Pagtataksil—Ang Kalunus-lunos na mga Bunga Nito
“Iiwan na kita,” sabi ng tinig sa telepono. Malamang na ito na ang pinakamasakit na salitang sinabi ng asawa ni Pata sa kaniya. “Talagang hindi ako makapaniwalang ako’y pinagtaksilan,” sabi niya. “Ang aking labis na kinatatakutan—na baka ako’y iwan ng aking asawa at sumama sa ibang babae—ay nagkatotoo.”
PINAGSIKAPANG mabuti ni Pat, 33 taóng gulang, na maging maayos ang kanilang pagsasama; tiniyak sa kaniya ng kaniyang asawa na hindi siya nito kailanman iiwan. “Sumumpa kaming magsasama anuman ang mangyari,” nagunita ni Pat. “Akala ko’y tapat siya. Pagkatapos ay . . . ginawa niya ito. Wala nang natira sa akin ngayon—ni pusa o gold fish—wala kahit isa!”
Hindi kailanman malilimutan ni Hiroshi ang araw na iyon nang matuklasan ang pagtataksil ng kaniyang ina. “Ako’y 11 taóng gulang lamang noon,” nagunita niya. Galit na galit na humahangos si Mommy sa bahay. Kasunod niya si Daddy, habang sinasabing, ‘Maghunus-dili ka. Pag-usapan muna natin ito.’ Alam kong may masamang nangyayari. Halos madurog ang puso ni Daddy. Hindi pa naghihilom ang kaniyang damdamin. Bukod pa riyan, wala siyang mapaghingahan ng sama ng loob. Kaya ako ang nilapitan niya. Isip-isipin lamang: isang lalaking mahigit na 40 taóng gulang ang humihingi ng kaaliwan at pagdamay mula sa kaniyang 11 taóng gulang na anak!”
Ito man ay mga nakahihiyang pakikipagrelasyon na sumira sa mga maharlika, mga pulitiko, artista sa pelikula, at mga lider ng relihiyon o pagtataksil at kalungkutan sa ating sariling mga pamilya, ang pagtataksil sa asawa’y patuloy na nagdudulot ng napakasamang epekto. Ang “pangangalunya,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay waring kasinlaganap at, sa ilang pagkakataon, ay kasimpalasak ng pag-aasawa.” Tinataya ng ilang mananaliksik na nasa pagitan ng 50 at 75 porsiyento ng mga may asawa ang nakaranas nang magtaksil. Sinabi ng mananaliksik ukol sa pag-aasawa na si Zelda West-Meads na bagaman napananatiling lihim ang karamihan sa ginagawang pagtataksil, “ipinakikita ng lahat ng katibayan na patuloy na dumarami ang pakikipagrelasyon sa iba.”
Iba’t Ibang Damdamin
Bagaman nakagugulat, hindi isinisiwalat ng estadistika sa pagtataksil at diborsiyo ang talagang epekto nito sa buhay ng mga tao. Bukod pa sa napakalaking epekto nito sa pinansiyal, isaalang-alang din ang gabundok na mga sama ng loob na nakatago sa mga estadistikang iyon—ang napakaraming luhang tumulo at ang di-matapus-tapos na pagkalito, pagkahapis, pagkabalisa, at matinding kirot na dinaranas nila, gayundin ang di-mabilang na mga gabing walang tulog ng mga miyembro ng pamilya dahil sa pagdadalamhati. Maaaring malampasan ito ng mga biktima, subalit malamang na mahabang panahon din nilang tataglayin ang mga naiwan nitong pilat. Hindi madaling malimutan ang sakit at pinsalang idinulot nito.
“Karaniwan nang nagdudulot ng isang matinding pagsabog ng damdamin ang paghihiwalay ng mag-asawa,” ang paliwanag ng aklat na How to Survive Divorce, “isang pagsabog na kung minsa’y nagpapalabo sa iyong pangmalas. Ano ang dapat mong gawin? Paano ka dapat kumilos? Paano mo haharapin ang lahat ng ito? Maaaring magpabagu-bago ka mula sa pagiging tiyak tungo sa pag-aalinlangan, mula sa pagkagalit tungo sa paninisi sa sarili o mula sa pagtitiwala tungo sa paghihinala.”
Iyan ang naranasan ni Pedro nang matuklasan niya ang pagtataksil ng kaniyang asawa. “Kapag may nagtataksil,” pagtatapat niya, “sinasakmal ka ng sunud-sunod at nakalilitong damdamin.” Napakahirap para sa mga biktima mismo na maunawaan ang nadaramang pagkasira ng loob—lalo pa nga ang ibang tao, na walang kaalam-alam sa situwasyon. “Walang sinuman,” sabi ni Pat, “ang talagang makauunawa ng aking nararamdaman. Kapag naiisip ko ang aking asawa na kasama ng ibang babae, talagang napakasakit ng aking nadarama, kirot na hindi kayang ipaliwanag kahit kanino.” Dagdag pa niya: “May mga panahong parang mababaliw ako. May araw na parang nakakayanan ko ito; may araw namang hindi. May araw na pinananabikan ko siya; may araw namang naaalaala ko ang lahat ng mga lihim na balak at pagsisinungaling at kahihiyan.”
Galit at Pagkabalisa
“Kung minsan,” pag-amin ng isang biktima ng pagtataksil, “ang damdaming nadarama mo ay matinding sama ng loob.” Hindi lamang ito labis na pagkagalit sa ginawang mali at sa pinsalang dulot nito. Sa halip, gaya ng paliwanag ng isang peryodista, iyon ay “paghihinanakit sa dapat sana’y naging isang maligayang pagsasama, na nasira.”
Karaniwan din na makadamang sila’y walang halaga at may pagkukulang. Pagtatapat ni Pedro: “Ganito ang nadarama mo: ‘Hindi kaya ako kaakit-akit? Ano pa kaya ang kulang sa akin?’ Pasisimulan mo ngayong suriin ang iyong sarili upang makita kung saan ka nagkamali.” Sa kaniyang aklat na To Love, Honour and Betray, tiniyak ni Zelda West-Meads, ng British National Marriage Guidance Council: “Isa sa pinakamahirap harapin . . . ay ang pagkawala ng pagpapahalaga sa iyong sarili.”
Pagkadama ng Kasalanan at Panlulumo
Ang mga damdaming ito ay karaniwan nang sinusundan ng biglang pagkadama ng kasalanan. Sabi nga ng isang pinanghihinaan ng loob na asawang babae: “Sa palagay ko’y labis na naghihirap ang mga babae dahil sa pagkadama ng kasalanan. Sinisisi mo ang iyong sarili at nagtatanong: ‘Saan ako nagkamali?’”
Isang pinagtaksilang asawang lalaki ang nagsiwalat ng isa pang aspekto ng tinatawag niyang pabagu-bagong damdamin. Ipinaliwanag niya: “Ang panlulumo ay nagiging isang bagong elemento na namuong gaya ng isang masamang panahon.” Nang iwan siya ng kaniyang asawa, nagunita ng isang asawang babae na walang araw na hindi siya umiiyak. “Tandang-tanda ko pa ang unang araw na hindi ako umiyak ilang linggo matapos niya akong iwan,” pagkukuwento niya. “Mga ilang buwan muna ang lumipas bago sumapit ang aking unang isang linggo na hindi na ako umiiyak. Ang mga araw at linggong iyon na hindi ako umiiyak ay naging isang mahalagang pangyayari na naging pasimula ng aking panibagong buhay.”
Dobleng Katraiduran
Ang hindi natatanto ng marami ay na ang mangangalunya ay nagdudulot ng mapait na dobleng pananakit sa kaniyang kabiyak. Sa anong paraan? Nagpahiwatig si Pat sa atin: “Napakahirap niyaon para sa akin. Hindi ko lamang siya asawa kundi kaibigan din naman—matalik kong kaibigan—sa loob ng maraming taon.” Oo, halos palagi nang sa asawang lalaki humihingi ng tulong ang isang asawang babae kapag may bumabangong problema. Ngayon, hindi lamang sa ito ang pinagmulan ng napakasakit na problema kundi winakasan na rin nito ang pagiging siyang pinagmumulan ng higit na kinakailangang tulong. Biglang-bigla, nagdulot ito ng matinding kirot at inalisan nito ang kaniyang kabiyak ng isang mapagkakatiwalaang katapatang-loob.
Bunga nito, ang matinding pagkadama na sila’y pinagtaksilan at ang pagkasira ng pagtitiwala ay naging isa sa pinakamasakit na damdaming naranasan ng mga pinagkasalahang kabiyak. Ipinaliwanag ng isang tagapayo sa pag-aasawa kung bakit ang pagtataksil sa asawa ay maaaring makasalanta ng damdamin: “Ipinuhunan natin ang ating buong sarili, ang ating pag-asa, mga pangarap at inaasahan, sa pag-aasawa . . . , anupat naghahanap ng mapaglalagakan ng ating tiwala, isa na sa palagay natin ay laging maaasahan. Kapag biglang nabigo ang pagtitiwalang iyan, ito’y para na ring isang bahay na yari sa baraha na biglang tinangay ng hangin.”
Maliwanag na maliwanag, gaya ng sinabi sa aklat na How to Survive Divorce, “kailangan [ng mga biktima] ang tulong upang mapag-aralang mabuti ang gumugulo sa kanilang damdamin . . . Baka kailangan nila ang tulong upang magpasiya kung ano ang maaari nilang gawin at kung paano nila iyon gagawin.” Subalit ano nga ba ang mga dapat gawin?
‘Dapat pa kaya kaming magkabalikan?’ baka itanong mo. ‘O dapat na akong makipagdiborsiyo?’ Lalo na kapag nagkalamat na ang pagsasama, baka nakatutuksong ipasiya agad na diborsiyo ang solusyon sa inyong problema. ‘Tutal,’ baka ikatuwiran mo, ‘ipinahihintulot naman ng Bibliya ang diborsiyo kung ang saligan ay pagtataksil sa asawa.’ (Mateo 19:9) Sa kabilang dako naman, baka ikatuwiran mo na hindi naman ipinipilit ng Bibliya ang pagdidiborsiyo. Kung gayon, baka madama mong higit na makabubuti na magkabalikan na lamang at itayong-muli at patibayin ang pagsasama bilang mag-asawa.
Diborsiyuhin man o hindi ang isang taksil na kabiyak, ito’y isang personal na desisyon. Ngunit, paano mo kaya malalaman ang nararapat gawin? Una, pakisuyong suriin ang ilang salik na tutulong sa iyo upang mabatid kung posible pang makipagbalikan.
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan.