Ikaw na Mahilig sa Araw—Ingatan ang Iyong Balat!
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
GUSTO mo bang magbakasyon sa dalampasigan? Gusto mo bang maglakad-lakad sa kabundukan? Kung gayon, isa ka sa milyun-milyon na nasisiyahan sa mga gawain sa labas ng bahay. Gayunman, isang babala: Kalimitan nang nangangahulugan ito ng karagdagang pagkabilad sa araw. May panganib ba rito? Kung mayroon, paano mo maiingatan ang iyong sarili?
“Ang iyong balat ang pinakamalaki at isa sa kitang-kitang sangkap ng iyong katawan,” sulat ni Dr. W. Mitchell Sams, Jr. Ang iyong balat ay tumutulong upang pangalagaan ang iyong katawan laban sa pagkatuyo at mapanatili kang mainit. Nagagawa nitong madama mo ang lamig, init, kirot, at panginginig, gayundin ang magaspang o makinis na mga ibabaw. Mahalagang papel din ang ginagampanan ng iyong balat sa paggawa ng bitamina D, na kailangan sa pagbuo ng buto. Ang paggawang ito ng bitamina D ay nagaganap sa tulong ng sikat ng araw.
Gayunman, nariyan ang lumalaking panganib sa labis-labis na pagbibilad ng balat sa sikat ng araw. Ang radyasyon mula sa araw na nakararating sa ibabaw ng lupa ay binubuo ng infrared at nakikitang liwanag, gayundin ng ultraviolet na liwanag sa pagitan ng A at B (UVA at UVB). Mabuti na lamang, sinisipsip ng atmospera ang mga cosmic ray, gamma ray, at mga X ray na inilalabas ng araw. Mabisang hinahadlangan ng ozone layer sa atmospera ang radyasyon ng ultraviolet C (UVC) at sinasala ang karamihan ng mga UVA at UVB. Nakalulungkot, nasisira ang ozone layer na ito sa maraming dako. Isinisisi ng maraming siyentipiko ang problema sa ilang sangkap na gamit sa mga repridyeretor at mga aerosol propellant. Sa paano man, ang pagbibilad sa araw ay higit at higit na nagiging mapanganib sa iyong kalusugan.
Bukod pa sa pagkasunog ng balat dahil sa araw, ang mga ultraviolet ray ay maaari ring maging sanhi ng kayumangging mga batik at unti-unting pangangapal at panunuyo ng iyong balat. Maaari ring pahinain ng ultraviolet ang mga elastic fiber ng iyong balat, anupat nagbubunga ng maagang pagtanda, pati na ang kinatatakutang mga kulubot. Masahol pa, ang labis-labis na pagkabilad sa ultraviolet ay makahahadlang sa sistema ng imyunidad ng iyong katawan at maaaring humantong sa pagkakaroon ng mga sugat at kanser sa balat. Bukod pa rito, ang napinsala o maysakit na balat ay nakaaapekto sa iyong hitsura at sa ilang kaso ay maaaring magpadama ng kawalan ng kasiguruhan at panlulumo pa nga.
Ano ang Magagawa Mo?
Kailangan ng iyong balat ang pang-araw-araw na proteksiyon mula sa araw na katulad ng proteksiyon na kailangan nito sa sandaling mga panahon ng matinding pagbibilad. Ano ang magagawa mo? Bukod sa pagsusuot ng pananggalang na pananamit at pagbawas sa panahon na ikaw ay nakabilad sa araw, masusunod mo ang payo ng mga dalubhasa na nagrerekomenda sa paggamit ng isang sunscreen (losyon na nangangalaga sa iyong balat mula sa labis na radyasyon). Paano tayo makapipili ng isang mabisang sunscreen? Tingnan ang sun protection factor (SPF) na ipinapakita ng manggagawa. Mientras mas mataas ang bilang, mas malaki ang proteksiyon. Kailangan ng mga taong mapuputi ang mga sunscreen na mas marami ang SPF kaysa kailangan ng mas maitim ang kutis. Isang babala: Ang SPF ay tumutukoy lamang sa proteksiyon ng sunscreen laban sa radyasyon ng UVB. Kaya nga, piliin ang mga sunscreen na nangangalaga sa maraming radyasyon, na naglalaan din ng proteksiyon laban sa radyasyon ng UVA.
Ang mga bata, partikular na yaong mapuputi, ay lalo nang sensitibo sa araw. Isa pa, sinabi ng publikasyong Fotoproteção (Proteksiyon sa liwanag), ang mga bata ay kadalasang mas nabibilad sa sikat ng araw kaysa sa mga nasa hustong gulang. Ang paggawa ng mga hakbang upang pangalagaan ang balat ng inyong anak mula sa araw sa unang 18 taon ng kaniyang buhay ay lubhang makababawas sa tsansang magkaroon siya ng kanser sa balat, sabi ng Fotoproteção.
Mahalaga sa buhay sa lupa ang sikat ng araw. At sino ang hindi nasisiyahan sa maganda’t maaraw na panahon? Subalit huwag kang palilinlang sa popular na mga larawan na nagtatampok ng kulay-tansong balat bilang huwaran ng kagandahan at kabataan! Ingatan ang iyong kalusugan—ingatan ang inyong balat mula sa labis-labis na pagkabilad sa araw.
[Kahon sa pahina 23]
Pangalagaan ang Iyong Balat!
1. Ingatan ang iyong sarili mula sa araw lalo na sa pagitan ng ika-10:00 n.u. at ika-4:00 n.h., kung kailan pinakamatindi ang sikat ng araw.
2. Kahit sa maulap na mga araw, gumamit ng sunscreen para sa maraming radyasyon na nagsasanggalang laban sa mga silahis ng UVA at UVB at na may 15 o higit pang sun protection factor.
3. Muling magpahid ng sunscreen tuwing dalawang oras kapag nasa labas ng bahay, lalo na kung ikaw ay lumalangoy o pinagpapawisan.
4. Magsuot ng pananamit na pananggalang at siksik ang pagkakahabi. Mas maraming proteksiyon ang naibibigay ng madidilim na kulay.
5. Magsuot ng sombrero na ang dahon ay hindi-kukulangin sa apat na pulgada at may kulay na mga salamin sa mata na may mga lenteng pananggalang sa ultraviolet.
6. Manatili sa lilim kailanma’t maaari.
7. Iwasan ang nakasisilaw na ibabaw, gaya ng tubig, buhangin, at niyebe, kung saan tumatalbog ang pinakamaraming nakapipinsalang mga sinag ng araw.
[Credit Line]
(Batay sa Skin Savvy, inilathala ng American Academy of Dermatology)
[Mga larawan sa pahina 23]
Ingatan ang iyong kalusugan at hitsura—ipagsanggalang ang iyong balat
Kailangan ang ekstrang pangangalaga sa mga lugar na doo’y tumatalbog ang mga sinag ng araw