahigit sa 100 pinaghihinalaang mga pedopilya. Buhat sa iisa lamang pangkat ng pedopilya sa Estados Unidos, nakumpiska nila ang mahigit sa 100,000 pornograpikong larawan ng mga bata.

Ang Britanong sekreta na nangasiwa sa limang-buwang imbestigasyon sa Internet ay nagsabi: “Walang-pagsalang babaligtad ang sikmura ng sinumang tao na may matinong kaisipan kapag nakita ang mga nilalaman nito.” Ang mga bata ay babae at lalaki, na ang ilan ay dalawang taóng-gulang lamang. Ang pulisya sa Belgium ay nagsabi na ang mga larawan sa Internet ay “ang pinakakasuklam-suklam na paglalarawan ng porno[grapya] sa bata. . . . Lumawig pa ito anupat inabuso ng mga tao ang sarili nilang mga anak upang makapagpakita ng pinakamagandang litrato.” Isang lalaki ang nag-ingat ng kaniyang mga litrato habang pinagsasamantalahan ang kaniyang pamangkin at ipinasok iyon sa kaniyang computer.

Kabilang sa mga pinaghihinalaan ay mga guro, isang siyentipiko, estudyante ng abogasya, estudyante ng medisina, punong iskaut, accountant, at isang propesor sa pamantasan.

[Larawan sa pahina 6]

Ang kanang kamay ng batang lalaking ito ay nabalda dahil sa bomba

[Credit Line]

UN/DPI Photo by Armineh Johannes

[Picture Credit Line sa pahina 7]

Photo ILO/J. Maillard

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share