Ang Tubig-alat na Buwaya—Hari sa Daigdig ng mga Reptilya
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PALAU
ANG pamamahala sa kapuluan ng Palau, sa Karagatang Pasipiko, ay madalas hamunin. Ang unang kolonyang kapangyarihan na namahala sa mga islang ito sa tropiko, mga 890 kilometro sa silangan ng Pilipinas, ay ang Espanya. Nang maglaon, ang Espanya ay hinalinhan ng Alemanya, at ang Alemanya ng Hapón. Pagkatapos ng Hapón, ang Estados Unidos ang humalili at namahala sa rehiyon hanggang noong 1994 nang maging soberanyang estado ang Republika ng Palau.
Subalit, sa lahat ng panahong ito ng pagtatalo isa pang uri ng pamamahala sa mga isla ang hindi kailanman pinagtalunan. Ano ba ito? Ang pamamahala ng tubig-alat na buwaya—ang hindi matututulang hari sa daigdig ng reptilya sa Palau. Gayunman, mabuway na ngayon ang trono ng mga buwaya. Sa katunayan, sinabi ng mga mananaliksik na “malibang magsagawa ng apurahan at mahigpit na mga hakbang upang pangalagaan ang uring ito, malapit nang malipol ang tubig-alat na buwaya sa iláng ng Palau.”
Bakit nanganganib ang mga buwaya sa Palau? At bakit nga mabibigyan ang mga ito ng titulong hari sa daigdig ng mga reptilya?
Mga Panga!
Ang siyentipikong pangalan ng tubig-alat na buwaya ay Crocodylus porosus, na nangangahulugang “isang buwayang punô ng kalyo.”a Ang pangalang ito’y tumutukoy sa makaliskis na mga umbok sa pang-itaas na ibabaw ng nguso nito. Ang mga umbok na ito ay nag-aanyong dalawang gulugod mula sa mga mata hanggang sa butas ng ilong. Ang nguso ay hugis tatsulok at halos isang kapito ng haba ng buong katawan nito. Isang buwaya, na nakatanghal sa Museo ng Palau, ay sumusukat ng 40 centimetro sa pinakamalapad na bahagi ng napakalaking ulo nito!
Kapag bumuka ang ibabang panga nito, makikita mo ang tulad-gunting sa talas na mga ngipin nitong nakabaon sa mga panga na maaaring sumara nang pagkalakas-lakas. Ang tanging mahihinang bahagi ng mga panga ay ang mga kalamnan para bumuka ang mga ito. Sinasabi ng isang aklat na karaniwang sapat na ang isang lastikong goma upang mapanatiling nakasara ang bunganga ng buwayang dalawang metro ang haba.
Matalinong Dinisenyo
Ang ulo ng buwaya ay hindi lamang napakalaki kundi matalino ring dinisenyo para sa daigdig nito sa tubig. Tingnan mong mabuti (iyon lamang patay na buwayang pinalamnan ng bulak!), at makikita mo na ang mga tainga, mata, at butas ng ilong ang pinakamatataas na bahagi sa ulo nito. Ang mga ito’y bahagyang nakausli sa ibabaw ng tubig kapag lumulutang ang buwaya. Gayunman, kung pagmamasdan mong mabuti, kahit na kapag isinara ng hayop ang bibig nito, hindi nito nahahadlangang pumasok ang tubig, yamang wala itong labi na tumatakip sa buto sa panga. Subalit ang tubig na pumapasok sa bibig nito ay hindi dumadaloy sa lalamunan sapagkat may mga balbulang humaharang dito papasok sa lalamunan. At yamang ang hangin ay hinihingang papasok sa mga butas ng ilong at pumapasok sa katawan sa likod ng balbulang ito, ang buwaya ay nakahihinga kahit na ang bibig nito ay punô ng tubig.
At kumusta naman ang paningin sa ilalim ng tubig? Walang kaproble-problema. Samantalang nakalubog, ginagamit ng buwaya ang isang malinaw na lamad, o ikatlong talukap ng mata, sa mga mata nito. Iniingatan ng lamad na ito ang mata upang hindi lumabo ang paningin.
Napakalaki
Ang tubig-alat na buwaya ang pinakamalaking reptilya sa daigdig. Kapag ang mga lalaki ay umabot ng tres punto dos metro, ang mga ito’y nasa hustong gulang na subalit patuloy pa itong lumalaki sa loob ng marami pang taon. Si Mark Carwardine, awtor ng The Guinness Book of Animal Records, ay nagsasabi na isang kanlungan ng mga buhay-iláng sa India ang kinaroroonan ng isang lalaking tubig-alat na buwaya na ang haba ay sumusukat ng 7 metro!
Napakalaki rin ng tirahan ng buwaya. Sinabi ng aklat ding iyon na ang lawak ng tirahan ng tubig-alat na buwaya ay mas malaki kaysa sa lahat ng iba pang uri ng buwaya. Ang mga tubig-alat na buwaya ay nakatira sa lahat ng tropikong rehiyon ng Asia at Pasipiko, mula sa India hanggang sa Australia at sa kapuluan ng Palau.
Malaking Pagbabago
Ang mga latian ng bakawan sa mga isla ng Palau ay naglalaan ng lilim, proteksiyon, at saganang pagkain sa mga buwaya. Hindi kataka-taka, kung gayon, na piliin ng mga reptilyang ito ang kapuluan ng Palau na isang paboritong dako upang magparami at magpahinga. Sa katunayan, ang bilang ng mga buwayang nakatira sa mga islang ito noong mga taon ng 1960 ay tinatayang nasa pagitan ng 1,500 at 5,000.
Gayunman, noong Disyembre 1965, nagkaroon ng malaking pagbabago para sa mga buwaya sa Palau. Nang buwang iyon ay sinalakay at pinatay ng isang tubig-alat na buwaya ang isang mangingisdang taga-Palau. Pagkaraan ng ilang linggo, nabihag ang hayop at itinanghal sa publiko. Galit na galit ang bayan sa nabihag na hayop anupat ito’y pinatay.
“Isang Pakikipagdigma sa mga Buwaya”
Di-nagtagal pagkaraan nito, ang paliwanag ng mga dalubhasa sa buwaya na sina Harry Messel at F. Wayne King, ang awtoridad ay naglunsad ng “isang kampanya upang lipulin ang lahat ng buwaya sa Palau, saan man ito makita. Sa katunayan ito’y isang pakikipagdigma sa mga buwaya.” Nag-alok ng pabuya, naglagay ng mga bitag, at gumamit ng mga bangka upang tugisin ang mga hayop. Mula noong 1979 hanggang 1981, ang mga mangangaso ay nakabaril sa pagitan ng 500 at 1,000 buwaya. Binalatan nila ang mga hayop at ipinagbili ang mga balat nito.
Yamang ang nasa hustong gulang na mga buwaya ay may malalaking balat, naging pantanging puntirya ang mga ito. Gayunman, sa tuwing napapatay ng mga mangangaso ang isang babaing buwaya na nasa hustong gulang, nahahadlangan din nila ang pagpisa ng 1,000 o higit pang maliliit na buwaya na maaaring isilang ng babaing buwaya sa buong buhay nito. Dahil dito, lumiit ang populasyon ng buwaya. Noong mga unang taon ng dekada ng 1990, nasumpungan nina Messel at King na “wala pang 150 buwaya ang natitira sa iláng ng Palau.”
Totoo, may dahilan ang tao na mag-ingat sa mga tubig-alat na buwaya, sapagkat ang mga pagsalakay nito ay nakamamatay. Magkagayon man, ganito ang sabi ng awtor na si Carwardine, “ang pinsalang ginagawa nila sa atin ay napakaliit kung ihahambing sa pagkawasak na ginagawa natin sa kanila.”
Itinatag ang Ngardok Nature Reserve noong 1997. Bagaman ang lupang reserbadong ito ay hindi pangunahing itinatag para sa pangangalaga sa mga tubig-alat na buwaya, nakikinabang ito sa reserbadong lupa. Ang mga latian na nakapaligid sa Lawa ng Ngardok ay naglalaan ng dako sa mga buwaya upang magtago at magparami.
Maaaring hindi mo iniisip na maging isang matalik na kaibigan ang tubig-alat na buwaya, subalit hindi ka ba sang-ayon na ito’y isang kahanga-hangang hari?
[Talababa]
a Ang porosus ay galing sa salitang Griego na porosis, na ang ibig sabihin ay “isang kalyo,” at sa hulaping Latin na -osus, na nangangahulugang “punô ng.”
[Kahon sa pahina 27]
LUHA NG BUWAYA
Ang pagsasabing ang isa ay lumuluha ng mga luha ng buwaya ay nangangahulugang siya’y nagpapakita ng pamimighati o simpatiya na hindi taimtim. Subalit bakit ba inilalarawan na mga mapagpaimbabaw ang mga buwaya? Ayon sa The International Wildlife Encyclopedia, ang isang posibleng pinagmulan ng kasabihang ito ay ang bagay na pinananatiling basa ng mga buwaya ang kanilang mga mata. Kaya naman, ang “mga luha, o tubig na naiipon sa kanilang mga talukap, ay maaaring tumulo sa mga gilid ng kanilang mata. Ito, pati na ang permanenteng ngiti ng kanilang mga panga, ang maaaring pinagmulan ng kanilang maalamat na reputasyon bilang mga mapagpaimbabaw.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 27]
BUWAYA O ALIGEYTOR?
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang buwaya at ng isang aligeytor? Ang kitang-kitang pagkakaiba ay nasa kanilang mga ngipin. Sa simpleng pananalita, kapag nakasara ang mga panga ng buwaya, makikita mo ang malaking ikaapat na ngipin ng ibabang panga. Subalit, sa kaso ng aligeytor, tinatakpan ng pang-itaas na panga ang ngipin na ito.
[Mga larawan]
Buwaya
Aligeytor
[Credit Line]
F.W. King photo
[Mga larawan sa pahina 26]
Tingnan mo ang mga ngipin na iyon!
[Credit Lines]
Sa kagandahang-loob ng Koorana Crocodile Farm, Rockhampton, Queensland, Australia
© Adam Britton, http://crocodilian.com
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Relations