Maputulan ng Isang Binti o Braso—Kung Paano Mo Mababawasan ang Panganib
POSIBLE namang maiwasan ang karamihan sa mga kaso ng pagkawala ng binti o braso! At totoo ito maging sa mga taong may peripheral vascular disease (PVD). Gaya ng binanggit sa nakaraang artikulo, ang PVD ay karaniwan nang resulta ng diyabetis.a Nakatutuwang sabihin, ang diyabetis ay madalas nang makontrol.
“Ang pagdidiyeta ang pinakasusi ng paggamot sa diyabetis, inihatol man o hindi ang pagpapaineksiyon ng insulin,” sabi ng The Encyclopædia Britannica. Ganito ang sabi sa Gumising! ni Dr. Marcel Bayol, ng Kings County Hospital sa New York City: “Kung isinasaloob ng mga may diyabetis ang kanilang karamdaman, iniingatan ang kanilang pagkain, at nagpapagamot, mababawasan nila ang panganib na maputulan ng mga binti.” Ang mga may Type II na diyabetis na sumusunod sa payong ito ay maaari pa ngang makaramdam ng pagbuti sa kanilang kalagayan pagsapit ng panahon.b
Kailangan ang Ehersisyo
Mahalaga rin ang ehersisyo. Tumutulong ito sa katawan upang mapanatili sa normal ang antas ng glucose, o asukal. Kapag nakitang may PVD, makatutulong ang ehersisyo sa pagpapanatili ng kinakailangang lakas, pagiging malambot ng katawan, at pagdaloy ng dugo sa mga lugar na napinsala. Nakatutulong din ang ehersisyo na mabawasan ang pasumpung-sumpong na pagkapilay—ang kirot na nararamdaman ng mga may PVD sa kalamnan ng kanilang binti kapag sila’y naglalakad o nag-eehersisyo. Gayunman, dapat iwasan ng ganitong mga tao ang mga ehersisyong nakakapamitig at nakakatagtag sa kanilang mga binti. Kabilang sa mas angkop na mga ehersisyo ay paglalakad, pamimisikleta, pagsagwan, paglangoy, at aqua aerobics. Palaging kumonsulta muna sa doktor bago magdiyeta o magpasimula ng isang pantanging programa ng pag-eehersisyo.
Mangyari pa, ang paninigarilyo ay dapat iwasan ng sinumang nagnanais na maging malusog. Ang PVD ay isa lamang sa mahabang talaan ng mga karamdamang idinudulot o pinalulubha ng paninigarilyo. “Malaki ang nagagawa ng paninigarilyo sa pagputol ng bahagi ng katawan, lalo na nga kung ang naninigarilyo ay may diyabetis at PVD,” sabi ni Dr. Bayol. Gaano kalaki ang nagagawa nito? Sinasabi ng isang giya sa rehabilitasyon para sa mga pinutulan ng bahagi ng katawan na “10 ulit na mas mataas ang bilang ng naputulan sa mga naninigarilyo kaysa sa mga hindi naninigarilyo.”
Pangangalaga sa May-Kapansanang Binti at Braso
Nababawasan ang sirkulasyon patungo sa mga paa dahil sa PVD, na tumutuloy sa kondisyong tinatawag na neuropathy—pagkawala ng pakiramdam, o pamamanhid, ng mga nerbiyo. Sa gayon ay nagiging madaling mapinsala ang mga paa, kahit na ang isang tao ay namamahinga lamang sa higaan. Halimbawa, dahil sa wala naman siyang nararamdamang kirot, maaaring masunog nang husto ang maysakit kapag masyadong uminit ang kaniyang electric blanket o heating pad! Dahil dito, binababalaan ng mga tagagawa ang mga may diyabetis na mag-ingat kapag gumagamit ng mga produktong ito.
Ang may-kapansanang binti ay madali ring maimpeksiyon. Isang maliit na galos lamang ay maaaring humantong sa ulser o ganggrena pa nga. Kaya kailangang alagaan ang mga paa, at kabilang dito ang pagsusuot ng komportable at tamang-tamang sapatos at panatilihing malinis at tuyo ang mga binti at paa. Maraming ospital ang may mga pagamutan sa paa na nagtuturo sa mga pasyente sa pangangalaga ng mga paa.
Kapag lumala na ang PVD anupat kailangan na itong operahin, karaniwan nang sinisikap ng mga siruhano na iwasan ang pagputol. Isa sa mapagpipiliang pamamaraan ay ang balloon angioplasty. Ipinapasok ng siruhano sa mga ugat ang isang catheter na ang dulo ay lobo. Hinahanginan ang lobo, na siyang nagbubuka sa kumipot na arterya. Ang isa pang mapagpipilian ay ang bypass surgery—ipinapalit sa mga daluyan ng dugo na may malubhang kapansanan ang mga daluyan na kinuha mula sa ibang bahagi ng katawan.
Si Barbara, 54 na taóng gulang, ay may Type I na diyabetis mula pa noong siya’y apat na taóng gulang. Pagkapanganak niya sa kaniyang panganay, nagkaroon siya ng PVD sa kaniyang mga paa. Ipinayo ng ilang doktor sa kaniya na ipaputol na ang mga ito. Gayunman, nakatagpo si Barbara ng isang bantog na siruhano sa ugat na gumagamit ng angioplasty upang mapabuti ang sirkulasyon ng dugo tungo sa kaniyang mga paa. Pansamantalang nakabuti ang angioplasty, ngunit sa dakong huli ay kinailangan na rin ni Barbara ang bypass, na naging matagumpay naman. Sa ngayon ay alagang-alaga ni Barbara ang kaniyang mga paa.
Iwasang Masugatan
Ang sugat ay pangalawa sa pangunahing dahilan ng pagkawala ng binti o braso. Yamang wala itong pinipiling bahagi ng katawan, ang sugat ay maaaring magdulot ng pinsala sa alinmang bahagi ng katawan. Gayunman, ang isang makadiyos na pangmalas sa buhay ay makatutulong nang malaki upang mabawasan ang panganib na masugatan ang isang tao. Kahit na nagtatrabaho, nagmamaneho, o naglilibang, dapat ituring ng mga Kristiyano na ang kanilang mga katawan ay isang kaloob mula sa Diyos. Samakatuwid, nanaisin nilang igalang ang lahat ng kahilingan ukol sa kaligtasan at iwasan ang hangal na pagsasapanganib sa sarili.—Roma 12:1; 2 Corinto 7:1.
Ano ang ginagawa upang mabawasan ang panganib na masugatan dahil sa mga lupaing tinamnan ng mga minang pampasabog? Nagkaroon sa maraming bansa ng mga programang itinataguyod ng pamahalaan ukol sa kabatiran sa mga minang pampasabog. Ayon sa isang ulat ng panlahat na kalihim ng United Nations, itinuturo ng mga programang ito “sa mga populasyong nanganganib . . . kung paano mababawasan ang posibilidad na sila’y maging biktima habang naninirahan at nagtatrabaho sa mga lugar na may mga minang pampasabog.”
Nakalulungkot sabihin, “nasasanay na ang mga tao sa mga minang pampasabog kung kaya hindi na sila nag-iingat,” sabi ng isang ulat ng United Nations. “Kung minsan ay hinihimok ng mga relihiyosong turo [ang mga tao] na maniwalang may mga itinadhana na sa gayong mga panganib.” Gayunman, ang pagtatadhana ay hindi sinusuportahan ng Salita ng Diyos. Sa kabaligtaran, iminumungkahi ng Bibliya ang pag-iingat at kaligtasan.—Deuteronomio 22:8; Eclesiastes 10:9.
Kaya sa pamamagitan ng pag-iingat at paggawa ng makatuwirang hakbangin upang mapangalagaan ang iyong kalusugan, mababawasan mo nang husto ang panganib na maputulan ka ng binti o braso. Ngunit kumusta naman yaong mga naputulan na ng mga binti o braso? Makapagtatamasa pa ba sila ng makabuluhang buhay?
[Mga talababa]
a Maaari ring magsimula o lumubha ang mga diperensiya sa ugat ng mga paa kung ang isang tao ay nagsusuot ng mahihigpit na kasuutan sa gawing ibaba ng katawan o pagkasisikip na mga sapatos o palaging nakaupo (lalo na kung nakade-kuwatro ang mga paa) o nakatayo nang matagal.
b Ang mga taong may Type I na diyabetis ay nireresetahan ng araw-araw na pagpapaineksiyon ng insulin. Yaong may Type II na diyabetis (diyabetis na hindi dumedepende sa insulin) ay malimit na nakokontrol ang kanilang karamdaman sa pamamagitan ng diyeta at ehersisyo. Sa Estados Unidos, 95 porsiyento ng may diyabetis ang nasa Type II na diyabetis.
[Larawan sa pahina 4]
Ang paninigarilyo ay lubhang nagpapalaki ng panganib na maputulan ng isang binti o braso, lalo na yaong mga may karamdaman sa mga ugat
[Larawan sa pahina 5]
Ang angkop na ehersisyo at tamang pagdidiyeta ay nagbubunga ng isang malusog na sistema sa mga ugat