Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 5/22 p. 10-13
  • “Ang mga Bata ay Maseselan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang mga Bata ay Maseselan”
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matatayog na Simulain
  • Mga Modernong Katotohanan
  • Ang Tunay na Kasagutan
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Tulungang Sumulong ang Inyong mga Anak
    Gumising!—1997
  • Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 5/22 p. 10-13

“Ang mga Bata ay Maseselan”

‘Ang mga bata ay maseselan; marahan lamang ang gagawin kong paglalakbay, ayon sa bilis ng mga bata.’​—Jacob, ama ng maraming anak, ika-18 siglo B.C.E.

HINDI na bago ang pagmamaltrato sa mga bata. Ang mga sinaunang sibilisasyon​—gaya ng mga Aztec, Canaanita, Inca, at mga taga-Fenicia​—ay kasumpa-sumpa sa paghahain ng mga bata. Natuklasan sa ginawang paghuhukay sa lunsod ng Cartago sa Fenicia (ngayo’y nasa labas ng Tunis, Hilagang Aprika) na noong pagitan ng ikalima at ikatlong siglo B.C.E., umaabot sa 20,000 bata ang inihain sa diyos na si Baal at sa diyosang si Tanit! Lalong nagiging kagulat-gulat ang bilang na ito kung iisipin na sa panahon ng kasikatan nito, ang Cartago ay sinasabing may mga 250,000 mamamayan lamang.

Gayunman, may isang sinaunang lipunan na naiiba. Sa kabila na sila’y naninirahan sa gitna ng mga karatig na malulupit sa mga bata, naiiba ang bansang Israel sa pakikitungo nito sa mga bata. Ang ama ng bansang iyan, ang patriyarkang si Jacob, ay nagpakita ng halimbawa. Ayon sa aklat ng Bibliya na Genesis, habang sila’y papauwi sa kanilang lupang tinubuan, pinabagal ni Jacob ang lakad ng kaniyang buong pangkat upang hindi maging mahirap sa mga bata. “Ang mga bata ay maseselan,” aniya. Noong panahong iyon ang kaniyang mga anak ay nasa pagitan ng 5 at 14 na taon. (Genesis 33:13, 14) Ang kaniyang mga supling, ang mga Israelita, ay nagpakita ng katulad na paggalang sa mga pangangailangan at dignidad ng mga bata.

Tiyak, maraming ginagawa ang mga bata noong panahon ng Bibliya. Habang sila’y lumalaki, ang mga batang lalaki ay binibigyan ng kani-kanilang ama ng praktikal na pagsasanay sa agrikultura o ng isang trabaho, gaya ng karpinterya. (Genesis 37:2; 1 Samuel 16:11) Habang nasa bahay, ang mga batang babae naman ay tinuturuan ng kani-kanilang ina ng mga kakayahang pambahay na pakikinabangan nila sa kanilang paglaki. Si Raquel, asawa ni Jacob, ay isang babaing pastol noong siya’y bata pa. (Genesis 29:6-9) Ang mga kadalagahan noon ay nagtatrabaho sa mga bukid kapag anihan na ng mga binutil at gayundin sa mga ubasan. (Ruth 2:5-9; Awit ni Solomon 1:6)a Ang gayong trabaho ay karaniwan nang ginagawa sa maibiging pangangasiwa ng mga magulang at nilalakipan ng edukasyon.

Kasabay nito, alam din ng mga bata sa Israel ang kasiyahan ng pag-aaliw at paglilibang. Binanggit ng propetang si Zacarias ang tungkol sa ‘mga liwasang bayan ng lunsod na punô ng mga batang lalaki at mga batang babae na naglalaro.’ (Zacarias 8:5) At binanggit ni Jesu-Kristo ang mga batang nakaupo sa mga pamilihang-dako na tumutugtog ng plawta at sumasayaw. (Mateo 11:16, 17) Ano kaya ang nasa likod ng gayong marangal na pakikitungo sa mga bata?

Matatayog na Simulain

Habang sinusunod ng mga Israelita ang mga batas ng Diyos, hindi nila kailanman inabuso o pinagsamantalahan ang kanilang mga anak. (Ihambing ang Deuteronomio 18:10 sa Jeremias 7:31.) Minamalas nila ang kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae bilang “mana mula kay Jehova,” “isang gantimpala.” (Awit 127:3-5) Itinuturing ng isang magulang ang kaniyang mga anak bilang ‘mga pasanga ng mga punong olibo sa buong palibot ng kaniyang mesa’​—at ang mga punong olibo ay napakahalaga sa lipunang iyan na mahilig sa pagsasaka! (Awit 128:3-6) Sinabi ng mananalaysay na si Alfred Edersheim na bukod sa mga salitang anak na lalaki at anak na babae, ang sinaunang Hebreo ay may siyam na salita para sa mga anak, na ang bawat isa ay para sa magkakaibang yugto ng buhay. Pagtatapos niya: “Tiyak, yaong matamang nagmamasid sa buhay ng bata upang mabigyan ng isang maliwanag na katawagan sa bawat pasulong na yugto ng pag-iral nito, ay tiyak na labis na nagmamahal sa kanilang mga anak.”

Noong panahong Kristiyano, ang mga magulang ay pinayuhang pakitunguhan ang kanilang mga anak nang may dignidad at paggalang. Nagpakita si Jesus ng isang napakahusay na halimbawa sa pakikitungo sa mga anak ng iba. Minsan sa pagtatapos ng ministeryo niya sa lupa, dinala ng mga tao ang kanilang mga anak sa kaniya. Malamang na dahil sa pag-aakalang di-dapat abalahin si Jesus dahil sa dami ng kaniyang ginagawa, tinangka ng mga alagad na pigilan ang mga tao. Subalit pinagsabihan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Hayaan ninyong ang maliliit na bata ay lumapit sa akin; huwag ninyong tangkaing pigilan sila.” “Kinuha [pa nga ni Jesus] ang mga bata sa kaniyang mga bisig.” Walang-alinlangang minalas niya ang mga bata bilang mahahalaga at karapat-dapat sa mabait na pakikitungo.​—Marcos 10:14, 16; Lucas 18:15-17.

Pagkaraan ay sinabi ni apostol Pablo sa mga ama: “Huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Bilang pagsunod sa utos na ito, hindi kailanman pahihintulutan ng mga magulang na Kristiyano, noon at ngayon, na maging biktima ang mga ito ng mapang-abusong mga kalagayan sa pagtatrabaho. Batid nila na upang sumulong ang mga bata sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan, kailangan ang mapagmahal, mapangalaga, at ligtas na kapaligiran. Dapat na madama ang tunay na pagmamahal sa bahagi ng mga magulang. Lakip dito ang pagsasanggalang nila sa kanilang mga anak mula sa nakapanlulupaypay na mga kalagayan sa pagtatrabaho.

Mga Modernong Katotohanan

Mangyari pa, tayo’y nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Dahil sa mahihirap na kalagayan sa ekonomiya, maging ang mga pamilyang Kristiyano sa maraming bansa ay kinailangang magpahintulot sa kanilang mga anak na magtrabaho na rin. Gaya ng nabanggit na, wala namang masama sa pagtatrabaho kung ito’y malinis at nakapagtuturo sa mga bata. Ang gayong trabaho ay nakapagpapasulong o nakatutulong sa pisikal, mental, espirituwal, moral, o sosyal na pag-unlad ng bata nang hindi nakahahadlang sa kinakailangang pag-aaral, balanseng paglilibang, at kinakailangang pamamahinga.

Walang-alinlangan, nais ng mga magulang na Kristiyano na magtrabaho ang kanilang mga anak sa ilalim ng kanilang mapagmahal na pangangasiwa, hindi halos mga alipin ng malulupit, walang-malasakit, o walang-prinsipyong mga amo. Tinitiyak ng gayong mga magulang na ang anumang uri ng trabahong ginagawa ng kanilang mga anak ay hindi naghahantad sa kanila sa pisikal, seksuwal, o emosyonal na pang-aabuso. Gayundin, ayaw nilang mapalayo ang kanilang mga anak. Sa ganitong paraan ay magagampanan nila ang kanilang papel ayon sa Bibliya bilang espirituwal na mga tagapagturo: “Dapat mong itimo [ang salita ng Diyos] sa iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.”​—Deuteronomio 6:6, 7.

Isa pa, ang isang Kristiyano ay sinasabihan na magpakita ng damdaming pakikipagkapuwa, magkaroon ng pagmamahal, at maging madamayin sa magiliw na paraan. (1 Pedro 3:8) Siya’y hinihimok na “gumawa ng mabuti sa lahat.” (Galacia 6:10) Kung ang mga makadiyos na katangiang iyan ay kailangang ipakita sa mga tao sa pangkalahatan, gaano pa nga kaya sa ating mga anak! Sa pagsunod sa Gintong Tuntunin​—“lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila”​—hindi kailanman pagsasamantalahan ng mga Kristiyano ang mga anak ng ibang tao, mga kapuwa Kristiyano man o hindi. (Mateo 7:12) Karagdagan pa, yamang ang mga Kristiyano ay mga mamamayang masunurin sa batas, nag-iingat sila na huwag lumabag sa mga batas ng pamahalaan kung tungkol sa limitasyon ng edad ng tao na nagtatrabaho sa kanila.​—Roma 13:1.

Ang Tunay na Kasagutan

Kumusta naman ang kinabukasan? Mas mabuting kalagayan ang nakalaan sa mga bata at gayundin sa matatanda. Nagtitiwala ang mga tunay na Kristiyano na ang permanenteng solusyon sa problema ng pagpapatrabaho sa mga bata ay ang dumarating na pandaigdig na pamahalaan na tinatawag ng Bibliya bilang “ang kaharian ng mga langit.” (Mateo 3:2) Ilang siglo nang idinadalangin ng may-takot sa Diyos na mga tao ang bagay na ito sa pagsasabi nila: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:9, 10.

Bukod sa iba pang bagay, aalisin ng Kahariang ito ang mga kalagayang umaakay sa pagpapatrabaho sa mga bata. Papawiin nito ang karalitaan. “Ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.” (Awit 67:6) Titiyakin ng Kaharian ng Diyos na lahat ay tatanggap ng tamang edukasyon batay sa makadiyos na mga katangian. “Kapag may mga kahatulan mula sa [Diyos] para sa lupa, katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.”​—Isaias 26:9.

Bubuwagin ng pamahalaan ng Diyos ang mga sistema ng ekonomiya na lumilikha ng pagkadi-pantay-pantay. Hindi na iiral ang pagtatangi sa lipi, lipunan, edad, o kasarian, yamang ang mananaig na batas ng pamahalaang iyan ay ang batas ng pag-ibig, lakip na ang utos na: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Sa ilalim ng matuwid na pandaigdig na pamahalaang iyan, lubusan nang mapapawi ang suliranin ng pagpapatrabaho sa mga bata!

[Talababa]

a Hindi ito nagpapababa sa mga kababaihan tungo sa pagiging segunda-klaseng miyembro ng pamilya na nababagay lamang sa pagtatrabaho sa bahay o sa bukid. Ang paglalarawan sa isang “asawang babae na may kakayahan” sa Kawikaan ay nagsisiwalat na ang isang may-asawang babae ay hindi lamang nangangasiwa sa sambahayan kundi nakikipagtransaksiyon din ng mga ari-ariang lupa, nagpupundar ng isang mabungang bukirin, at nagpapatakbo ng isang maliit na negosyo.​—Kawikaan 31:10, 16, 18, 24.

[Kahon sa pahina 12]

Pinalaya ng Isang Madam ang Kaniyang mga Alagang Babae

SA LOOB ng 15 taon, si Cecilia,b ay nagmamay-ari at nangangasiwa ng mga babaing nagbibili ng aliw sa isa sa mga isla sa Caribbean. Bumibili siya ng 12 hanggang 15 batang babae nang sabay-sabay, na karamihan sa kanila’y wala pang 18 taóng gulang. Ang mga batang babaing ito ay kinukulong nang labag sa kanilang kalooban dahil sa utang ng kanilang mga pamilya. Binabayaran ni Cecilia ang mga utang at kinukuha ang mga batang babae upang magtrabaho sa kaniya. Mula sa kinikita nila, inaawas niya ang para sa kanilang pagkain at mga gagastusin at ibinubukod ang isang bahagi para sa orihinal na pagkakabili sa kanila. Bumibilang sila ng mga taon bago nila makamit ang kanilang kalayaan. Hindi kailanman pinahihintulutan ang mga batang babae na lumabas ng bahay malibang may kasama silang guwardiya.

Tandang-tanda pa ni Cecilia ang isang partikular na kaso. Ang isang ina ng batang babaing nagbibili ng aliw ay dumarating linggu-linggo para kunin ang mga kahon ng pagkain​—pagkaing “pinagtrabahuhan” ng kaniyang anak na babae. Ang batang babaing iyan ay may inaalagaang anak na lalaki. Hindi siya makabayad-bayad sa kaniyang mga pagkakautang at wala nang pag-asang makalaya pa. Isang araw, nagpatiwakal siya at nag-iwan ng isang liham na nagsasabing ipinagkakatiwala niya ang kaniyang anak na lalaki sa pangangalaga ng kaniyang madam. Pinalaki ni Cecilia ang batang lalaki kasama ng kaniyang sariling apat na anak.

Isa sa mga anak na babae ni Cecilia ang nagpasimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Hinikayat si Cecilia na sumali sa pag-aaral, subalit sa pasimula ay tumanggi siya dahil hindi man lamang siya natutong bumasa at sumulat. Gayunman, unti-unti, sa mga nauulinigan niyang talakayan mula sa Bibliya, naunawaan niya ang pag-ibig at pagtitiis ng Diyos at hinangad ang kapatawaran niya. (Isaias 43:25) Dahil sa pagnanais na makapag-aral ng Bibliya mismo, di-nagtagal ay nagsimula na siyang matutong bumasa at sumulat. Habang sumusulong siya sa kaniyang natututuhan sa Bibliya, nakita niya ang pangangailangang umayon sa matatayog na pamantayang moral ng Diyos.

Isang araw, laking gulat ng mga batang babae nang sabihan sila na sila’y malaya nang makaaalis! Ipinaliwanag niya na ang kanilang ginagawa ay hindi nakalulugod kay Jehova. Isa man sa kanila’y walang nakabayad ng utang sa kaniya. Gayunman, dalawa ang nakitira sa kaniya. Ang isa pa’y naging bautisadong Saksi nang maglaon. Sa ngayon ay 11 taon nang buong-panahong nagtuturo ng Bibliya si Cecilia, na tumutulong sa ibang tao na makawala sa mga gawaing lumalapastangan sa Diyos.

[Talababa]

b Hindi niya tunay na pangalan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share