Ang Iyong Istilo ng Pamumuhay—Ano ang mga Panganib?
HIGIT kailanman, ngayon lamang bumuti ang kalakaran hinggil sa kalusugan sa maraming paraan. Ganito ang sabi ng ulat ng World Health Organization (WHO) noong 1998: “Mas marami ngayon kaysa noon ang sa paanuman ay nabibigyan ng pangangalaga sa kalusugan, malinis na suplay ng tubig at mga pasilidad para sa sanitasyon.” Sabihin pa, ang kalakhang bahagi ng populasyon ng daigdig ay dumaranas pa rin ng mababang uri ng kalagayan ng pamumuhay, ngunit gaya ng iniulat ng British Broadcasting Corporation, “ang karalitaan sa daigdig ay higit na nabawasan nitong nakalipas na 50 taon kaysa noong nakaraang 500 taon.”
Dahil sa pagsulong sa mga sistema ng pangangalaga sa kalusugan sa daigdig, nadagdagan pa ng ilang taon ang aberids ng inaasahang haba ng buhay sa buong daigdig mula pagkasilang. Noong 1955, ang aberids ay 48 taon. Pagsapit ng 1995 lumundag ito sa 65 taon. Ang isang dahilan ng pagsulong na ito ay ang mga pag-unlad na nagawa laban sa mga sakit ng mga bata.
Mga 40 taon lamang ang nakalilipas, 40 porsiyento ng lahat ng namamatay ay mga batang wala pang limang taon. Gayunman pagsapit ng 1998, sa pamamagitan ng bakuna, karamihan sa mga bata sa daigdig ay nabigyan na ng panlaban sa mga pangunahing sakit ng mga bata. Kaya naman, ang bilang ng lahat ng batang namamatay na wala pang limang taon ay bumaba at naging 21 porsiyento na lamang ng lahat ng namamatay. Ayon sa WHO, nagkaroon na ng “di-mapag-aalinlanganang kalakaran tungo sa mas malusog at mas mahabang buhay.”
Mangyari pa, ang mas mahabang buhay na may bahagyang pagsulong lamang sa kalidad nito ay isang mababaw na tagumpay. Sa paghahangad ng mas mabuting kalagayan ng pamumuhay, marami ang nagtutuon ng labis-labis na pansin sa materyal na mga bagay. Gayunman, ang gayong istilo ng pamumuhay ay may kaakibat na mga panganib sa kalusugan.
Mas Maiging Istilo ng Pamumuhay?
Ang kamakailang mga pagsulong sa lipunan at ekonomiya ay nagdulot ng napakalalaking pagbabago sa istilo ng pamumuhay ng mga tao. Posible na ngayon para sa maraming nasa mauunlad na bansa na makabili ng mga bagay-bagay at mga serbisyo na noon ay ang mas mayayaman lamang ang nakagagawa. At bagaman lumaki ang pag-asa ng isang mas mahabang buhay dahil sa mga pag-unlad na ito, marami pa rin ang nahihikayat na pumasok sa isang istilo ng pamumuhay na nakapipinsala sa sarili.
Halimbawa, ginamit ng milyun-milyon ang kanilang sumulong na kakayahan sa pamimili upang bumili ng di-kailangang mga bagay na gaya ng nakalululong na droga, alkohol, at tabako. Nakalulungkot, pawang napakadaling hulaan ang magiging resulta. “Ang pinakamabilis lumagong panganib sa kalusugan ng mamamayan sa daigdig ay hindi sakit,” sabi ng magasing World Watch, “kundi produkto.” Dagdag pa ng magasin: “Sa loob ng 25 taon, inaasahang malalampasan pa ng mga karamdamang dulot ng tabako ang nakahahawang sakit bilang nangungunang panganib sa kalusugan ng tao sa buong daigdig.” Ganito pa ang sabi ng Scientific American: “Isang nakagugulat na 30 porsiyento ng nakamamatay na mga kanser ang pangunahin nang maisisisi sa paninigarilyo, at ang isang katumbas na bilang naman ay sa istilo ng pamumuhay, lalo na sa mga kaugalian sa pagkain at kawalan ng ehersisyo.”
Walang-alinlangan, ang ating mga kagustuhan hinggil sa paraan ng ating pamumuhay ay may malaking epekto sa ating kalusugan. Kung gayon, paano natin mapangangalagaan o mapasusulong ang ating kalusugan? Sapat na ba ang pagkain at ehersisyo? Karagdagan pa, anong papel ang ginagampanan ng mental at espirituwal na mga salik sa isang malusog na istilo ng pamumuhay?