Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 4/22 p. 16-19
  • Bundok Sinai—Isang Hiyas sa Iláng

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bundok Sinai—Isang Hiyas sa Iláng
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggalugad sa Bundok
  • Pag-akyat sa Karatig na Ras Safsafa
  • Sa Loob ng Monasteryo
  • Isang Malungkot na Paghihiwalay
  • Pagsagip sa Codex Sinaiticus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Sinai—Bundok ni Moises at ng Awa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Sinai
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Codex Sinaiticus
    Glosari
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 4/22 p. 16-19

Bundok Sinai​—Isang Hiyas sa Iláng

HINDI ko malilimutan kailanman ang katuwaang nadama ko nang unang makita ko ang tradisyunal na Bundok Sinai. Habang nagpapasikut-sikot kami sa mainit at maalikabok na daan ng Sinai Peninsula sa Ehipto, biglang narating ng aming taksi ang malawak at lantad na lantad na Kapatagan ng er-Raha. Ang kahanga-hangang anyo ng Bundok Sinai ay nakatambad nang mataas sa pinakasahig ng kapatagan. Para itong isang hiyas, na inilagay sa disyerto. Isip-isipin na lamang na maaaring ito ang mismong bundok kung saan tinanggap ni Moises ang Kautusan mula sa Diyos!

Bagaman pinagtatalunan pa rin ang eksaktong lugar ng Bundok Sinai sa Bibliya, maraming siglo nang nagpupunta rito ang mga peregrino dahil naniniwala sila na ito nga ang bantog na bundok. Noon pang ikatlong siglo C.E., dumating ang mga asetiko, sa layuning ibukod ang kanilang sarili sa relihiyosong pag-iisip. Noong ikaanim na siglo, iniutos ni Emperador Justinian I ng Byzantium na magtayo rito ng isang tulad-moog na monasteryo upang ipagsanggalang ang mga asetikong ito, at upang matiyak ang presensiya ng mga Romano sa lugar na ito. Ang monasteryong iyon, na naroroon sa paanan ng tradisyunal na Bundok Sinai, ay kilala ngayon bilang ang monasteryo ni St. Catherine. Bakit hindi mo ako samahan sa aking paglalakbay patungo sa Bundok Sinai?

Paggalugad sa Bundok

Matapos kaming maglakbay sa tigang na libis, kami ng aking kasama ay ibinaba ng Bedouin na drayber ng taksing sinasakyan namin sa mismong ibaba ng monasteryo. Ang tanawin ay napalilibutan ng matatalim na tipak ng bato, at napakagandang pagmasdan ang mga pader ng monasteryo na may tanim na mga punungkahoy sa gilid at ang luntiang hardin nito. Subalit nilampasan namin ito, yamang ang aming pangunahing layunin ay ang akyatin ang taluktok sa gawing timog at magkampo roon nang magdamag. Ang taluktok na ito, ang Gebel Musa, na nangangahulugang “Bundok ni Moises,” ay tradisyunal na iniuugnay sa Bundok Sinai.

Ang dalawang-oras na pag-akyat ay nagdala sa amin sa tinatawag na Lunas ni Elias, isang maliit na nayon na bumabagtas sa tagaytay ng Bundok Sinai na may habang dalawang milya. Ayon sa tradisyon, narinig ni Elias ang tinig ng Diyos sa isang kuweba sa di-kalayuan. (1 Hari 19:8-13) Nagpahinga kami sa ilalim ng isang punungkahoy na sipres na 500 daang taon na ang edad. Mayroon ding sinaunang balon dito. Tunay na nasiyahan kami sa malinaw at malamig na tubig nito na inialok sa amin ng isang palakaibigang Bedouin!

Habang sinusundan ang karaniwang ruta ng mga turista, pinagsumikapan naming akyatin sa loob ng 20 minuto pa ang 750 baytang na bato patungo sa taluktok. Doon ay nasumpungan namin ang isang maliit na simbahan. Iginiit ng mga monghe na itinayo ito sa mismong dako na kung saan tinanggap ni Moises ang Kautusan. Katabi ng simbahan ang isang bitak sa bato kung saan sinasabing nagtago si Moises nang dumaan ang Diyos. (Exodo 33:21-23) Subalit ang totoo, walang nakaaalam sa eksaktong lokasyon ng mga lugar na ito. Magkagayunman, napakaganda ng tanawin sa itaas! Minasdan namin ang hile-hilera at mamula-mulang mga granitong bundok na dumadalisdis sa likuran ng mabatong kapatagan sa ibaba. Sa gawing timog-kanluran ay naroroon naman ang Gebel Katherina, o Bundok Catherine​—na may 2,637 metro, ang pinakamataas na dako sa lugar na iyon.

Pag-akyat sa Karatig na Ras Safsafa

Isa pang araw ang naglaan sa amin ng pagkakataon upang maakyat ang Ras Safsafa, ang taluktok na matatagpuan sa mismong dalawang-milyang tagaytay na kinaroroonan ng Gebel Musa. Ang Ras Safsafa ang taluktok sa gawing hilaga, at ito’y mas mababa nang kaunti sa Gebel Musa. Nakagugulat ang taas ng Ras Safsafa mula sa Kapatagan ng er-Raha, kung saan nagkampo marahil ang mga Israelita nang umakyat si Moises upang tanggapin ang Kautusan mula kay Jehova.

Habang paakyat kami sa Ras Safsafa sa isang tanawin na may mas mabababang taluktok at mga libis, nadaanan namin ang pinabayaang mga kapilya, hardin, at mga bukal​—mga bakas ng isang panahon nang naninirahan dito sa mga kuweba at mga silid na bato ang mahigit na isandaang monghe at ermitanyo. Ngayon ay iisa na lamang ang natirang monghe.

Nakausap namin ang nag-iisang mongheng ito sa isang hardin na napalilibutan ng isang mataas na bakod ng alambreng may tinik. Nang patuluyin niya kami, ipinaliwanag niya na limang taon na siyang nagtatrabaho sa hardin na ito, anupat bumababa lamang sa monasteryo nang minsan sa isang linggo. Itinuro sa amin ng monghe ang patungong Ras Safsafa, at nagpasikut-sikot kami paakyat hanggang, sa wakas, nakatayo na kami sa isang dakong mas mataas sa nakapalibot na mga taluktok. Kitang-kita namin ang malawak na Kapatagan ng er-Raha sa ibaba namin. Lalo na mula sa mataas na dakong ito, naguguniguni ko ito bilang ang dako sa bundok na inakyat ni Moises mula sa kampo ng mga Israelita upang tumindig sa harap ng Diyos. Inilalarawan ko sa aking isip ang tatlong milyong Israelita na nagkakatipon “sa harap ng bundok” sa malawak na kapatagang ito. Nakikini-kinita kong bumababa si Moises sa isang karatig na bangin, dala ang dalawang tapyas na sa mga ito’y nakasulat ang Sampung Utos.​—Exodo 19:2; 20:18; 32:15.

Palibhasa’y nasulit ang aming nakapapagod na pag-akyat, marahan kaming naglakad pabalik sa aming tolda habang papalubog ang araw. Sa pamamagitan ng liwanag ng isang maliit na apoy, binasa namin ang mga bahagi ng Exodo na naglalarawan sa mga karanasan ni Moises dito, at pagkatapos ay natulog na kami. Kinabukasan bago magtanghali, kumakatok na kami sa pintuan ng monasteryo ni St. Catherine.

Sa Loob ng Monasteryo

Ang monasteryo ni St. Catherine ay itinuturing bilang isa sa pinakamahalagang monumento sa Sangkakristiyanuhan. Sa pangangasiwa ng mga mongheng Griego Ortodokso, ito’y bantog hindi lamang dahil sa kinaroroonan nito kundi dahil din sa mga imahen at aklatan nito. Sa kalakhang bahagi ng kasaysayan nito, talagang napakalayo ng monasteryo ni St. Catherine anupat ang pagdating ng mga bisita ay isang pambihira at masayang okasyon. Niyayakap ng mga monghe ang kanilang bisita, magiliw silang hinahalikan, at hinuhugasan pa nga ang kanilang mga paa. Malayang nakalilibot ang mga bisita sa napakarami’t halu-halong mga gusali sa likuran ng 45-talampakan-ang-taas na mga pader ng monasteryo. ‘Dumito kayo ng isang linggo, isang buwan, hangga’t gusto ninyo’ ang magalang na sinasabi palagi ng mga monghe. Subalit sa kasalukuyan, ang pagkamapagpatuloy ng humigit-kumulang na isang dosenang natitirang monghe ay labis na nasasagad. Ngayon ay umaabot sa 50,000 bisita ang dumarating bawat taon upang tingnan ang monasteryo.

Dahil sa mga pulutong na ito, tatlong oras na lamang ang itinakdang pagbisita sa loob ng isang araw, at limang araw lamang sa loob ng isang linggo. Kaunting bahagi na lamang ng monasteryo ang maaaring dalawin ng mga bisita​—isang looban na kinaroroonan ng Balon ni Moises (na ayon sa alamat ay doon nakilala ni Moises ang kaniyang mapapangasawa), ang Simbahan ng Pagbabagong-Anyo (ang pinagtatalunang pinakamatandang ginagamit na simbahan sa daigdig), at isang tindahan ng aklat. Ipinakikita rin sa mga turista ang Kapilya ng Nagniningas na Palumpong​—ang mismong dako, ang sabi ng mga monghe sa mga turista, kung saan unang nasaksihan ni Moises ang presensiya ng Diyos. Yamang itinuturing ito ng mga monghe bilang ang pinakabanal na dako sa lupa, ang mga bumibisita rito ay hinihilingang mag-alis ng kanilang sapatos, gaya ng iniutos ng Diyos kay Moises.​—Exodo 3:5.

Nalungkot kami dahil hindi kami pinahintulutang makita ang bantog na aklatan ng monasteryo, ang aming pangunahing interes sa pagpunta rito. Ang kahilingan namin ukol sa eksepsiyon ay sinalubong ng bulalas ng giya: “Imposible! Magsasara na ang monasteryo sa loob ng ilang minuto.” Subalit pagkaraan ng ilang sandali, nang malayo na kami sa naglilibot na grupo, binulungan kami ng giya: “Halikayo rito!” Pagkatapos sumuot sa ilalim ng mga lubid, umakyat sa mga hagdanan, at lampasan ang isang mongheng Pranses na nagulat nang makita kami roon, natagpuan namin ang aming sarili na nakatayo sa isa sa pinakamatanda at pinakabantog na aklatan! Dito ay may 4,500 akda, sa wikang Griego, Arabe, Syriac, at Ehipsiyo. Minsa’y nakalagay rin dito ang walang kasing-halagang Codex Sinaiticus.​—Tingnan ang kahon sa pahina 18.

Isang Malungkot na Paghihiwalay

Ang aming paglilibot ay natapos sa labas ng mga pader ng monasteryo sa pagdalaw sa tipunan ng mga kalansay. Doon, ang mga buto ng mga monghe at ermitanyo sa lumipas na mga salinlahi ay ibinunton nang napakataas, anupat magkakahiwalay na ibinunton ang mga buto ng paa, braso, bungo, at iba pa. Ang mga bungo ay halos umabot na sa kisame. Bakit kinailangan ang gayong nakapangingilabot na lugar? Maliit lamang ang sementeryo ng mga monghe. Kaya kapag may namatay, kaugalian na nilang alisin ang mga buto mula sa pinakamatagal nang libingan upang magkaroon ng isang dakong paglilibingan. Nakikini-kinita na ng bawat monghe na balang araw ay mapapasama ang kaniyang buto sa mga buto ng kaniyang kasama sa tipunan ng mga kalansay.

Kaya ang aming pagdalaw ay waring natapos sa isang malungkot na paraan. Subalit talagang sulit naman ang lahat. Nasiyahan kami na makita ang kahanga-hangang tanawin at ang bantog na monasteryo. Ngunit habang papaalis kami, lalo kaming pinahanga ng bagay na baka nilakaran namin ang mismong daan na dinaanan ni Moises at ng bansang Israel 3,500 taon na ang nakararaan dito sa Bundok Sinai​—isang hiyas sa iláng.​—Isinulat.

[Kahon sa pahina 18]

Isang Napakahalagang Tuklas

Noong nakalipas na siglo, natuklasan ng Alemang iskolar sa Bibliya na si Konstantin von Tischendorf sa monasteryo ni St. Catherine ang isang ikaapat-na-siglong Griegong manuskrito sa Bibliya, na ngayo’y tinatawag na Codex Sinaiticus. Kalakip dito ang marami sa Hebreong Kasulatan, mula sa bersiyon ng Griegong Septuagint, at ang buong Griegong Kasulatan. Ang manuskrito ay isa sa pinakamatandang kinikilalang kumpletong mga kopya ng Griegong Kasulatan.

Nais ni Tischendorf na ilathala ang nilalaman ng “walang-kaparis na hiyas” na ito, gaya ng tawag niya rito. Ayon kay Tischendorf, iminungkahi niya sa mga monghe na dapat ibigay ang manuskrito sa czar ng Russia​—na, bilang tagapagsanggalang ng Simbahang Griego Ortodokso, ay makagagamit ng kaniyang impluwensiya sa kapakanan ng monasteryo.

Nakadispley sa dingding ng monasteryo ang isang salin ng isang liham na iniwan ni Tischendorf, na nangangakong ‘ibabalik ang manuskrito, nang walang sira at naingatang mabuti, sa Banal na Pagkakapatiran ng Bundok Sinai minsang ito’y hilingin.’ Subalit nadama ni Tischendorf na hindi nauunawaan ng mga monghe ang labis na kahalagahan ng manuskrito o ang pangangailangang mailathala ito. Hindi na ito ibinalik sa monasteryo ni St. Catherine. Bagaman nang dakong huli ay tinanggap ng mga monghe ang 7,000 ruble mula sa pamahalaan ng Russia para sa manuskrito, hanggang sa panahong ito ay naghihinala pa rin sila sa pagtatangka ng mga iskolar na ihayag ang kanilang mga kayamanan. Nang dakong huli ay nakarating sa British Museum ang Codex Sinaiticus, kung saan makikita ito ngayon.

Kapansin-pansin, 47 kahon ng imahen at mga pergamino ang natuklasan noong 1975 sa ilalim ng hilagaang pader ng monasteryo ni St. Catherine. Kasali sa mga tuklas na ito ang mahigit na isang dosena ng mga nawawalang pahina ng Codex Sinaiticus. Hanggang ngayon, ang mga pahinang ito ay hindi maaaring ipakita sa lahat kundi sa isang maliit na grupo lamang ng mga iskolar.

[Mga mapa sa pahina 17]

Bundok Sinai

[Credit Lines]

NASA photo

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Kapatagan ng er-Raha, at Ras Safsafa

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Mga larawan sa pahina 18]

Gebel Musa at monasteryo ni St. Catherine

[Credit Lines]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

Kuhang larawan sa kagandahang-loob ng British Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share