Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 6/22 p. 3-5
  • Talaga Nga Bang May Pasimula Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talaga Nga Bang May Pasimula Ito?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ebidensiya ng Isang Pasimula
  • Mga Implikasyon ng Ebidensiya
  • Uniberso—Punô ng Sorpresa
    Gumising!—2009
  • Ang Ating Kagila-gilalas na Uniberso—Isa Bang Produkto ng Pagkakataon?
    Gumising!—2000
  • Mga Aral na Natutuhan Buhat sa Sansinukob
    Gumising!—1992
  • Kung Ano ang Ipinaliliwanag ng “Big Bang”—Kung Ano ang Hindi
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 6/22 p. 3-5

Talaga Nga Bang May Pasimula Ito?

MALAON nang tinititigan ng marami ang langit kung gabi habang nakakalatan ng makikislap na bituin at sila’y napapahanga. Nag-uumapaw sa pagkamangha ang ating diwa dahil sa lawak at kahanga-hangang kagandahan ng ating kagila-gilalas na uniberso. Sino o ano ang makapagpapaliwanag ng lahat ng ito? Bakit ito naririto? Ito ba’y umiiral na antimano, o ito ba’y may pasimula?

Ganito ang isinulat ng propesor sa astronomiya na si David L. Block: “Na antimano ay hindi umiiral ang uniberso​—na ito’y may pasimula​—ay hindi karaniwang sinasang-ayunan.” Ngunit, nitong nakalipas na mga dekada, napilitang maniwala ang karamihan sa mga nag-aaral ng tungkol sa uniberso na ito nga’y talagang may pasimula. “Halos lahat ng astropisiko sa ngayon ay nagsasabi,” pag-uulat ng U.S.News & World Report noong 1997, na “ang uniberso ay nagsimula sa isang malaking pagsabog na nagpasambulat sa materya sa lahat ng direksiyon.”

Tungkol sa palasak na konklusyong ito, si Robert Jastrow, propesor sa astronomiya at heolohiya sa Columbia University, ay sumulat: “Maaaring iilang astronomo lamang ang nakapag-iisip-isip na ang pangyayaring ito​—ang biglang paglitaw ng Uniberso​—ay magiging isang napatunayang katotohanan sa siyensiya, ngunit napilitan silang tanggapin ang konklusyong iyan nang silipin nila ang kalangitan sa pamamagitan ng mga teleskopyo.”

Ang “biglang paglitaw [ba] ng Uniberso” ay talagang “isang napatunayang katotohanan sa siyensiya”? Tingnan natin ang patotoo ng kasaysayan na umakay sa konklusyon na gayon nga.

Ebidensiya ng Isang Pasimula

Ang general theory of relativity ni Albert Einstein, na inilathala noong 1916, ay nagpapahiwatig na ang uniberso ay lumalawak o kaya’y lumiliit. Ngunit, ang ideyang ito ay salungat na salungat sa karaniwang paniniwala noon na ang uniberso ay hindi lumalawak at hindi rin lumiliit, na siya ring pinaniniwalaan ni Einstein noon. Kaya isinama niya sa kaniyang pagkalkula ang tinatawag niyang “cosmological constant.” Ang pagbabagong ito ay ginawa upang sikaping mapaayon ang kaniyang teoriya sa pinaniniwalaan noon na ang uniberso ay hindi lumalawak o lumiliit at di-nagbabago.

Gayunman, ang ebidensiyang natipon noong dekada ng 1920 ay nagpangyari kay Einstein na tawagin ang pagbabagong ginawa niya sa relativity theory bilang ang kaniyang ‘pinakamalaking pagkakamali.’ Nakuha ang gayong ebidensiya dahil sa ikinabit na pagkalaki-laking 254-centimetrong teleskopyo sa Mount Wilson sa California. Ang mga nakita sa pamamagitan ng teleskopyong iyan noong dekada ng 1920 ay nagpatunay na ang uniberso ay lumalawak!

Noon, ang nasisilip sa pinakamalaking teleskopyo ay indibiduwal na mga bituin lamang sa loob ng ating sariling Milky Way na galaksi. Totoo, napansin ng mga nagmamasid ang malalabong patse ng liwanag na kilala bilang mga nebula, ngunit karaniwang inakala na ang mga ito’y umaalimpuyong singaw lamang sa loob ng ating sariling galaksi. Gayunman, nang gamitin ang mas malakas na teleskopyo sa Mount Wilson, nasilip ni Edwin Hubble ang indibiduwal na mga bituin sa loob ng mga nebulang ito. Nang dakong huli, ang malalabong patse ng liwanag na ito ay napatunayang mga galaksi pala na gaya ng ating sariling Milky Way. Ang totoo, tinataya ngayon na may 50 bilyon hanggang 125 bilyong galaksi, na bawat isa’y may daan-daang bilyong bituin!

Sa pagtatapos ng dekada ng 1920, natuklasan din ni Hubble na ang mga galaksing ito ay umuurong mula sa atin at habang lumalayo ang mga ito, lalong bumibilis ang pag-urong ng mga ito. Natiyak ng mga astronomo ang bilis ng pag-urong ng galaksi sa pamamagitan ng paggamit ng isang spectrograph, na sumusukat sa spectrum ng liwanag na nanggagaling sa mga bituin. Ang liwanag na nanggagaling sa malalayong bituin ay tumatagos sa isang prisma na nagsasabog ng liwanag na may iba’t ibang kulay.

Ang liwanag mula sa isang bagay na papalayo sa isang nagmamasid ay mamula-mula at tinatawag na redshifted. Sa kabilang banda naman, ang liwanag na nanggagaling sa papalapit na bagay ay tinatawag na blueshifted. Kapansin-pansin, bukod sa ilang malalapit na galaksi, lahat ng nakikilalang galaksi ay may redshift na mga linya sa spectrum. Kaya nga natitiyak ng mga siyentipiko na ang uniberso ay lumalawak sa isang maayos na paraan. Ang bilis ng paglawak na iyan ay natitiyak sa pamamagitan ng pagsukat sa antas ng pagiging redshifted ng mga linya sa spectrum.

Ano ang naging konklusyon sa katotohanan na ang uniberso ay lumalawak? Buweno, inanyayahan ng isang siyentipiko ang mga tao na gunigunihin kung babaligtarin ang proseso. Sa ibang pananalita, ilarawan sa isip ang isang pelikula tungkol sa lumalawak na uniberso na ipinalalabas nang pabaligtad kung kaya ang nakikita ng tagapanood ay ang pasimulang kasaysayan ng uniberso. Kung sa ganitong paraan panonoorin, makikita na ang uniberso ay umuurong o lumiliit, sa halip na lumalawak. Sa katapusan, ang uniberso kung gayon ay babalik sa pinagmulan nito.

Sa kaniyang aklat na Black Holes and Baby Universes and Other Essays, na inilathala noong 1993, ang naging konklusyon ng kilalang pisiko na si Stephen Hawking ay na posibleng hulaan ng siyensiya na talaga ngang may pasimula ang uniberso.”

Gayunman, ilang taon na ang nakalipas, marami ang hindi naniniwalang may pasimula ang uniberso. Si Fred Hoyle ay isang kilalang siyentipiko na hindi sumang-ayon sa konseptong ang uniberso ay lumitaw sa pamamagitan ng may pang-uuyam niyang tinawag na ‘big bang.’ Bukod sa ibang bagay, ikinatuwiran ni Hoyle na kung talagang may nangyaring gayong dinamikong pasimula, dapat na may naiwang bakas ng pangyayaring iyon sa isang lugar sa uniberso. Dapat na may ilang bakas ng radyasyon, wika nga, ilang malabong pamumula sa kalawakan. Ano ang isinisiwalat ng paghahanap ng gayong bakas ng radyasyon?

Iniulat ng The New York Times ng Marso 8, 1998 na noong mga 1965 “natuklasan ng mga astronomong sina Arno Penzias at Robert Wilson ang bakas ng radyasyon na nasa lahat ng dako, ang naiwang sinag ng kauna-unahang pagsabog.” Dagdag pa ng artikulo: “Ang teoriya [big bang] ay waring hindi na mapasusubalian.”

Subalit, nang sumunod na mga taon matapos matuklasan ito nina Penzias at Wilson, ibinangon ng ilan ang tanong na kung talagang totoo ang modelong big bang, bakit walang napansin ni bahagyang iregularidad sa signal ng radyasyon? Para mabuo ang mga galaksi, kailangan ng uniberso ang mas malamig at mas masinsing lugar na doon magsasanib ang materya. Gayunman, ang ginawang eksperimento nina Penzias at Wilson mula sa ibabaw ng lupa ay hindi nagsiwalat ng gayong iregularidad.

Kaya nga, noong Nobyembre 1989 ay pinalipad ng National Aeronautics and Space Administration ng Estados Unidos ang satelayt na Cosmic Background Explorer (COBE) sa labas ng kalawakan. Kamangha-mangha ang paglalarawan sa mga natuklasan nito. Ganito ang paliwanag ni Propesor Block: “Ang mga alon na iniulat ng Differential Microwave Radiometer na nakasakay sa COBE ang nakatatak mismo sa ating kosmos na umakay sa pagbuo ng mga galaksi bilyun-bilyong taon na ang nakalilipas.”

Mga Implikasyon ng Ebidensiya

Ano ang ating masasabi sa katotohanan na ang uniberso’y may pasimula? Sinabi ni Robert Jastrow: “Matatawag mo itong big bang, pero may katumpakang matatawag mo rin itong sandali ng paglalang.” Si Penzias, na nakibahagi sa pagtuklas ng bakas ng radyasyon sa uniberso, ay nagsabi: “Inaakay tayo ng astronomiya sa isang pambihirang pangyayari, isang uniberso na nilalang mula sa wala.” At ganito naman ang binanggit ng lider ng pangkat ng COBE na si George Smoot: “Ang ating natuklasan ay ang ebidensiya ng pasimula ng uniberso.”

Makatuwiran bang ipasiya na kung may pasimula, o nilalang, ang uniberso, may Tagapagpasimula, o Lumalang, nito? Marami ang may ganitong palagay. Ganito ang ipinahayag ni Smoot tungkol sa mga natuklasan ng COBE: “Para na rin nating nakita ang Diyos.”

Mangyari pa, wala mang lumitaw na mga ebidensiya ng siyensiya nitong nakaraang mga dekada, milyun-milyon na ang naniniwala sa pambungad na pangungusap ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”​—Genesis 1:1.

Gayunman, hindi lahat ay kumikilala sa simpleng pangungusap na ito sa Bibliya. “Hindi nagugustuhan ng maraming siyentipiko ang ideya na ang uniberso ay may pasimula, isang sandali ng paglalang,” sabi ng pisikong si Stephen Hawking. “Hindi [nila] gusto ang higit-sa-siyensiyang implikasyon ng teoriya,” isinulat ni Michael J. Behe, “kung kaya nagsikap na mabuti upang makagawa ng mapagpipilian.”

Kaya ang mga tanong ay, Ang uniberso ba ay lumitaw, sa katunayan, sa ganang sarili nito? Ito ba’y basta nangyari lamang, o ito’y nilalang ng isang matalinong Maylalang? Maliliwanagan ka sa susunod na ebidensiya.

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

Nakatulong ang teleskopyo sa Mount Wilson sa pagpapakita na ang ating uniberso ay may pasimula

[Credit Line]

The Observatories of the Carnegie Institution of Washington

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share