Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 6/22 p. 12-14
  • Paano Ko Makakayanan ang Panunuya sa Akin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Makakayanan ang Panunuya sa Akin?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Sila Nanunuya
  • Pagtatanggol
  • Pagsasalita
  • Ang Subok na Pananampalataya ay Matibay na Pananampalataya
  • Mga Kabataang—Kristiyano Magpakatibay sa Pananampalataya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mga Kabataan—Hindi Kalilimutan ni Jehova ang Inyong Gawa!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Paano Ako Makapangangaral sa Aking mga Kaeskuwela?
    Gumising!—2002
  • Bakit Takót Akong Magpatotoo sa School?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 6/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Makakayanan ang Panunuya sa Akin?

ANG mga kabataan na iba ang kilos o pananamit sa kanilang mga kaedad ay maaaring maging mga biktima ng masakit na panunuya. Totoo ito sa mga kabataang Kristiyano, na ang paggawi ay talagang naiiba sa ibang mga kabataan. Hindi ba ganito ang sinabi ni Kristo tungkol sa kaniyang tunay na mga tagasunod: “Kung pinag-usig nila ako, ay pag-uusigin din nila kayo”?​—Juan 15:20.

Paano ito nakaaapekto sa mga kabataang Saksi ni Jehova? Ang ilan sa kanila ay nilibak dahil sa hindi sila nagdiriwang ng ilang pista opisyal; ang iba naman ay binabatikos dahil sa hindi nila pagsaludo sa bandila. Marami sa kanila ang ginugulo pa nga dahil sa hindi sila nag-aabuso sa droga, dahil sa sila’y matapat, at itinataguyod nila ang mga pamantayang moral ng Bibliya.

Hindi na bago ang situwasyong ito. Sa katunayan, ganito ang sabi ni apostol Pedro sa mga Kristiyano noong unang siglo: “Sa dahilang hindi kayo patuloy na tumatakbong kasama [ng mga tao ng mga bansa] . . . , sila ay nagtataka at patuloy na nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa inyo.” (1 Pedro 4:4) Ganito ang sabi sa ibang salin, kanilang “tinatawag kayo sa masasamang bansag” (Knox) o, “Iniinsulto nila kayo.”​—Today’s English Version.

Naranasan mo na bang kutyain dahil sa iyong mga relihiyosong paninindigan? Kung oo, lakasan mo ang iyong loob. Hindi ka nag-iisa! At masisiyahan kang malaman na maaari mong makayanan ang kabagabagang dulot ng panunuya sa iyo dahil sa iyong pananampalataya.

Kung Bakit Sila Nanunuya

Bakit pinagtatawanan ng ilan ang mga may paniniwala at paggawi na naiiba sa kanila? Kung minsan, ang mga nangungutya​—kagayang-kagaya ng mga maton​—ay walang-kapanatagan sa sarili. Baka libakin ka nila upang magpasikat sa harap ng kanilang mga kaedad. Malamang, kapag nag-iisa, iilan lamang sa gayong mga manggugulo ang may interes​—o lakas ng loob​—na punahin ka nang hayagan.

Sa kabilang banda, ang ilang manunuya ay “nagtataka,” gaya ng isinulat ni Pedro. Oo, baka talaga lamang na hindi nila maintindihan ang iyong paggawi. Halimbawa, kung isa ka sa mga Saksi ni Jehova, baka talagang iniisip nilang kakaiba ang hindi mo pagsali sa mga gawaing may kinalaman sa ilang pista opisyal. Baka nakatanggap pa nga sila ng pilipit na impormasyon tungkol sa mga Saksi mula sa mahigpit na mga mananalansang.

Anuman ang dahilan, kapag iniinsulto ka, baka sumang-ayon ka sa kawikaan sa Bibliya: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” (Kawikaan 12:18) Ngunit tandaan na yaong nagsasalita ng ganoon ay malamang na hindi gumagawa nito dahil sa ayaw nila sa iyo bilang isang tao. Malamang, ginagawa nila ang eksaktong sinasabi ng kawikaan sa Bibliya​—“nagsasalita nang di-pinag-iisipan.”

Gayunpaman, masakit ang mainsulto, katulad ng sugat na likha ng pagsaksak. Baka matukso ka pa nga na ikompromiso ang iyong pananampalataya para matigil lamang ang pang-iinsulto sa iyo. Kung gayon, paano mo makakayanan ang panunuya sa iyo dahil sa iyong mga paniniwala?

Pagtatanggol

Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano: Maging laging “handa na gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na mahigpit na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Upang maipagtanggol ang iyong pananampalataya, kailangan mong kumuha ng tumpak na kaalaman at maunawaan ang mga dahilan ng iyong mga paniniwala.

Gayunman, kailangan mo ring matutuhan kung paano ipahahayag ang iyong sarili sa iba taglay ang “matinding paggalang” o, gaya ng pagkakasalin ng The Bible in Basic English, “nang walang pagmamapuri.” Hindi mo dapat madama na nakahihigit ka sa iba dahil sa iyong kaalaman sa Bibliya at sa mga turo nito. Sa kabaligtaran, dapat mong pagsikapang taglayin ang saloobin ni apostol Pablo, na sumulat hinggil sa kaniyang ministeryo: “Ginawa kong alipin ng lahat ang aking sarili, upang matamo ko ang pinakamaraming tao.”​—1 Corinto 9:19.

Kung nauumid ka na ipagtanggol ang iyong pananampalataya, huwag kang masiraan ng loob. Ganiyan din ang nadama ng maraming kabataang Saksi. “Nang ako’y nasa elementarya,” sabi ni Jamal, “hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag sa iba kung bakit hindi ako nagdiriwang ng mga pista opisyal o sumasaludo sa bandila o kung bakit pa nga ako nagbabahay-bahay.” Ano ang nakatulong sa kaniya? “Patuloy akong tinulungan ng aking ama hanggang sa naipaliliwanag ko na ang mga bagay na ito, at malaki ang nagawa nito.” Kung nahihirapan kang magpaliwanag sa iba ng iyong mga paniniwala, marahil ay makahihingi ka ng tulong sa isang magulang o isa pang maygulang na miyembro ng kongregasyong Kristiyano para maunawaan mong mabuti ang kaalaman ng Diyos.​—Efeso 3:17-19.

Sinabi ng isang 16-anyos na kabataang Saksi na ang isang programa ng personal na pag-aaral sa Bibliya ay nakatulong sa kaniya na magkaroon ng lakas ng loob upang magsalita sa paaralan. “Dati-rati, kapag tinutukso ako ng aking mga kaklase tungkol sa aking pagiging Saksi, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko,” ang pag-amin niya. “Ngayon, bilang isang buong-panahong ebanghelisador, mas madalas kong pinag-aaralan ang Bibliya, at nakasasagot na ako. Ang pagsubaybay sa mga pinakabagong artikulo sa mga magasing Bantayan at Gumising! ay nakatutulong sa akin na ipakipag-usap sa aking mga kaeskuwela ang tungkol sa aking mga paniniwala.”

Sabihin pa, hindi pare-pareho ang mga situwasyon. Kaya ang magkakaibang kalagayan ay humihiling ng magkakaibang pagtugon. Gayunman, kapag pinupukaw ang iyong galit dahil sa nakasasakit na pananalita, hindi kailanman wasto ang “gumanti ng masama para sa masama.” (Roma 12:17-21) Ang nakaiinsultong tugon, gaano man kahusay ang pagsasabi nito, ay magdaragdag lamang ng gatong sa apoy at baka humila pa nga ng higit pang pang-iinsulto. Kaya naman, nasumpungan ng ilan na mas maigi kung hindi na lamang papansinin ang pang-iinsulto.

Sa ilang kalagayan, gaya kung ang sinabi ay upang magpatawa lamang, baka isang katalinuhan pa na tawanan na lamang ang sinabi sa halip na ikagalit iyon. (Eclesiastes 7:9) Kung makita ng manunuya na bahagya lamang o walang epekto ang kaniyang mga sinasabi, baka ihinto na niya ang pang-iinis.​—Ihambing ang Kawikaan 24:29; 1 Pedro 2:23.

Pagsasalita

Subalit may mga pagkakataon na baka puwedeng magbigay ng maikli at mataktikang paliwanag tungkol sa iyong mga paniniwala. Sinubukan ito ng isang 13-anyos na batang babae at maganda ang naging resulta. “Papunta na ako sa klase,” sabi niya, “nang pagtawanan ng ilang estudyante ang mga Saksi ni Jehova. Gusto kong magsalita, pero basta na lamang sila umalis at patuloy akong pinagtawanan​—maliban sa isa.” Ganito ang paliwanag ng estudyanteng Saksi: “Lumapit sa akin ang isang babaing nagngangalang Jaimee at sinabi niya sa akin na mayroon siyang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.a Sinabi niya na halos natapos na niyang basahin iyon at interesado siyang makakuha ng higit na impormasyon tungkol sa ating mga paniniwala. Sinimulan kong makipag-aral ng Bibliya kay Jaimee.” Palibhasa’y napatibay sa kaniyang karanasan, ang kabataang Saksi ay nagsimulang makipag-usap sa iba pang kabataan. “Regular kong dinadalaw ang apat na kamag-aral na nagpakita ng interes at natitiyak kong malapit na silang makipag-aral,” sabi niya.

Ilang taon na ang nakalilipas, kahawig nito ang naging karanasan ng isang estudyante sa bansang Liberia sa Aprika. Sa isang klase sa sosyolohiya, magalang niyang ipinaliwanag na bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, naniniwala siya sa paglalang sa halip na sa ebolusyon. Sa simula, marami sa kaniyang mga kaklase ang talagang pumuna. Ngunit hinayaan siya ng guro na ipaliwanag sa klase ang kaniyang mga paniniwala, anupat pagkatapos nito ay tumanggap ang guro ng aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?b

Matapos basahin ang aklat, sinabi ng guro sa klase: “Walang katulad ang aklat na ito. Ito ang isa sa pinakamahuhusay na aklat ng siyensiya tungkol sa paglalang na nabasa ko kailanman.” Saka ipinaliwanag ng guro na nilayon niyang gamitin ang aklat na Creation kalakip ang aklat aralin ng klase para sa susunod na dalawang semester, at inutusan niya ang klase na kumuha ng mga kopya mula sa estudyanteng Saksi. Napakaraming aklat ang naipasakamay, at maraming estudyante ang nagbago ng kanilang pangmalas sa mga Saksi ni Jehova!

Ang Subok na Pananampalataya ay Matibay na Pananampalataya

Totoo, paminsan-minsan ay baka manghina ang loob mo dahil sa napakarami ang hindi naniniwala​—o nakauunawa​—sa iyong salig-sa-Bibliya na paninindigan. (Ihambing ang Awit 3:1, 2.) Kung gayon, isang katalinuhan na makisama sa mga taong may paninindigan at paniniwala na kapareho ng sa iyo. (Kawikaan 27:17) Pero paano kung wala kang kapananampalatayang kabataan sa inyong paaralan o pamayanan?

Kung ganiyan ang situwasyon, tandaan mo na ang iyong pinakadakilang Kaibigan ay ang Diyos na Jehova, at aalalayan ka niya. Libu-libong taon na siyang pinupuntirya ng panunuya ni Satanas na Diyablo. Kaya naman, makatitiyak tayo na nagagalak si Jehova kapag matibay kang naninindigan sa iyong pananampalataya. Ang gayong landasin ay nagbibigay sa kaniya ng pagkakataong ‘masagot si Satanas, na tumutuya sa kaniya.’​—Kawikaan 27:11.

Maaasahan lamang na sa pana-panahon, ang iyong pananampalataya ay susubukin. (2 Timoteo 3:12) Gayunman, tinitiyak sa atin ni apostol Pedro na ang subok na katangian ng ating pananampalataya ay “may lalong nakahihigit na halaga kaysa ginto na nasisira sa kabila ng pagkasubok dito ng apoy.” (1 Pedro 1:7) Kaya naman, kapag ikaw ay dinudusta dahil sa iyong pananampalataya, ituring mo ito na isang pagkakataon upang patibayin ang iyong pananampalataya at ipakita ang iyong pagbabata. Sumulat si apostol Pablo na ang pagbabata ay umaakay sa isang “sinang-ayunang kalagayan.” (Roma 5:3-5) Oo, ang hangaring makamit ang pagsang-ayon ni Jehova ay isang mabisang pangganyak upang makayanan mo ang panunuya sa iyo dahil sa iyong pananampalataya!

[Mga talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 13]

Maipagtatanggol mo ba ang iyong pananampalataya?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share