Ginawa Para sa Isang Dakilang Layunin
GAYA nang nabanggit sa una, malaon nang tinititigan ng mga tao ang langit at nagtatanong, ‘Bakit kaya naririto ang lahat ng ito?’ Isang magaling na manunugtog noon ang buong-pagpapahalagang umawit: “Ang mga langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.”—Awit 19:1.
Ang ating napakagandang lupa ay naghahayag ng gayunding pangungusap. Halimbawa, pagkatapos ng isang paglipad sa kalawakan, ang astronot na si Charles M. Duke, Jr., ay bumulalas: “Ang lupa ang pinakamagandang tanawin sa kalawakan, pati na ang lahat ng mga kulay ng lupain, karagatan, at mga ulap nito.” Dagdag pa niya: “Ang pagtanaw rito mula sa karimlan ng kalawakan ay maituturing na isang sagradong karanasan.”
Ano ang iyong masasabi kapag nakatingin ka sa maliwanag at mabituing langit? O kapag minamasdan mo ang isang tanawin ng kahanga-hangang kariktan ng kalikasan sa lupa? Hindi mo ba naitatanong kung paano, o bakit ito lumitaw?
Pagpapabatid ng Kaniyang Layunin
Nagharap si Jehova ng isang tanong sa lalaking si Job: “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa?” (Job 38:4) Ang tanong ay nagsilbing dahilan upang magpakumbaba si Job, sapagkat siya, mangyari pa, ay hindi pa umiiral noon. Gayunman, malaon pa bago ng panahon ni Job, lumalang ang Diyos ng mga anak ayon sa kaniyang larawan—mga espiritung persona, mga anghel. (Awit 104:4, 5) Kaya sa pagpapatuloy ng kaniyang pagtatanong kay Job tungkol sa lupa, nagtanong ang Diyos: “Sino ang naglatag ng batong-panulok niyaon, nang magkakasamang humiyaw nang may kagalakan [ang mga anghel], at nang sumigaw sa pagpuri ang lahat ng mga anak ng Diyos?”—Job 38:6, 7.
Bakit gayon na lamang ang kagalakan ng mga anghel nang itatag ang lupa? Sapagkat maliwanag na alam nila na ang lupa ay natatangi sa lahat ng materyal na mga lalang ng Diyos. Marahil ay sandaling ipinakita pa nga ng Diyos sa mga anghel ang kaniyang maluwalhating layunin may kinalaman sa lupa. Nang maglaon, isiniwalat ni Jehova sa sangkatauhan na ‘hindi niya nilalang [ang lupa] sa walang kabuluhan, [kundi] inanyuan ito upang tahanan,’ oo, upang panirahan at tamasahin ng mga tao magpakailanman.—Isaias 45:18.
Matapos lalangin ang lalaki at babae, ipinabatid ni Jehova ang kaniyang layunin hinggil sa langit nang tagubilinan niya ang unang mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Nilalang ng Diyos ang mag-asawang tao na may makahimalang kapangyarihan na magluwal ng mga anak, at ang kaniyang layunin ay na ang buong lupa ay mapuno ng sakdal na mga tao na kababanaagan ng mabubuting katangian ng kanilang Maylalang.
Totoo, ang mga tao ngayon ay naninirahan sa lahat halos ng dako sa lupa, ngunit hindi sila nananahanan dito sa paraang makapupuri sa kanilang Maylalang. Ang mga tao’y nagkakasakit at namamatay, at hindi nila wastong pinangangalagaan ang lupa o ang mga kinapal na hayop dito. Nilalang ni Jehova ang mga tao na sakdal, at ang kaniyang layunin noon ay, pagsapit ng panahon, mapasailalim ang buong lupa sa pangangalaga ng isang matuwid na pamilya ng mga tao na magkakasamang nabubuhay magpakailanman sa isang makalupang paraiso.
Makaaasa tayong matutupad ang layuning ito. Bakit? Dahil sa pangako ni Jehova na anumang nilayon niya, kaniya “namang pangyayarihin din.” (Isaias 46:11; 55:11) Ang kaniyang Salita ay nagbibigay ng katiyakan: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4) Marahil ay naaalaala pa ng marami na pinangakuan ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang nagsisising manggagawa ng kasamaan na namatay sa tabi niya: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Paano mangyayari iyan?
Kung Paano Matutupad ang Layunin ng Diyos
Kapag ganap na ang pamamahala ni Kristo sa lupa, ang manggagawang ito ng kasamaan ay bubuhaying-muli sa lupa sa ilalim ng malaon-nang-ipinananalanging makalangit na pamamahala. (Awit 72:1, 5-8; Mateo 6:9, 10; Juan 18:36, 37; Gawa 24:15) Gayunman, bago maganap ang pagbuhay-muli sa mga patay, lilinisin ang lupa mula sa lahat ng mga tumatangging sumamba sa Diyos. Nangangako ang Bibliya: “Magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman.” At dagdag pa nito: “Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
Tiyak, matutupad ng pinakamatalinong Maylalang ng ating dakilang uniberso ang kaniyang layunin na punuin ang lupang ito ng mga taong kababanaagan ng kaniyang mabubuting katangian! (Genesis 1:27) Upang magkaroon ng pagkakataon ang mga tao na matutuhan kung paano ito isasakatuparan ng Diyos, naglaan siya ng isang aklat na maaaring basahin ng mga tao saanmang lugar.a Pansinin kung paano ito inilarawan ng isang lalaki sa Dayton, Ohio, E.U.A.:
“Hindi ko kailanman matatapos basahin ang aklat na ito sa buong buhay ko. Nagsimula ito sa ginawang pagwasak ng rebelyon sa isang magandang tahanan. Sumunod ang trahedya, kasakunaan, kalungkutan, at kamatayan. Habang dumarami ang pamilya, lalong bumibilis ang pagbulusok nito tungo sa kawalang pag-asa at karimlan. Lumipas ang mga siglo, bumangon at bumagsak ang mga bansa, libu-libong uri ng mga tao ang lumitaw, nakita ang bawat emosyon ng tao mula sa ganap at walang-pakundangang poot hanggang sa pag-ibig ng isang martir. Ang pag-asa, na sa simula’y isang katiting na kislap, ay lumaki tungo sa isang lubos na katiyakan. Isang sakdal na pamahalaan ang muling magtatatag ng magandang tahanan. Ang tagapamahala nito ay ang Hari, si Kristo Jesus. Ang pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos. Ang pamilya, ang lahi ng tao. Ang aklat ay ang Bibliya!”
Hinihimok ka namin na suriin ang pinakamahalagang aklat na ito, ang Bibliya. Karagdagan pa, inaanyayahan ka naming suriin ang detalyadong ebidensiya na ang unibersong ito at ang maraming katangian nito ay hindi nagkataon lamang. Masusumpungan mo ang isang matalinong pagsusuri hinggil sa bagay na ito sa aklat na Is There a Creator Who Cares About You? Sa pahina 32 ng magasing ito, malalaman mo kung paano ka makatatanggap ng isang kopya.
[Talababa]
a Tingnan ang Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 10]
“Pinakamagandang tanawin sa kalawakan”
[Credit Line]
Larawan ng NASA