Comenius—Ang Ninuno ng Makabagong Edukasyon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CZECH REPUBLIC
BILANG isang guro, alam na alam ni John Comenius ang mga pagkukulang ng sistemang pampaaralan na kinabibilangan niya noong ika-17 siglo. Totoo, walang sistemang pang-edukasyon ang kailanma’y sakdal, subalit ang sistemang pampaaralan noong ika-17 siglo sa Europa ay talagang nakatatakot.
Sa halip na basta magreklamo o mag-akusa, nagpasiya si Comenius na kumilos may kinalaman dito. Ano ang ginawa niya, at bakit niya ginawa ito? Bukod pa riyan, ano ang matututuhan natin mula sa taong tinawag na ninuno ng makabagong edukasyon?
Pagpapalaki at Edukasyon
Si John Amos Comenius (Jan Ámos Komenský, sa kaniyang katutubong Czech) ay isinilang noong Marso 28, 1592, sa Moravia, isang rehiyon sa ngayo’y kilalang Czech Republic. Siya ang bunso sa limang anak, ang kaisa-isang anak na lalaki ng isang may-kayang mag-asawa na mga magsasaka.
Ang kaniyang mga magulang ay miyembro ng Unity of Brethren (nang maglao’y nakilala bilang ang Bohemian Brethren o ang Moravian Church), isang relihiyosong grupo na nagmula noong kalagitnaan ng ika-15 siglo sa ilalim ng impluwensiya ng mga Waldenses at ng iba pang Repormador na gaya ni Peter Chelčický. Nang matapos ang kaniyang pag-aaral sa Alemanya, nagbalik si Comenius sa kaniyang lupang tinubuan. Nang maglaon, sa gulang na 24 anyos, siya’y naordina bilang isang pari ng Unity of Brethren.
Kung Bakit Siya Napatapon
Noong 1618, si Comenius ang nangasiwa sa isang maliit na parokya sa Fulnek, na mga 240 kilometro sa silangan ng Prague. Nang panahong iyon, nangyayari ang Katolikong Kontra-Repormasyon laban sa Protestantismo sa Europa. Patuloy na tumindi ang tensiyon sa pagitan ng mga Katoliko at mga Protestante hanggang, sa wakas, sumiklab ang Tatlumpung Taóng Digmaan (1618-48).
Pagkatapos ng isang dekadang labanan, ipinahayag na ang relihiyong Romano Katoliko ang siyang tanging relihiyon na kinikilala ng batas sa Moravia. Pinapili sina Comenius at ang mga miyembro ng nakatataas na uri—tanggapin ang Katolisismo o lisanin ang bansa. Yamang hindi pa handang makumberte si Comenius, inilipat niya ang kaniyang pamilya sa ibang bansa sa maliit na bayan ng Leszno, isang kilalang sentro ng gawain para sa Unity of Brethren sa Poland. Ito ang naging pasimula ng isang pagkapatapon na tumagal ng 42 taon. Kailanma’y hindi na siya muling nanirahan sa kaniyang lupang tinubuan.
“Mga Matadero ng Isip”
Nakasumpong ng trabaho si Comenius sa pagtuturo ng Latin sa Leszno Gymnasium—isang panimulang paaralan para sa mga estudyante sa kolehiyo. Subalit sa loob ng maikling panahon, hindi siya nasiyahan sa di-angkop na mga paraan sa pagtuturo—at ito’y may mabuting dahilan.
Ang sistemang pampaaralan noong panahon ni Comenius ay nasa napakasamang kalagayan. Halimbawa, mga lalaki lamang ang itinuturing na karapat-dapat tumanggap ng edukasyon, gayunman ay hindi kasali ang mga lalaking isinilang na mahirap. Ang pagtuturo sa silid-aralan ay pangunahin nang binubuo ng paglalagay sa isip ng mga estudyante ng mga salita, pangungusap, at palaugnayang Latin. Bakit? Sapagkat karamihan ng mga paaralan noong Edad Medya ay kontrolado ng Simbahang Katoliko, na nagdaraos ng liturhiya nito sa Latin. Kaya, mahalaga ang pagtuturo ng Latin upang matiyak ang patuloy na pagmumulan ng mga makakalap para sa pagkapari.
Karagdagan pa, hindi isinaalang-alang ang pagtatatag ng espesipikong mga tunguhin sa pag-aaral, ni nagdisenyo man ng instruksiyon upang unti-unting akayin ang mga estudyante mula sa payak na mga ideya tungo sa masalimuot na mga ideya. Mahigpit ang disiplina, kung minsan ay malupit, at nakasisindak ang moral na kapaligiran.
Kung gayon, hindi kataka-taka na minsang inilarawan ng gurong si Simon Laurie na taga-Scotland ang mga paaralan noong ika-17 siglo na “padaskul-daskol” at “hindi kawili-wili.” Mas angkop pa nga ang paglalarawan ni Comenius. Tinawag niya ang mga paaralan na “mga matadero ng isip.”
Lumitaw ang Isang Bagong Paraan ng Pagtuturo
Hindi si Comenius ang unang nagsalita tungkol sa pangangailangan para sa pagbabagong pang-edukasyon. Sa Inglatera, tinuligsa ni Francis Bacon ang pagdiriin sa Latin at iminungkahi ang pagbabalik sa pag-aaral ng kalikasan. Sumubok din ng mga pagbabago sina Wolfgang Ratke at John Valentine Andreae sa Alemanya gayundin ang iba pa. Subalit, silang lahat ay hindi nagtamo ng opisyal na pagtangkilik sa kanilang mga ideya.
Nagmungkahi si Comenius ng isang sistema na gagawing kawili-wili at hindi nakababagot ang pag-aaral. Tinawag niya ang kaniyang pamamaraang pang-edukasyon na pampaedia, ibig sabihin ay “pansansinukob na edukasyon.” Tunguhin niyang magtatag ng isang progresibong sistema ng pagtuturo na doo’y masisiyahan ang bawat isa. Ang mga bata’y dapat turuan sa pasulong na baytang, aniya, ng panimulang mga ideya na hahantong naman sa mas mahihirap na ideya. Itinaguyod din ni Comenius ang paggamit ng sariling wika sa unang mga taon ng pag-aaral sa halip na ng Latin.
Gayunman, hindi lamang sa panahon ng pagbibinata’t pagdadalaga ang saklaw ng edukasyon kundi dapat na umiinog ito sa buong landasin ng buhay ng isa. Isinulat ni Comenius na ang pag-aaral ay dapat na “lubusang praktikal, lubusang kalugud-lugod, anupat ginagawang isang tunay na laro ang paaralan, yaon ay, isang kaiga-igayang panimula sa ating buong buhay.” Naniniwala rin siya na ang paaralan ay dapat na nakatuon sa pagtuturo hindi lamang sa isip kundi sa buong persona—na dapat ay kasama rito ang moral at espirituwal na pagtuturo.
Ang mga Akda ni John Comenius
Ang una sa mga akda ni Comenius sa larangan ng pagtuturo ay pinamagatang The Great Didactic at ang The School of Infancy, na inilathala noong 1630.a Ang huling banggit na aklat ay dinisenyo bilang pantulong para sa mga ina at mga yaya kapag nagtuturo sa mga bata sa bahay. Ito’y sinundan noong 1631 ng The Gate of Languages Unlocked, na talagang bumago sa pagtuturo ng Latin. Ito’y inayos na may magkatapat na mga hanay ng teksto, isa sa Czech at isa sa Latin. Kaya, madaling maihahambing ang dalawang wika, anupat ito’y mas madaling matutuhan. Ang kaniyang rebisadong edisyon ng pantulong na ito sa pagtuturo ay lubhang tinanggap anupat nang maglaon ay isinalin ito sa 16 na wika.
Ang pinakakilala at marahil ang pinakasimpleng akda ni Comenius ay ang The Visible World, isang may-larawang giya sa pagbabasa para sa mga bata. Isa rin itong mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng edukasyon. Si Ellwood Cubberley, isang propesor ng edukasyon noong ika-20 siglo, ay nagsabi na ito’y “nanatiling walang kakompetensiya sa Europa sa loob ng isang daan at labinlimang taon; at ito’y ginamit bilang panimulang aklat pampaaralan sa loob halos ng dalawang daang taon.” Sa katunayan, sinusunod pa rin ng marami sa may-larawang mga aklat pampaaralan sa ngayon ang panlahat na balangkas ng akda ni Comenius, na gumagamit ng mga ilustrasyon bilang pantulong sa pagtuturo.
Agad na ibinunyi si Comenius na isang henyo. Sa buong Europa ay itinuring siya ng mga iskolar bilang isang lider at hinahangad ang kaniyang payo. Ayon sa aklat na Magnalia Christi Americana, tumindi ang katanyagan ni Comenius hanggang sa punto na noong 1654, siya ay inanyayahang maglingkod bilang pangulo ng Harvard University, sa Cambridge, Massachusetts. Subalit, tumanggi si Comenius, sapagkat hindi siya naghahangad ng katanyagan, kaluwalhatian, o mataas na tungkulin.
Ano ang Nag-udyok sa Kaniya?
Pagkatapos isaalang-alang ang buhay ni Comenius, natural lamang na magtanong ang isa kung ano ba ang nag-udyok sa kaniya. Minalas ni Comenius ang edukasyon bilang isang puwersa para sa pagkakaisa ng sangkatauhan. Iginiit niya na ang pansansinukob na edukasyon ay makatutulong upang maingatan ang kapayapaang pandaigdig.
Iniugnay rin ni Comenius ang kaalaman sa pagiging makadiyos. Naniniwala siya na sa pagtatamo ng kaalaman, ang sangkatauhan sa wakas ay nailalapit sa Diyos. At maaaring iyan ang kaniyang pangunahing motibo.
Ang malalim na unawa ni Comenius sa edukasyon ay mabisa pa rin sa ngayon. Ang kaniyang sistematikong mga paraan ng pagtuturo, pati na ang paggamit ng mga pantulong na biswal, ay ginagamit sa buong daigdig—halimbawa, sa literatura na inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Sa isahan, ang bawat isa sa atin ay makikinabang sa paggamit ng kaniyang mga paraan kapag nagsasagawa ng personal na pag-aaral sa Bibliya o kapag nagdaraos ng isang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Paano?
“Ang mga estudyante ay hindi dapat na labis na pabigatan ng mga paksang hindi angkop sa kanilang edad, pang-unawa, at kasalukuyang kalagayan,” ang sulat ni Comenius. Kaya kapag nagtuturo sa inyong mga anak tungkol sa Bibliya o anumang iba pang paksa, sikaping iangkop sa kanila ang mga leksiyon. Sa halip na gamitin ang pormal na tanong-at-sagot na paraan, bakit hindi sila kuwentuhan tungkol sa mga tauhan sa Bibliya? Isangkot sila, marahil sa pagpapaguhit sa kanila ng mga larawan ng mga pangyayari sa Bibliya o sa paghimok sa kanila na isadula ang mga drama sa Bibliya. Gamitin ang inyong imahinasyon! Ang mga resulta ay sulit sa pagsisikap.—Kawikaan 22:6.
Samantalahin din ang may-larawang literatura na pantanging idinisenyo para sa progresibong pagtuturo sa mga kabataan, gaya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.b At kapag nagtuturo sa mga estudyante ng Bibliya sa anumang edad, manguna upang gawing “lubusang praktikal, lubusang kalugud-lugod” ang kanilang karanasan.
Isang Namamalaging Pamana
Nang magkasunog sa bayan ng Leszno noong 1656, nawalan si Comenius ng halos lahat ng bagay na taglay niya. Mabuti na lamang, nag-iwan siya ng ibang uri ng kayamanan. Ganito ang sabi ng aklat na A Brief History of Education: “Ibinaling ni Comenius . . . ang buong pagdiriin sa pagtuturo mula sa mga salita tungo sa mga bagay, at ginawa niyang pangunahin sa kaniyang akda ang pagtuturo ng kaalamang makasiyensiya at kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa daigdig.”
Tunay, maaaring parangalan si Comenius dahil sa ginawa niyang isang siyensiya ang pagtuturo. Talagang binago ng kaniyang mga paraan ng pagtuturo ang silid-aralan. Ang Amerikanong guro na si Nicholas Butler ay nagsabi: “Ang dako ni Comenius sa kasaysayan ng edukasyon ay isa na dapat pahalagahan. Ipinakilala niya at nangibabaw siya sa buong makabagong kilusan sa larangan ng edukasyong elementarya at sekondarya.” May dahilan din upang magpasalamat sa ninuno ng makabagong edukasyon ang mga Saksi ni Jehova, na mga masugid na estudyante ng Bibliya.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]
ILANG SIMULAIN SA PAGTUTURO NI JOHN COMENIUS
Tungkol sa dami ng ituturo: “Ang guro ay dapat magturo, hindi kung gaano karami ang maituturo niya, kundi kung gaano karami ang mauunawaan ng mag-aaral.”
Tungkol sa mga paraan ng pagtuturo: “Ang pagtuturo nang mainam ay ang makatulong sa isa na matuto nang mabilis, kaayaaya, at lubusan.”
“Ang isang may kakayahang guro [ay] isa na nakaaalam kung paano matiyagang titiisin ang kawalang-alam ng kaniyang mga estudyante at kung paano rin mabisang aalisin ang kawalang-alam na ito.”
“Ang pagtuturo ay nangangahulugan lamang ng pagpapakita kung paano naiiba ang isang bagay sa isa pa sa kanilang magkakaibang layunin, anyo, at pinagmulan. . . . Kaya nga, siya na nakapagpapaliwanag na mabuti sa mga pagkakaiba ay nagtuturong mainam.”
Tungkol sa makatuwirang kaugnayan: “Anumang bagay ang walang kaugnayan ay hindi mauunawaan o mapahahalagahan at sa gayo’y hindi maisasaulo.”
“Kung walang detalye, halos imposibleng maunawaan o mapagpasiyahan ang isang bagay at imposible ring maisaulo ito.”
Tungkol sa pagkaunawa: “Upang maunawaan ang anumang bagay, kailangang maunawaan kung bakit at kung paanong ang bagay na ito sa anumang bahagi nito ay nauugnay sa iba pang bagay at kung paano at hanggang saan ito naiiba sa iba pang bagay na katulad nito.”
“Sinasabing dapat nating basahin ang isang bagay nang minsan upang malaman kung ano ang nilalaman nito; nang dalawang beses, upang maunawaan ito; nang tatlong beses, upang maisaulo ito; sa ikaapat na beses ay dapat na tahimik na maulit natin ito upang masubok ang ating sarili kung lubusan nga nating naunawaan ito.”
[Larawan]
Isang pahina mula sa “The Visible World,” edisyon ng 1883
[Larawan sa pahina 24]
Isang panimulang aklat na pambata sa Alemanya noong 1775, na naglalakip ng mga simulain sa pagtuturo ni Comenius